“Paglalakbay sa Mahihirap na Panahon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Job
Paglalakbay sa Mahihirap na Panahon
Marami tayong matututuhan kay Job tungkol sa kung paano malalampasan ang mga pagsubok.
“Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao?
Ang tanong na iyan ay tila nariyan na noon pa man, at mahirap itong sagutin. Kapag may nangyayaring mga kamalasan, maaaring madaling itanong, “Bakit kailangang mangyari ito?” o “Bakit ngayon?” Pero ang ganitong uri ng mga tanong ay hindi talaga nakakatulong. Napakarami nating hindi alam o nauunawaan. Mabuti na lang at nasa atin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo para maipakita sa atin ang mas mainam na paraan.
Mas magandang tanong kaysa “bakit?”
Isa sa mga pinakadakilang bagay na matututuhan natin sa buhay na ito ay ang tumigil sa pagtutuon ng pansin kung bakit nangyayari ang masasamang bagay at sa halip ay ito ang itanong sa ating sarili: “Paano ako tutugon?” Iyan ang nalaman ni Job sa Lumang Tipan.
Mga Pagsubok kay Job
Si Job ay mabuting tao na biniyayaan ng malaking pamilya at malaking kayamanan (tingnan sa Job 1:1–3). Ngunit ang kanyang pananampalataya at katapatan sa Diyos ay sinubukan nang kunin sa kanya ang lahat ng bagay.
Noong una, ninakaw o pinatay ang mga hayop ni Job. Pagkatapos ay pinatumba ng isang malakas na hangin ang kanyang bahay at namatay ang kanyang mga anak na lalaki na nasa loob nito. Sa halip na magalit, sinabi ni Job, “Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon” (Job 1:21).
Mas marami pang pagsubok ang dumating kay Job nang pahirapan siya ng “mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo” (Job 2:7). Sinabi sa kanya ng mga kaibigan ni Job na ang kanyang pagdurusa ay maaaring sanhi ng kasalanan. Iminungkahi pa nila na “sumpain [niya] ang Diyos, at mamatay” (Job 2:9). (Anong klaseng “mga kaibigan” ang magsasabi ng ganyan!?)
Gayunpaman, ayaw sumpain ni Job ang Panginoon at nanatili siyang tapat. (Iyan ang ginagawa ng isang tapat na kaibigan!)
Sa kabila ng lahat ng ito, nakaranas si Job ng mga sandali ng kawalan ng pag-asa. Ngunit nang makita ng Panginoon ang katapatan ni Job, “dinoble ng Panginoon ang dating kayamanan ni Job” (Job 42:10).
Hindi alam ni Job ang lahat ng dahilan kung bakit kailangan niyang magdusa. Ngunit binigyan ng Panginoon si Job ng mga dahilan para manampalataya at magtiyaga kapag mahirap ang panahon. Ang halimbawa ni Job ay makatutulong sa atin sa mga pagsubok na kinakaharap natin.
Dumarating ang mga Pagsubok sa Lahat, Pati sa Mabubuti
Nagkamali ang mga kaibigan ni Job sa pagsasabi na baka pinaparusahan ng Diyos si Job dahil sa ilang kasalanan (tingnan, halimbawa, sa Job 22). Ang totoo ay bagama’t ang pagdurusa ay maaaring bunga ng kasalanan, lahat tayo ay nakararanas ng mga pagsubok—kahit na namumuhay tayo nang matwid. Si Jesucristo ang tanging perpektong tao na nabuhay, ngunit nagdusa Siya nang higit kaysa sinumang tao. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na ang mga pagsubok at hamon ay dumarating “sa mga matuwid at sa mga di-matuwid” (Mateo 5:45).
Kahit Tahimik ang Diyos, Nariyan pa rin Siya
Lalo pang tumindi ang pagdurusa ni Job nang madama niya na pinabayaan siya ng Diyos. Nang hindi na makayanan ang katahimikan ng Diyos, sa wakas ay nanawagan si Job sa pagdadalamhati, “Ako’y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot” (Job 30:20). Kung minsan, maaaring pakiramdam natin ay katulad tayo ni Job. Ano ang gagawin natin kapag tila tahimik ang Diyos sa ating pagdurusa?
Matutularan natin ang halimbawa ni Job at makalalapit pa rin tayo sa Diyos kapag nararamdaman nating tayo ay tinatanggihan, galit, nasasaktan, o nagdadalamhati. Maaaring hindi natin ito mapansin sa sandaling iyon, ngunit kasama pa rin natin ang Diyos. Maaaring hindi Niya tayo iligtas mula sa ating mga pagsubok, ngunit palalakasin Niya tayo sa oras ng ating pangangailangan. At tandaan, pagkatapos ng mga pagsubok kay Job, muling nangusap sa kanya ang Panginoon, tinuruan siya, itinama ang kanyang mga kaibigan, at labis na pinagpala si Job.
Alam ni Jesucristo
Sa mahihirap na panahon, maaaring mahirap isipin na mauunawaan ng sinuman ang nadarama mo. Ngunit may nakaunawa kay Job, at Siya rin ang nakauunawa sa pinagdaraanan mo.
Si Jesucristo ay “[dumanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11). Ginawa Niya ito upang personal Niyang madama at malaman ang mga tuksong dumarating sa atin, ang ating mga paghihirap, dalamhati, at pagdurusa. Dahil alam Niya ang mga bagay na ito, alam Niya kung paano tayo tutulungang malagpasan ang mga ito. (Tingnan sa Alma 7:12.)
Magiging Maayos ang Lahat
Iilang tao lang ang nakaranas ng tulad ng dinanas ni Job. Ngunit totoo rin ang mga paghihirap ninyo. Sa pamamagitan ng halimbawa ni Job, makikita natin ang mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng pananatiling tapat, pagtitiwala sa kalooban ng Diyos, at pagpiling maniwala kapag tila maraming dahilan para hindi ito gawin.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa mga kawalang-hanggan, lulutasin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat ng kawalang-katarungan. … Hindi pa Nila inihayag kung paano o kailan. Ang alam ko ay gagawin Nila iyon.”1
Kung tapat tayong tutugon sa mahihirap na pagsubok tulad ng ginawa ni Job, matututo at lalago tayo at pagpapalain sa mga paraang hindi natin makakaya.
Kaya kumapit nang mahigpit, manatiling tapat, at tandaan na ang Diyos ay kasama mo palagi.