“Kalayaang Pumili,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Kalayaang Pumili
Ang kaloob na pumili at kumilos para sa ating sarili
Bago ka isinilang, nabuhay ka bilang espiritung anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Natutuhan mo ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit para umunlad ka at maging katulad Niya. Ibinigay Niya sa iyo ang kaloob na moral na kalayaan sa pagpili, na ibig sabihin ay may kalayaan kang sundin ang Diyos at ang Kanyang plano o hindi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:78). Ang alituntunin ng kalayaang pumili ay nagbibigay sa iyo ng kapangyarihang kumilos para sa iyong sarili (2 Nephi 2:16). Nangangahulugan din ito na may pananagutan ka sa iyong mga pagpili (tingnan sa Helaman 14:29–31).
Sa premortal na daigdig, si Satanas ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3), at marami ang sumunod sa kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:35–36). Ang katotohanang narito ka sa lupa ay nangangahulugang ginamit mo ang iyong kalayaang pumili upang tanggapin ang plano ng Diyos at sundin Siya (tingnan sa Abraham 3:24–26, 28). Sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo, palalakasin ka ng Diyos sa iyong mga pagsisikap na gamitin ang moral na kalayaan sa pagpili para sumunod sa Kanya. Kapag pinili mong maging matwid, matutuklasan mo ang higit na kapayapaan at kagalakan at sa huli ay magiging karapat-dapat ka na tumanggap ng buhay na walang hanggan.
Bahagi 1
Mananagot Ka sa mga Pagpiling Ginagawa Mo sa Buhay na Ito
Napakaraming pagpili ang ginagawa mo sa araw-araw sa mga bagay na iniisip, sinasabi, at ginagawa mo. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na ilan sa ating mga pasiya “ay walang kaibhang magagawa sa walang hanggang plano, at ang iba ay gagawa ng malaking kaibhan.”1 Sa tulong ng Diyos, malalaman mo kung aling mga pagpili ang pinakamahalaga.
Ang isa sa mga dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos ang Kanyang mga anak sa lupa ay upang “subukin … sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Sa mundong ito, mararanasan mo ang “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11), hindi mabilang na mga pagkakataong gamitin ang iyong kalayaang pumili. Balang-araw, pananagutin ka sa iyong mga inisip, sinabi, at ginawa (tingnan sa Mosias 4:30). Ang paraan ng paggamit mo ng moral na kalayaan sa pagpili ay maghuhubog sa iyong karanasan sa buhay na ito at sa daigdig na darating.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Sa malaking pagkakabaha-bahagi ng lahat ng nilikha ng Diyos, may mga bagay na kumikilos at mga bagay na pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:13–14). … Dahil napagkalooban ng kalayaan, tayo ang mga kinatawan ng ating sarili, at tayo ang talagang kumikilos at hindi pinakikilos.”2 Paano nililinaw ng pahayag na ito ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng iba pa Niyang mga nilikha? Sa iyong palagay, bakit mahalagang bahagi ng plano ng Diyos ang alituntunin ng moral na kalayaan sa pagpili para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak?
-
Isiping basahin ang itinuro ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob tungkol sa kahalagahan ng kalayaang pumili sa 2 Nephi 2:26–29. Paano mo ilalarawan ang mga inilahad tungkol sa kalayaan at pagkabihag na binanggit sa mga talata mula sa banal na kasulatan na ito? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talata mula sa banal na kasulatan na ito kung paano “pipiliin ang buhay na walang hanggan”?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Panoorin ang video na “The Ten Virgins” (1:40) o magkakasamang basahin ang talinghaga tungkol sa sampung birhen sa Mateo 25:1–13. Talakayin kung ano ang itinuturo ng talinghagang ito tungkol sa kalayaang pumili. Pag-usapan ang mga paraan na pipiliin ninyo upang maghanda sa pagharap sa Tagapagligtas.
Alamin ang iba pa
-
2 Nephi 2:26; Alma 41:3–7; Helaman 14:30–31; Doktrina at mga Tipan 29:39; 58:27–28; 93:31–32; Moises 4:1–4
-
Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library
-
Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92
-
Dallin H. Oaks, “Pagsalungat sa Lahat ng Bagay,” Liahona, Mayo 2016
-
D. Todd Christofferson, “Moral Agency,” Ensign, Hunyo 2009, 46–52
-
“War in Heaven” (video), Gospel Library
Bahagi 2
Pinili ni Jesucristo na Gawin ang Kalooban ng Ama sa Lahat ng Bagay
Noong 12 taong gulang si Jesus, natuklasan nina Maria at Jose na hindi nila Siya kasama habang naglalakbay sila pauwi mula sa Jerusalem. Natagpuan nila Siya sa templo na sumasagot sa mga tanong ng mga taong nag-aral ng batas ng Diyos. Tinanong ni Maria si Jesus kung alam ba Niya na hinahanap nila Siya. Tumugon si Jesus, “Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” (Lucas 2:49). Si Jesus ay palaging gumagawa ng mga desisyon batay sa kalooban ng Kanyang Ama (tingnan sa Lucas 22:42; 3 Nephi 11:11; 27:13). Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng paggamit ng moral na kalayaan sa pagpili ng kabutihan at hindi ang sariling kagustuhan at kasalanan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Naranasan ni Jesucristo ang mga tukso sa Kanyang mortal na buhay, tulad natin (tingnan sa Mga Hebreo 4:15; Mosias 3:7; Alma 7:11). Basahin ang Mateo 4:1–11. Ano ang matututuhan mo mula sa tugon ni Jesus nang tangkain ni Satanas na tuksuhin Siya na piliin ang masama?
-
Sa mensaheng “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ano ang ibig sabihin ng daigin ang mundo? Ang ibig sabihin nito ay pagdaig sa tukso na higit na pahalagahan ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay pagtitiwala sa doktrina ni Cristo kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao. Ang ibig sabihin nito ay pagkalugod sa katotohanan, pagtuligsa sa panlilinlang, at pagiging ‘mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo’ [2 Nephi 28:14]. Ang ibig sabihin nito ay pagpiling umiwas sa anumang nagpapalayo sa Espiritu. Ang ibig sabihin nito ay pagiging handang ‘talikuran’ maging ang mga paborito nating kasalanan [Alma 22:18].”3 Paano magagabayan ng pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo ang iyong pagsisikap na daigin ang mundo?
-
Ano ang ilang bagay na makahahadlang sa iyo sa pagsunod sa kalooban ng Ama? Ano ang magagawa mo para mas lubos mong masunod Siya?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kadalasan ang mga pagpili natin ay hindi sa pagitan ng tama at mali o mabuti at masama. Magkakasamang basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. Kahit mas mahal ang isang napili, lalong higit ang pakinabang nito kaya pinakamagandang piliin ito sa lahat.”4 Pag-usapan ang ilang alituntunin na makatutulong sa inyo kapag pumipili kayo ng mga opsiyon na maganda, mas maganda, o pinakamaganda. Ano ang matututuhan ninyo mula sa halimbawa ni Jesucristo kapag pumipili kayo?
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104–8
-
Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104–6
-
“Know This, That Every Soul Is Free,” Hymns, blg. 240; “Susundin Ko ang Plano ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 86–7
Bahagi 3
Hayaang Manaig ang Diyos sa Iyong Buhay
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “May kalayaan tayong lahat. … Puwede nating piliing hayaan ang Diyos na manaig sa ating buhay, o hindi. Maaari nating piliin ang Diyos na maging pinakamalakas na impluwensya sa ating buhay, o hindi.”5 Kapag handa kang magpasiyang sundin ang Diyos sa mga pagpiling ginagawa mo, ipinapakita mo na prayoridad mo ang Kanyang plano sa iyong buhay.
Ang pagpiling maniwala ay isa sa mga unang hakbang sa wastong paggamit ng iyong kalayaan. Ang paniniwala kay Jesucristo ay nagpapalakas ng iyong pananampalataya at tiwala sa Kanya. Nais din ni Cristo na maniwala ka sa Kanyang mga salita na inihayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta habang patuloy ang Pagpapanumbalik ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Kapag pinili mong manampalataya at maniwala, makatatanggap ka ng higit pang espirituwal na pang-unawa at malilinawagan ka kapag gumagawa ka ng mga desisyon. Mag-iibayo ang hangarin mong maging masunurin, at mas malamang na piliin mo ang landas na patungo sa buhay na walang hanggan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”6 Anong mga pagpili ang nakatulong sa pagsulong mo sa landas ng tipan ng Panginoon? Anong mga pagpili ang gagawin mo na tutulong sa iyo na manatili sa landas?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Anyayahan ang iba na magsalita tungkol sa mga karanasan nila nang hindi nabago ang kanilang buhay tulad ng inaasahan nila. Pag-usapan ang mga naisip at nadama nila na dulot ng mga karanasang iyon. Basahin nang magkakasama ang Isaias 55:8–9 at talakayin kung bakit ang alituntuning hayaang manaig ang Diyos ay nagdudulot ng kapayapaan at pagtitiwala.
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95
-
Gerrit W. Gong, “Piliing Hayaang Manaig ang Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022, 2–5
-
Randall K. Bennett, “Piliin ang Buhay na Walang Hanggan,” Liahona, Nob. 2011, 98–100