“Plano ng Kaligtasan,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Plano ng Kaligtasan
Ang plano ng Ama sa Langit para sa ating ligtas at masayang pagbabalik sa Kanya
Naisip mo na ba kung bakit ka narito sa lupa o ano ang layunin mo sa buhay? Nagtataka ka ba kung minsan kung bakit napakahirap ng buhay? Nag-aalala ka ba kung ano ang mangyayari kapag namatay ka o ang isang mahal sa buhay? Kapag nahaharap ka sa mahihirap na tanong na tulad nito—at lahat tayo ay nakararanas nito—nakatutulong na malaman na may plano ang Ama sa Langit para sa iyo, para sa ating lahat. Ang pag-unawa sa planong iyan ay makatutulong sa iyo na mahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito at makahanap ng tunay na kaligayahan, anuman ang maaaring mangyari sa iyong buhay.
Bahagi 1
Inihanda ng Ama sa Langit ang Kanyang Plano upang Ikaw ay Maging Katulad Niya
Lahat tayo—lahat ng nabuhay o mabubuhay sa mundo—ay nabuhay sa piling ng ating mga magulang sa langit bago tayo isinilang. Tayo ay Kanilang mga espiritung anak na lalaki at babae, ngunit marami pa tayong kailangang maranasan para maging katulad Nila. Mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang mamuhay tayong lahat ng tulad ng sa Kanya: sa walang hanggang kaluwalhatian kasama ang ating mga mahal sa buhay. Iyan ang dahilan kaya Niya inihanda ang plano ng kaligtasan.
Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Sa madaling salita, ang buong layunin ng plano ay maging katulad tayo ng Diyos at mamuhay nang walang hanggan sa piling Niya. Ang kaalaman tungkol sa plano ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang iyong banal na identidad at walang hanggang potensyal.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin o panoorin ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Mahalaga Kayo sa Kanya.”1 Ano ang kahalagahan sa iyo ng nalaman mo na “itinuturing [ka] [ng Diyos] na isang nilalang na may kakayahan at nilayong maging gayon”? Paano mababago ng kaalamang iyan ang pananaw at pagtrato mo sa iyong sarili at sa iba?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa, ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano tayo magiging katulad ng Diyos. Gumawa ng listahan ng ilang katangiang naiisip ninyo kapag naiisip ninyo Siya. (Maaari ninyong tingnan ang kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para sa ilang ideya.) Ibahagi kung paano ninyo nakikita ang ilan sa mga katangiang ito sa isa’t isa. Anyayahan ang bawat tao na pumili ng isa sa mga katangiang iyon na gusto niyang pagbutihin pa at gumawa ng plano na mapalakas ang katangiang iyon. Ibahagi ang inyong mga plano sa isa’t isa, at hikayatin ang bawat isa habang pinagsisikapan ninyong isakatuparan ang inyong mga mithiin.
Alamin ang iba pa
-
Robert D. Hales, “Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin,” Liahona, Okt. 2015, 25–31.
Bahagi 2
Ang Pag-unawa sa Plano ay Tutulong sa Iyo sa Mahihirap na Sitwasyon
Kapag nauunawaan mo na ang buhay na ito ay maliit na bahagi lamang ng iyong buhay, patuloy kang aasa kapag dumaranas ka ng mga pagsubok. Hindi ibig sabihin niyan na lagi mong masasagot ang mga tanong na tulad ng “Bakit nangyayari ito?” Ngunit kahit limitado ang iyong pang-unawa, makatitiyak ka na mahal ka ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:17) at ang mga pagsubok sa iyo ay matatapos din. Malalaman mo rin na dahil kay Jesucristo, ang kamatayan ay hindi ang wakas; ito ay isang hakbang lamang sa landas patungo sa pagiging katulad ng Diyos.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Panoorin ang “Plan of Salvation—We’re Still a Family” (4:47). Itinanong ng binatilyo sa video, “Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng walang-hanggang pananaw?” Isipin kung paano mo sasagutin ang tanong na ito. Maaari mong ibahagi ang iyong mga ideya sa isang kapamilya o kaibigan o isulat ang mga ito sa journal.
-
Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at alamin ang iba’t ibang pangalan para sa plano ng kaligtasan: 2 Nephi 9:6, 13; 11:5; Alma 34:16; 41:2; 42:8, 31. Ano ang itinuturo ng mga pangalang ito tungkol sa plano ng Diyos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Paano kayo makapagtutuon sa plano ng Ama sa Langit habang patuloy kayong sumusulong sa buhay? Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”2 Magkakasamang pag-usapan kung paano ninyo maitutuon kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo ang inyong buhay. Maaari kayong maghalinhinan sa pagkuha ng mga larawan ng isang bahagi ng silid. Pagkatapos ay hayaang pumili ang bawat tao kung aling bahagi ng silid ang pagtutuunan niya. Sama-samang tingnan ang mga larawan, at pag-usapan kung paano naiiba ang silid sa iba’t ibang anggulo nito. Pag-usapan kung paano makatutulong sa atin ang pagtutuon kay Cristo para makita natin ang ating buhay nang may walang-hanggang pananaw.
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 39–42
-
Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101–4
-
Thomas S. Monson, “Ang Perpektong Landas Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2016, 80–81
Bahagi 3
Ginawang Posible ni Jesucristo ang Plano para sa Lahat
Siguro nadarama mo na napakarami mong pagkakamali o hindi sapat ang iyong kabutihan para matanggap ang lahat ng ipinangakong pagpapala ng Diyos. Kung ang tagumpay ng plano ng Diyos ay nakabatay lamang sa iyong personal na pagsisikap, magiging totoo iyan. Ngunit ginawang posible ni Jesucristo ang walang hanggang plano ng Diyos para sa lahat. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, hindi natin kailangang gawin ang lahat ng ito nang mag-isa. Inaanyayahan Niya ang lahat na matuto tungkol sa plano, magsisi, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Kanya, at tamasahin ang mga ipinangakong pagpapala ng plano. Kapag ginawa natin ang lahat para manampalataya sa Kanya, magsisi, at tuparin ang ating mga tipan, pupunan Niya ang kakulangan natin at palalakasin Niya tayo habang ginagawa natin ang mga ito. Makadarama tayo ng kaligayahan sa plano, batid na ang Kanyang mga pangako ay tiyak na matutupad.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin o panoorin ang mensahe ni Elder Adrián Ochoa sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2022, “May Nagagawa Ba ang Plano?”3 Inilarawan ni Elder Ochoa ang tatlong alituntunin na maaaring makatulong kung sa pakiwari mo ay hindi naisasagawa nang maayos ang plano ng kaligtasan sa iyong buhay. Pansinin kung paano naging mahalaga si Jesucristo sa bawat isa sa mga alituntuning iyon. Magtakda ng mithiin na mas magtuon sa Kanya. Habang isinasakatuparan mo ang iyong mithiin, itala ang nadarama mo tungkol sa kung paano mo nakikita na nagagawa ang plano ng kaligayahan sa iyong buhay.
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 93–96
-
Dallin H. Oaks, “Ang Panguluhang Diyos at ang Plano ng Kaligtasan,” Liahona, Mayo 2017, 100–103
-
L. Tom Perry, “Ang Plano ng Kaligtsan,” Liahona, Nob. 2006, 69–72
-
“The Plan of Salvation” (video), Gospel Library