Pag-aaral ng Doktrina
Plano ng Kaligtasan
Buod
Bago tayo isinilang sa mundo, namuhay tayo na kasama ang ating mga Magulang sa Langit bilang Kanilang mga espiritung anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:55–56). Sa isang kapulungan kasama ang lahat ng Kanyang anak, inilahad ng Ama sa Langit ang isang plano, na kilala bilang “plano ng kaligtasan” o “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:5, 8). Kasama sa plano ang lahat ng mga batas at ordenansa ng ebanghelyo na kinakailangan upang matamo ang buhay na walang hanggan, “na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 6:13).
Ang nakakalungkot, hindi tinanggap ng isang-katlo [one-third] sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit ang plano. Pinili nilang sundin si Lucifer, na naging diyablo, at pinalayas sila mula sa harapan ng Diyos (tingnan sa Apocalipsis 12:7–9).
Naririto tayo sa mundo dahil pinili nating sundin ang plano ng Ama sa Langit. Ang isang mahalagang layunin ng mortalidad ay ang magkaroon ng katawang pisikal. Sa mundo, maaari tayong magkaroon ng kagalakan at kapayapaan, ngunit makakaranas din tayo ng tukso, oposisyon, at paghihirap, at mga pagsubok. Ang mga pagsubok sa mundo ay bahagi ng mortalidad at makatutulong sa atin na umunlad upang maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit.
Ang pinakamahalaga sa plano ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nadaig ni Jesus ang espirituwal at pisikal na kamatayan at dinala sa Kanyang sarili ang mga pasakit, kalungkutan, at mga kasalanan (tingnan sa Alma 7:11–13). Ang pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli na ito ay tinatawag na Pagbabayad-sala. Kinakailangan ang Pagbabayad-sala dahil “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos” (1 Nephi 10:21). Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo makapagsisisi tayo at muling makakapiling ang Diyos.
Mahalaga rin sa plano ng Diyos ang kalayaan, o kakayahang pumili. Kapag pinili nating magsisi sa ating mga kasalanan, pinipili nating tanggapin ang kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung pipiliin nating sundin ang mga kautusan, pagpapalain tayo na makibahagi sa mga sagradong ordenansa, na mga seremonyang kinapapalooban ng paggawa ng mga tipan o pangako sa Diyos. Kabilang sa mga ordenansang ito ang binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa priesthood para sa kalalakihan, at mga ordenansa sa templo.
Bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit ang pagpanaw nating lahat balang araw. Ang kamatayan ay ang paghihiwalay ng espiritu at ng katawan. Ang ating espiritu, na buhay noon pa man sa premortal na buhay, ay patuloy na mabubuhay pagkatapos nating mamatay. Kung namumuhay tayo nang matwid—nagsisisi kung kinakailangan—hanggang sa katapusan ng ating mortal na buhay, papasok tayo sa paraiso ng mga espiritu. Inilarawan ito ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Alma na “isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan” (Alma 40:12).
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, lahat ng anak ng Diyos ay mabubuhay na mag-uli at ang ating katawan at espiritu ay muling magsasama (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:20–22; Doktrina at mga Tipan 88:14–17). Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay susundan ng Huling Paghuhukom, kung saan tayo hahatulan ng Diyos ayon sa ating mga hangarin at pagsunod sa mga kautusan (tingnan sa 2 Nephi 9:15–17; Doktrina at mga Tipan 137:9). Kung naging karapat-dapat tayo sa pamamagitan ng pagsisisi, mabubuhay tayo magpakailanman sa piling ng ating mapagmahal na mga Magulang sa Langit (tingnan sa Alma 40; 41; Doktrina at mga Tipan 76).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
-
Paraiso
-
Satanas
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Plano ng Pagtubos”
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Mga Video
Mga Video ng Tabernacle Choir
“God Loved Us, So He Sent His Son [Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos]”
Resources sa Pag-aaral
Mga Magasin ng Simbahan
Thomas S. Monson, “Ang Plano ng Kaligtasan,” Liahona, Enero 2017