Ang Plano at ang Pagpapahayag
Ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay ang muling pagbibigay-diin ng Panginoon sa mga katotohanan ng ebanghelyo na kinakailangan natin upang mapatatag tayo sa mga hamon sa pamilya sa kasalukuyan.
Malinaw na makikita sa ating pagpapahayag tungkol sa pamilya na ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay biniyayaan ng kakaibang doktrina at ibang mga paraan sa pag-unawa sa sanlibutan. Nakikibahagi tayo at nangunguna pa nga sa maraming gawaing nauukol sa sanlibutan, ngunit hindi tayo nakikibahagi sa iba pang mga gawain nito dahil sinisikap nating sundin ang mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol, noon at ngayon.
I.
Sa isang talinghaga, inilarawan ni Jesus ang mga taong “dumirinig ng salita” ngunit naging “walang bunga” nang ang salitang iyon ay “[in]inis” ng “pagsusumakit na ukol sa sanglibutan” (Mateo 13:22). Kalaunan, pinagsabihan ni Jesus si Pedro dahil hindi nito ninanamnam “ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao,” sinasabing, “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay?” (Mateo 16:23, 26). Sa Kanyang huling pagtuturo, sinabi Niya sa Kanyang mga Apostol, “Kung kayo’y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, … napopoot sa inyo ang sanglibutan” (Juan 15:19; tingnan din sa Juan 17:14, 16).
Tulad nito, ginamit din sa mga isinulat ng mga orihinal na Apostol ni Jesus ang “sanglibutan” para kumatawan sa mga taong sumasalungat sa mga turo ng ebanghelyo. “Huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito” (Mga Taga Roma 12:2), ang itinuro ni Apostol Pablo. “Sapagka’t ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios” (I Mga Taga Corinto 3:19). At, “Magsipagingat,” babala niya, “baka sa inyo’y may bumihag … ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo” (Mga Taga Colosas 2:8). Itinuro ni Apostol Santiago na “ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios[.] Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios” (Santiago 4:4).
Madalas gamitin sa Aklat ni Mormon ang “sanlibutan” bilang paglalarawan sa oposisyon. Iprinopesiya ni Nephi ang lubos na pagkawasak ng “mga yaong itinayo upang maging tanyag sa paningin ng sanlibutan, at ang mga yaong naghahangad ng … mga makamundong bagay” (1 Nephi 22:23; tingnan din sa 2 Nephi 9:30). Kinundena ni Alma ang mga taong “nagmamataas … sa mga bagay na walang kabuluhan ng daigdig” (Alma 31:27). Ipinakita sa panaginip ni Lehi na yaong nagsisikap na sundin ang gabay na bakal, ang salita ng Diyos, ay makararanas ng pagsalungat ng sanlibutan. Ang mga naroon sa “malaki at maluwang na gusali” na nakita ni Lehi ay nasa “panlalait at pagtuturo” ng “mapanlibak nilang daliri” (1 Nephi 8:26–27, 33). Sa kanyang pangitain na nagpapaliwanag sa panaginip na ito, nalaman ni Nephi na ang panlalait at pagsalungat na ito ay mula sa “maraming tao ng mundo, … ang sanlibutan at ang karunungan nito; … ang kapalaluan ng sanlibutan” (1 Nephi 11:34–36).
Ano ang ibig sabihin ng mga babala at utos na ito sa banal na kasulatan na huwag maging “taga sanglibutan” o ang utos sa makabagong panahong ito na “talikdan ang sanlibutan”? (D at T 53:2). Ibinuod ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga turong ito: “Kailangan tayong maging maingat sa isang mundong nagpakalayu-layo na sa bagay na espirituwal. Mahalagang ayawan natin ang anumang hindi umaayon sa ating mga pamantayan, tumanggi tayong isuko ang ating pinakamimithi: ang buhay na walang-hanggan sa kaharian ng Diyos.”1
Nilikha ng Diyos ang mundong ito ayon sa Kanyang plano na bigyan ng lugar na matitirhan ang Kanyang mga espiritung anak upang maranasan nila ang mortalidad na mahalagang hakbang tungo sa mga kaluwalhatiang hangad Niya para sa lahat ng Kanyang mga anak. Bagama’t may iba-ibang kaharian at kaluwalhatian, ang pinakadakilang hangarin ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay ang sinabi ni Pangulong Monson na “buhay na walang-hanggan sa kaharian ng Diyos,” na siyang kadakilaan sa mga pamilya. Ito ay higit pa sa kaligtasan. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa walang hanggang plano ng Diyos, ang kaligtasan ay [responsibilidad ng bawat] tao; [ngunit] ang kadakilaan ay [responsibilidad ng] pamilya.”2
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, na tatalakayin ko maya-maya, ay mahahalagang turo na gagabay sa atin sa paghahanda sa buhay na ito para sa kadakilaan. Bagama’t sinusunod natin ang mga batas sa kasal at iba pang mga tradisyon ng mundong ito na patuloy sa pagsama, dapat piliin ng mga nagsisikap para sa kadakilaan ang mga bagay na ayon sa paraan ng Panginoon para sa kanilang pamilya sa tuwing naiiba ito sa paraan ng sanlibutan.
Sa buhay na ito, wala tayong naaalala kung ano ang nangyari bago tayo isinilang, at dumaranas tayo ngayon ng pagsalungat. Espirituwal na umuunlad at natututo tayo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa patuloy na pagpili ng tama. Kabilang dito ang mga tipan at ordenansa at pagsisisi kapag mga mali ang pinili natin. Sa kabilang banda, kung hindi sapat ang pananampalataya natin sa plano ng Diyos at sumusuway tayo o sadyang hindi ginagawa ang mga kinakailangang gawin, hindi tayo uunlad at matututo. Itinuturo ng Aklat ni Mormon, “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32).
II.
Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakauunawa sa plano ng kaligtasan ng Diyos ay may naiibang pananaw sa sanlibutan na tumutulong sa kanila upang maunawaan ang mga dahilan sa mga kautusan ng Diyos, ang hindi pabagu-bagong katangian ng Kanyang mga ordenansa, at ang pangunahing gawain ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sinagip tayo ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas mula sa kamatayan at, kung tayo ay magsisisi, ililigtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Dahil sa pananaw na iyan sa sanlibutan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may natatanging priyoridad at gawain at binibiyayaan ng lakas na matiis ang kabiguan at pasakit ng mortal na buhay.
Ang mga ginagawa ng mga taong nagsisikap na sundin ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay maaaring magdulot ng hindi pagkakaunawaan o pagtatalo sa pamilya o mga kaibigan na hindi naniniwala sa mga alituntunin nito. Palaging nangyayari ang gayong pagtatalo. Bawat henerasyon na nagsisikap sundin ang plano ng Diyos ay nahaharap sa mga hamon. Noong unang panahon, pinalakas ni Isaias ang mga Israelita, na tinawag niyang “[kayong] nakakaalam ng katuwiran, … na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.” Sinabi Niya sa kanila, “Huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait” (Isaias 51:7; tingnan din sa 2 Nephi 8:7). Ngunit anuman ang dahilan ng pakikipagtalo ng mga hindi nakauunawa o naniniwala sa plano ng Diyos, patuloy na iniuutos sa mga nakauunawa na piliin ang paraan ng Panginoon sa halip na ang paraan ng sanlibutan.
III.
Ang plano ng ebanghelyo na dapat sundin ng bawat pamilya upang makapaghanda para sa buhay na walang hanggan at kadakilaan ay nakasaad sa pagpapahayag ng Simbahan noong 1995, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”3 Mangyari pa, ang mga nakasaad dito ay ibang-iba sa ilang batas, gawain, at adbokasiya ngayon ng mundong ginagalawan natin. Sa ating panahon, ang mga pagkakaibang pinakalantad ay ang pagsasama nang walang kasal, pagpapakasal ng magkaparehong kasarian, at ang pagpapalaki ng mga anak sa relasyong iyan. Itinuturing ng mga hindi naniniwala o hindi nagnanais ng kadakilaan at ng mga taong lubos na napaniwala ng mga paraan ng sanlibutan na ang pagpapahayag na ito tungkol sa pamilya ay isang tuntunin lamang na dapat baguhin. Sa kabilang banda, pinagtitibay ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang pagpapahayag ay nagpapaliwanag ng mga ugnayan ng pamilya kung saan nangyayari ang pinakamahalagang bahagi ng ating walang hanggang pag-unlad.
Nasaksihan natin ang mabilis at patuloy na pagtanggap ng publiko sa pagsasamang walang kasal at pagpapakasal ng mga taong magkapareho ang kasarian. Ang adbokasiya ng media, edukasyon, at maging ang mga kinakailangan sa trabaho ay nagdulot ng matitinding hamon sa mga Banal sa mga Huling Araw. Kailangan nating pagsumikapang sundin ang batas ng ebanghelyo sa ating personal na buhay at pagtuturo at kasabay nito ay sinisikap ding ipakita ang pagmamahal sa lahat ng tao.4 Sa paggawa nito, nahaharap tayo kung minsan sa sinabi ni Isaias na “pula ng mga tao” ngunit hindi tayo dapat matakot.
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, na ipinahayag halos dalawampu’t limang taon na ang nakararaan at naisalin na ngayon sa maraming wika, ay ang muling pagbibigay-diin ng Panginoon sa mga katotohanan ng ebanghelyo na kinakailangan natin upang mapatatag tayo sa mga hamon sa pamilya sa kasalukuyan. Ang dalawang halimbawa ay ang pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ng kasarian at pagsasama nang hindi kasal. Pagkaraan ng 20 taon matapos mailabas ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, pinahintulutan ng United States Supreme Court ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian, binale-wala ang kasal na limitado sa isang lalaki at isang babae na napakaraming taon nang ginagawa. Ang nakagigimbal na porsiyento ng mga bata sa Estados Unidos na isinilang sa isang ina na hindi kasal ay unti-unting tumaas: 5 porsiyento noong 1960,5 32 porsiyento noong 1995,6 at ngayon 40 porsiyento.7
IV.
Nagsimula ang pagpapahayag tungkol sa pamilya sa pahayag na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Pinagtitibay rin nito na “ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.” Inihahayag din nito na “[iniutos ng Diyos na] ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”
Nakasaad sa pagpapahayag na nananatiling tungkulin ng mag-asawa na magpakarami at kalatan ang lupa at sila ay “may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak”: “Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.” Mahigpit na nagbabala ito laban sa pang-aabuso sa asawa o anak, at nakasaad dito na “ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.” Sa huli, nanawagan ito na magtatag ng opisyal na “mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan.”
Noong 1995, inilabas ng Pangulo ng Simbahan at ng 14 pang Apostol ng Panginoon ang mahahalagang pahayag na ito ng doktrina. Dahil isa ako sa pitong Apostol na iyon na buhay pa, nadama ko na kinakailangan kong ibahagi kung paano nabuo ang pagpapahayag tungkol sa pamilya sa kaalaman ng lahat ng nagsasaalang-alang nito.
Ang inspirasyon na kinakailangang magkaroon ng pagpapahayag sa pamilya ay dumating sa pamunuan ng Simbahan mahigit 23 taon na ang nakararaan. Ikinagulat ito ng ilang nag-akala na malinaw nang naunawaan at hindi na kailangang linawin muli ang mga katotohanan ng doktrina tungkol sa kasal at pamilya.8 Gayunman, kinumpirma ito sa amin at isinagawa namin ito. Ang mga paksa ay tinukoy at tinalakay ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa sa loob ng halos isang taon. Ang teksto ay iminungkahi, nirepaso at binago. Patuloy kaming nagsumamo sa Panginoon na bigyan Niya kami ng inspirasyon sa dapat naming sabihin at kung paano namin ito sasabihin. Lahat kami ay natuto nang “taludtod sa taludtod, utos sa utos,” tulad ng ipinangako ng Panginoon (D at T 98:12).
Sa panahong ito ng paghahayag, ipinakita namin ang nagawa naming teksto sa Unang Panguluhan, na siyang namamahala at naghahayag ng mga turo at doktrina ng Simbahan. Matapos gumawa ng ilan pang mga pagbabago ang Panguluhan, ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay ibinalita ng Pangulo ng Simbahan na si Gordon B. Hinckley. Sa pulong ng mga kababaihan noong Setyembre 23, 1995, ipinakilala niya ang pagpapahayag sa ganitong mga salita: “Sa dami ng maling ideya ng daigdig na nagsasabing iyon ang totoo, sa dami ng panlilinlang hinggil sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng tukso at pang-aakit na unti-unti ay natatangay kayo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala at patuloy na balaan.”9
Pinatototohanan ko na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay isang pahayag ng katotohanan na walang hanggan, ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na naghahangad ng buhay na walang hanggan. Naging batayan ito sa pagtuturo at gawain ng Simbahan sa loob ng nakalipas na 22 taon at magpapatuloy sa hinaharap. Pag-isipan ito, ituro ito, ipamuhay ito, at kayo ay pagpapalain sa inyong pagsulong tungo sa buhay na walang hanggan.
Apatnapung taon na ang nakararaan, itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “bawat henerasyon ay may mga pagsubok at pagkakataong manindigan at patunayan ang sarili.”10 Naniniwala ako na ang saloobin natin sa pagpapahayag tungkol sa pamilya at ang paggamit nito ay isa sa mga pagsubok na iyon para sa henerasyong ito. Dalangin ko na lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay manatiling matatag sa pagsubok na iyan.
Magtatapos ako sa mga turo ni Pangulong Gordon B. Hinckley na sinambit niya dalawang taon matapos ibalita ang pagpapahayag tungkol sa pamilya. Sinabi niya “Nakikita ko ang napakagandang hinaharap sa isang mundong walang-katiyakan. Kung maninindigan tayo sa ating mga pinahahalagahan, kung sasalig tayo sa ating pamana, kung susundin natin ang Panginoon, kung ipamumuhay natin ang ebanghelyo, pagpapalain tayo sa kahanga-hanga at napakagandang paraan. Kikilalanin tayo bilang mga kakaibang tao na nakatagpo ng susi tungo sa natatanging kaligayahan.”11
Pinatototohanan ko ang katotohanan at walang hanggang kahalagahan ng pagpapahayag tungkol sa pamilya, na inihayag ng Panginoong Jesucristo sa Kanyang mga Apostol para sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4), sa pangalan ni Jesucristo, amen.