Mangag-ibigan sa Isa’t Isa Tulad ng Pag-ibig Niya sa Atin
Sa pamamagitan ng paglilingkod at pagpapatawad sa isa’t isa nang may tunay na pagmamahal, maaari tayong mapagaling at mapalakas upang malampasan ang ating sariling mga pagsubok.
Sa Huling Hapunan, nagbigay ng bagong kautusan ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, na nagsasabing:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.
“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”1
Ang mga disipulo ng Tagapagligtas ay binigyan ng isang bagong kautusan na gumawa ng isang bagay na mas nakahihigit, isang bagay na mas dakila, at isang bagay na mas banal. Maibubuod ang bagong kautusan at paanyayang ito sa pinakamahalagang pariralang “kung paanong iniibig ko kayo.”
Ang Pag-ibig ay Gawa; Ang Pag-ibig ay Paglilingkod
“Ang pag-ibig ay isang damdaming puno ng masidhing pagmamalasakit, pag-aalala, at pagkagiliw. Ang pinakamagandang halimbawa ng pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay makikita sa walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”2 “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan,” itinala ni Juan, “na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”3 “Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa-tao ay isang katangian ng mga disipulo ni Jesucristo.”4
Ilang taon na ang nakalilipas, noong ang aming pinakamatandang apong si Jose ay apat na taong gulang, nakikipaglaro siya sa aking asawa. Habang nagtatawanan sila at nagkakatuwaan, tinanong siya ng aming apo, “Lola, mahal po ba ninyo ako?”
Sinagot niya ang bata, “Oo, Jose, mahal kita.”
Pagkatapos ay may isa pa siyang itinanong: “Paano po ninyo nalamang mahal ninyo ako?”
Ipinaliwanag niya sa kanya ang kanyang mga nararamdaman at sinabi rin sa kanya ang lahat ng mga nagawa na niya at mga handa pang gawin para sa kanya.
Kalaunan, itinanong din ito ng asawa ko kay Jose, kabilang na ang nakaaantig na tanong na ito: “Paano mo nalamang mahal mo ako?”
Sa kanyang inosente at taos-pusong sagot, sinabi niyang, “Mahal kita dahil nararamdaman ko po ito sa puso ko.” Ang mapagmahal na ugali ni Jose sa kanyang lola noong araw na iyon at sa tuwina ay nagpapakita na ang pag-ibig ay kombinasyon ng gawa at masidhing damdamin.
Itinuro ni Haring Benjamin, “Masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”5
Sa mundo ngayon na puno ng napakaraming paghihirap dahil sa iba’t ibang sitwasyon, ang pagpapadala ng isang text message na may isang nakakatawang emoji o ang pagpo-post ng isang magandang larawan na may mga salitang “Mahal kita” ay mabuti at mahalaga. Subalit ang kinakailangang gawin ng marami sa atin ay iwanan ang ating mga mobile device at, gamit ang ating mga kamay at paa, ay tumulong sa ibang may matinding pangangailangan. Ang pag-ibig na walang paglilingkod ay tulad ng pananampalatayang walang gawa; tunay na ito’y patay.
Ang Pag-ibig ay Pagpapatawad
Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, na pag-ibig sa kapwa-tao,6 ay hindi lamang pumupukaw sa atin na kumilos at magbigay ng mga paglilingkod kundi magkaroon din ng lakas upang magpatawad, anuman ang sitwasyon. Magbabahagi ako sa inyo ng isang karanasan na nakaapekto at nagpabago sa aking buhay. Binigyan ako ng pahintulot nina Ted at Sharon, mga magulang ni Cooper, na narito ngayon, na ibahagi ang nangyari sa kanilang pamilya mahigit siyam na taon na ang nakararaan. Ilalahad ko ang karanasang ito mula sa pananaw ni Ted, ang ama ni Cooper:
Agosto 21, 2008 ang unang araw ng pasok sa paaralan, at ang tatlong nakatatandang kapatid ni Cooper na sina Ivan, Garrett, at Logan, ay nasa bus stop na lahat at naghihintay na makasakay ng bus. Si Cooper, na apat na taong gulang, ay nakasakay ng bisikleta, ang asawa kong si Sharon ay naglalakad.
Nasa kabilang kalsada ang asawa ko at sinenyasan si Cooper na tumawid. Sa oras din iyon, isang kotse ang dahan-dahang lumiko sa kaliwa at nasagasaan si Cooper.
Nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang kapitbahay na nagsabi sa aking nabangga ng isang kotse si Cooper. Mabilis akong nagmaneho patungo sa bus stop para makita siya. Nakahiga si Cooper sa damuhan, nahihirapang huminga, pero walang makikitang mga pinsala.
Lumuhod ako sa tabi ni Cooper at nagsabi ng nakahihikayat na mga bagay tulad ng “Magiging maayos ang lahat. Kumapit ka lang.” Sa sandaling iyon, dumating ang aking high priest group leader na si Nathan kasama ang kanyang asawa. Iminungkahi ng asawa ni Nathan na bigyan namin si Cooper ng priesthood blessing. Ipinatong namin ang aming mga kamay sa ulo ni Cooper. Hindi ko na maalala kung ano ang mga sinabi ko sa basbas, pero malinaw sa alaala ko ang presensya ng iba pa na nakapalibot sa amin, at sa sandaling iyon ko nalaman na papanaw si Cooper.
Inilipad si Cooper ng isang helicopter papunta sa ospital ngunit siya ay pumanaw na nga. Nadama kong sinasabi sa akin ng Ama sa Langit na natapos na ang pag-aalaga ko kay Cooper dito sa mundo at Siya na ngayon ang mag-aalaga rito.
Nakasama pa namin ng ilang sandali si Cooper sa ospital. Inihanda siya ng mga nagtatrabaho doon para mahawakan namin siya at makapagpaalam at pinahintulutan kami na makapiling siya hangga’t maaari, hinahawakan siya hangga’t nais namin.
Sa aming pag-uwi, nagtinginan kami ng aking nagdadalamhating asawa at nagsimulang pag-usapan ang batang lalaking nagmamaneho ng kotse. Hindi namin siya kilala, kahit na isang kalye lang ang layo ng tinitirhan niya at sakop ng hangganan ng aming ward.
Napakahirap ng sumunod na araw dahil kaming lahat ay lubusang ginapi ng pagdadalamhati. Lumuhod ako at inusal ang pinakataimtim na panalanging nasambit ko. Hiniling ko sa Ama sa Langit sa pangalan ng Tagapagligtas na alisin sa akin ang nakagagaping pagdadalamhating ito. Ginawa Niya ito.
Kinalaunan noong araw na iyon, isa sa mga tagapayo sa stake presidency ang nag-iskedyul para makaharap namin ang binatilyo—ang nagmamaneho ng kotse—at ang kanyang mga magulang sa tahanan ng tagapayo. Hinintay namin ni Sharon ang pagdating ng bata at ng kanyang mga magulang. Nang bumukas ang pinto, nakaharap namin sila sa unang pagkakataon. Ibinulong sa akin ng bishop namin na, “Lapitan mo siya.” Sabay namin siyang niyakap ni Sharon. Umiyak kami nang tila ba napakahabang panahon. Sinabi namin sa kanya na alam namin na talagang isang aksidente ang nangyari.
Himala ito para kay Sharon at sa akin, dahil kapwa namin naramdaman iyon at nararamdamam pa rin namin ito ngayon. Sa biyaya ng Diyos, nagawa naming tahakin ang malaking landas, ang malinaw na landas, ang tanging landas, at mahalin ang mabuting binatilyong ito.
Naging malapit kami sa kanya at sa kanyang pamilya sa paglipas ng mga taon. Ibinahagi niya sa amin ang kanyang mga pinakamahalagang karanasan. Pumunta rin kami sa templo na kasama niya habang naghahanda siya para sa kanyang misyon.7
Mga kapatid, walang dudang alam ni Ted na mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Alam niya na ang makapagpatawad, at alisan ang sarili ng pasanin sa ganoong paraan, ay kasing saya ng mapatawad. Ang kaligayahang ito ay nagmumula sa pagtulad sa halimbawa ng ating pinakadakilang Halimbawa. Sa Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Alma tungkol sa Tagapagligtas, “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.”8
Mga kapatid, talagang kahanga-hannga ang kuwento ng tunay na pag-ibig at pagpapatawad. Maaari din tayong magkaroon ng kagalakan at kaligayahan kapag tayo ay naglilingkod at nagpapatawad sa iba. Madalas sabihin ni Georgy, isa pa sa aming mga apo, “Anong klaseng pamilya tayo?” At ang sagot niya, “Tayo ay isang masayang pamilya.”
Ipinayo sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson: “Suriin natin ang ating buhay at magpasiyang [tularan] ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagiging mabait, mapagmahal, at may pag-ibig sa kapwa-tao.”9
Alam kong mahal tayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at handa silang tulungan tayong kumilos kapag nangag-iibigan tayo sa isa’t isa tulad ng pag-ibig Nila sa atin. At alam kong sa pamamagitan ng paglilingkod at pagpapatawad sa isa’t isa nang may tunay na pagmamahal, maaari tayong mapagaling at mapalakas upang malampasan ang ating sariling mga pagsubok. At ipinahahayag ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.