2010–2019
Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas
Oktubre 2017


2:3

Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas

Kung magsusumigasig tayo, sa isang dako ng kawalang-hanggan ang ating kadalisayan ay magiging ganap at lubos.

Ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang pagpalain at palakasin tayo, at iyan ang tiyak na ginagawa ng mga ito. Pinasasalamatan natin ang langit para sa bawat kabanata at talata na ibinigay sa atin. Ngunit napansin ba ninyo na paminsan-minsan ay isang talata ng banal na kasulatan ang bigla nating mapapansin na nagpapaalala sa atin na nagkukulang tayo? Halimbawa, ang Sermon sa Bundok ay nagsisimula sa nakapapanatag at nakapapayapang sermon, ngunit sa kasunod na mga talata, iniutos sa atin—kabilang ang iba pang mga bagay—na hindi lamang huwag pumatay kundi huwag ding mapoot. Hindi lamang iniutos sa atin na huwag mangalunya kundi huwag din tayong mag-isip ng masama. Sa mga taong humihingi, ibibigay natin ang ating tunika at gayon din ang ating balabal. Mamahalin natin ang ating kaaway, pagpapalain ang mga umuusig sa atin, at gagawan ng mabuti ang napopoot sa atin.1

Kung iyan ang banal na kasulatan na nabasa ninyo sa umaga at pagkabasa ninyo ay nakatitiyak na kayo na hindi kayo makakukuha ng mataas na grado sa inyong gospel report card, ang huling kautusan ay tiyak na hindi ninyo masusunod: “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.”2 Sa huling utos na iyan, gusto nating bumalik sa higaan at magtalukbong ng kumot. Tila hindi natin makakamit ang gayong mga selestiyal na mithiin. Ngunit nakatitiyak ako na hindi magbibigay ang Panginoon ng kautusan na alam Niyang hindi natin masusunod. Tingnan natin kung saan tayo dadalhin ng sitwasyong ito.

Sa Simbahan naririnig ko sa maraming tao ang bagay na ito: Hindi ako mahusay.” “Ang laki-laki ng kakulangan ko.” “Hindi ako kailanman magiging karapat-dapat.” Naririnig ko ito sa mga tinedyer. Naririnig ko ito sa mga missionary. Naririnig ko ito sa mga bagong miyembro. Naririnig ko ito sa matatagal nang miyembro. Sinabi ng isang matalinong Banal sa mga Huling Araw na si Sister Darla Isackson, na nagawa ni Satanas na maging tila mga sumpa at kaparusahan sa paningin ng tao ang mga tipan at kautusan. Para sa iba pang mga tao ay nagawa niyang ipaisip sa kanila na kasuklaman nila ang kanilang sarili dahil sa mga pamantayan at alituntunin ng ebanghelyo at ipadama sa kanila na dahil sa mga ito ay nagdurusa sila.3

Ang sinasabi ko ngayon ay hindi nagtatatwa o nagpapawalang-halaga sa anumang kautusan ng Diyos na ibinigay sa atin. Naniniwala ako sa Kanyang kasakdalan, at alam ko na tayo ay mga espirituwal na anak Niya na may banal na potensyal na maging katulad Niya. Alam ko rin na, bilang mga anak ng Diyos, hindi natin dapat ibinababa at minamaliit ang ating sarili, na para bang ang pagpaparusa sa ating sarili ay hahantong sa taong nais ng Diyos na kahinatnan natin. Hindi! Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at hangaring pag-ibayuhin ang kabutihan sa ating puso, umaasa ako na makakamtan natin ang pag-unlad sa paraang hindi kasama ang pagkakaroon ng ulcer o anorexia, depresyon o ang pagmamaliit sa ating sarili. Hindi ganito ang nais ng Panginoon para sa mga bata sa Primary o kaninuman na tapat na inaawit ang, “Sinisikap kong tularan si Jesus.”4

Upang maliwanagan sa bagay na ito, ipapaalala ko sa ating lahat na nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo at sa ngayon tayo ay mga taong makasalanan. Tayo ay nasa kahariang telestiyal, ang ispeling ay t, at hindi s. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, ang pagiging sakdal sa mortalidad na ito ay “hindi pa nangyayari.”5

Kaya’t naniniwala ako na ibinigay ni Jesus ang Kanyang sermon tungkol sa paksang ito hindi upang kundenahin tayo sa ating mga pagkukulang. Naniniwala ako na ang layunin Niya rito ay kilalanin kung sino at kung ano ang Diyos ang Amang Walang Hanggan at ano ang matatamo natin sa kawalang-hanggan sa piling Niya. Ano’t anuman, salamat at nalaman ko na sa kabila ng aking mga kakulangan, ang Diyos ay sakdal—na nagagawa Niyang mahalin, halimbawa, ang Kanyang mga kaaway, dahil kadalasan, dahil sa pagiging “likas na tao”6 natin, tayo kung minsan ang kaaway na iyon. Nagpapasalamat ako na pinagpapala pa rin ng Diyos ang mga yaong ginagamit Siya nang may masamang hangarin dahil lahat tayo sa hindi sinasadyang pagkakataon kung minsan ay nagagamit Siya nang may masamang hangarin. Nagpapasalamat ako na ang Diyos ay maawain at isang tagapagpayapa dahil kailangan ko ng awa at kailangan ng daigdig ng kapayapaan. Mangyari pa, lahat ng sinasabi natin tungkol sa kabutihan ng Ama ay sinasabi rin natin sa Kanyang Bugtong na Anak, na nabuhay at namatay na sakdal din.

Tuwiran kong sasabihin na ang pagtutuon sa mga nagawa ng Ama at ng Anak sa halip na sa ating mga kamalian ay hindi nagbibigay sa atin ng karapatang pangatwiranan nang kahit kaunti ang walang disiplinang pamumuhay o pagbababa ng ating mga pamantayan. Ang ebanghelyo ay itinuro mula pa sa simula “sa ikasasakdal ng mga banal, … hanggang sa abutin natin ang … sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.”7 Ipinahihiwatig ko lamang na ang isang layunin ng isang banal na kasulatan o ng isang kautusan ay magpaalala sa atin kung gaano talaga kaluwalhati ang “pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo”8, umaantig sa atin na lalo Siyang mahalin at hangaan at magkaroon ng matinding hangarin na maging tulad Niya.

“Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya … ,” paghikayat ni Moroni. “[Ibigin] ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon … sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay ma[gi]ging ganap kay Cristo.9 Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit—hindi natin ito “matatamo sa sariling sikap”. Kaya nga, ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na panlalait sa sarili.

Gagamitin ko ang isa sa mga talinghaga ng Tagapagligtas para mailahad ito sa medyo naiibang paraan. Isang alipin ang may utang sa kanyang hari na nagkakahalaga ng 10,000 talento. Nang marinig ang pagsamo ng alipin na pagpasensyahan at kaawaan siya, “[na]habag [ang] panginoon sa aliping yaon, … at ipinatawad … ang utang [nito].” Ngunit pagkatapos, ang yaon ding alipin ay hindi nagpatawad sa inutang sa kanya ng kapwa niya alipin na nagkakahalaga ng 100 denario. Nang marinig ito, sinabi ng hari sa aliping pinatawad niya, “Hindi ba dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?”10

May mga pagkakaiba-iba ng opinyon ang mga iskolar hinggil sa laki ng perang binanggit dito, at para madaling makwenta, kung ang mas maliit, at hindi pinatawad na 100-denariong utang ay ipagpalagay nating $100 sa ating kasalukuyang panahon, kung gayon ang utang na 10,000-talento na pinatawad ay maaaring umabot ng $1 bilyon—o mahigit pa!

Sa isang taong may ganitong utang, napakalaking halaga nito—talagang hindi natin ito mauunawaan. (Walang makapamimili nang ganoon karami!) Mangyari pa, para sa mga layunin ng talinghagang ito, nilayon ito na hindi maunawaan; nilayon ito na hindi maarok ng ating kakayahang makaunawa, pati na rin ang kawalan natin ng kakayahang magbayad. Iyan ay sa kadahilanang ito ay hindi isang kuwento tungkol sa dalawang alipin na nagtatalo sa Bagong Tipan. Ito ay kuwento tungkol sa atin, ang makasalanang sangkatauhan—mga may utang, mga suwail, at mga bilanggo. Bawat isa sa atin ay may utang, at ang kaparusahan ay pagkabilanggo para sa bawat isa sa atin. At mananatili tayong lahat sa bilanguang iyon kung hindi dahil sa biyaya ng ating Hari na siyang nagpapalaya sa atin dahil mahal Niya tayo at “[n]aantig sa habag para sa [atin].”11

Si Jesus ay gumamit dito ng isang paraan na di-kayang maunawaan dahil ang Kanyang Pagbabayad-sala ay isang kaloob na hindi maaarok at hindi matutumbasan. Iyan, sa palagay ko, ay bahagi ng kahulugan ng utos ni Jesus na magpakasakdal tayo. Maaaring hindi pa natin kayang gawin ang 10,000-talento ng pagiging sakdal ng Ama at ng Anak, ngunit hindi kalabisan para sa Kanila na hilingin na tulungan tayo na maging tulad ng Diyos sa maliliit na bagay, sa ating pagsasalita at pagkilos, pagmamahal at pagpapatawad, pagsisisi at pagpapakabuti nang hanggang 100-denariong lebel ng kasakdalan, na tiyak na kaya nating gawin.

Mga kapatid, maliban kay Jesus, walang hindi nagkasala sa paglalakbay sa buhay na ito, kaya habang tayo ay nasa mortalidad, pagsikapan nating patuloy na magpakabuti pa at iwasan ang sinasabi ng mga behavioral scientist na “toxic perfectionism” o obsesyon na maging perpekto.”12 Huwag nating asahan ang bagay na iyan sa ating sarili, sa iba, at idaragdag ko, sa mga yaong tinawag na maglingkod sa Simbahan—na para sa mga Banal sa mga Huling Araw ay nangangahulugang lahat ng tao, sapagkat tinawag tayong lahat na maglingkod saanman.

Hinggil dito, sumulat si Leo Tolstoy ng isang kuwento tungkol sa isang pari na binatikos ng isa sa mga dumadalo sa kanyang simbahan dahil sa mga maling nagagawa nito, sinabi ng bumabatikos na dahil nagkakamali ang paring ito ay mali na rin ang itinuturong alituntunin nito.

Bilang tugon sa pambabatikos na iyon, sinabi ng pari: “Tingnan ninyo ang buhay ko ngayon at ihambing ito sa buhay ko noon. Makikita ninyo na sinisikap kong ipamuhay ang katotohanang itinuturo ko.” Dahil hindi niya nasusunod ang matataas na pamantayang itinuro niya, inamin ng pari na bigo siya. Ngunit sinabi niya:

“Kutyain ninyo ako, [kung iyan ang nais n’yo,] ako ang dapat sisihin, ngunit [huwag] ninyong kutyain … ang landas na tinatahak ko. … Kung alam ko ang daang pauwi [at] pasuray-suray ko itong tinatahak nang mag-isa, hindi ba’t tamang daan pa rin ito kahit natitisod ako sa magkabi-kabila nito?

“… Huwag matuwa at sabihing, ‘Tingnan n’yo siya! … Hayun siya, gumagapang sa lusak!’ Huwag matuwa, sa halip … ay tumulong kayo [sa sinumang nagsisikap na matahak ang landas pabalik sa Diyos.]”13

Mga kapatid, bawat isa sa atin ay naghahangad ng buhay na mas katulad ng kay Cristo kaysa sa pamumuhay natin ngayon. Kung tapat nating aaminin iyan, at nagsisikap na mas bumuti pa, hindi tayo mga mapagkunwari; tayo ay tao. Nawa’y huwag nating gawing dahilan ang ating sariling kakulangan, at ang mga pagkakamaling tiyak na magagawa maging ng pinakamabubuting kalalakihan at kababaihan sa paligid natin, para kutyain ang mga katotohanan ng ebanghelyo o ang pag-asa o posibilidad na tayo ay maging tulad ng Diyos balang-araw. Kung magsusumigasig tayo, sa isang dako ng kawalang-hanggan ang ating kadalisayan ay magiging ganap at lubos—na siyang kahulugan ng pagiging sakdal sa Bagong Tipan.14

Pinatototohanan ko ang maringal na tadhanang iyan, na ginawang posible sa atin ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, na Siya mismo ay nagpatuloy “nang biyaya sa biyaya”15 hanggang matanggap Niya sa Kanyang imortalidad16 ang kaganapan ng kaluwalhatiang selestiyal.17 Pinatototohanan ko na sa oras na ito at sa bawat oras ay nakaunat ang Kanyang mga kamay na may pilat ng bakas ng pako at ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ring iyon, hindi tayo pinababayaan hanggang sa makauwi tayo nang ligtas sa bisig ng ating mga Magulang sa Langit. Para sa perpektong sandaling iyon, patuloy akong magsisikap, may kahinaan man ako. Para sa perpektong kaloob na iyon, patuloy akong magpapasalamat, may kakulangan man ako. Pinatototohanan ko ito sa mismong kahulugan ng katagang Kasakdalan, Siya na hindi kailanman nagkamali o nagkulang kundi nagmamahal sa ating lahat, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mateo 5:1–47.

  2. Mateo 5:48.

  3. Tingnan sa Darla Isackson, “Satan’s Counterfeit Gospel of Perfectionism,” Meridian Magazine, Hunyo 1, 2016, ldsmag.com.

  4. “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41.

  5. Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86–88.

  6. Mosias 3:19.

  7. Mga Taga Efeso 4:12–13.

  8. Mga Taga Efeso 4:13.

  9. Moroni 10:32; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  10. Tingnan sa Mateo 18:24–33.

  11. Doktrina at mga Tipan 121:4.

  12. Tingnan sa Joanna Benson and Lara Jackson, “Nobody’s Perfect: A Look at Toxic Perfectionism and Depression,” Millennial Star, Mar. 21, 2013, millennialstar.org.

  13. “The New Way,” Leo Tolstoy: Spiritual Writings, sel. Charles E. Moore (2006), 81–82.

  14. Para malinaw na maunawaan ang kahulugan ng salitang Griyego na ginamit sa Bagong Tipan para sa salitang sakdal (“teleios”), tingnan sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1995 “Perfection Pending” (Ensign, Nob. 1995, 86–87).

  15. Doktrina at mga Tipan 93:13.

  16. Tingnan sa Lucas 13:32.

  17. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:13.