“Sa Komunidad ng mga Bingi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Paano Kami Sumasamba
Sa Komunidad ng mga Bingi
Kilalanin sina Meg, Reagan, at Kate! Tuturuan pa nila tayo kung ano ang pakiramdam ng sumamba bilang mga miyembro ng komunidad ng mga bingi.
Hi, ako si Meg!
Ako ay 16 na taong gulang at pangalawang pinakamatanda sa isang pamilya na binubuo ng walong katao. Nagbago ang aming buhay nang isilang ang bunsong kapatid ko. Isinilang siyang bingi. Nagsimula kaming dumalo sa deaf ward sa aming lugar, at naiiba ito, ngunit kamangha-manghang pagpapala rin ito.
Maaaring ipalagay ng mga tao na bingi o hirap makarinig ang lahat ng nasa deaf ward, pero marami sa amin ang hindi bingi. Halimbawa, nakakarinig ang ilan sa mga kabataan sa aming ward, pero ang mga magulang nila ay bingi o hirap makarinig at gamit ang ASL sa buong buhay nila. Hindi mo rin kailangang maging eksperto sa pagsenyas para makapunta sa aming ASL ward, dahil may mga interpreter kami.
Tinawag akong tumugtog ng piyano sa sacrament meeting para sa deaf ward, at gustung-gusto ko ang calling ko. Kakaiba ito dahil maraming miyembro ang gumagamit ng sign language sa mga himno habang tumutugtog ako. Mahal ko ang aking ward, at gustung-gusto ko ang pagkakataong malaman pa ang tungkol sa kultura ng kapatid ko.
Hi, ako si Reagan!
Ako ang panganay; may apat akong nakababatang mga kapatid. Ako lang ang bingi sa aking pamilya. Natuto ng sign language ang mga magulang ko matapos akong isilang, at tinuturuan ko ang mga mas bata kong kapatid kung paano mag-sign language. Palagay ko ang pagiging bingi ay isang kaloob na talagang nakatulong sa akin. Tinuruan ako nito kung paano tulungan ang ibang tao na maaaring nakakaramdam na naiiba sila.
Miyembro ako ng ASL (American Sign Language) seminary council sa USA. Mayroon kaming 10 miyembrong kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa na kumakatawan sa mga kabataang bingi at tumutulong sa pagpaplano ng mga aktibidad. Mayroon kaming mga virtual na klase sa seminary at institute kasama ang mga estudyanteng bingi o mahusay sa ASL. Nag-post pa ako ng video sa social media na nag-aanyaya sa iba pang mga kabataan na dumalo sa klase namin sa seminary. Labis akong nagpapasalamat na nagagamit ko ang talento ko sa sign language para anyayahan ang mga tao na mas lumapit kay Jesucristo.
Nagkaroon ako ng maraming pagkakataong maglingkod dahil sa kaloob na ibinigay sa akin ng Ama sa Langit para matutunan ko ang ASL. Halimbawa, natuturuan ko ang mga bingi na hindi natin kasapi tungkol sa plano ng kaligtasan. Naturuan ko ang isang kaibigan na nag-akala na hindi na niya makikitang muli ang kanyang kapamilya pagkatapos ng kamatayan. Hindi ako missionary na may badge, pero maaari akong maging missionary 24/7. Hindi na ako makapaghintay na maglingkod sa isang ASL mission.
Hindi mo dapat husgahan ang isang tao dahil may kapansanan sila. Magagawa pa rin nila ang mga bagay na magagawa ng ibang tao. Bawat tao ay anak ng Diyos. Hindi mahalaga kung wala silang parehong kakayahan tulad ng sa iyo.
Hi, ako si Kate!
Ang paborito ko sa pagiging bingi na miyembro ng Simbahan ay na ang sign language ay tumutulong sa akin na maipahayag ang mga konsepto ng ebanghelyo sa paraang hindi ko kaya sa binibigkas na wika, lalo na kapag gamit ko ang sign language sa mga himno. Halimbawa, kapag ginamitan mo ng sign language ang salitang Jesus, itinuturo mo ang mga palad ng iyong kamay, na simbolo ng mga pako na tumagos sa mga palad ni Jesus.
Ako lang ang hirap makarinig sa aking pamilya, at dumadalo kami sa isang hearing ward, pero may ilan pang mga bingi na miyembro sa aming ward. Talagang makatutulong kapag tinitiyak ng iba pang mga miyembro na kabilang kami. Halimbawa, kung pipiliin nilang magpalabas ng video sa klase o sa isang aktibidad, malaking tulong ang mga caption sa video.
Sa paglipas ng mga taon nalaman ko na nauunawaan ni Jesus ang lahat ng ating mga dalamhati. Bagama’t maaaring hindi marami ang mga taong katulad ko, alam ni Cristo ang pinagdaraanan ko, at nariyan Siya para tulungan ako sa tuwing lumalapit ako sa Kanya.