Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan
Ang pamumuno ng Panginoon sa Kanyang Simbahan ay nangangailangan ng malakas at patuloy na pananampalataya ng lahat ng mga naglilingkod sa Kanya sa mundong ito.
Mahal kong mga kapatid na nagtataglay ng priesthood ng Diyos, ngayong gabi ay nais kong magsalita tungkol sa kahanga-hangang paraan ng pamumuno ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa lupa. Alam na ninyo ang mga pangunahing alituntunin. Dalangin kong pagtibayin ito ng Espiritu Santo sa inyo.
Una, si Jesucristo ang pinuno ng Simbahan sa buong daigdig.
Pangalawa, pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kalalakihang tinawag bilang mga propeta, at ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng paghahayag.
Pangatlo, Siya ang nagbigay ng paghahayag sa Kanyang mga propeta noon, hanggang ngayon, at patuloy Niya itong gagawin.
Pang-apat, nagbibigay Siya ng nagpapatibay na paghahayag sa mga naglilingkod sa ilalim ng pamumuno ng Kanyang mga propeta.
Mula sa mga pangunahing alituntuning iyon, kinikilala natin na ang pamumuno ng Panginoon sa Kanyang Simbahan ay nangangailangan ng malakas at patuloy na pananampalataya ng lahat ng mga naglilingkod sa Kanya sa mundong ito.
Halimbawa, kailangan ang pananampalataya upang maniwala na sinusubaybayan ng nabuhay na mag-uling Panginoon ang mga detalye ng Kanyang kaharian sa araw-araw. Kailangan ang pananampalataya upang maniwala na tumatawag Siya ng di-perpektong mga tao para sa mga katungkulang ipinagkatiwala. Kailangan ang pananampalataya upang maniwala na kilala Niya nang lubos ang mga taong tinatawag Niya, kapwa ang kanilang kakayahan at kanilang potensyal, at hindi nagkakamali sa Kanyang mga pagtawag.
Maaaring dahil diyan ay mapangiti o mapailing ang ilan sa inyo sa kongregasyong ito—kapwa sa mga nag-iisip na maaaring may pagkakamali sa pagtawag sa kanila na maglingkod, at sa mga may naiisip na kakilala nila na tila hindi akmang manungkulan sa kaharian ng Panginoon. Ang payo ko sa parehong grupong ito ay ipagpaliban ang ganitong mga panghuhusga upang mas makita ninyo kung ano ang nakikita ng Panginoon. Sa halip ang kailangan ninyong isipin ay may kakayahan kayo na tumanggap ng paghahayag at kumilos ayon dito nang walang takot.
Kailangan ang pananampalataya upang magawa ito. At kailangan ang mas malaking pananampalataya upang maniwala na tumatawag ang Panginoon ng mga di-perpektong tao na maglilingkod upang pamunuan kayo. Ang layunin ko ngayong gabi ay pagtibayin ang inyong pananampalataya na ginagabayan kayo ng Diyos sa inyong paglilingkod sa Kanya. At mas mahalaga pa, inaasam ko na mapalakas ang inyong pananampalataya na binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga di-perpektong tao na tinawag Niya bilang inyong mga lider.
Maaari ninyong isipin, sa una, na ang ganoong pananampalataya ay hindi mahalaga sa tagumpay ng Simbahan at kaharian ng Panginoon. Gayunman, maaari ninyong matuklasan—saanman kayo naroroon sa hanay ng paglilingkod sa priesthood, mula sa propeta ng Panginoon hanggang sa pinakabagong maytaglay ng Aaronic Priesthood—na ang pananampalatayang iyan ay mahalaga.
Magsimula tayo sa kung ano ang ibig sabihin ng pananampalataya para sa isang teachers o deacons quorum president. Mahalaga para sa kanya na magkaroon ng pananampalataya na personal siyang tinawag ng Panginoon, nalalaman ang mga kahinaan at kalakasan ng teacher na iyon. Kailangan niyang magkaroon ng pananampalataya na ang lalaking nagbigay ng tawag ay nakatanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Kailangan ng kanyang mga tagapayo at ng mga miyembro ng kanyang korum ang gayon ding pananampalataya upang sumunod sa kanya nang may walang takot na pagtitiwala.
Nakakita ako ng ganitong pagtitiwala nang ang isang batang lalaki ay kasamang naupo sa pulong ng kanyang deacons quorum presidency isang Linggo ng umaga. Siya ang kanilang bagong tawag na secretary. Nagsanggunian ang batang presidency na iyon. Nag-usap sila tungkol sa ilang paraan para magawa nila ang iniatas sa kanila ng bishop na ibalik sa simbahan ang isang batang lalaki na di-gaanong aktibo. Pagkatapos ng panalangin at pag-uusap, inatasan nila ang secretary na pumunta sa tahanan ng batang lalaking hindi pa kailanman nakadalo ng miting at anyayahan siya.
Hindi kilala ng secretary ang batang lalaki, subalit alam niya na ang isa sa mga magulang ng batang lalaki ay di-gaanong aktibo at ang isa ay hindi miyembro at may kasungitan. Nakadama ang secretary ng pagkabalisa ngunit hindi ng pagkatakot. Alam niya na iniutos ng propeta ng Diyos sa mga maytaglay ng priesthood na ibalik ang nawawalang tupa. At narinig niya ang panalangin ng kanyang presidency. Narinig niya sila na nagkasundo sa pangalan ng batang lalaki na sasagipin at nabanggit ang kanyang pangalan na gagawa niyon.
Nakamasid ako nang maglakad ang secretary sa kalye patungo sa tahanan ng di-gaanong aktibong batang lalaki. Marahan ang paglalakad niya na tila ba palapit siya sa malaking panganib. Subalit wala pang kalahating oras ay naglalakad na siya sa kalsada kasama ang batang lalaki, at masayang nakangiti. Hindi ko tiyak kung alam na niya noon, subalit pumaroon siya nang may pananampalataya na nasa paglilingkod siya ng Panginoon. Nanatili sa kanya ang pananampalatayang iyon at lumago sa paglipas ng kanyang panahon bilang missionary, ama, lider ng mga kabataang lalaki, at bishop.
Pag-usapan natin kung ano ang ibig sabihin ng ganoong pananampalataya para sa isang bishop. Kung minsan ay tinatawag ang isang bishop na maglingkod sa mga taong lubusang nakakakilala sa kanya. May alam ang mga miyembro ng ward tungkol sa kanyang mga kahinaan bilang tao at sa kanyang mga espirituwal na kalakasan, at alam nila na may mga iba pa sa ward na maaaring matawag—mga taong tila mas may pinag-aralan, mas bihasa, mas kaaya-aya, o mas guwapo.
Alam ng mga miyembrong ito na ang tawag na maglingkod bilang isang bishop ay nagmula sa Panginoon, sa pamamagitan ng paghahayag. Kung wala ang kanilang pananampalataya, makikita ng bishop, na tinawag ng Diyos, na mas mahirap tumanggap ng paghahayag na kailangan niya upang tulungan sila. Hindi siya magtatagumpay nang wala ang pananampalataya ng mga miyembro na magpapalakas sa kanya.
Mabuti na lang, ang kabaligtaran nito ay totoo rin. Isipin ang tagapaglingkod ng Panginoon na si Haring Benjamin, na inakay ang kanyang mga tao na magsisi. Ang mga puso ng mga tao ay lumambot sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya na tinawag siya ng Diyos, sa kabila ng kanyang mga kahinaan, at na ang kanyang mga salita ay mula sa Diyos. Naaalala ninyo ang sinabi ng mga tao: “Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; … alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon, dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).
Para magtagumpay ang isang lider sa gawain ng Panginoon, ang tiwala ng mga tao na tinawag siya ng Diyos ay dapat mangibabaw sa pananaw nila tungkol sa kanyang mga kakulangan at mortal na kahinaan. Naaalala ninyo kung paano ipinaliwanag ni Haring Benjamin ang kanyang tungkulin sa pamumuno:
“Hindi ko kayo inutusang magtungo rito upang kayo ay matakot sa akin, o upang inyong isipin na ako sa aking sarili ay higit sa isang mortal na tao.
“Kundi ako ay katulad din ng inyong sarili, saklaw ng lahat ng uri ng mga sakit sa katawan at isipan; gayunman ako ay pinili ng mga taong ito, at itinalaga ng aking ama, at pinahintulutan ng kamay ng Panginoon na ako ay maging isang pinuno at isang hari sa mga taong ito; at inaruga at pinangalagaan ng kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang paglingkuran kayo nang buo kong kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon” (Mosias 2:10–11).
Ang lider ninyo sa Simbahan ng Panginoon ay maaaring tila mahina o may pagkukulang para sa inyo o maaaring makita ninyo siya na malakas at inspirado. Ang katotohanan ay mayroon ang lahat ng lider ng pinaghalong katangiang iyon at marami pang iba. Ang nakakatulong sa mga tagapaglingkod ng Panginoon na tinawag upang mamuno sa atin ay kapag tinitingnan natin sila tulad ng pagtingin ng Panginoon noong tawagin Niya sila.
Kilalang-kilala ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod. Nakikita Niya ang kanilang potensyal at kanilang hinaharap. At alam Niya kung paano mababago ang kanilang pagkatao. Alam din Niya kung paano sila mababago ng kanilang mga karanasan kasama ang mga tao na pinamumunuan nila.
Maaaring maranasan ninyo na mas napalakas kayo sa pamamagitan ng mga taong pinaglilingkuran ninyo. Minsan na akong tinawag bilang bishop ng mga young single adult. Hindi ko tiyak kung ang mga layunin ng Panginoon ay matulungan ko Siya na makagawa ng pagbabago sa kanila o ng mga pagbabagong alam Niyang magagawa nila sa akin.
Sa kadahilanang hindi ko maunawaan, ipinapalagay ng karamihan sa mga young single adult sa ward na iyon na tinawag talaga ako ng Diyos para sa kanila. Nakita nila ang aking mga kahinaan subalit hindi nila pinansin ang mga iyon.
Naalaala ko ang isang binata na humingi ng payo tungkol sa mga pinipili niyang pag-aralan. Unang taon pa lang niya sa isang magandang unibersidad. Isang linggo matapos ko siyang mapayuhan, nag-iskedyul siya ng appointment sa akin.
Nang dumating siya sa aking opisina, ginulat niya ako sa pagtatanong ng, “Bishop, puwede po ba tayong manalangin bago tayo mag-usap? At puwede po ba tayong lumuhod? At puwede po bang ako ang manalangin?”
Nagulat ako sa mga kahilingan niya. Subalit mas ginulat ako ng panalangin niya. Parang ganito ang sinabi niya: “Ama sa Langit, alam po Ninyo na binigyan ako ni Bishop Eyring ng payo noong nakaraang linggo, at hindi iyon umubra. Pakibigyan po Ninyo siya ng inspirasyon upang malaman kung ano na ang gagawin ko ngayon.”
Ngayon ay maaaring mapangiti kayo dahil dito, ngunit hindi ako. Alam na niya kung ano ang nais ng Panginoon na gawin niya. Subalit iginalang niya ang katungkulan ng isang bishop sa Simbahan ng Panginoon at marahil ay nais niyang magkaroon ako ng pagkakataong magtamo ng higit na tiwala na tumanggap ng paghahayag sa tungkuling iyan.
Epektibo iyon. Nang tumayo kami at naupo, dumating ang paghahayag sa akin. Sinabi ko sa kanya kung ano ang nadama ko na nais ng Panginoon na gawin niya. Siya ay 18-taong gulang pa lang noon, ngunit mataas na ang kanyang espirituwalidad.
Alam na niya na hindi na niya kailangang pumunta sa isang bishop para sa ganoong problema. Ngunit natutuhan niyang sang-ayunan ang tagapaglingkod ng Panginoon bagama’t may mga kahinaan ito. Naging stake president siya kalaunan. Isinapuso niya ang aral na natutuhan namin nang magkasama: kung nananampalataya kayo na pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa mga di-perpektong tagapaglingkod na iyon na Kanyang tinawag, bubuksan ng Panginoon ang mga dungawan ng langit para sa kanya, at gagawin din Niya iyon sa inyo.
Mula sa karanasang iyon, natutuhan ko ang aral na ang pananampalataya ng mga taong pinaglilingkuran natin, na minsan ay higit pa sa ating sariling pananampalataya, ay nagbibigay sa atin ng paghahayag sa paglilingkod sa Panginoon.
Isa pang aral ang natutuhan ko. Kung hinusgahan na ako ng binatang iyon dahil sa aking kabiguang mabigyan siya ng magandang payo sa unang pagkakataon, hindi na sana siya lalapit upang humingi muli ng payo sa akin. At sa pagpiling huwag akong husgahan, natanggap niya ang pagpapatibay na hinangad niya.
At isa pang aral mula sa karanasang iyon ang lubos na nakatulong sa akin. Sa pagkakaalam ko, hindi niya sinabi kaninuman sa ward na hindi ko siya nabigyan ng magandang payo noong una. Kung ginawa niya iyon, maaaring nabawasan ang pananampalataya ng iba sa ward na magtiwala sa inspirasyon ng bishop.
Sinisikap kong huwag husgahan ang mga tagapaglingkod ng Panginoon o magsalita tungkol sa nakikitang kahinaan nila. At sinisikap kong ituro iyan sa aking mga anak sa pamamagitan ng halimbawa. Ibinahagi ni Pangulong James E. Faust ang isang alituntunin na sinisikap kong gawin sa aking sarili. Ibinibigay ko ito sa inyo:
“Kailangan … nating suportahan at sang-ayunan ang ating mga lokal na lider, sapagkat sila … ay ‘tinawag at pinili.’ Bawat miyembro ng Simbahang ito ay maaaring tumanggap ng payo mula sa bishop o branch president, stake o mission president, at sa Pangulo ng Simbahan at sa kanyang mga kasama. Walang sinuman sa mga kapatid na ito ang hiniling ang kanyang tungkulin. Walang sinumang perpekto. Gayunpaman sila’y mga alagad ng Panginoon, na tinawag Niya sa pamamagitan ng mga taong karapat-dapat na mabigyang-inspirasyon. Ang mga tinawag, sinang-ayunan, at itinalaga ay nararapat sa ating pagsang-ayon.
“… Ang di paggalang sa mga espirituwal [na] lider ay nagpapahina at nagpapabagsak sa espirituwalidad. Dapat nating ipagpaumanhin ang anumang nakikitang mga kakulangan, kamalian, o kapintasan ng mga lalaking tinawag na mangulo sa atin, at sang-ayunan ang tungkuling hawak nila” (“Tinawag at Pinili,” Liahona, Nob. 2005, 54–55).
Ang payong iyan ay nagpapala sa mga tagapaglingkod ng Diyos sa lahat ng kalagayan.
Sa mga unang araw ng Simbahan ng Panginoon, ang mga lider na malapit kay Propetang Joseph Smith ay nagsimulang magsalita tungkol sa kanyang mga kamalian. Sa kabila ng lahat ng kanilang nakita at nalaman tungkol sa katayuan niya sa Panginoon, ang kanilang pamimintas at pagkainggit ay kumalat gaya ng isang salot. Isa sa Labindalawa ang nagpakita para sa ating lahat ng pamantayan ng pananampalataya at katapatan na dapat taglay natin kung naglilingkod tayo sa kaharian ng Panginoon.
Ganito ang nakatala: “Ilang elder ang nagpatawag ng isang pulong sa templo para sa lahat ng mga nagtuturing na si Joseph Smith ay isang hindi karapat-dapat na Propeta. Tinangka nilang italaga si David Whitmer bilang bagong pinuno ng Simbahan. … Matapos mapakinggan ang mga argumento laban sa Propeta, si Brigham [Young] ay tumayo at nagpatotoo, ‘alam ko na si Joseph ay Propeta, at maaari nilang ireklamo, at siraan siya ng puri hangga’t gusto nila; hindi nila masisira ang pagkakahirang ng Propeta ng Diyos, maaari lamang nilang sirain ang sarili nilang awtoridad, putulin ang pisi na nagbubuklod sa kanila sa Propeta at sa Diyos at ibaon ang kanilang sarili sa impiyerno’” (Church History in the Fulness of Times Student Manual [Church Educational System manual, 2003], ika-2 ed., 174; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 89).
May isang pisi na nagbubuklod sa atin sa Panginoon sa ating paglilingkod. Nakadugtong ito mula sa kung saanman tayo tinawag na maglingkod sa kaharian, paakyat sa mga tinawag na mamuno sa atin sa priesthood, at sa propeta, na nakabigkis sa Panginoon. Kinakailangan ang pananampalataya at pagpapakumbaba upang maglingkod sa katungkulan kung saan tayo tinawag, magtiwala na ang Panginoon ang tumawag sa atin at sa mga namumuno sa atin, at sang-ayunan sila nang may buong pananampalataya.
May mga pagkakataon, tulad noon sa Kirtland, na kakailanganin natin ang pananampalataya at integridad ng isang Brigham Young upang tumayo sa lugar kung saan tayo tinawag ng Panginooon, matapat sa Kanyang propeta at sa mga lider na tinawag Niya na manungkulan.
Ibinibigay ko sa inyo ang aking taimtim at masayang patotoo na ang Panginoong Jesucristo ang namumuno. Pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan at ang Kanyang mga tagapaglingkod. Nagpapatotoo ako na si Thomas S. Monson ang tanging tao na humahawak at gumagamit ng lahat ng mga susi ng banal na priesthood sa mundo sa panahong ito. At dalangin ko na ang mga pagpapala ay mapasalahat ng mga mapagpakumbabang tagapaglingkod na naglilingkod nang kusa at mahusay sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, na Siya mismo ang namumuno. Nagpapatotoo ako na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo. Sila ay nakipag-usap sa kanya. Ang mga susi ng priesthood ay ipinanumbalik para pagpalain ang lahat ng anak ng Ama sa Langit. Misyon at tungkulin natin na maglingkod sa ating katungkulan sa layunin ng Panginoon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.