Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan
Ang ilan sa pinakamahalagang mga pangangailangan na matutugunan natin ay ang pangangailangan ng ating sariling pamilya, mga kaibigan, ward, at komunidad.
Nitong mga huling araw nasaksihan natin ang malaking bilang ng mga kalamidad sa Mexico, Estados Unidos, Asia, ang Caribbean, at Africa. Dahil dito, nakita natin ang kabutihan ng mga tao nang libu-libo ang tumulong sa mga taong nanganganib o nangangailangan at nawalan. Natuwa ako nang makita ko ang mga dalagita sa Texas at Florida, na, kasama ang marami pang iba, ay nagsuot ng dilaw na Helping Hands T-shirt at tumulong sa paglilinis ng mga bahay na napuno ng basura na dulot ng mga nagdaang huling bagyo. Napakarami sa inyo ang gustong pumunta sa mga lugar na may matinding pangangailangan kung hindi lamang malayo ang mga ito. Sa halip, nagbigay kayo ng malalaking donasyon para maibsan ang kanilang paghihirap. Ang kabutihang-loob at pagkahabag ninyo ay nakaaantig at katulad ng kay Cristo.
Ngayon gusto kong banggitin ang isang aspeto ng paglilingkod na sa palagay ko ay mahalaga para sa lahat—saanman tayo naroon. Para sa ating mga nakapanood ng mga balita tungkol sa mga nangyari kamakailan at hindi natin alam ang gagawin, ang sagot ay maaaring nariyan na sa harapan natin.
Itinuro ng Tagapagligtas, “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon.”1 Tungkol sa banal na kasulatang ito, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Naniniwala ako na sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.”2
Nabubuhay tayo sa isang kultura kung saan mas lalo nating pinagtutuunan ang maliit na gadget sa ating mga kamay kaysa sa mga tao sa paligid natin. Ipinalit natin ang pagte-text at tweeting para aktuwal na tingnan ang isang tao sa mga mata at ngumiti o, makipag-usap nang harapan, na bibihira nang gawin. Madalas na mas inaalala natin kung ilan ang nag-follow at nag-like sa atin kaysa akbayan ang isang kaibigan at magpakita ng pagmamahal, pagmamalasakit, at tunay na pagkawili. Bagama’t ang makabagong teknolohiya ay mahusay na paraan para sa pagpapalaganap ng mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagtulong sa atin na palaging makaugnayan ang ating pamilya at mga kaibigan, kung hindi tayo mag-iingat sa paggamit ng ating mga digital device, tayo rin ay maaaring magsimulang magtuon sa ating sarili at malimutan na ang pinakadiwa ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay paglilingkod.
Malaki ang pagmamahal at pagtitiwala ko sa inyong mga kabataan at young single adult. Nakita at nadama ko ang inyong hangaring maglingkod at makagawa ng kaibhan sa mundo. Naniniwala ako na karamihan sa mga miyembro ay itinuturing ang paglilingkod bilang mahalagang bahagi ng kanilang mga tipan at pagkadisipulo. Ngunit naisip ko rin na kung minsan mas madaling hindi pansinin ang pinakamagagandang pagkakataon na makapaglingkod sa iba dahil sa kaabalahan natin o dahil naghahanap tayo ng malalaking paraan na mabago ang mundo at hindi natin nakikita na ang ilan sa pinakamahalagang mga pangangailangan na matutugunan natin ay ang pangangailangan ng sarili nating pamilya, mga kaibigan, ward, at komunidad. Nalulungkot tayo kapag nakikita natin ang pagdurusa at matinding mga pangangailangan ng mga nasa kabilang panig ng mundo, ngunit maaaring hindi natin nakikita ang isang tao na katabi natin sa klase na nangangailangan ng ating pakikipagkaibigan.
Ikinuwento ni Sister Linda K. Burton ang tungkol sa isang stake Relief Society president na, katuwang ang iba pa, ay nangalap ng mga quilt para sa mga taong nangangailangan noong 1990s. “[Pinatakbo] nila ng kanyang anak na babae ang isang trak na puno ng mga quilt na iyon mula London papunta sa Kosovo. Habang nasa daan pauwi, nakadama siya ng malinaw na espirituwal na impresyon na tumimo sa kaibuturan ng kanyang puso. Ang impresyong ito ay: ‘Napakabuti ng ginawa mo. Ngayo’y umuwi ka na, tumawid ka ng kalye, at paglingkuran mo ang kapitbahay mo!’”3
Anong buti ang maidudulot ng pagliligtas sa mundo kung pababayaan natin ang mga pangangailangan ng mga taong pinakamalapit sa atin at pinakamamahal natin? Gaano kahalaga ang tulungan ang mundo kung ang mga tao sa paligid natin ay naghihirap at hindi natin napapansin? Maaaring inilagay ng Ama sa Langit ang mga taong nangangailangan sa atin na pinakamalapit sa atin, dahil alam Niya na tayo ang higit na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Lahat ay makahahanap ng paraan para makapaglingkod nang tulad ni Cristo. Kamakailan ay ikinuwento sa akin ng counselor ko na si Sister Carol F. McConkie ang tungkol sa kanyang 10-taong-gulang na apo na si Sarah na, nang malaman niya na maysakit ang kanyang ina, ay nagkusang tumulong. Siya ang gumigising sa kanyang nakababatang kapatid, tumutulong sa pagbibihis, pagsisipilyo, pagsusuklay ng buhok nito, at pagkain ng almusal para makapagpahinga ang kanyang ina. Tahimik niyang ginawa ang simpleng paglilingkod na ito nang hindi na kailangang utusan pa dahil nakita niya ang pangangailangan at nagnais na makatulong. Hindi lamang natulungan ni Sarah ang kanyang ina, ngunit nakatitiyak ako na nakadama rin siya ng kagalakan dahil alam niya na napagaan niya ang pasanin ng isang taong mahal niya, at sa paggawa nito, ay tumibay ang samahan nilang magkapatid. Sinabi ni Pangulong James E. Faust: “Ang paglilingkod sa iba ay maaaring magsimula sa anumang gulang. … Hindi naman kailangang kagila-gilalas ito, at ito ay pinakadakila kapag ginawa sa sariling pamilya.”4
Natatanto ba ninyong mga anak na napakahalaga sa inyong mga magulang at kapamilya kapag naghahanap kayo ng mga paraan na makapaglingkod sa tahanan? Para sa inyong mga kabataan, ang pagpapalakas at paglilingkod sa inyong pamilya ay dapat kabilang sa inyong pinakamataas na priyoridad kapag naghahanap kayo ng paraan na mabago ang mundo. Ang pagpapakita ng kabaitan at malasakit sa inyong mga kapatid at magulang ay nakatutulong sa pagkakaroon ng pagkakaisa at nag-aanyaya sa Espiritu sa tahanan. Ang pagbabago ng mundo ay nagsisimula sa pagpapatatag ng inyong sariling pamilya.
Ang iba pang paglilingkod ay magagawa sa ating mga ward family. Kung minsan ay itinatanong sa atin ng ating mga anak, “Bakit kailangan kong pumunta sa Mutual? Wala naman akong gaanong napapala roon.”
Bilang isang magulang, isasagot ko, Bakit naisip mo na pumupunta ka lang sa Mutual para mayroon kang mapala?”
Mga bata kong kaibigan, tinitiyak ko sa inyo na sa bawat miting ng Simbahan na dinadaluhan ninyo ay may isang taong nalulungkot, na nahihirapan at nangangailangan ng kaibigan, o nakadarama na hindi siya kabilang. May mahalagang bagay kayong maitutulong sa lahat ng miting o aktibidad at nais ng Panginoon na tingnan ninyo ang mga kaedad ninyo at pagkatapos ay maglingkod tulad ng gagawin Niya.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang isang pangunahing dahilan kung bakit may simbahan ang Panginoon ay upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuportahan ang isa’t isa sa ‘makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan.’” Sinabi pa niya, “Ang relihiyong ito ay hindi lamang nakatuon sa sarili; sa halip, tayong lahat ay tinawag na maglingkod. Tayo ang mga mata, kamay, ulo, paa, at iba pang mga bahagi ng katawan ni Cristo.”5
Totoo na dumadalo tayo sa mga miting natin sa Simbahan tuwing linggo upang makibahagi sa mga ordenansa, matutuhan ang doktrina, at mabigyang-inspirasyon, ngunit ang isa pang napakahalagang dahilan sa pagdalo ay, bilang isang ward at mga disipulo ng Tagapagligtas na si Jesucristo, pinangangalagaan natin ang isa’t isa at naghahanap ng paraan na paglingkuran at palakasin ang bawat isa. Hindi lang tayo basta tumatanggap at kumukuha sa ibinibigay ng simbahan; kailangan tayong magbigay at tumulong. Mga kabataang lalaki at babae, sa susunod na nasa Mutual kayo, sa halip na kunin ang inyong phone at tingnan ang ginagawa ng inyong mga kaibigan, tumigil kayo at tumingin sa inyong paligid at tanungin ang inyong sarili, “Sino ang nangangailangan sa akin ngayon?” Maaaring maging susi kayo sa pagtulong at pag-impluwensya sa buhay ng isang kabataan o sa pagpapalakas ng loob ng isang kaibigan na tahimik na nagdurusa.
Hilingin sa inyong Ama sa Langit na ipakita sa inyo ang mga nangangailangan ng tulong ninyo at ipabatid sa inyo kung paano ninyo sila pinakamainam na mapaglilingkuran. Alalahanin na madalas ay isa-isang pinaglilingkuran ng Tagapagligtas ang mga tao.
Ang apo naming si Ethan ay 17 taong gulang na. Natuwa ako nang sabihin niya sa akin noong tag-init, sa impluwensya ng halimbawa ng kanyang ina, na nagdarasal siya bawat araw para magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang isang tao. Nang makasama namin ang kanyang pamilya, nakita ko kung paano si Ethan nagpasensya, nagmahal, at nagpakita ng kabaitan sa kanyang mga kapatid; tumulong sa kanyang mga magulang; at naghanap ng mga paraan na matulungan ang iba. Humanga ako na napapansin niya ang mga taong nakapaligid sa kanya at sa hangarin niyang paglingkuran sila. Siya ay isang halimbawa sa akin. Sa paggawa ng ginagawa ni Ethan—paghingi ng tulong sa Panginoon na makapaglingkod tayo—bubuksan ng Espiritu ang ating mga mata upang makita ang mga pangangailangan sa paligid natin, makita ang “isang taong” nangangailangan sa atin sa araw na iyon, at malaman kung paano maglilingkod sa kanya.
Bukod pa sa paglilingkod sa inyong pamilya at sa mga ka-ward ninyo, maghanap ng mga pagkakataong makapaglingkod sa inyong kapitbahay at komunidad. Bagama’t kung minsan ay hinihilingan tayong tumulong sa mga napinsala ng matinding kalamidad, hinihikayat tayo araw-araw na maghanap ng mga pagkakataon na mapalakas at matulungan ang mga nangangailangan sa ating lugar. Kamakailan ay pinayuhan ako ng isang Area President, na naglilingkod sa isang bansa na maraming problemang temporal, na ang pinakamainam na paraan para mapaglingkuran ang mga nangangailangan sa ibang dako ng mundo ay magbigay ng fast offering, magbigay ng donasyon sa Humanitarian Aid Fund ng Simbahan, at maghanap ng mga paraan para makapaglingkod sa inyong komunidad. Isipin na lang ninyo kung gaano mapagpapala ang buong mundo kung susundin ng lahat ng tao ang payo na ito!
Mga kapatid, at lalo na sa mga kabataan, kapag sinikap ninyong maging mas katulad ng Tagapagligtas na si Jesucristo at tinupad ang inyong mga tipan, patuloy kayong pagkakalooban ng hangaring mapagaan ang pagdurusa at matulungan ang mga kapus-palad. Tandaan na maaaring ang ilan sa pinakamalalaking pangangailangan ay ang nasa harapan ninyo mismo. Simulan ang inyong paglilingkod sa mga sarili ninyong tahanan at sa mismong pamilya ninyo. Ito ang mga ugnayang maaaring maging walang hanggan. Kahit na—marahil lalo na kung—ang sitwasyon ng pamilya ay kailangang pabutihin, makahahanap kayo ng mga paraan para makapaglingkod, magpasaya, at magpalakas. Magsimula kung saan kayo naroon, mahalin sinuman sila, at maghanda para sa pamilya na gusto ninyong magkaroon kayo sa hinaharap.
Manalangin na tulungan kayo na malaman kung sino sa mga ka-ward ninyo ang nangangailangan ng pagmamahal at panghihikayat. Sa halip na magsimba na iniisip kung “Ano ang mapapala ko sa miting na ito?” itanong, “Sino ang nangangailangan sa akin ngayon? Ano ang maitutulong ko?”
Habang tinutulungan ninyo ang sarili ninyong pamilya at ang mga ka-ward ninyo, maghanap ng mga paraan na matulungan ang inyong komunidad. May oras man kayo para sa mas mahabang paglilingkod o iilang oras lang ang maibibigay ninyo kada buwan, ang inyong pagsisikap ay magpapala ng buhay at pagpapalain din kayo sa paraang hindi ninyo aakalain.
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan.”6 Nawa’y makita ng bawat isa sa atin ang pribilehiyo at pagpapala ng pakikibahagi sa gawain ng ating Ama sa Langit kapag tinutugunan natin ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.