2010–2019
Napakadakila at Mahahalagang Pangako
Oktubre 2017


2:3

Napakadakila at Mahahalagang Pangako

Kabilang sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit ang doktrina, mga ordenansa, mga tipan, at napakadakila at mahahalagang pangako kung saan maaari tayong makabahagi sa kabanalang mula sa Diyos.

Ang isa sa mga malalaking hamon na kinakaharap araw-araw ng bawat isa sa atin ay ang hindi pahintulutan ang mga alalahanin ng mundong ito na masaklawan ang ating panahon at lakas na magiging dahilan para mapabayaan natin ang mga bagay na pangwalang hanggan na siyang pinakamahalaga.1 Madaling nalilihis ang ating pansin at nakakalimutang magtuon sa mahahalagang espirituwal na prayoridad dahil sa marami nating responsibilidad at gawaing pinagkakaabalahan. Kung minsan nagpipilit tayong tumakbo nang napakabilis kaya nalilimutan natin kung saan tayo papunta at bakit tayo tumatakbo.

Ipinaalala sa atin ni Apostol Pedro na bilang mga disipulo ni Jesucristo, “Ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kagalingan:

“Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang napakadakila at mahahalagang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita.”2

Ang mensahe ko ay magbibigay-diin sa kahalagahan ng napakadakila at mahahalagang pangakong inilarawan ni Pedro bilang mga tunay na paalaala sa kung saan tayo patungo sa buhay na ito at kung bakit. Tatalakayin ko rin ang mga ginagampanan ng araw ng Sabbath, ng banal na templo, at ng ating mga tahanan sa pagtulong sa atin na maalala ang mahahalagang espirituwal na pangakong ito.

Taimtim kong idinadalangin na turuan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang magkasama nating pinagninilayan ang mahahalagang katotohanang ito.

Ang Ating Banal na Identidad

Kabilang sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit ang doktrina, mga ordenansa, mga tipan, at napakadakila at mahahalagang pangako kung saan maaari tayong makabahagi sa kabanalang mula sa Diyos. Inilalarawan ng Kanyang plano ang ating walang hanggang identidad at ang landas na dapat nating tahakin upang matuto, magbago, umunlad, at sa huli, makasama Siya magpakailanman.

Tulad ng ipinaliwanag sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”:

“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. …

“Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang Amang Walang Hanggan at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”3

Ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak na kung susundin nila ang mga tuntunin ng Kanyang plano at tutularan ang halimbawa ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, susunod sa mga kautusan, at magtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas, kung gayon dahil sa Pagtubos ng Tagapagligtas, sila ay “magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”4 Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakila at pinakamahalagang pangako.

Espirituwal na Pagsilang na Muli

Nauunawaan natin nang mas lubusan ang napakadakila at mahahalagang pangako at nagsisimulang makibahagi sa kabanalang mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa tawag mula sa Panginoon tungo sa Kanyang kaluwalhatian at kagalingan. Tulad ng inilarawan ni Pedro, naisasagawa ang tawag na ito kapag nagsisikap na makaiwas sa kabulukan ng sanglibutan.

Kapag mapagpakumbaba tayong nagpatuloy nang may pananampalataya sa Tagapagligtas, kung gayon dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, may “malaking pagbabago [na magaganap] sa [atin], o sa [ating] mga puso, kaya nga [tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”5 Tayo ay “isi[ni]lang na muli; oo, isi[ni]lang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos.”6 “Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.”7

Ang gayong ganap na pagbabago sa ating likas na pagkatao ay hindi nangyayari kaagad o nang minsanan. Tulad ng Tagapagligtas, hindi tayo tumatanggap nang “kaganapan sa simula, subalit [tumatanggap] nang biyaya sa biyaya.”8 “Sapagkat masdan, ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipa[pa]hiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan.”9

Ang mga ordenansa ng priesthood at mga sagradong tipan ay mahalaga sa patuloy na prosesong ito ng espirituwal na pagsilang na muli; ang mga ito rin ang mga paraan na itinalaga ng Diyos upang matanggap natin ang Kanyang napakadakila at mahahalagang pangako. Ang mga ordenansa na karapat-dapat na tinanggap at patuloy na inaalala ay nagbubukas ng mga daanan sa langit na pagdadaluyan ng kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay. Ang mga tipan na palaging tinutupad at inaalala sa tuwina ay nagbibigay ng layunin at ng katiyakan na matatanggap ang mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Halimbawa, ipinangako sa atin ng Diyos, batay sa ating pananampalataya, na makakasama natin palagi ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo,10 na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay matatanggap at mapapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan,11 na makatatanggap tayo ng kapayapaan sa mundong ito,12 na kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan at napagtagumpayan ang libingan,13 at ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.

Maliwanag na lahat ng napakadakila at mahahalagang pangakong ibinibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ay hindi mabibilang o mailalarawan nang lubusan. Gayunman, kahit ang iilan lamang na mga ipinangakong pagpapalang inilahad ko ay sapat nang dahilan para tayo ay “mamangha,”14 at “[magpatirapa] at [sambahin] ang Ama”15 sa pangalan ni Jesucristo.

Pag-alaala sa mga Pangako

Nagbabala si Pangulong Lorenzo Snow: “Madali nating [malimutan ang] dakilang layunin ng buhay, ang layunin ng ating Ama sa Langit sa pagpapadala sa atin dito sa mortalidad, gayundin ang banal na tungkuling ibinigay sa atin; at dahil dito, sa halip na iwasan ang walang kabuluhan at panandaliang bagay … , madalas ay hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng mundo nang hindi ginagamit ang banal na tulong na itinakda ng Diyos, na sapat na para mapagtagumpayan [ang mga panandaliang bagay] na ito.”16

Ang araw ng Sabbath at ang banal na templo ay dalawang partikular na mapagkukunan ng tulong ng langit na itinatag ng Diyos upang mapaitaas tayo sa antas at kabulukan ng mundo. Sa una ay maaaring isipin natin na ang napakahalagang layunin ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at pagpunta sa templo ay magkaugnay ngunit magkaiba. Gayunman, naniniwala ako na ang dalawang layuning iyon ay magkatulad at magkatulong na espirituwal na pinalalakas tayo bilang indibiduwal at bilang pamilya.

Ang Sabbath

Matapos likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, Siya ay nagpahinga sa ikapitong araw at ipinag-utos na ang isang araw bawat linggo ay magiging panahon ng pahinga upang tulungan ang mga tao na maalala Siya.17 Ang Sabbath ay panahon para sa Diyos, ang sagradong panahon na partikular na itinalaga sa pagsamba sa Kanya at sa pagtanggap at pag-alaala sa Kanyang napakadakila at mahahalagang pangako.

Itinuro ng Panginoon sa dispensasyong ito:

“At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;

“Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan.”18

Sa gayon, sa araw ng Sabbath sinasamba natin ang Ama sa pangalan ng Anak sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga ordenansa at pag-alam, pagtanggap, pag-alaala, at pagpapanibago ng mga tipan. Sa Kanyang banal na araw, ang ating mga iniisip, kilos, at ugali ay tanda na ibinibigay natin sa Diyos para maipakita ang ating pagmamahal sa Kanya.19

Ang isa pang layunin ng Sabbath ay ituon ang ating pansin sa mga pagpapala ng walang hanggan at hindi sa mga bagay ng mundo. Sa sagradong sandaling ito, kapag isinantabi natin ang mga karaniwang gawain natin sa abala nating buhay, tayo ay “[makaaasa] sa Diyos at mabubuhay”20 sa pamamagitan ng pagtanggap at pag-alaala sa napakadakila at mahahalagang pangako kung saan maaari tayong makibahagi sa kabanalang mula sa Diyos.

Ang Banal na Templo

Iniuutos lagi ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo, mga sagradong lugar kung saan ginagawa ng mga karapat-dapat na Banal ang mga sagradong seremonya at ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at para sa mga patay. Ang mga templo ang pinakabanal sa lahat ng lugar na pinagsasambahan. Ang templo ay literal na bahay ng Panginoon, isang sagradong lugar na sadyang itinalaga para sa pagsamba sa Diyos at sa pagtanggap at pag-alaala sa Kanyang napakadakila at mahahalagang pangako.

Iniutos ng Panginoon sa dispensasyong ito, “Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.”21 Ang pinakapangunahing pokus ng pagsamba sa templo ay pakikibahagi sa mga ordenansa at pag-alam, pagtanggap, at pag-alaala, sa mga tipan. Naiiba tayong mag-isip, kumilos, at manamit sa templo kaysa sa iba pang lugar na madalas nating puntahan.

Ang pangunahing layunin ng templo ay ituon ang ating pansin sa mga pagpapala ng walang hanggan at hindi sa mga bagay sa mundo. Kapag sa maikling panahon sa sagradong sandaling ito ay isinantabi natin ang karaniwang mga ginagawa natin sa buhay, tayo ay “[makaaasa] sa Diyos at mabubuhay”22 sa pamamagitan ng pagtanggap at pag-alaala sa napakadakila at mahahalagang pangako kung saan maaari tayong makibahagi sa kabanalang mula sa Diyos.

Mangyaring isipin na ang araw ng Sabbath at ang templo, ayon sa pagkabanggit, ay sagradong panahon at sagradong lugar na sadyang itinalaga para sa pagsamba sa Diyos at sa pagtanggap at pag-alaala sa Kanyang napakadakila at mahahalagang pangako sa Kanyang mga anak. Dahil itinatag ng Diyos, ang mga pangunahing layunin ng dalawang banal na mapagkukunan ng tulong na ito ay magkatulad: ang ituon nang lubos at paulit-ulit ang ating pansin sa ating Ama sa Langit, sa Kanyang Bugtong na Anak, sa Espiritu Santo, at sa mga pangakong nauugnay sa mga ordenansa at mga tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Ang Ating mga Tahanan

Higit sa lahat, ang tahanan dapat ang tunay na kombinasyon ng panahon at lugar kung saan pinakanaaalala ng mga indibiduwal at pamilya ang napakadakila at mahahalagang pangako ng Diyos. Ang pag-alis sa ating tahanan para makadalo sa mga miting tuwing Linggo at makapasok sa sagradong lugar ng templo ay mahalaga ngunit hindi sapat. Kapag dinala natin sa ating mga tahanan ang diwa at lakas na natamo natin sa mga banal na aktibidad na iyon, saka lamang natin mapapanatili ang pagtutuon sa dakilang mga layunin ng mortalidad at mapagtatagumpayan ang mga kabulukan na nasa mundo. Ang mga karanasan natin sa araw ng Sabbath at sa templo ay dapat magpasigla sa espirituwal na naghihikayat sa bawat tao at mga pamilya at sa ating tahanan na patuloy na alalahanin ang mahahalagang aral na natutuhan, patuloy na madama ang presensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo, patuloy na lumalim ang pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo, at magkaroon ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa”23 sa walang-hanggang mga pangako ng Diyos.

Ang Sabbath at ang templo ay makatutulong sa atin na maituro sa ating mga tahanan “ang higit na mabuting paraan”24 habang “[tinitipon natin] ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya.”25 Ang ginagawa natin sa ating mga tahanan sa Kanyang sagradong panahon at ang natututuhan natin sa Kanyang sagradong lugar ay napakahalaga upang makabahagi sa kabanalang mula sa Diyos.

Pangako at Patotoo

Madali tayong matangay ng mga nakaugaliang gawain at mga karaniwang bagay sa buhay na ito. Ang pagtulog, pagkain, pananamit, pagtatrabaho, paglalaro, pag-eehersisyo, at iba pang nakagawiang aktibidad ay kailangan at mahalaga. Ngunit sa huli, ang kahihinatnan natin ay bunga ng ating kaalaman at kahandaang matuto mula sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo; ito ay hindi lamang ang kabuuan ng ating mga pang-araw-araw na hangarin sa buong buhay natin.

Ang ebanghelyo ay higit kaysa sa karaniwang checklist ng iba’t ibang gagawin; sa halip ito ay napakagandang tapiserya ng katotohanan na “nakalapat na mabuti”26 at pinaghabi-habi, ginawa upang matulungan tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo, maging kabahagi ng mga banal na katangian. Tunay ngang tayo ay nabubulag sa “pagtingin nang lampas sa tanda”27 kapag ang napakahalagang espirituwal na katotohanang ito ay napapangibabawan ng mga alalahanin, problema, at pagwawalang-bahala ng daigdig.

Kapag tayo ay maalam at aanyayahang maging gabay natin ang Banal na Espiritu,28 ipinangangako ko na ituturo Niya sa atin kung ano ang totoo. Siya ay magiging “Saksi kay Jesucristo, [at] liwanag sa isipan”29 kapag sinikap nating gampanan ang ating walang hanggang tadhana at maging kabahagi sa kabanalang mula sa Diyos.

Pinatototohanan ko na ang napakadakila at mahahalagang pangakong kaakibat ng ating mga ordenansa at tipan ay totoo at tiyak. Sinabi ng Panginoon:

“Ibinibigay ko sa inyo ang mga tagubilin kung paano kayo kikilos sa harapan ko, upang ito ay bumalik para sa inyong kaligtasan.

“Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”30

Pinatototohanan ko na buhay ang ating Ama sa Langit at Siya ang may-akda ng plano ng kaligtasan. Si Jesucristo ay Kanyang Bugtong na Anak, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Siya ay buhay. At pinatototohanan ko na dahil sa plano at mga pangako ng Ama, sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at sa patnubay ng Espiritu Santo ay magkakaroon ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”31 Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.