“Mga Pag-iingat Laban sa Paminta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Object Lesson para sa Home Evening
Mga Pag-iingat Laban sa Paminta
Ano ang ibig sabihin ng mabuhay sa mundo ngunit hindi maging bahagi ng mundo?
Namumukod-tangi tayo bilang mga miyembro ng Simbahan. Halimbawa, hindi tayo umiinom ng kape o tsaa, disente tayong manamit, malinis ang ating pananalita, at sinusunod natin ang batas ng kalinisang-puri. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na mawawala ang mga makamundong bagay! Ginagawa ni Satanas ang lahat ng kanyang makakaya para tuksuhin tayo, at kailangan tayong mag-ingat (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39).
Pero paano natin talaga pinoprotektahan ang ating sarili? Alamin natin sa pamamagitan ng paggawa ng munting eksperimento gamit ang tubig, paminta, at sabon. Tipunin ang inyong pamilya at maghanda para sa kaunting kasiyahan!
Object Lesson
Magsimula sa pagpuno sa mangkok ng tubig. Ang tubig ay kumakatawan sa mundong tinitirhan natin.
-
Magtaktak ng kaunting paminta sa tubig. Mga 10 taktak ang kailangan para magawa ito. Ang paminta ay kumakatawan sa mga makamundong bagay, tulad ng tukso, panggambala, o kasalanan. Kausapin ang inyong pamilya tungkol sa “paminta” na dumarating sa inyong buhay.
-
Isawsaw ang iyong daliri sa gitna ng tubig na may paminta. Napansin mo ba kung paanong kumakapit ang paminta sa daliri mo? Ipaliwanag na tulad ito ng pagpunta sa mundo nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Kung wala ang kaalamang iyan, mahirap malaman kung aling mga pagpili ang tama at kung aling mga pagpili ang mali.
Ibahagi ang siping ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”1
-
Ngayon, para sa kapana-panabik na bahagi. Una ay alisin ang iyong daliri at punasan ang paminta. Pahiran ngayon ang daliri mo ng kaunting dish soap. Ang dish soap ay kumakatawan sa kapangyarihang magprotekta ng Espiritu Santo. Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kapag nadikit ito sa paminta?
-
Muling isawsaw ang daliri mo sa gitna ng tubig. Tingnan kung paano pumupunta ang paminta sa gilid ng mangkok! Ang galing, hindi ba? Kapag inalis mo ang daliri mo sa tubig, makikita mo na wala talaga itong paminta! Maaari mong sabihin na ang daliri mo ay nasa paminta pero hindi naging bahagi ng paminta.
Talakayin!
Pansinin na ang paminta ay hindi umaalis sa tubig, at ang isang pahid ng dish soap ay hindi nagtatagal magpakailanman. Ang mga makamundong bagay ay laging nariyan, at ang patnubay ng Espiritu Santo ay nangangailangan ng palagian at araw-araw na pagsisikap. Ngunit hangga’t tinutupad natin ang ating mga tipan, magkakaroon tayo ng proteksyon mula sa kaitaasan!
Ano ang magagawa mo para mapangalagaan ang Espiritu Santo sa iyong buhay?