Pananabik na Makauwi
Ibalik ang inyong kaluluwa sa liwanag. Simulan ang sarili ninyong magandang paglalakbay pauwi. Kapag ginawa ninyo ito, ang inyong buhay ay magiging mas mabuti, mas masaya, at mas makabuluhan.
Kamakailan lamang, sa pulong namin kasama si Pangulong Thomas S. Monson, mataimtim at magiliw niyang ipinahayag kung gaano niya kamahal ang Panginoon at na alam niyang mahal siya ng Panginoon. Mahal kong mga kapatid, alam ko na labis na nagpapasalamat si Pangulong Monson sa inyong pagmamahal, mga dalangin, at katapatan sa Panginoon at sa Kanyang dakilang ebanghelyo.
Si Bobbie the Wonder Dog
Halos isang siglo na ang nakararaan, isang pamilya mula sa Oregon ang noo’y nagbabakasyon sa Indiana—mahigit 2,000 milya (3,200 km) ang layo—nang mawala ang kanilang mahal na aso na si Bobbie. Hinanap ng nag-aalalang pamilya ang aso sa lahat ng dako ngunit hindi nila ito natagpuan. Hindi mahanap si Bobbie.
Sila ay malungkot na naglakbay pauwi at bawat milya ay papalayo sa kanilang mahal na aso.
Pagkaraan ng anim na buwan, nagulat ang pamilya nang makita nila si Bobbie sa kanilang pintuan sa Oregon. “Marumi at sugat-sugat na kaya halos makita na ang buto sa mga paa nito—tila ba nilakad [nito] ang mahabang distansya … nang mag-isa.”1 Naging interesado ang mga tao sa Estados Unidos sa kuwento tungkol kay Bobbie at nakilala ito bilang si Bobbie the Wonder Dog.
Hindi lamang si Bobbie ang hayop na nagpamangha sa mga siyentipiko dahil sa husay sa paghahanap ng direksyon at pag-uwi sa tahanan. Ang ilang monarch butterfly ay naglalakbay ng 3,000 milya (4,800 km) ang layo kada taon patungo sa mga rehiyon na mas angkop sa kanila para mabuhay. Ang mga leatherback turtle ay naglalakbay patawid sa Pacific Ocean mula sa Indonesia hanggang sa mga baybayin ng California. Ang mga humpback whale ay lumalangoy mula sa malamig na mga tubig ng North Pole at South Pole papunta sa equator at pabalik mula roon. Marahil ang mas pambihira pa ay ang arctic tern na lumilipad mula sa Arctic Circle papunta sa Antarctica at pabalik mula roon kada taon, na ang layo ay mga 60,000 milya (97,000 km).
Kapag pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang pambihirang pag-uugaling ito, ganito ang mga tanong nila “Paano nila nalalaman kung saan pupunta?” at “Paano natututuhan ng bawat sumusunod na henerasyon ang pag-uugaling ito?”
Nang mabasa ko ang pambihirang pag-uugaling ito ng mga hayop, hindi ko maiwasang isipin, “Posible kaya na may gayon ding pananabik ang mga tao—isang sistemang gumagabay, kung mamarapatin ninyong ganito ang itawag ko rito—na humihikayat sa kanila patungo sa kanilang tahanan sa langit?”
Naniniwala ako na nadama na ng bawat lalaki, babae, at bata ang pananabik sa kanilang tahanan sa langit sa ilang pagkakataon sa kanilang buhay. Sa kaibuturan ng puso natin ay naroon ang pananabik na makadaan sa tabing at mayakap ang mga Magulang sa Langit na kilala natin at mahal natin.
Maaaring pinipigilan ng ilan ang pananabik na ito at namamanhid ang kanilang kaluluwa sa tawag nito. Ngunit yaong hindi sinusupil ang liwanag na ito sa kanilang puso ay makapagsisimula sa isang napakagandang paglalakbay—isang kahanga-hangang paglalakbay patungo sa langit.
Tinatawag Kayo ng Diyos
Ang napakagandang mensahe ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Diyos ay ating Ama, nagmamalasakit Siya sa atin, at may paraan upang makabalik sa Kanya.
Tinatawag kayo ng Diyos.
Alam ng Diyos ang lahat ng inyong iniisip, pighati, at pinakaaasam. Alam ng Diyos ang maraming beses na paghahanap ninyo sa Kanya. Ang maraming beses na nakadama kayo ng walang hanggang kaligayahan. Ang maraming beses ninyong pag-iyak dahil sa kalungkutan. Ang maraming beses na nanghina kayo, nalito, o nagalit.
Subalit, anuman ang nangyari sa inyo—kung kayo man ay nanghina, nabigo, nalungkot, naghinanakit, pinagtaksilan, o sinaktan—dapat ninyong malaman na hindi kayo nag-iisa. Tinatawag pa rin kayo ng Diyos.
Iniaabot ng Tagapagligtas ang Kanyang kamay sa inyo. At, tulad ng sinabi Niya sa mga mangingisda na nakatayo noon sa mga baybayin ng Dagat ng Galilea, nangungusap Siya sa inyo nang may walang hanggang pagmamahal: “Magsisunod kayo sa hulihan ko.”2
Kung pakikinggan ninyo Siya, magsasalita Siya sa inyo sa mismong araw na ito.
Kapag tinatahak ninyo ang landas ng pagkadisipulo—kapag naglalakad kayo patungo sa Ama sa Langit—may isang bagay sa puso ninyo na magpapatibay na narinig ninyo ang tawag ng Tagapagligtas at itinutuon ang inyong puso sa liwanag. Sasabihin nito sa inyo na nasa tama kayong landas at papauwi na kayo.
Sa simula pa lamang, hinikayat na ng mga propeta ng Diyos ang mga tao sa kanilang panahon na “[sundin] ang tinig ng Panginoon mong Dios, … tuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan … , [at manumbalik] sa [Kanya] ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.”3
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan ang napakaraming dahilan kung bakit dapat nating gawin ito.
Ngayon, magbibigay ako ng dalawang dahilan kung bakit dapat tayong magsibalik sa Panginoon.
Una, magiging mas mabuti ang inyong buhay.
Pangalawa, gagamitin kayo ng Diyos upang mas mapabuti ang buhay ng iba.
Magiging Mas Mabuti ang Inyong Buhay
Pinatototohanan ko na kapag nagsimula o nagpatuloy tayo sa paglalakbay patungo sa Diyos, magiging mas mabuti ang ating buhay.
Hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo daranas ng lungkot sa ating buhay. Kilala nating lahat ang matatapat na tagasunod ni Cristo na nagdanas ng pagdurusa at kawalan ng katarungan —si Jesucristo mismo ay nagdusa nang higit kaninuman. Tulad ng ginagawa ng Diyos na “pinasisikat ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti,” tinutulutan Niya ring mangyari ang paghihirap upang subukan ang matwid at hindi matwid.4 Katunayan, kung minsan tila mas mahirap ang ating buhay dahil sinisikap nating mamuhay ayon sa ating pananampalataya.
Ang pagsunod sa Tagapagligtas ay hindi mag-aalis ng lahat ng inyong pagsubok. Gayunman, aalisin nito ang mga hadlang sa pagitan ninyo at ng tulong na gustong ibigay sa inyo ng Ama sa Langit. Sasamahan kayo ng Diyos. Ituturo Niya ang inyong tatahakin. Lalakad Siya sa tabi ninyo at papasanin kayo kapag nahihirapan na kayo.
Mararanasan ninyo ang napakagandang bunga ng Espiritu: “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, [at] pagtatapat.”5
Ang mga espirituwal na bungang ito ay hindi bunga ng temporal na pag-unlad, tagumpay, o magandang kapalaran. Nagmumula ang mga ito sa pagsunod sa Tagapagligtas, at makatutulong ang mga ito maging sa pinakamatitinding unos sa ating buhay.
Ang mga paghihirap at kaguluhan ng mortal na buhay ay maaaring magbanta at magpadama ng takot, ngunit ang mga taong itinutuon ang kanilang puso sa Diyos ay palilibutan ng Kanyang kapayapaan. Ang kanilang kagalakan ay hindi mapapawi. Sila ay hindi pababayaan o kalilimutan.
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo” ang itinuturo ng banal na kasulatan, “at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”6
Ang mga sumusunod sa tawag na iyon at hinahanap ang Diyos, nagdarasal, naniniwala, at lumalakad sa landas ng pagkadisipulo—kahit natitisod kung minsan sa pagtahak sa landas na iyon—ay tatanggap ng nakapapanatag na katiyakan na “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [kanilang] ikabubuti.”7
Sapagkat ang Diyos ay “nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.”8
“Sapagka’t ang matuwid ay nabubuwal na makapito, at bumabangon muli.”9
At ang Panginoon sa Kanyang kabutihan ay itinatanong:
Gusto ba ninyong madama nang matagal ang kagalakan?
Kinasasabikan ba ninyong madama sa inyong puso ang kapayapaan na di masayod ng pag-iisip?10
Kung gayon ibalik ang inyong kaluluwa sa liwanag.
Simulan ang sarili ninyong magandang paglalakbay pauwi.
Kapag ginawa ninyo ito, ang inyong buhay ay magiging mas mabuti, mas masaya, at mas makabuluhan.
Gagamitin Kayo ng Diyos
Sa inyong paglalakbay pauwi sa Ama sa Langit mauunawaan ninyo na ang paglalakbay na ito ay hindi lang nakatuon sa sarili ninyong buhay. Ang landas na ito ay magbibigay-daan sa inyo upang maging isang pagpapala kayo sa iba pang mga anak ng Diyos—ang inyong mga kapatid. At ang masaya sa paglalakbay na ito ay kapag naglilingkod kayo sa Diyos, at kapag nagmamalasakit kayo at tumutulong sa inyong kapwa, makikita ninyo ang malaking pag-unlad sa sarili ninyong buhay, na hindi ninyo sukat-akalain.
Marahil hindi ninyo iniisip na kapaki-pakinabang kayo; marahil hindi ninyo iniisip na pagpapala kayo sa buhay ng isang tao. Madalas, kapag tinitingnan natin ang ating sarili, nakikita lamang natin ang ating mga limitasyon at kahinaan. Maaaring maisip natin na kailangang “mas” nakahihigit tayo para magamit tayo ng Diyos—mas matalino, mas mayaman, mas kalugud-lugod, mas mahusay, mas espirituwal. Ang mga pagpapala ay hindi dumarating dahil lamang sa inyong mga kakayahan kundi dahil sa inyong pagpili. Ang Diyos ng sansinukob ay gagawa sa inyo at sa pamamagitan ninyo, palalakasin kayo para sa Kanyang mga layunin.
Ang Kanyang gawain ay patuloy na sumusulong sa mahalagang alituntuning ito: “Mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.”11
Nang sumulat sa mga Banal sa Corinto, sinabi ni Apostol Pablo na ilan lang sa kanila ang maituturing na marunong ayon sa mga pamantayan ng mundo. Ngunit hindi iyon mahalaga, dahil “pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas.”12
Ang kasaysayan ng gawain ng Diyos ay puno ng mga taong itinuturing ang kanilang sarili na may kakulangan. Ngunit naglingkod sila nang may pagpapakumbaba, nang umaasa sa biyaya ng Diyos at sa Kanyang pangako: “Ang kanilang bisig ay magiging aking bisig at ako ang kanilang magiging pananggalang … , at sila ay matapang na makikipaglaban para sa akin; at … sila ay aking pangangalagaan.”13
Nitong nakaraang tag-init ang aming pamilya ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na mapuntahan ang ilan sa mga lugar sa kasaysayan ng Simbahan sa silangang Estados Unidos. Sa espesyal na paraan, ginunita namin ang kasaysayan sa panahong iyan. Ang mga nabasa ko tungkol sa mga tao—tulad nila Martin Harris, Oliver Cowdery, at Thomas B. Marsh—ay lalong naging makatotohanan sa akin habang naglalakad kami kung saan sila naglakad at iniisip ang mga sakripisyong ginawa nila upang maitayo ang kaharian ng Diyos.
Marami silang magagandang katangian na nakatulong nang malaki sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Ngunit sila ay mga tao rin, mahihina, at hindi perpekto—tulad natin. Ang ilan ay nakipagtalo kay Propetang Joseph Smith at lumayo sa Simbahan. Kalaunan, marami sa mga tao ring iyon ang nagbago ng puso, nagpakumbaba ng kanilang sarili, at muling naghangad ng pakikipagkapatiran sa mga Banal.
Maaaring may inklinasyon tayong husgahan ang mga kapatid na ito at ang iba pang mga miyembro na tulad nila. Maaaring sabihin natin, “Hindi ko kailanman iiwanan si Propetang Joseph.”
Bagama’t maaaring totoo ito, hindi natin talagang alam kung ano ang buhay noon sa panahong iyon, sa mga sitwasyong iyon. Hindi sila perpekto, ngunit nakasisiglang malaman na ginamit pa rin sila ng Diyos. Alam Niya ang kanilang mga kalakasan at kahinaan, at binigyan Niya sila ng pambihirang oportunidad na makapag-ambag ng isang talata o isang himig sa maluwalhating himno ng Panunumbalik.
Nakasisiglang malaman na bagama’t hindi tayo perpekto, kung ang ating puso ay nakatuon sa Diyos, Siya ay magiging mapagbigay at mabait at gagamitin tayo para sa Kanyang mga layunin.
Ang mga nagmamahal at naglilingkod sa Diyos at sa kapwa at mapagpakumbaba at aktibong nakikibahagi sa Kanyang gawain ay makikita ang magagandang bagay na nangyayari sa kanilang buhay at sa buhay ng mga taong mahal nila.
Ang mga pintong tila nakasara ay mabubuksan.
Ang mga anghel ay magpapatiuna sa harapan nila at ihahanda ang daan.
Anuman ang katayuan ninyo sa inyong komunidad o sa Simbahan, gagamitin kayo ng Diyos, kung handa kayo. Pag-iibayuhin Niya ang inyong mabubuting hangarin at ang tulong na itinatanim ninyo ay aani ng maraming kabutihan.
Hindi Tayo Makararating Doon Kung Naka-autopilot Tayo
Bawat isa sa atin, ay, “taga ibang bayan at manglalakbay”14 sa mundong ito. Sa maraming bagay, malayo tayo sa ating tahanan. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na naliligaw o nag-iisa tayo.
Pinagkalooban tayo ng ating mahal na Ama sa Langit ng Liwanag ni Cristo. At sa kaibuturan ng puso ng bawat isa sa atin, isang pahiwatig mula sa langit ang naghihikayat sa atin na ituon ang ating mga mata at puso sa Kanya habang naglalakbay tayo pauwi sa ating selestiyal na tahanan.
Kailangan dito ang pagsusumigasig. Hindi kayo makararating doon kapag hindi kayo nagsisikap na matuto sa Kanya, kapag hindi ninyo nauunawaan at sinusunod ang Kanyang mga tagubilin, at kapag hindi ninyo inihahakbang ang inyong paa.
Ang buhay ay hindi kotse na nagmamanehong mag-isa. Hindi ito isang eroplano na naka-autopilot.
Hindi kayo maaaring basta na lang lumutang sa mga tubig ng buhay at magtiwala na dadalhin kayo ng agos saanman ninyo gustong makarating balang-araw. Kailangan sa pagiging disipulo na handa tayong lumangoy nang salungat sa agos ng tubig kung kailangan.
Walang sinuman ang responsable sa inyong personal na paglalakbay. Tutulungan kayo ng Tagapagligtas at maghahanda ng paraan para sa inyo, ngunit ang pangako na susundin Siya at ang Kanyang mga kautusan ay kailangang manggaling sa inyo. Iyan ay mag-isang responsibilidad ninyo, ang mag-isang pribilehiyo ninyo.
Iyan ang malaking pakikipagsapalaran ninyo.
Mangyaring pakinggan ang tawag ng inyong Tagapagligtas.
Sumunod sa Kanya.
Itinatag ng Panginoon Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw upang matulungan kayo sa pangakong ito na maglingkod sa Diyos at sa inyong kapwa. Ang layunin nito ay maghikayat, magturo, tumulong, at magbigay ng inspirasyon. Binibigyan kayo nito ng mga pagkakataon na makapagpakita kayo ng pagkahabag, matulungan ang iba, at mapanibago at matupad ang mga sagradong tipan. Layunin nito na pagpalain ang inyong buhay at paunlarin ang inyong tahanan, komunidad, at bansa.
Halina, sumama sa amin at magtiwala sa Panginoon. Gamitin ang inyong mga talento sa Kanyang dakilang gawain. Tumulong, maghikayat, magpagaling, at sumuporta sa lahat ng nagnanais na madama at sundin ang pananabik na makauwi sa ating tahanan sa langit. Magkaisa tayo sa maluwalhating paglalakbay na ito pauwi sa ating tahanan sa langit.
Ang ebanghelyo ay maluwalhating mensahe ng pag-asa, kaligayahan, at kagalakan. Ito ang landas pauwi sa ating tahanan.
Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo nang may pananampalataya at gawa, bawat araw at oras, mapapalapit tayo nang paunti-unti sa ating Diyos. Magiging mas mabuti ang ating buhay, at gagamitin tayo ng Panginoon sa pambihirang mga paraan upang mapagpala ang nasa paligid natin at maisakatuparan ang Kanyang walang hanggang mga layunin. Ito ay pinatototohanan ko at iniiwan ko sa inyo ang aking basbas sa pangalan ni Jesucristo, amen.