2022
Paisa-isang Pangalan
Agosto 2022


“Paisa-isang Pangalan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.

Paisa-isang Pangalan

Mahirap magsimula noon sa indexing! Ngunit nagsimulang mapansin ni Michelle ang di-inaasahang mga pagpapala nang ipagpatuloy niya itong gawin.

dalagitang kasama ang pamilya

Mga larawang kuha ni Cody Bell

Si Michelle ay isinilang na may VACTERL association sa hydrocephalus. “Ibig sabihin nito marami siyang problema sa kalusugan,” sabi ng kanyang mga magulang. “Pero kapag naririnig ni Michelle na may kailangang gawin, naghahanap siya ng paraan.”

Nang hilingin ni Pangulong Nelson sa mga kabataan na tumulong sa pagtitipon ng Israel noong 2018, si Michelle T. ng Oregon, USA, ay nakinig na mabuti.1

Pagkatapos ay nagpasiya siyang tumugon sa hamon.

Gayunman, halos agad-agad siyang nakaranas ng mga balakid. Gusto ni Michelle na magsimula sa indexing, pero kahit alam niya ang kanyang membership number, hindi siya makapag-sign up. Kahit tinulungan siya ng mga magulang niya, at kahit tinulungan siya ng mga lolo’t lola niya (at talagang gustung-gusto rin nila ang family history!).

dalagitang kasama ang mga magulang

Kahit matapos pumunta sa kalapit na family history center, hindi pa rin ito maayos. Ito nga pala ay talagang kakaiba! Karaniwan ay tuluy-tuloy lang ang prosesong ito. Nang sa wakas ay naiayos at natulungan na ng mga volunteer sa family history center si Michelle, tumingin sila sa kanya at sinabing, “Malamang inilaan ka para sa mga dakilang bagay sa family history, dahil naharap ka agad sa maraming oposisyon mula sa simula!”

Talagang gumawa siya ng malalaking bagay sa family history. Sa katunayan, isang video na ibinahagi niya sa RootsTech 2021 ang naging #1 na pinanood na video mula sa kumperensya. Nagbibigay-inspirasyon ang kanyang kuwento! At lalo pa itong nagbigay ng inspirasyon magmula noon.

dalagitang gumagamit ng smartphone

Hindi makapagsalita si Michelle, kaya gamit niya ang text sa kanyang telepono para makipag-ugnayan.

Isang Munting Panimula

Noong una, nagpasiya si Michelle na gumawa ng isa o dalawang batch ng mga pangalan tuwing Linggo ng gabi. Sumali siya sa isang video call kasama ang kanyang lolo’t lola para makatulong sila sa pagtuturo sa kanya kung paano ito gawin.

“Ang hirap,” sabi niya. “Mahirap basahin ang sulat-kamay!”

Gayunman, hindi siya mapipigilan. Patuloy itong ginawa ni Michelle. Nang magsimula siyang matuto at nagiging mahusay na, nagpasiya siyang mithiin ang makapag-index ng 1,000 mga pangalan sa 2019.

dalagitang nasa kompyuter

Matapos makamit ang mithiing iyon, tinaasan pa niya ang kanyang mithiin para sa 2020—lalo na pagkatapos magkaroon ng pandemya at mas marami ang oras niya. Hindi nagtagal ay umabot na ang indexing niya sa 1,000 pangalan kada buwan!

Habang patuloy siya sa indexing, unti-unting napansin ni Michelle na may nakakatuwang nangyayari sa kanyang buhay—nagiging mas maayos ang mga bagay-bagay.

Isang Malaking Pagbabago

“Nagsimula kong mapansin ang mga pagbabago sa buhay ko,” sabi ni Michelle. “Nadama kong mas malusog ako. Mas naging mabait ako sa pamilya ko. Mas kalmado ako at mas payapa. Mas naging maligaya ako! Gusto kong gumawa ng marami pang mabubuting bagay. Mas malakas kong nadama ang Espiritu! Hindi lang ako tinutulungan ng indexing, tinutulungan nito ang iba.”

dalagitang naghahanda ng pagkain

Nasisiyahan si Michelle sa pananahi at pagluluto para sa kanyang pamilya. “Masayang makitang nasisiyahan sila sa lahat ng bagay na tumutulong akong likhain,” sabi niya.

Isa sa iba pang mabubuting bagay na nagsimulang mangyari ay ang dagdag na kakayahang magtuon sa iba pa niyang mga espirituwal na mithiin. “Mas binabasa ko na ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon,” sabi ni Michelle. “Sinimulan ko ring pag-aralan ang mga lesson sa simbahan tuwing Linggo bago magklase para maging handa ako sa mga talakayan. Ang pag-aaral tungkol sa aking family history ay naging napakahalaga sa akin pati na ang pagbisita sa templo.”

Maaaring napakaabala ng buhay. Maraming bagay ang maaaring humadlang sa daraanan! Ngunit natutuhan ni Michelle ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-ukol ng sapat na oras para magawa ang family history. “Nang simulan ko ang indexing, nagsimula akong makadama ng labis na kapayapaan,” paliwanag niya. “Pagkatapos ay napansin ng pamilya ko ang kapayapaang nadama ko at nagsimula itong dumaloy sa buong pamilya ko. Naging mas panatag at payapa ang buong tahanan namin, at kagila-gilalas ito. Si Jesucristo ang pinagmumulan ng kapayapaan. Sa paggawa ng gawaing ipinagagawa sa akin, nakatanggap ako ng pagpapala ng kapayapaan, ang uri ng kapayapaang tanging ang Tagapagligtas ang makapagbibigay. Ang pinakamagandang bahagi ay nagawa kong ibahagi sa iba ang pagpapalang iyon.”

dalagitang gumagamit ng computer

Gustung-gusto ni Michelle na turuan ang iba kung paano gumawa ng family history.

Isang Paraan para Matulungan ang Iba

Malinaw na nadama mismo ni Michelle ang mga biyaya kung paano pinagpapala ng indexing ang kanyang buhay. May patotoo rin siya kung paano mapagpapala ng kanyang mga pagsisikap ang marami pang buhay sa magkabilang panig ng tabing.

dalagita sa computer na nagtuturo ng family history sa magkakapatid

Ang isang karanasan na gusto niyang ibahagi para ituro ang puntong ito ay na matagal nang naghahanap ang lola niya ng isang ninuno, pero hindi niya ito mahanap. Pagkatapos, ilang taon na ang nakalipas, may nag-index ng pangalan ng kapamilyang ito. Iyon lang ang kailangan para mahanap ng lola ni Michelle ang ninunong ito sa wakas!

“Ang kuwentong iyon ay talagang naghihikayat sa akin,” sabi ni Michelle. Maraming tuldok ang naikokonekta ng maliliit na hakbang at nagpapala sa maraming buhay.

dalagita

Isang Paraan para Makapagsimula

Madali bang magsimula at maghanap ng oras para sa family history? Hindi naman. Karaniwan ay hindi. Karamihan sa atin ay kailangang baguhin ang ilang bagay upang makapag-ukol ng ilang oras. Ngunit may ilang payo rin si Michelle tungkol dito para makapagpatuloy.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.