“Magtakda ng Angkop na Limitasyon sa Relasyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Tulong sa Buhay
Magtakda ng Angkop na Limitasyon sa Relasyon
Kahit ang pinakamatalik na mga pagkakaibigan ay kailangan ng malinaw na hangganan o limitasyon.
May mga hangganan sa lahat ng dako, at sa magandang dahilan! Pag-isipan ito: Ang isports ay kadalasang may mga linya para matukoy ang isang field o court. Kung gumaganap ka sa isang dula, alam mo kung saan papasok o lalabas ng entablado. Sa paaralan, may mga nakatakdang hangganan ng maaari at hindi ninyo maaaring gamitin bilang resource kapag may test o pagsusulit. Isipin na lang kung ano ang mangyayari kung wala tayong malinaw na mga hangganan. Lilikha ito ang maraming problema!
Sa gayon ding paraan, napakabuti ng mga relasyon o ugnayan kapag may mga hangganan na tumutulong sa atin na malaman kung saan tayo komportable sa pakikipag-ugnayan natin sa iba. Ang pagtatakda ng mga limitasyon o hangganan ay nagpapaalam sa iba kung paano natin inaasahan na pakitunguhan tayo at tinutulungan tayong mas sundin ang turo ng Tagapagligtas na “ibigin mo ang iyong kapwa” (Mateo 22:39).
Mga Hangganan at Paggalang sa Sarili
Kapag nagtatakda tayo ng mga hangganan, nagpapakita tayo ng paggalang sa ating sarili at sa ating kapakanan. Noong Kanyang mortal na ministeryo, nagturo at nagpakita si Jesucristo ng halimbawa kung paano pangangalagaan ang ating sarili sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga hangganan. May mga pagkakataon na lumayo ang Tagapagligtas sa ibang tao para magnilay at manalangin: “Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya’y naroong nag-iisa.” (Mateo 14:23). Sa oras na ito ng Kanyang pag-iisa ay nakatulong sa Kanya na mas mapaglingkuran ang iba.
Pagtatakda ng mga Hangganan at Pagkakaroon ng Tiwala
Kapag nauunawaan at iginagalang ng mga tao ang mga hangganan ng isa’t isa, mapagkakatiwalaan nila ang isa’t isa. Sa mga relasyon, ang pagtitiwala ay medyo tulad ng bank account kung saan ang “mga deposito” ay nagdaragdag ng tiwala at ang “mga withdrawal” ang nag-aalis nito. Narito ang ilang bagay na dapat isaisip habang binubuo ninyo ang inyong pagtitiwala sa isang tao:
-
Ikaw ang may-ari ng account. Ikaw ang magpapasiya kung anong mga pag-uugali ang “mga deposito” (tulad ng paggalang at katapatan) o “mga withdrawal” (tulad ng pagsisinungaling, paglilihim, o pagtatakip ng mga pagkakamali).
-
Magtiwala kapag handa ka na. Huwag mapilitan lang na magtiwala sa isang tao. Ang pagtitiwala ay nangangailangan ng panahon para mabuo at mapangalagaan ito.
-
Malinaw na isaad ang mga hangganan. Ipaalam sa iba kung anong mga pag-uugali ang nagpapatatag o nag-aalis ng iyong tiwala.
-
Ang pakikipaglapit sa iyong mga ugnayan ay depende sa iyo. Ikaw ang nagpapasiya kung gaano ang magiging lapit mo sa isang tao batay sa antas ng iyong tiwala sa kanila.1 Maaaring umunlad ang mga relasyon o ugnayan kapag nakikita mo ang ibang tao na handang bumuo, o muling bumuo ng pagtitiwala sa pagitan ninyo.
-
Makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Magagabayan ka ng Espiritu kung paano malulutas ang bawat sitwasyon kapag naghahangad ka ng paghahayag at kumikilos ayon sa mga impresyong natatanggap mo sa iyong puso at isipan.
-
Maging direkta at matatag. Maaaring mag-alala ka na baka masaktan mo ang damdamin ng isang tao, pero mahalagang maging direkta at matatag sa iyong mga hangganan. Huwag magsabi ng oo sa isang bagay na hindi ka komportableng gawin. Maaari kang magbigay ng alternatibo na mas makabubuti at mas balanse para sa iyo, pero kung minsan ay hindi ang angkop na sagot.
Paggalang sa Hangganang Itinakda ng Ibang Tao
Kung kailangan ng iba na igalang ang itinakda mong mga hangganan, kailangan mo ring igalang ang hangganang itinakda ng iba. Maging magalang kapag tumanggi ang isang tao. Dapat mong malaman ang oras at pagsisikap na hinihingi mo sa iba. At huwag pilitin ang isang tao na ipaliwanag ang dahilan ng itinakda niyang hangganan. Hindi mo kailangang malaman ang lahat ng dahilan para sa kanilang mga hangganan; kailangan mo lang na maging magalang.
Kapag Hindi Iginagalang ang mga Hangganan
Ang malungkot, maaaring piliin ng ilang tao na balewalain ang mga hangganan at abusuhin ang mga nakapaligid sa kanila. Ang pang-aabuso ang pinakamatinding paglabag sa mga hangganan. Kung ikaw ay biktima ng pang-aabuso, ang iyong kaligtasan ang pinakamahalagang isaalang-alang. Hindi inaasahan na tiisin ng sinuman ang mapang-abusong gawi. Maaari mong sabihin sa isang adult na pinagkakatiwalaan mo, na makatutulong sa iyo na gabayan ka sa resources na hihingan ng tulong at makatutulong sa iyo na magkaroon ng plano upang mapanatili kang ligtas laban sa patuloy na pang-aabuso. May mga sitwasyon kung saan kailangan mo lang umalis.2 Ipagdasal na magkaroon ka ng lakas-ng-loob na gawin ang kailangan para manatili kang ligtas.
Pagsulong nang May mga Hangganan
Hindi malulutas ng pagtatakda ng mga hangganan ang lahat ng problema sa relasyon. Ngunit matutulungan ka nitong palakasin ang iyong pagpapahalaga sa sarili, tiwala sa sarili, at emosyonal na kalusugan at tutulungan kang makisalamuha nang ligtas at may paggalang sa iba. Subukang magtakda ng mabubuting hangganan ngayon upang makita kung ano ang kaibhang magagawa nito para sa iyo.