2010–2019
Ang Puso ng Balo
Oktubre 2017


2:3

Ang Puso ng Balo

Gawin natin ang kinakailangan upang magkaroon ng puso ng balo, tunay na nagagalak sa mga pagpapalang magpupuno sa mga ibubungang “kasalatan.”

Napakapalad ko na makapaglingkod sa piling ng mga Banal ng Pacific sa malaking bahagi ng aking buhay. Dahil sa pananampalataya, pagmamahal, at pambihirang mga sakripisyo ng matatapat na Banal na ito ako ay napuno ng inspirasyon, pasasalamat, at galak. Ang kanilang mga kuwento ay tulad din ng sa inyo.

Napag-isip ko na ang mga Banal na ito ay katulad ng balo na napansin ng Tagapagligtas habang Siya ay “[nakaupo] … at minasdan kung paanong inihuhulog ng karamihan ang salapi sa kabang-yaman: at maraming mayayaman ang nangaghuhulog ng marami.

“At lumapit ang isang babaing bao, at siya’y naghulog ng dalawang lepta. …

“At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman:

“Sapagka’t sila … ay nagsipaghulog ng sa kanila’y labis, datapuwa’t siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga’y ang buong kaniyang ikabubuhay.”1

Bagaman ang kanyang dalawang lepta ay maliit na ambag, sa Tagapagligtas ang kanyang kaloob ay napakahalaga, dahil ibinigay niya ang lahat. Sa sandaling iyon, lubusang nakilala ng Tagapagligtas ang balo, dahil ipinakita ng kaloob ng babae ang kanyang puso sa Kanya. Ang kalidad at lalim ng kanyang pagmamahal at pananampalataya ay gayon kalaki kaya nagbigay siya batid na mapupunan ang kanyang “kasalatan.”

Nakita ko ang gayunding puso sa mga Banal sa Pacific. Sa isang munting nayon sa isa sa mga islang ito, isang matandang lalaki at kanyang asawa ang tumanggap sa paanyaya ng mga missionary na taimtim na itanong sa Panginoon kung ang mga lesson na itinuturo sa kanila ay totoo. Sa prosesong ito, inisip din nila ang mga ibubunga ng mga pangakong kailangan nilang gawin kung ang matatanggap nilang sagot ay hahantong sa pagtanggap nila sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nag-ayuno at nanalangin sila para malaman ang katotohanan ng Simbahan at kung totoo ang Aklat ni Mormon. Ang sagot sa kanilang mga dasal ay dumating sa matamis at malinaw na pagpapatibay: “Oo! Totoo ito!”

Sa pagkakatanggap ng pagsaksing ito, pinili nilang magpabinyag. Hindi ito isang desisyon na walang negatibong epekto sa kanilang buhay. Ang kanilang desisyon at pagpapabinyag ay may dalang malaking kapalit. Nawalan sila ng trabaho, isinakripisyo ang kanilang katayuan sa lipunan, nawala ang mahahalagang pakikipagkaibigan, at ang suporta, pagmamahal, at respeto ng pamilya ay naglaho. Ngayon ay lumalakad sila papunta sa Simbahan tuwing Linggo, na asiwang sumusulyap sa mga kaibigan at kapitbahay na lumalakad sa kabilang direksyon.

Sa mahirap na kalagayang ito, ang butihing kapatid na ito ay tinanong tungkol sa damdamin niya sa desisyon nilang sumapi sa Simbahan. Ang kanyang simple at matatag na sagot ay “Totoo ito, ’di ba? Malinaw ang aming pasiya.”

Ang dalawang bagong binyag na mga Banal na ito ay talagang taglay ang puso ng balo. Sila, tulad ng balo, ay “inihulog ang lahat” ng maibibigay nila, na nagbibigay sila sa kabila ng kanilang “kasalatan.” Bunga ng mapanalig nilang puso at matibay na pananampalataya sa mahirap na panahong iyon, ang kanilang mga pasanin ay pinagaan. Sila ay tinulungan at inalalayan ng mapagsuporta at maalagang mga miyembro ng Simbahan, at personal silang napalakas ng kanilang paglilingkod sa mga calling sa Simbahan.

Pagkatapos ihulog ang “lahat” ng mayroon sila, ang pinakamasayang araw ay dumating nang mabuklod sila sa templo bilang pamilyang walang-hanggan. Tulad ng mga nabinyagan sa ilalim ng pamumuno ni Alma, “pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”2 Gayon ang puso ng balo na ipinakita ng kahanga-hangang mag-asawang ito.

Babanggitin ko ang isa pang karanasan kung saan makikita ang puso ng balo. Sa Samoa, nakikipagtulungan kami sa mga konseho ng nayon upang mapayagan ang mga missionary na ipangaral ang ebanghelyo. Ilang taon na ang nakalipas, nakausap ko ang pinuno mula sa isang nayon kung saan pinagbawalang mangaral ang ating mga missionary sa loob ng maraming taon. Ang pakikipag-usap ko ay nangyari hindi pa natatagalan matapos buksan ng pinakamataas na pinuno ang nayon sa Simbahan, na pinapayagan ang ating mga missionary na turuan ang mga interesadong malaman ang tungkol sa ebanghelyo at mga doktrina nito.

Makalipas ang maraming taon, sa mahimalang pagbabagong ito, ginusto kong malaman kung ano ang nangyari para gawin ng pinakamataas na pinuno ang ganitong hakbang. Nagtanong ako tungkol dito, at ang pinunong kausap ko ay sumagot, “Ang tao ay maaaring mabuhay sa dilim sa loob ng ilang panahon, ngunit darating ang oras na gugustuhin niyang magpunta sa liwanag.”

Ang pinakamataas na pinuno, sa pagbubukas sa nayon, ay ipinakita ang puso ng balo—isang pusong lumalambot kapag ang init at liwanag ng katotohanan ay naihayag. Ang pinunong ito ay naging handang salungatin ang matatagal nang tradisyon, harapin ang maraming oposisyon, at manindigan upang mapagpala ang iba. Ito ay isang pinuno na ang puso ay nakatuon sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao, sa halip na isipin ang tradisyon, kultura, at personal na kapangyarihan. Ginawa niya ito sa kabila ng mga alalahanin bilang tugon sa itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson sa atin: “Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng pagkakataong maging liwanag sa buhay ng iba.”3

Sa huli, gusto kong ibahagi sa inyo ang isa pang karanasan sa piling ng mga Banal ng Pacific na nananatili sa aking kaluluwa at napakahalaga sa akin. Ilang taon na ang nakalipas, isa akong bata pang counselor noon sa bishop sa bagong ward sa American Samoa. Mayroon kaming 99 na miyembro na binubuo ng mga karaniwang magsasaka, manggagawa sa cannery, empleyado ng gobyerno, at kanilang mga pamilya. Nang ibalita ng Unang Panguluhan noong 1977 na magtatayo ng templo sa Samoa, kagalakan at pasasalamat ang nasambit naming lahat. Ang pagpunta sa templo mula sa American Samoa noong panahong iyon ay nangailangan ng paglalakbay papuntang Hawaii o kaya’y sa New Zealand. Magastos ang biyaheng ito na hindi kaya ng maraming matatapat na miyembro ng Simbahan.

Sa panahong ito hinikayat ang mga miyembro na mag-ambag sa building fund para tumulong sa pagtatayo ng mga templo. Sa ganitong diwa, hiniling ng aming bishopric sa mga miyembro ng ward na mapanalanging isipin kung ano ang ibibigay nila. Nagtakda ng petsa upang magtipon ang mga pamilya para ibigay ang kanilang mga donasyon. Kalaunan, habang binubuksan ang mga donasyong ito nang pribado, nakadama ng pagpapakumbaba ang aming bishopric at naantig sa pananampalataya at pagkabukas-palad ng kahanga-hangang mga miyembro ng aming ward.

Nakikilala ang bawat pamilya at mga kalagayan nila, nakadama ako ng matinding paghanga, paggalang, at pagpapakumbaba. Ang mga ito, sa bawat paraan, ay makabagong lepta ng balo na kusang ibinigay mula sa kanilang “kasalatan” at nang may kagalakan sa ipinangakong pagtatayo ng isang banal na templo ng Panginoon sa Samoa. Inihandog ng mga pamilyang ito ang lahat ng mayroon sila sa Panginoon, taglay ang pananampalataya na ibibigay ang kailangan nila. Ipinakita ng kanilang kaloob ang kanilang puso ng balo. Lahat ng nagbigay ay ginawa ito nang kusa at buong kagalakan dahil ang puso ng balo na nasa kanilang kalooban ay nakikita sa mata ng pananampalataya ang maraming pagpapalang laan para sa kanilang mga pamilya, at sa lahat ng tao sa Samoa at American Samoa, sa darating na mga henerasyon. Alam ko na ang kanilang inilaang mga handog, ang kanilang lepta ng balo, ay batid at tanggap ng Panginoon.

Ang puso ng balo na nagbigay ng kanyang dalawang lepta ay isang puso na ibibigay ang lahat sa pamamagitan ng pagsasakripisyo; pagtitiis ng hirap, pang-aapi, at pagtanggi; at pagtitiis ng maraming pasanin. Ang puso ng balo ay pusong nakahihiwatig, nakadarama, at nakaaalam sa liwanag ng katotohanan at ibibigay ang lahat para yakapin ang katotohanang iyon. Natutulungan din nito ang iba na makita ang liwanag ding iyon at madama ang gayunding kaligayahan at kagalakan na walang-hanggan. Sa huli, ang puso ng balo ay kakikitaan ng kahandaang ibigay ang lahat para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.

Makiisa tayo bilang mga Banal sa buong mundo sa paggawa ng kinakailangan upang magkaroon ng puso ng balo, tunay na nagagalak sa mga pagpapalang magpupuno sa mga ibubungang “kasalatan.” Dalangin ko na bawat isa sa atin ay magkaroon ng puso na magtitiis ng ating mga pasanin, gagawa ng kailangang mga sakripisyo, at handang magbigay at gawin ito. Nangangako ako na hindi kayo iiwan ng Panginoon sa kasalatan. Ang puso ng balo ay puno ng pasasalamat na ang Tagapagligtas ay “isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman”4 upang hindi natin kailangang matikman ang “mapait na saro.”5 Sa kabila ng ating mga kahinaan at kabiguan, at dahil sa mga ito, patuloy Niyang iniuunat ang Kanyang mga kamay, na ipinako para sa ating kapakanan. Iaangat Niya tayo kung handa tayong magpunta sa liwanag ng Kanyang ebanghelyo, yakapin Siya, at hayaang punan Niya ang ating “kasalatan.”

Pinatototohanan ko ang dakilang pagmamahal na maaari nating ibahagi bilang mga disipulo at tagasunod ng Panginoong Jesucristo. Mahal at sinasang-ayunan ko si Pangulong Thomas S. Monson bilang propeta ng Diyos sa lupa. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang saksi ni Jesucristo sa mundo, at inaanyayahan ko ang lahat na basahin ito at tuklasin ang mensahe nito para sa inyo. Lahat ng tumatanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya ay magkakaroon ng kapayapaan, pagmamahal, at liwanag. Si Jesucristo ang ating dakilang Huwaran at Manunubos. Tanging sa pamamagitan ni Jesucristo, at sa himala ng Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala, natin matatanggap ang buhay na walang-hanggan. Ito ay pinatototohanan ko sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.