“Piliing Hayaang Manaig ang Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Piliing Hayaang Manaig ang Diyos
Tatlong pagpiling magagawa mo ang mag-aanyaya lalo ng kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay.
Sa ating mortal na paglalakbay, inaanyayahan tayo ng Panginoon na tanggapin Siya bilang ating Gabay. Mas mahal at mas kilala tayo ng Ama sa Langit kaysa sa pagmamahal at pagkakilala natin sa ating sarili. Binibigyan Niya tayo ng mga banal na kasulatan, propeta, panalangin, kaloob na Espiritu Santo, at iba pang mga paraan para matanggap ang Kanyang patnubay.
Magtiwala sa Kanya. Hayaang patnubayan Niya ang iyong mga landas (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6). Sa paggawa ninyo nito, mahahayaan mong manaig ang Diyos sa iyong buhay. Ito ang ipinagagawa sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson (tingnan sa “Hayaang Manaig ang Diyos,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2020 [Ensign o Liahona, Nob. 2020, 92–95]).
Narito ang tatlong pagpili na makatutulong sa iyo na hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay.
1. Piliing Maniwala
Ang paniniwala ay pagpili. Kabilang sa pananampalataya ang iyong hangarin at kahandaang kumilos. Kapag pinili mo ang pananampalataya, nakakakita at namumuhay ka sa ibang paraan—sa paraan ng Diyos.
Damhin ang paglago at paglalim ng iyong kaligayahan at kagalakan habang pinipili mong maniwala at mamuhay nang may pananampalataya sa landas ng tipan ng Diyos.
Kapag nag-aaral at nagdarasal ka na magawa ang pinakamabuti mong mga desisyon, madalas kang makatatanggap ng patnubay, proteksyon, o landas na hindi mo maiisip o aasahan.
Magbubukas ang Panginoon ng magagandang oportunidad para sa iyo. Ang paghahayag mula sa Espiritu Santo ay nadarama sa iyong puso at isipan. Ang mga ito ay kadalasang inilalarawan bilang mainit at komportableng damdamin. Ipinahihiwatig nito sa iyo na gawin lamang ang mabuti at tama.
Huwag sana ninyong isipin na may mga espirituwal na karanasan ang iba at ikaw ay wala. Maging matiyaga sa Diyos at sa iyong sarili. Ang mga espirituwal na karanasan ay dumarating nang taludtod sa taludtod, sa paisa-isang karanasan.
Bawat linggo kapag gumagawa at nagpapanibago ka ng mga tipan sa pamamagitan ng ordenansa ng sakramento, pagnilayan at alalahanin si Jesucristo. Tandaan nang may pasasalamat ang iyong mga pagsisikap na paglingkuran ang Diyos at ang mga nasa paligid mo. Kapag ikaw ay nananampalataya at nagsisikap, ipinapangako ko na pagpapalain ka at ang mga taong mahal mo sa buong buhay mo.
Sa pagpiling maniwala, ginagawa mo ang mahalagang hakbang para hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay.
2. Piliing Maging Mabuti
Masaya tayo kapag gumagawa tayo ng mabubuting desisyon.
Kung minsan, kailangan mo ng tapang na pumanig sa iyong mga kaibigan. Sa ibang mga pagkakataon maaaring kailangan mo ng lakas-ng-loob na medyo lumayo nang kaunti—hindi para hatulan sila o madamang nakahihigit kundi para piliin ang tama sa pamamagitan ng paggawa ng bagay na naiiba.
Tandaan lamang: Ang mga tunay na kaibigan ay hindi hinihiling sa atin na panoorin ang mga bagay, gawin ang mga bagay, o kumain, uminom, o gumamit ng mga bagay na makasasakit sa atin o sa iba. Ang matatalik na magkaibigan ay tinutulungan ang isa’t isa na maging pinakamabuti.
Maging tunay na kaibigan at makikita o magkakaroon ka ng tunay na mga kaibigan. Maging tunay at mapagkakatiwalaang kaibigan na tumutulong sa mga nasa paligid mo na mahalin ang Panginoon at ipamuhay ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Maaaring kakaunti o marami ang iyong mga tunay na kaibigan, ngunit maraming taon mula ngayon, kayo ay matutuwa na magkasama kayong naging matatag sa ebanghelyo.
Maaari ba akong magbahagi ng isang bagay na natutuhan ko tungkol sa pagpili ng mga kaibigan? Panoorin kung ano ang nagpapatawa sa kanila. Ang nagpapatawa sa atin ay maraming sinasabi tungkol sa atin.
Hanapin ang mga kasamang tumatawa, hindi nagtatawa; na nagsasali sa iba at nag-aanyaya ng mas maraming tao, hindi nagtataboy ng iba; na mabait at hindi nang-aapi o pinagtatawanan ang iba nang personal o online, lalo na ang mga may problema sa katawan o kaisipan o ang mga bago o mula sa ibang bansa o pinagmulan.
Maging magaan ang kalooban, hindi walang kaseryosohan. Ang ibig sabihin ng magaan ang kalooban ay makabuluhan at mabuting pagpapatawa—marami nito. Sa kabilang banda, maaaring kabilang sa walang kaseryosohan ang pagtatawa sa mga sagradong bagay, paggamit ng masamang pananalita, o paggawa ng bagay na nakakaakit sa mundo.
Tulad ng itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 88:40, ang mga bagay na magkatulad ay naaakit sa isa’t isa. Maging ang kaibigan na nais mong makasama. Humanap ng mga kaibigan na tumutulong sa iyo na maging kung ano talaga ang gusto mong kahinatnan.
Ang pagpiling maging mabuti at hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay ay kinapapalooban ng pagbabago at paglapit sa Diyos kahit nagkakamali tayo, na nagagawa nating lahat. Kung nakokonsensya ka o parang hindi ka karapat-dapat, hayaang tulungan ka ng iyong bishop, mga lider, at iba pa na nagmamahal sa iyo. Hayaang suportahan at hikayatin ka ng Diyos at ng ating komunidad ng mga Banal kung nahaharap ka sa mga hamon o kawalang-katiyakan. Sa tuwina, palaging nasa panig mo at kasama mo ang Diyos. Kahit na nalilihis ka, tumatawag Siya, handang tanggapin kang muli. Sa Diyos, hindi imposibleng bumalik.
Hinahayaan nating manaig ang Diyos kapag pinili nating maging mabuti.
3. Piliing “Magsitigil o Manahimik”
Magiliw na ipinapangako ng Ama sa Langit, “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” (Mga Awit 46:10).
Kailangan nating magkusang magdahan-dahan at “magsitigil.” Kailangan ang pagiging bukas sa espirituwal at pagpapakumbaba para “kilalanin na [ang Diyos ay] Diyos.” Kung minsan ang hindi gaanong pagtutuon sa mga bagay na hindi mahalaga ay tutulong sa ating mahanap ang pinakamahalaga.
Matutong makita ang kamay ng Diyos sa Kanyang mga nilikha.
Maghanap ng kabutihan at kahulugan sa mga banal na ugnayan—kabaitan, paglilingkod, kaluguran, mabuting kasayahan.
Kung minsan, magdahan-dahan, mag-unplug, at kumonekta sa mga espirituwal na paraan sa langit at sa mga nasa paligid mo.
Pakiusap, “kayo ay magsitigil at kilalanin na [Siya ang] Diyos.” Hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay.
Nais Niya Tayong Pagpalain
Ang Panginoon ay mabait at mapagpala. Kung gagawin natin ang lahat, bibigyan Niya tayo ng kakayahang gawin ang higit pa sa magagawa natin.
Pinarami ng Panginoon ang mga tinapay at isda (tingnan sa Mateo 6; 14). Gayundin, pinalalaki Niya ang ibinibigay natin at ginagawa ito nang higit pa sa inaakala natin.
Mahal ka ng Ama sa Langit at ang tanging hangad Niya ay ang pinakamabuti para sa iyo. Hayaang Siya ang maging Gabay mo sa iyong landas sa buhay. Kapag hinayaan mong manaig ang Diyos sa iyong buhay, hinahayaan mong paramihin Niya ang mga pagpapalang nais Niyang ibigay sa iyo. Naghahatid ito ng walang-hanggang kagalakan sa Kanya at sa iyo.