2022
Wala akong anumang matitinding espirituwal na karanasan. Paano ako makapagbabahagi ng aking patotoo?
Agosto 2022


“Wala akong anumang matitinding espirituwal na karanasan. Paano ako makapagbabahagi ng aking patotoo?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.

Mga Tanong at mga Sagot

“Wala akong anumang matitinding espirituwal na karanasan. Paano ako makapagbabahagi ng aking patotoo?”

Hayaang Manaig ang Diyos

dalagita

“Maaari kang magkaroon ng patotoo kapag sinusunod mo ang mga turo ni Pangulong Nelson na hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan, pagtupad ng mga tipan, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagpapanatili sa patnubay ng Espiritu Santo. Matutulungan ka ng Ama sa Langit na makita at mapahalagahan ang maliliit na himalang nangyayari sa iyong buhay upang unti-unti mong mapalakas ang iyong patotoo.”

Rosewin C., 19, Pilipinas

Manalangin na “Pakinggan Siya”

dalagita

“Kahit wala pa kayong anumang espirituwal na karanasan, manalangin sa Ama sa Langit na magkaroon ng kakayahang ‘pakinggan Siya’ at tumanggap ng pagpapatibay sa partikular na mga bagay na alam ninyong totoo. Kung bukas ang inyong puso’t isipan, ang liwanag at paghahayag ay mas madalas na dadaloy sa inyong buhay. Hindi magtatagal malalaman ninyo kung ano ang pinakamainam para sa inyo kapag tumatanggap kayo ng paghahayag mula sa Kanya.”

Chloe L., 13, Arizona, USA

Manampalataya

dalagita

“Hindi mo kailangan ng matitinding espirituwal na karanasan tulad ng isang pangitain. Kailangan mo lang ng pananampalataya. Sa Doktrina at mga Tipan 63:9 sinasabi rito, ‘Ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pamamagitan ng mga tanda, kundi ang mga tanda ay sumusunod sa yaong sumasampalataya.’ Manampalataya, palaging sundin ang mga alituntunin ng Panginoon, at sikaping masdan ang Kanyang kamay sa iyong buhay. Ang pasasalamat ay bahagi rin ng patotoo.”

Rebecca J., 14, India

Lahat ay Kakaiba

binatilyo

“Lahat ay may iba’t ibang karanasan. Maaaring hindi tayo nagkaroon ng kagila-gilalas na mga pagdalaw tulad ng naranasan ni Propetang Joseph Smith, pero hindi ibig sabihin niyan na wala tayong espirituwal na karanasan. Ang pagtanggap ng sagot sa isang panalangin ay nagiging karapat-dapat na espirituwal na karanasan. Maaaring tila maliit lang iyan, pero sulit ibahagi ang ating patotoo kung ito ay batay sa katotohanan, malaki man o maliit ang mga sagot na natatanggap natin.”

Ramon S., 17, Mexico

Ibahagi ang mga Simpleng Paniniwala

dalagita

“Ang pagbabahagi ng iyong patotoo ay tungkol sa pagpapahayag ng iyong pasasalamat at paniniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nakasaad sa Alma 37:6, ‘Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.’ Maaari kang magpatotoo tungkol sa isang banal na kasulatan o isang bagay na ipinagpapasalamat mo na ibinigay sa iyo ng Diyos. Magkakaroon ka ng mas malakas na patotoo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga simpleng bagay na pinaniniwalaan mo.”

Hannah H., 16, Utah, USA

Matuto mula sa mga Nakaraang Karanasan

“Lahat tayo ay nagkakamali, ngunit sa pamamagitan ng pagsisisi, nagiging mga aral ang ating mga pagkakamali. Matutulungan tayo ng ating mga karanasan na tulungan ang iba na makita na laging nariyan ang Panginoon para sa kanila at maglalaan ng paraan. Ibahagi ang iyong nadarama at mga aral sa buhay. Hindi mo alam kung sino ang mangangailangan nito.”

Andrea R., 18, Mexico

Humingi

“Maaari kang magkaroon ng patotoo sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagkatuto mula sa mga lider, at sa paghahangad na samahan ka ng Banal na Espiritu. Nalaman natin sa 3 Nephi 14:7: “Humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo.” Kung magtatanong tayo nang may pananampalataya at may pusong handa, sasagutin ang lahat ng tanong natin, at magkakaroon tayo ng matibay at taos-pusong patotoo.”

David R., 18, Mexico

Patuloy na Sumulong

“Patuloy na basahin ang mga banal na kasulatan. Patuloy na manalangin. Patuloy na magsikap. Walang sinumang patuloy na nagsisikap at patuloy na nagdarasal ang nabigo. Bibiyayaan kayo ng Panginoon ng malakas na patotoo na maibabahagi habang patuloy kayong sumusulong.”

Edezza T., 18, Pilipinas

Kumilos

“Bilang missionary at bagong binyag, naranasan ko ang marami sa mga espirituwal na karanasan ko nitong nakaraang dalawang taon mula nang mabinyagan ako. Natutuhan ko na kung gusto mo ng patotoo tungkol sa anumang bagay, sikaping gawin ito. Para magkaroon ng patotoo sa pagbabahagi ng ebanghelyo, subukang ibahagi ito. O basahin ang Aklat ni Mormon, manalangin, at tingnan kung ano ang sinasabi sa iyo ng Espiritu.”

Elder Benavente, 27, California, USA