“Ang Iyong Aklat ng mga Posibleng Mangyari,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Ang Iyong Aklat ng mga Posibleng Mangyari
Malaki ang maitutulong sa iyo ng iyong patriarchal blessing. At makapaghahanda ka ngayon na matanggap ito.
Madalas itanong sa akin ng mga kabataan, “Paano ko malalaman kung handa na akong tanggapin ang aking patriarchal blessing?” Napakagandang tanong! Malamang na kung nagtatanong ka, baka handa ka na.
Ano ang Patriarchal Blessing?
Ang patriarchal blessing ay inspiradong pagpapala mula sa Ama sa Langit na ibinibigay ng isang inorden na patriarch, na karaniwang mula sa inyong stake. Ito ay personal na mensahe ng paghahayag na para lang sa iyo. Ang iyong blessing ay magbibigay sa iyo ng payo, mga babala, at pangako na tutulong na gabayan ang iyong buhay.
Inilarawan ni Karl G. Maeser, dating prinsipal ng Brigham Young Academy, ang mga pagpapalang ito bilang “mga talata mula sa aklat ng mga posibleng mangyari.”1 Ang pagtanggap ng aking patriarchal blessing noong dalagita ako ay malaking tulong sa akin. Malaki rin ang maitutulong nito sa inyo!
Ano ang Matututuhan Mo sa Iyong Patriarchal Blessing?
Ang Iyong Identidad
Titiyakin sa iyo ng iyong blessing ang iyong banal na pamana bilang anak na babae o anak na lalaki ng mga magulang sa langit. Sa pamamagitan ng iyong blessing o basbas, muling pagtitibayin ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa iyo. Nais Niyang makabalik ka at muling makapiling Niya. Ang tagubilin na inihahayag Niya sa iyo sa iyong blessing o basbas ay tutulong sa iyo na manatili sa landas ng tipan pabalik sa Kanya. Madarama mo ang Kanyang pagmamahal tuwing binabasa mo ang iyong blessing o basbas.
Kasama rin sa iyong patriarchal blessing ang pahayag tungkol sa iyong angkan o lipi, na nagsasaad na ikaw ay kabilang sa sambahayan ni Israel—isang inapo ni Abraham at maaaring mapasaiyo ang lahat ng pagpapalang ipinangako sa kanyang mga inapo.2
Personal na Tulong at Patnubay
Isa sa mga pinakamalaking bahagi ng iyong patriarchal blessing ay ang indibiduwal na payo na matatanggap mo. Mas kilala ka ng Ama sa Langit kaysa kilala mo ang sarili mo. Kaya nga ang pagsunod sa partikular na payo na ibinibigay Niya sa iyo ay tutulong sa iyo ngayon at sa buong buhay mo.
Noong dalagita pa ako, naaalala ko na tinukso ako ng lahat ng uri ng makamundong pagpili. Nang dumating ang mga tuksong iyon, iniisip ko ang aking patriarchal blessing. Ang payo at mga pangako sa aking blessing o basbas ay nagbigay sa akin ng lakas at tapang na gumawa ng mabubuting pagpili.
Huwag panghinaan-ng-loob kung may ilang bagay na nakasaad sa iyong blessing na hindi nangyayari kaagad. Ang iyong blessing o basbas ay hanggang sa mga kawalang-hanggan. Habang nagsisikap kang manatiling karapat-dapat, matatanggap mo ang lahat ng ipinangako sa iyo ng Ama sa Langit.
Ang Layunin Mo
May ipagagawa sa iyo ang Ama sa Langit sa Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Maaaring sabihin sa iyo ng iyong blessing ang partikular na mga bagay na ipagagawa Niya sa iyo. Maaari din itong magkuwento sa iyo tungkol sa iyong natatanging mga kaloob at talento. At malalaman mo rin kung ano ang mga katangiang nais Niyang magkaroon ka para mapagpala ang iyong buhay at ang buhay ng iba. Isipin mo ang lahat ng posibleng mangyari!
Paano Ka Makapaghahanda para Matanggap ang Iyong Blessing?
Si Brother Dennis Lifferth, isang patriarch sa Centerville, Utah, USA, ay may magandang payo kung paano maghahanda. Sabi niya: “Ang paghahanda para sa iyong patriarchal blessing ay halos kasing halaga ng blessing o basbas mismo. Sa oras ng iyong paghahanda ay maaari mong pagnilayan ang iyong buhay, isipin ang landas na iyong tinatahak, kung ano ang inaasam mong marating, at anong espirituwal na kaloob ang gusto mong linangin.”
Nagsisikap ka bang magdasal, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at gawin ang lahat para masunod ang Tagapagligtas? Tutulungan ka ng mga bagay na ito na maghanda.
Hindi mo kailangang maging perpekto para matanggap ang iyong patriarchal blessing, pero kailangan kang maging karapat-dapat. Kung karapat-dapat kang magkaroon ng temple recommend, karapat-dapat kang tanggapin ang iyong patriarchal blessing. Habang tumitindi ang iyong interes at hangaring matanggap ang blessing na ito, magtakda ng araw para makipagkita sa inyong bishop.
Isang Habambuhay na Pagpapala
Dahil ang bawat patriarchal blessing ay sagrado at personal, hindi mo dapat ikumpara ang iyong blessing sa iba. Tandaan, ang blessing na ito ay para lang sa iyo! Dapat mo itong rebyuhin nang mapitagan at ibahagi lamang ito sa malalapit na miyembro ng pamilya.3
Mapapalakas ka kapag madalas mong binabasa ang iyong blessing o basbas at pinagninilayan ang mga salitang ibinigay sa iyo. Sa pagsisikap mong mamuhay nang marapat upang matanggap ang ipinangakong mga pagpapala sa iyo, magkakaroon ka ng kapayapaan, patnubay, at galak na nais ng ating Ama sa Langit na madama mo.