“Pagtayo Bilang Saksi sa Klase,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at ng Aaronic Priesthood Quorum
Pagtayo Bilang Saksi sa Klase
“Ako ay tatayong saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar.”
Sa English class, inabutan ng aming guro ang lahat ng artikulo na bumabatikos sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sinabing tatalakayin namin ito kinabukasan. Habang binabasa ko ito, nakadama ako ng pangamba at galit. Nang gabing iyon, sumulat ako ng medyo hindi magandang “listahan ng igaganti” bilang tugon sa artikulo.
Nakinig ang nanay ko nang may galit kong sinabi ang tungkol sa mga plano ko para sa talakayan. Nagulat ako nang sabihin niyang, “Kailangan mong ipagdasal ito.”
Nang gabing iyon, ipinagdasal ko na tulungan ako at patawarin. At pumasok sa isip ko ang isang talata: “Ang diwa ng pagtatalo ay hindi sa [Diyos], kundi sa diyablo, … at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29).
Kinaumagahan, nakadama ako ng kapayapaan. Alam ko na nais ng Ama sa Langit na maging mabait ako. Pero pagdating ko sa klase, nagsimula akong kabahan.
Nagsalita ang mga kaklase ko nang pabor sa artikulo. Nadama ko na dapat akong magsalita, pero nag-alala ako na baka mabigo ako o hindi na maging maganda ang pakitungo sa akin ng iba. Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi na nakita ko sa social media nang umagang iyon mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ipagtanggol ang inyong mga paniniwala nang may paggalang at habag, ngunit ipagtanggol ang mga ito” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2014 [Ensign o Liahona, Mayo 2014, 9]).
Kaya nagtaas ako ng kamay at sinabi sa kanila na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nilinaw ang mga punto sa artikulo na hindi malinaw o hindi totoo. Nanginig ang mga kamay ko, pero hindi ang mga salita ko. Tumitig sa akin ang klase, pero alam kong tama ang ginawa ko.
Nalaman ko na ang mahabaging pagtatanggol sa ebanghelyo ay isang pagpapala, hindi isang pasanin. Kasama ko ang Espiritu, at nakadama ako ng matinding pagmamahal mula sa Ama sa Langit. Alam kong ipinagmamalaki Niya ako, at ipinagmamalaki ko rin ang sarili ko.
Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.