2010–2019
Bumaling sa Panginoon
Oktubre 2017


2:3

Bumaling sa Panginoon

Hindi natin makokontrol ang lahat ng nangyayari sa atin, ngunit lubos nating makokontrol kung paano natin haharapin ang mga pagbabago sa ating buhay.

Noong tagsibol ng 1998, nagawa namin ng asawa kong si Carol na mapagsabay ang business trip at bakasyon ng pamilya sa Hawaii nang ilang araw, at maisama ang aming apat na anak, pati na ang aking biyenan na kakamatay pa lang ng asawa noon.

Noong gabi bago kami lumipad papuntang Hawaii, ang apat-na-buwang-gulang naming anak na si Jonathon ay nasuring may impeksyon sa magkabilang tainga, at sinabihan kami na hindi siya puwedeng bumiyahe nang tatlo hanggang apat na araw. Napagdesiyunan namin na maiiwan si Carol para bantayan si Jonathon, at ako naman ang sasama sa biyahe ng pamilya.

Ang unang indikasyon na hindi ito ang ipinlano kong bakasyon ay naganap pagkarating namin sa lugar. Habang naglalakad ako sa lansangang naliliwanagan ng buwan, at napapaligiran ng palmera, tanaw ang malawak na karagatan, bumaling ako para sabihing napakaganda ng isla, at sa romantikong sandaling iyon, sa halip na si Carol ang makita ko, ang tumambad sa akin ay ang aking biyenan—na, gusto ko lang idagdag, ay mahal na mahal ko. Hindi nga lang talaga iyon ang inasahan ko. At hindi rin inasahan ni Carol na gugugulin niya ang bakasyon sa bahay kasama ang sanggol namin na maysakit.

May mga pagkakataon sa ating buhay na natatagpuan natin ang sarili sa hindi inaasahang landas, dinaranas ang kalagayan na mas malala pa kaysa sa naudlot na bakasyon. Ano ang ginagawa natin kapag may mga pangyayari, na kadalasang wala tayong kontrol, na nagpapabago sa ipinlano o inasahan natin?

Hyrum Smith Shumway

Noong Hunyo 6, 1944, si Hyrum Shumway, isang bata pang second lieutenant sa U.S. Army, ay pumunta sa dalampasigan ng Omaha Beach upang maging bahagi ng D-day invasion. Ligtas siyang nakarating doon, ngunit noong Hulyo 27, noong kabilang siya sa Allied advance, malubha siyang nasugatan nang sumabog ang nakatanim na bombang patibong sa mga tangke. Sa isang iglap, ang buhay at kinabukasan niya bilang doktor ay naapektuhan nang labis. Kasunod ng maraming operasyon, na nakatulong para mapagaling ang karamihan sa pinsalang natamo niya, hindi na kailanman nakakitang muli si Brother Shumway. Paano niya ito haharapin?

Matapos ang tatlong taong pagpapagaling sa ospital, umuwi na siya sa Lovell, Wyoming. Alam niya na ang pangarap niyang maging doktor ay imposible nang matupad, ngunit determinado siyang magpatuloy sa buhay, mag-asawa, at magtaguyod ng pamilya.

Kalaunan ay nakahanap siya ng trabaho sa Baltimore, Maryland, bilang rehab counselor at employment specialist para sa mga bulag. Sa ginawa niyang rehabilitasyon sa sarili, natuklasan niya na marami palang magagawa ang mga bulag kaysa sa inaakala niya, at sa walong taong pagtatrabaho niya sa posisyong ito, maraming bulag ang nabigyan niya ng trabaho kaysa sa sinumang counselor sa bansa.

Ang Pamilya Shumway

Ngayong tiwala nang makapagtataguyod ng pamilya, niyayang magpakasal ni Hyrum ang kanyang kasintahan at sinabi niya rito, “Kung ikaw ang magbabasa ng email, magpapares-pares ng mga medyas, at magmamaneho ng kotse, ako na ang bahala sa ibang gawain.” Hindi naglaon ay naibuklod sila sa Salt Lake Temple at biniyayaan ng walong anak kalaunan.

Noong 1954 bumalik ang pamilya Shumway sa Wyoming, kung saan nagtrabaho si Brother Shumway nang 32 taon bilang State Director of Education for the Deaf and Blind. Sa panahong iyon, naglingkod siya bilang bishop ng Cheyenne First Ward at, kalaunan, naglingkod nang 17 taon bilang stake patriarch. Pagkatapos niyang magretiro, naglingkod sina Brother at Sister Shumway bilang senior couple sa London England South Mission.

Pumanaw si Hyrum Shumway noong Marso 2011, at sa kabila ng mga pagsubok, ay nag-iwan ng pamana ng pananampalataya at tiwala sa Panginoon sa kanyang malaking angkan ng mga anak, mga apo, at mga apo-sa-tuhod.1

Maaaring nabago ang buhay ni Hyrum Shumway dahil sa digmaan, ngunit hindi niya pinagdudahan kailanman ang kanyang banal na katangian at walang hanggang potensyal. Tulad niya, tayo ay mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, at ating “tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa [atin] na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan [natin] ang [ating] banal na tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”2 Walang anumang pagbabago, pagsubok, o oposisyon ang magpapabago sa walang hanggang landasing iyan—kundi ang mga pinili nating gawin, sa paggamit ng ating kalayaan.

Ang mga pagbabago, at mga hamong ibinunga nito, na dinaranas natin sa mortalidad ay dumarating nang may iba’t ibang hugis at sukat at nakakaapekto sa bawat isa sa atin sa iba-ibang paraan. Tulad ninyo, nakita ko rin ang aking mga kaibigan at kapamilya na dumanas ng mga hamon sa buhay na dulot ng:

  • Pagpanaw ng isang mahal sa buhay.

  • Mapait na diborsyo.

  • Marahil ay hindi pagkakaroon ng pagkakataong makapag-asawa.

  • Malubhang sakit o pinsala.

  • At pati mga kalamidad, tulad ng nasaksihan natin kamakailan sa iba’t ibang dako ng mundo.

At marami pang iba. Bagama’t iba-iba ang bawat “pagbabago” sa kani-kanya nating kalagayan, may isang bagay na karaniwan sa mga dumarating na pagsubok o hamon—ang pag-asa at kapayapaan ay laging matatamo sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naglalaan ng lubos na pagwawasto at pagpapagaling sa bawat nasugatang katawan, nanghihinang espiritu, at nagdadalamhating puso.

Alam Niya, sa paraan na walang iba pang makauunawa, kung ano ang kailangan ng bawat isa sa atin upang sumulong sa gitna ng pagbabago. Hindi tulad ng ating mga kaibigan at mahal sa buhay, ang Tagapagligtas ay hindi lamang naaawa sa atin, kundi lubos Siyang nakikiramay dahil naranasan Niya noon ang nararanasan natin ngayon. Bukod pa sa pagbabayad at pagdurusa para sa ating mga kasalanan, tinahak din ni Jesucristo ang bawat landas, hinarap ang bawat hamon, dinanas ang bawat sakit—pisikal, emosyonal, o espirituwal—na mararanasan natin sa mortalidad.

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang awa at biyaya ni Jesucristo ay hindi limitado sa mga taong nagkakasala … , kundi saklaw nito ang pangako ng walang hanggang kapayapaan sa lahat ng tatanggap at susunod sa Kanya. … Ang Kanyang awa ang tagapagpagaling, maging sa sugatang walang-muwang.”3

Sa buhay na ito, hindi natin makokontrol ang lahat ng nangyayari sa atin, ngunit lubos nating makokontrol kung paano natin haharapin ang mga pagbabago sa ating buhay. Hindi ito nangangahulugan na ang mga hamon at pagsubok natin ay magaan lamang at madaling lutasin o harapin. Hindi nito sinasabi na magiging malaya tayo mula sa pait o sakit ng kalooban. Ngunit nangangahulugan ito na may dahilan tayo para magkaroon ng pag-asa at dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makasusulong tayo at mas bubuti ang ating mga araw—maging mga araw na puno ng galak, liwanag, at kaligayahan.

Sa Mosias mababasa natin ang tala tungkol kay Alma, ang dating saserdote ni Haring Noe, at kanyang mga tao, na dahil “binalaan ng Panginoon … [,] lumisan patungo sa ilang bago dumating ang mga hukbo ni haring Noe.” Pagkalipas ng walong araw, “nakarating sila … sa napakaganda at nakasisiyang lupain” kung saan “nagtayo sila ng kanilang mga tolda, at nagsimulang magbungkal ng lupa, at nagsimulang magtayo ng mga gusali.”4

Tila magiging maganda na ang kanilang kalagayan. Tinanggap nila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nabinyagan sila bilang tipan na maglilingkod sila sa Panginoon at susunod sa Kanyang mga kautusan. At “dumami sila at labis na umunlad sa lupain.”5

Gayunpaman, hindi maglalaon at mababago na ang kanilang kalagayan. “Isang hukbo ng mga Lamanita ang nasa mga hangganan ng lupain.”6 Hindi nagtagal ay naging alipin si Alma at ang kanyang mga tao, at “napakasidhi ng kanilang mga paghihirap kung kaya’t nagsimula silang magsumamo nang mataimtim sa Diyos.” Bukod pa riyan, iniutos ng mga bumihag sa kanila na tumigil sa pagdarasal, dahil kung hindi, “sinuman ang matatagpuang nananawagan sa Diyos ay papatayin.”7 Walang ginawang masama si Alma at ang kanyang mga tao para danasin ang bago nilang kalagayan. Paano nila ito haharapin?

Sa halip na sisihin ang Diyos, bumaling sila sa Kanya at “ibinuhos ang kanilang mga puso sa kanya.” Bilang sagot sa kanilang pananampalataya at tahimik na mga panalangin, sinabi ng Panginoon: “Maaliw. … Pagagaanin ko … ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod.” Hindi nagtagal, “pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”8 Kahit hindi pa napapalaya mula sa pagkaalipin, sa pagbaling nila sa Panginoon, at hindi mula sa Panginoon, pinagpala sila ayon sa kanilang mga pangangailangan at ayon sa karunungan ng Panginoon.

Ayon sa turo ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang mga basbas na nagpapagaling ay maaaring dumating sa maraming paraan, bawat isa rito ay akma sa mga personal na pangangailangan natin, na batid Niya na lubos na nagmamahal sa atin. Kung minsan nagagamot sa ‘pagpapagaling’ ang ating sakit o gumagaan ang ating pasanin. Ngunit kung minsan ‘napapagaling’ tayo kapag nabigyan tayo ng lakas o pang-unawa o pagtitiis para mabata ang mga pasaning iniatang sa ating balikat.”9

Sa huli, dahil “napakalakas ng kanilang pananampalataya at kanilang pagtitiis,” iniligtas ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao, “at nagbigay-pasalamat sila sa Diyos,” “sapagkat nasa pagkaalipin sila, at walang makapagpapalaya sa kanila maliban sa Panginoon nilang Diyos.”10

Ang malungkot na kabalintunaan dito ay, kadalasan, ang mga nangangailangan ay lumalayo sa isang perpektong mahihingan nila ng tulong—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang pamilyar na tala sa banal na kasulatan tungkol sa tansong ahas ay nagtuturo sa atin na mayroon tayong pagpipilian kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok. Matapos makagat ang mga anak ni Israel ng “nagliliyab na mga ahas na lumilipad”11 “isang kahalintulad ang itinaas … na kung sino man ang tumingin … ay mabubuhay. [Ngunit iyon ay isang pagpili.] At marami ang tumingin at nabuhay.

“… Subalit marami ang napakatigas na tumanggi silang tumingin, kung kaya nga’t nasawi sila.”12

Tulad ng mga sinaunang Israelita, inaanyayahan at hinihikayat din tayong tumingin sa Tagapagligtas at mabuhay—dahil malambot ang Kanyang pamatok at magaan ang Kanyang pasan, kahit ang sa atin ay may kabigatan.

Itinuro ni Nakababatang Alma ang banal na katotohanang ito nang sabihin niyang, “Nalalaman ko na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”13

Sa mga huling araw na ito, binigyan tayo ng Panginoon ng napakaraming mapagkukunang tulong, ang ating “mga tansong ahas,” na lahat ay ginawa upang tulungan tayong umasa kay Cristo at magtiwala sa Kanya. Ang pagharap sa mga hamon ng buhay ay hindi tungkol sa pagwawalang-bahala sa katotohanan, kundi tungkol ito sa kung saan tayo magtutuon at kung anong pundasyon ang pagtatayuan natin.

Kabilang sa mga mapagkukunang ito, at marami pang iba, ang:

  • Regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga buhay na propeta.

  • Palaging pagdarasal at pag-aayuno nang taos-puso.

  • Karapat-dapat na pakikibahagi sa sakramento.

  • Regular na pagpunta sa templo.

  • Mga basbas ng priesthood.

  • Mahuhusay na payo mula sa mga ekspertong propesyonal.

  • At pati na ang mga gamot, kapag inireseta nang tama at ginamit ayon dito.

Anumang pagbabago sa kalagayan sa buhay ang dumating sa atin, at anumang di-inaasahang landas ang dapat nating tahakin, pinipili natin kung paano natin ito haharapin. Ang pagbaling sa Panginoon at pagkapit sa Kanyang nakaunat na kamay ang laging pinakamagandang mapagpipilian natin.

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ang walang-hanggang katotohanang ito: “Ang tunay at walang maliw na kaligayahan lakip ang lakas, tapang, at kakayahang daigin ang pinakamahihirap na problema ay nagmumula sa buhay na nakasentro kay Jesucristo. … Walang garantiya na magkakaroon ng resulta sa loob ng magdamag, ngunit lubos ang katiyakan na, sa takdang panahon ng Panginoon, darating ang mga solusyon, mananaig ang kapayapaan, at mapupunan ang kahungkagan.”14

Nagpapatotoo ako sa mga katotohanang ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.