2010–2019
Maghanap Kayo sa Pinakamabubuting Aklat
Oktubre 2017


2:3

Maghanap Kayo sa Pinakamabubuting Aklat

Sa pag-aaral natin ng pinakamabubuting aklat, pinoprotektahan natin ang ating mga sarili mula sa mapanganib na mga pangang naghahangad na ngatain ang ating mga espirituwal na ugat.

Isang umaga ng tag-init, nakakita ako ng isang gutom at mahusay na nakabalatkayong higad sa isang magandang halamang rosas. Sa hitsura ng ilan sa mga nawalan ng mga usbong na dahon, malinaw kahit sa isang kaswal na nagmamasid na nginata na nito ang mga murang dahon gamit ang mapanganib na mga panga nito. Bilang paghahambing, hindi ko mapigilang isipin na marami ang mga taong katulad ng higad na ito; matatagpuan sila sa buong mundo, at ang ilan ay mahusay na nakabalatkayo kaya maaaring napahihintulutan natin silang makapasok sa ating mga buhay, at bago pa natin ito mamalayan, nakain na nila ang ating mga espirituwal na ugat at gayundin ang sa ating mga kapamilya at kaibigan.

Nabubuhay tayo sa panahon kung saan laganap ang mga maling impormasyon tungkol sa ating mga paniniwala. Sa ganitong panahon, kapag hindi natin pinrotektahan at pinalalim ang ating mga espirituwal na ugat, inaanyayahan natin na ngatain ito ng mga nagnanais na wasakin ang ating pananampalataya kay Cristo at ang ating paniniwala sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Sa panahon ng Aklat ni Mormon, si Zisrom ang naghangad na wasakin ang pananampalataya ng mga naniniwala.

Ang kanyang mga kilos at pananalita ay “isang patibong ng kaaway na kanyang inilatag upang mahuli ang mga tao … nang [sila] ay mapasailalim sa kanya, upang maigapos niya [sila] ng kanyang mga tanikala” (Alma 12:6). Mayroon pa rin ngayon ng ganoong mga patibong, at maliban kung tayo ay masigasig sa espirituwal at nagtatayo ng matibay na saligan sa ating Manunubos (tingnan sa Helaman 5:12), maaari nating makita ang ating mga sarili na nakagapos sa mga tanikala ni Satanas at dahan-dahang inaakay sa mga ipinagbabawal na landas na binanggit sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 1 Nephi 8:28).

Nagbigay ng isang babala si Apostol Pablo na magagamit natin sa ating panahon ngayon: “Aking talastas na … magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan” (Mga Gawa 20:29–30).

Nagpapaalaala sa atin ang kanyang babala at ang mga babala ng ating mga propeta at apostol na kailangang gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang patibayin natin ang ating sarili sa espirituwal laban sa mga salita ng pagsalungat at panlilinlang. Sa pagbisita ko sa mga ward at stake ng Simbahan, napapasigla ako sa aking nakikita, naririnig, at nararamdaman kapag positibo at matapat na tumutugon ang mga Banal sa mga turo ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga tagapaglingkod.

Ang pagdami ng mga gumagalang sa araw ng Sabbath ay isang halimbawa lamang na pinalalakas ng mga miyembro ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paanyaya ng propeta. Ang higit pang pagpapalakas ay makikita sa pagdami ng nagagawa sa templo at family history kapag ang mga pamilya ay tinitipon ang kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Mas lumalalim ang ating mga espirituwal na ugat kapag ginawang suporta ng ating pananampalataya ang pagdarasal nang personal at bilang pamilya at kapag nagsisisi tayo araw-araw, naghahangad na makasama ang Espiritu Santo, at natututuhan ang tungkol sa ating Tagapagligtas at sa Kanyang mga katangian at nagsisikap na maging katulad Niya (tingnan sa 3 Nephi 27:27).

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang Ilaw ng Sanglibutan, at inaanyayahan Niya tayong sumunod sa Kanya. Dapat tayong magtiwala sa Kanya sa lahat ng oras at lalo na kung may madilim at mabagyong mga gabi kapag ang unos ng pagdududa at kawalang-katiyakan, tulad ng isang lumiligid na hamog, ay unti-unting lumalaganap. Kung ang mga mapanurong mga darili mula sa “kabila ng ilog ng tubig, [kung saan] isang malaki at maluwang na gusali [ang nakatayo]” (1 Nephi 8:26) ay parang nakaturo sa inyo na nanlalait, nanunuya, at nag-iimbita, hinihiling ko sa inyong agad na tumalikod upang hindi kayo mahikayat sa pamamagitan ng mga tuso at lihis na paraan para maihiwalay ninyo ang inyong mga sarili mula sa katotohanan at sa mga pagpapala nito.

Gayunman, hindi sapat na ito lamang ang gawin sa panahong ito kung saan ang masasamang bagay ay sinasabi, isinusulat, at inilalarawan. Itinuro sa atin ni Elder Robert D. Hales na “hangga’t di ninyo ganap na ipinamumuhay ang ebanghelyo—nang inyong buong ‘puso, kakayahan, pag-iisip at lakas’—di kayo makapagbibigay ng sapat na espirituwal na liwanag upang maiwaksi ang kadiliman” (“Mula sa Kadiliman Tungo sa Kanyang Kagila-gilalas na Kaliwanagan,” Liahona, Hulyo 2002, 78). Tunay ngang ang ating pagnanais na sundin si Cristo, na Siyang Ilaw ng Sanglibutan (tingnan sa Juan 8:12), ay nangangahulugang kailangan nating gawin ang Kanyang mga turo. Tayo ay mapapalakas, mapapatibay, at mapoprotektahan sa espirituwal kapag namuhay tayo ayon sa salita ng Diyos.

Kapag nasa ating buhay ang higit na liwanag, mas kaunti ang mga anino. Gayunman, kahit napakaraming liwanag, nakalantad pa rin tayo sa mga tao at komentong nagpapahayag nang mali tungkol sa ating mga paniniwala at sumusubok sa ating pananampalataya. Isinulat ni Apostol Santiago na “ang pagsubok ng [ating] pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis” (Santiago 1:3). Gamit ang kaalamang ito, itinuro ni Elder Neal A. Maxwell na “ang matiising disipulo … ay hindi magugulat o mawawasak kapag may maling ulat tungkol sa Simbahan” (“Patience” [Brigham Young University devotional, Nob. 27, 1979], speeches.byu.edu).

Ang mga katanungan tungkol sa kasaysayan at mga paniniwala ng ating Simbahan ay lumilitaw. Kailangan ng matinding pag-iingat kung saan tayo hahanap ng mga tamang kasagutan. Walang mapapala sa paggalugad ng mga pananaw at opinyon ng mga hindi masyadong nakaaalam o nawalan na ng gana. Ibinigay ni Apostol Santiago ang pinakamahusay na payo: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios” (Santiago 1:5).

Dapat muna tayong mag-aral nang mabuti at pagkatapos ay humingi sa Diyos, dahil iniutos sa atin sa mga banal na kasulatan na maghanap “sa pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan” at “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Napakarami ng mga aklat na ito, na isinulat ng mga inspiradong lider ng Simbahan at ng mga kilala, tapat, at mapagkakatiwalaang mga iskolar ng kasaysayan at doktrina ng Simbahan. Sa pagbanggit nito, wala nang hihigit pa sa karingalan ng ipinahayag na salita ng Diyos sa mga awtorisadong banal na kasulatan. Mula sa maninipis na pahinang mayaman sa kaalamang espirituwal, natututuhan natin ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at dahil doon ay lalo tayong nagliliwanag.

Hinikayat tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na “pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw” (“Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2017, 87).

Ilang taon na ang nakalilipas, habang naglilingkod ako bilang pangulo ng Fiji Suva Mission, nagkaroon ng karanasan ang ilang missionary na nagpatibay sa kanila ng nakapagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Sa isang mainit at maalinsangang araw, dalawang elder ang dumating sa isang tahanan sa isang maliit na pamayanan sa Labasa.

Pinagbuksan sila ng pinto ng isang matandang lalaki na nakinig habang nagpapatotoo ang mga missionary sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Binigyan nila siya ng isang kopya at inanyayahang magbasa at manalangin para malaman, tulad nila, na ito ay salita ng Diyos. Maikli ang sagot niya: “Babalik ako sa pangingisda bukas. Babasahin ko ito habang nasa laot, at pagbalik ko, maaari ninyo akong bisitahing muli.”

Habang nasa malayo siya, nagkaroon ng mga paglipat ng mga missionary, at pagkatapos ng ilang linggo, isang bagong pares ng mga elder ang bumisita sa mangingisda. Sa pagkakataong ito, nabasa na niya ang buong Aklat ni Mormon, nakatanggap ng pagpapatibay ng katotohanan nito, at nagnanais pang matuto.

Ang lalaking ito ay nagbalik-loob sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na nagpatotoo sa katotohanan ng mga mahahalagang salita sa bawat pahina ng mga pangyayari at doktrinang itinuro noong unang panahon at iningatan para sa ating panahon na nasa Aklat ni Mormon. Maaari din nating matanggap ang ganoong pagpapala.

Tamang-tamang lugar ang tahanan para mag-aral at magbahagi ang pamilya ng mahahalagang kaalaman mula sa mga banal na kasulatan, at mga salita ng mga buhay na propeta at magbasa ng mga materyal ng Simbahan sa LDS.org. Makikita ninyo roon ang napakaraming impormasyon tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo tulad ng mga tala tungkol sa Unang Pangitain. Sa pag-aaral natin ng pinakamabubuting aklat, pinoprotektahan natin ang ating mga sarili mula sa mapanganib na mga pangang naghahangad na ngatain ang ating mga espirituwal na ugat.

Sa kabila ng lahat ng ating panalangin, pag-aaral, at pagninilay, mayroon pa ring ilang tanong na nangangailangan ng sagot, ngunit hindi natin dapat hayaan ito na patayin ang apoy ng pananampalatayang nagniningas sa ating puso. Ang mga tanong na ito ay mga paanyaya sa atin na palakasin ang ating pananampalataya at hindi dapat maging dahilan para malinlang tayo na magduda. Ang pinakamahalagang katangian ng relihiyon ay ang hindi pagkakaroon ng tiyak na mga kasagutan sa bawat tanong, dahil ito ang isa sa mga layunin ng pananampalataya. Tungkol dito, itinuro sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland na “pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94).

Nakikita natin sa ating paligid ang kagalakan ng napakaraming tao na nananatiling matatag sa pamamagitan ng patuloy na pangangalaga sa kanilang mga espirituwal na ugat. Sapat ang kanilang pananampalataya at pagsunod na nagbigay sa kanila ng malaking pag-asa sa kanilang Tagapagligtas, at mula riyan ay nanggagaling ang malaking kaligayahan. Hindi nila sinasabing nalalaman nila ang lahat ng bagay, subalit nagsikap sila nang husto upang magkaroon ng kapayapaan at mamuhay nang may pagtitiyaga habang hinahangad na mas matuto pa. Nang taludtod sa taludtod, ang kanilang pananampalataya ay matibay na nakatuon kay Cristo, at sila ay hindi natitinag bilang mga kababayan na kasama ng mga Banal.

Nawa ay makapamuhay tayo na hindi binibigyang-puwang ang mapanganib na mga panga ng mga nakabalatkayong higad, hindi ngayon at kailanman, sa ating buhay upang manatili tayong “matatag sa pananampalataya kay Cristo maging hanggang sa katapusan” (Alma 27:27). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.