Espirituwal na Eklipse
Huwag hayaan ang mga gambala sa buhay na harangan ang liwanag ng langit.
Noong Agosto 21 ng taong ito, dalawang bihirang kaganapan ang nangyari na nakaagaw sa pansin ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Una ay ang pagdiriwang ng ika-90 kaarawan ng ating mahal na Propeta, si Pangulong Thomas S. Monson. Noong panahong iyon, nakadestino ako sa Pacific Area at tuwang-tuwa na hindi lamang alam ng mga Banal sa Australia, Vanuatu, New Zealand, at French Polynesia ang mahalagang kaganapang ito sa buhay niya, kundi masaya rin nilang ipinagdiwang ito. Mapalad akong makibahagi sa kanilang taos na pagpapakita ng pananalig at pagmamahal para sa dakilang taong ito. Inspirasyon ang makita ang koneksyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang propeta.
Siyempre, si Pangulong Monson, na nasasaisip ang mga taong nais siyang batiin ng maligayang kaarawan, ay naglarawan ng perpektong regalo: “Maghanap ng sinumang nahihirapan o maysakit o nalulungkot at gumawa ng isang bagay para sa kanila. Iyan lang ang hihilingin ko.”1 Minamahal at sinusuportahan ka namin, Pangulong Monson.
Solar Eclipse
Ang isa pang bihira at napakagandang pangyayari noong araw ring iyon at nakaakit sa milyun-milyon sa buong mundo ay ang total solar eclipse. Ito ang unang pagkakataon na nangyari ang gayong eklipse sa buong Estados Unidos sa loob ng 99 na taon.2 Nakakita na ba kayo ng solar eclipse? Marahil mailalarawan ko ito nang mas detalyado.
Ang total solar eclipse ay nangyayari kapag pumagitna ang buwan sa pagitan ng mundo at araw, na halos harangan ang anumang liwanag mula sa araw.3 Ang katotohanan na maaaring mangyari ito ay kahanga-hanga sa akin. Kung iisipin ninyo na ang araw ay sinlaki ng gulong ng karaniwang bisikleta, ang buwan, kung ikukumpara, ay sinlaki lang ng maliit na bato.
Paano posibleng matakpan nang husto ng isang bagay na napakaliit, kung ikukumpara, ang pinagmumulan mismo ng ating init, liwanag, at buhay?
Bagama’t ang araw ay 400 beses na mas malaki kaysa sa buwan, 400 beses din ang layo nito sa mundo.4 Sa tingin ng mundo, mukhang pareho lang ang laki ng araw at buwan sa ganitong posisyon. Kapag ang dalawa ay magkahilera, parang natatakpan ng buwan ang buong araw. Inilarawan ng mga kaibigan at kapamilya kong nasa zone ng total eclipse kung paano pumalit sa liwanag ang kadiliman, naglaho ang mga bituin, at tumigil sa paghuni ang mga ibon. Lumamig ang hangin, dahil ang temperatura kapag may eklipse ay maaaring bumaba nang mahigit 20 degrees Fahrenheit (11 degrees Celsius).5
Inilarawan nila ang pagkamangha, panggigilalas, at pag-aalala , batid na may hatid na ilang panganib ang eklipse. Gayunman, nag-ingat silang lahat para maiwasan ang permanenteng pinsala sa mata o “eclipse blindness” noong may eklipse. Naging ligtas sila dahil nagsuot sila ng salamin na may espesyal na filtered lenses na nagprotekta sa kanilang mga mata mula sa pagkapinsala.
Ang Analohiya
Sa parehong paraan na maaaring harangan ng napakaliit na buwan ang napakalaking araw, pinapawi ang liwanag at init nito, ang espirituwal na eklipse ay nangyayari kapag tinutulutan natin ang maliliit at nakaiinis na mga balakid—na mga kinakaharap natin sa buhay araw-araw—na ituon tayo rito nang husto kaya nahaharangan nito ang kalakhan, ningning, at init ng ilaw ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.
Ginamit ni Elder Neal A. Maxwell ang analohiyang ito, at pinalawak pa nang sabihin niyang: “Kahit ang isang bagay na kasingliit ng hinlalaki ng tao, kapag inilapit nang husto sa mata, ay hindi niya makikita ang malaking araw. Gayunman, naroon pa rin ang araw. Ang pagkabulag ay dulot ng tao mismo sa kanyang sarili. Kapag nagtutuon tayong masyado sa ibang bagay, at inuuna natin ito, pinalalabo natin ang ating tingin sa langit.”6
Malinaw na walang may gusto sa atin na sadyang palabuin ang ating tingin sa langit o magkaroon ng espirituwal na eklipse sa ating buhay. Magbabahagi ako ng ilang saloobin na makatutulong sa atin upang maiwasan ang mga espirituwal na eklipse na magdulot sa atin ng permanenteng espirituwal na pinsala.
Salamin ng Ebanghelyo: Panatilihin ang Pananaw ng Ebanghelyo
Natatandaan ba ninyo ang espesyal na salaming gamit para protektahan ang mga nanonood sa solar eclipse para hindi masira ang mata o kaya’y mabulag? Ang pagtingin sa espirituwal na eklipse gamit ang nagpoprotekta at nagpapalambot na lente ng Espiritu ay nagbibigay ng pananaw ng ebanghelyo, kaya’t napoprotektahan tayo mula sa espirituwal na pagkabulag.
Narito ang ilang halimbawa. Taglay ang mga salita ng mga propeta sa ating puso at ang Banal na Espiritu bilang ating tagapayo, makatititig tayo sa medyo nahaharangang liwanag ng langit gamit ang “salamin ng ebanghelyo,” na naiiwasang mapinsala ng espirituwal na eklipse.
Kaya paano natin isinusuot ang ating salamin ng ebanghelyo? Narito ang ilang halimbawa: Ipinaaalam sa atin ng ating salamin ng ebanghelyo na nais ng Panginoon na tumanggap tayo ng sakramento bawat linggo at nais Niyang pag-aralan natin ang mga banal na kasulatan at manalangin tayo araw-araw. Ipinaaalam din nito sa atin na tutuksuhin tayo ni Satanas na huwag itong gawin. Alam natin na plano niyang alisin ang ating kalayaan sa pamamagitan ng mga gambala at makamundong tukso. Kahit sa panahon ni Job, may ilan sigurong dumanas ng espirituwal na eklipse, na inilarawan na: “Kanilang nasasalunuan ang kadiliman sa araw, at nagsisikapa sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi.”7
Mga kapatid, kapag binabanggit ko ang paggamit ng salamin ng ebanghelyo, dapat ninyong malaman na hindi ko ipinahihiwatig na hindi natin kinikilala o pinag-uusapan ang mga hamong kinakaharap natin o na wala tayong kaalam-alam sa mga patibong at kasamaang iniharap sa atin ng kaaway. Hindi ko sinasabing magtakip tayo ng mga mata—kundi ang kabaligtaran nito. Ang sinasabi ko ay tingnan natin ang mga hamon gamit ang lente ng ebanghelyo. Napansin ni Elder Dallin H. Oaks na “ang pananaw ay ang kakayahang makita ang lahat ng makabuluhang impormasyon sa isang makabuluhang ugnayan.”8 Ang pananaw sa ebanghelyo ay nagpapalawig ng ating tingin tungo sa walang hanggang pananaw.
Kapag nagsuot kayo ng “salamin ng ebanghelyo,” gaganda ang inyong pananaw, pokus, at tingin sa paraan ng pag-iisip ninyo tungkol sa inyong mga prayoridad, problema, tukso, at maging sa inyong mga kamalian. Makikita ninyo ang higit na liwanag na hindi ninyo makikita kung wala ito.
Sa kabalintunaan, hindi lamang ang negatibo ang maaaring maging sanhi ng mga espirituwal na eklipse sa ating buhay. Kadalasan, ang kahanga-hanga o positibong mga adhikaing pinagsisikapan natin ay maaaring labis nating pinagtutuunan kaya’t hinaharangan nito ang liwanag ng ebanghelyo at naghahatid ng kadiliman. Maaaring kasama sa mga panganib o gambalang ito ang edukasyon at pag-unlad, kapangyarihan at impluwensya, ambisyon, maging ang mga talento at kaloob.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “kahit anong kabutihan, kapag labis, ay nagiging masamang gawi. … Dumarating ang panahon na ang mga tagumpay ay nagiging pasanin at ang mga ambisyon ay nagpapahirap sa atin.”9
Ibabahagi ko nang mas detalyado ang mga halimbawa na maaaring magpadali sa pag-iwas sa sarili nating mga espirituwal na eklipse.
Social Media
Ilang buwan na ang nakalilipas, nagsalita ako sa BYU Women’s Conference.10 Inilarawan ko kung paano ipinalalaganap ng teknolohiya, pati ng social media, “ang kaalaman [tungkol sa] isang Tagapagligtas … sa bawat bansa, lahi, wika at tao.”11 Kabilang sa mga teknolohiyang ito ang mga website ng Simbahan gaya ng LDS.org at Mormon.org; mga mobile app gaya ng Gospel Library, Mormon Channel, LDS Tools, at Family Tree; at mga social media platform, kabilang na ang Facebook, Instagram, Twitter, at Pinterest. Ang mga social media platform na ito ay nagkaroon na ng daan-daang milyong likes, shares, views, retweets, at pins at naging napakaepektibo at mahusay sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan.
Sa kabila ng lahat ng kabutihan at angkop na paggamit ng mga teknolohiyang ito, may mga kasamang panganib ito na, kapag masyadong pinagtuunan, ay maaaring maglagay sa atin sa espirituwal na eklipse at maaaring humarang sa kaliwanagan at init ng ebanghelyo.
Ang paggamit ng social media, mga mobile app, at mga laro ay lubhang nakauubos ng oras at makababawas sa harapang pakikipag-ugnayan. Ang kawalan ng personal na pakikipag-usap ay maaaring makaapekto sa mga mag-asawa, pumalit sa mahalagang espirituwal na mga gawi, at pumigil sa pag-unlad ng mga kasanayan sa pakikihalubilo, lalo na sa mga kabataan.
Ang dalawa pang peligrong nauugnay sa social media ay ang tila perpektong realidad at nakapanlulumong pagkukumpara.
Marami (kung hindi man karamihan) sa mga retratong naka-post sa social media ay may tendensiyang ipakita ang pinakamainam sa buhay—kadalasang sa di-makatotohanang paraan. Nakita nating lahat ang magagandang larawan ng dekorasyon sa tahanan, magagandang bakasyunan, nakangiting mga selfie, magarbong paghahanda ng pagkain, at tila mahirap gayahing hitsura ng katawan.
Narito, halimbawa, ang isang imahe na maaari ninyong makita sa social media account ng isang tao. Gayunman, hindi nito naipakita ang buong larawan ng aktuwal na nangyayari sa tunay na buhay.
Ang pagkukumpara ng sarili nating tila karaniwang buhay sa buhay ng iba na maayos na inedit at perpekto ayon sa nakalarawan sa social media ay maaaring nakasisira ng loob, nakaiinggit, at nakapanghihina.
Sinabi ng isang taong nag-share ng maraming retrato niya, nang medyo pabiro siguro, “Ano ang saysay ng pagiging masaya kung hindi mo ito ipo-post?”12
Tulad ng paalala sa atin ni Sister Bonnie L. Oscarson kaninang umaga, ang tagumpay sa buhay ay hindi nagmumula sa kung gaano karaming like ang nakuha natin o ilan ang kaibigan o follower natin sa social media. Gayunman, talagang may kinalaman ito sa makabuluhang pagkonekta sa iba at pagdaragdag ng liwanag sa kanilang buhay.
Sana, matuto tayong maging mas makatotohanan, mas masayahin, at mabawasan ang ating pagkadismaya kapag naharap tayo sa mga larawang maaaring magpakita ng tila perpektong realidad at kadalasang humahantong sa nakapanlulumong pagkukumpara.
Mukhang hindi lamang ngayon naging problema ang pagkukumpara kundi maging noon pa man. Binalaan ni Apostol Pablo ang mga tao noong panahon niya na “sila na sinusukat ang kanilang sarili sa kanila rin, at kanilang itinutulad ang sarili sa kanila rin ay mga walang unawa.”13
Sa napakaraming angkop at inspiradong gamit ng teknolohiya, gamitin natin ito para magturo, magbigay-inspirasyon, at pasiglahin ang ating sarili at hikayatin ang iba na maging napakagaling—sa halip na ipakita ang ating tila perpektong sarili. Ituro at ipakita rin natin ang tamang paggamit ng teknolohiya sa bagong henerasyon at balaan sila sa kaugnay na mga panganib at nakasisirang paggamit nito. Sa pagtingin sa social media sa mga lente ng ebanghelyo, maiiwasan natin na ito ay maging isang espirituwal na eklipse sa ating buhay.
Kayabangan
Talakayin natin ngayon ang napakatagal nang balakid na kayabangan. Ang kayabangan ay kabaligtaran ng pagpapakumbaba, ang “kahandaang sumunod sa kagustuhan ng Panginoon.”14 Kapag mayabang, may tendensiya tayong angkinin ang karangalan sa halip na ibigay ito sa iba, pati na sa Panginoon. Ang kayabangan kadalasan ay mapagkumpitensya; iyon ay ang tendensiya na hangaring magtamo ng mas marami at ipalagay na mas magaling tayo kaysa iba. Ang kayabangan kadalasan ay humahantong sa galit at pagkamuhi; nagiging dahilan ito para magkimkim ng sama-ng-loob o hindi magpatawad ang isang tao. Gayunman, ang kayabangan ay madaraig sa pamamagitan ng pagpapakumbaba na tulad ni Cristo.
Ang mga ugnayan, maging ng malalapit na kapamilya at mga mahal sa buhay, lalo na ng malalapit na kapamilya at mga mahal sa buhay—maging ng mga mag-asawa—ay napagyayaman sa pagpapakumbaba at napipigilan ng kayabangan.
Maraming taon na ang nakalipas tinawagan ako ng isang executive sa isang malaking retailer para kausapin ako tungkol sa kanyang kumpanya na binibili ng isa sa mga kakumpitensya nito. Siya at ang marami pang mga tauhan sa headquarters ay alalang-alala na baka mawalan sila ng trabaho. Dahil alam niya na kilalang-kilala ko ang senior management ng kumpanyang nakabili, itinanong niya kung handa ba akong kapwa ipakilala siya at banggitin siya, at hiniling pang pagtagpuin ko sila. Ganito ang sabi niya sa huli: “Alam mo ba kung ano ang sabi nila? ‘Ang maamo ay masasawi!’”
Naunawaan ko na ang kanyang komento ay mas nilayon na magpatawa. Nasakyan ko ang biro. Ngunit may mahalagang alituntuning sa pakiramdam ko ay magagamit niya. Sumagot ako, “Sa katunayan, hindi iyan ang sinasabi nila. Sa katunayan, ito ay kabaligtaran. ‘Ang maamo … [ay] mamanahin … ang lupa’15 ang sinasabi nila.”
Sa karanasan ko sa Simbahan gayundin sa aking propesyon, ang ilan sa pinakamagaling at pinakaepektibong mga taong nakilala ko ay kabilang sa mga pinakamaamo at mapagkumbaba.
Ang pagpapakumbaba at kaamuan ay lubhang magkaugnay. Nawa’y tandaan natin na, “walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso.”16
Dalangin ko na sikapin nating iwasan ang espirituwal na eklipse ng kayabangan sa pamamagitan ng pagyakap sa kabutihan ng pagpapakumbaba.
Katapusan
Bilang buod, ang solar eclipse ay tunay na pambihirang kaganapan ng kalikasan kung saan ang kagandahan, init, at liwanag ng araw ay maaaring lubusang matakpan ng isang bagay na napakaliit, na nagsasanhi ng kadiliman at lamig.
Isang katulad na kaganapan ang maaaring mangyari sa espirituwal na diwa, kapag ang maliit at walang-kabuluhang mga bagay ay pinagtuunan at naharangan ang kagandahan, init, at makalangit na liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo, at napalitan ito ng malamig na kadiliman.
Ang salamin sa mata na dinisenyo upang protektahan ang paningin ng mga taong nasa zone ng total solar eclipse ay mahahadlangan ang permanenteng pinsala at maging ang pagkabulag.17 Ang “salamin ng ebanghelyo” na binubuo ng kaalaman at patotoo tungkol sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay naglalaan ng isang pananaw ng ebanghelyo na makapaglalaan din ng higit na espirituwal na proteksyon at kaliwanagan sa isang taong nalantad sa mga panganib ng espirituwal na eklipse.
Kung may matuklasan kayong anuman na tila nakaharang sa inyong kagalakan at sa liwanag ng ebanghelyo sa inyong buhay, inaanyayahan ko kayong ilagay ito sa pananaw ng ebanghelyo. Tumingin gamit ang salamin ng ebanghelyo at maging maingat na huwag tulutan ang walang-kabuluhan at walang-halagang mga bagay sa buhay na palabuin ang inyong walang-hanggang pananaw tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan. Sa madaling salita, huwag hayaan ang mga gambala sa buhay na harangan ang liwanag ng langit.
Patotoo
Pinatototohanan ko na anuman ang humaharang sa ating paningin sa liwanag ng ebanghelyo, ang liwanag ay naroon pa rin. Ang pinagmumulan ng init, katotohanan, at kaliwanagan ay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Pinatototohanan ko ang mapagmahal na Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at ang papel na ginagampanan ng Anak bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.