2010–2019
Nagtitiwala ba Tayo sa Kanya? Ang Mahirap ay Mabuti
Oktubre 2017


2:3

Nagtitiwala ba Tayo sa Kanya? Ang Mahirap ay Mabuti

Anuman ang isyu, ang mahirap ay maaaring mabuti para sa mga susulong nang may pananampalataya at magtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang plano.

Bago ako magsimula, bilang isa na kumakatawan sa ating lahat na naapektuhan ng pagsalanta ng mga bagyo at lindol kamakailan, ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng Helping Hands at kanilang mga facilitator, na nagbigay sa atin ng tulong at pag-asa.

Noong Oktubre 2006, nagbigay ako ng aking unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Nadama ko na ang isang mahalagang mensahe para sa pandaigdigang Simbahan ay kinapapalooban ng pahayag na “Nagtitiwala ang Panginoon sa atin!”

Talagang nagtitiwala Siya sa atin sa napakaraming paraan. Ibinigay Niya sa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo at, sa dispensasyong ito, ang kabuuan nito. Ipinagkatiwala Niya sa atin ang awtoridad ng Kanyang priesthood, pati na ang mga susi para sa wastong paggamit nito. Gamit ang kapangyarihang iyon maaari tayong magbasbas, maglingkod, tumanggap ng mga ordenansa, at makipagtipan. Ipinagkatiwala Niya sa atin ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, pati na ang banal na templo. Ipinagkatiwala Niya sa Kanyang mga tagapaglingkod ang kapangyarihang magbuklod—upang maibuklod sa langit ang ibinuklod sa lupa! Ipinagkatiwala rin Niya sa atin ang pagiging magulang sa mundo, guro, at tagapag-alaga ng Kanyang mga anak.

Pagkatapos ng mga taon na ito ng paglilingkod bilang General Authority sa maraming bahagi ng mundo, ipinapahayag ko nang may higit na katiyakan: Nagtitiwala Siya sa atin.

Ngayon ang tanong sa kumperensyang ito ay “Nagtitiwala ba tayo sa Kanya?”

Nagtitiwala ba Tayo sa Kanya?

Madalas tayong paalalahanan ni Pangulong Thomas S. Monson na “tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

“Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata” (Mga Kawikaan 3:5–7).

Nagtitiwala ba tayo na ang Kanyang mga kautusan ay para sa ating ikabubuti? Na ang Kanyang mga lider, bagama’t hindi perpekto, ay pamumunuan tayo nang maayos? Na ang Kanyang mga pangako ay tiyak? Nagtitiwala ba tayo na kilala tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais tayong tulungan? Maging sa gitna ng mga pagsubok, hamon, at paghihirap, nagtitiwala pa rin ba tayo sa Kanya?

Sa pagbabalik-tanaw, natutuhan ko ang ilan sa pinakamabubuting aral sa pinakamahihirap na panahon—noong kabataan ko man, sa misyon, sa pagsisimula sa bagong propesyon, pagsisikap na gampanan ang aking mga tungkulin, pagtataguyod ng malaking pamilya, o pagpupunyaging maging self-reliant. Tila malinaw na ang mahirap ay mabuti!

Ang Mahirap ay Mabuti

Ang mahirap ay mas nagpapalakas, nagpapakumbaba, at nagbibigay sa atin ng pagkakataong patunayan ang ating sarili. Nakilala ng ating minamahal na mga handcart pioneer ang Diyos sa kanilang sukdulang paghihirap. Bakit umabot sa dalawang kabanata ang pagkuha ni Nephi at ng kanyang mga kapatid sa mga laminang tanso at tatlong talata lang para hikayatin ang pamilya ni Ismael na sumama sa kanila sa ilang? (tingnan sa 1 Nephi 34; 7:3–5). Tila nais ng Panginoon na palakasin si Nephi sa pamamagitan ng naranasang hirap sa pagkuha ng mga lamina.

Hindi tayo dapat mabigla sa mahihirap na bagay sa ating buhay. Ang isa sa pinakaunang mga pakikipagtipan natin sa Panginoon ay ang ipamuhay ang batas ng sakripisyo. Ang ibig sabihin ng sakripisyo ay isuko ang isang bagay na kanais-nais. Sa karanasan natin nalaman natin na maliit ang halaga nito kumpara sa mga pagpapalang darating. Sa pamumuno ni Joseph Smith, sinabi noon na, “Ang isang relihiyon na hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihang lumikha ng pananampalatayang kailangan tungo sa buhay at kaligtasan”1

Ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay pamilyar sa mahihirap na bagay. Isinakripisyo ng Diyos Ama ang Kanyang Bugtong na Anak sa labis na pagdurusa sa Pagbabayad-sala, pati na sa pagkamatay sa krus. Sabi sa mga banal na kasulatan, si Jesucristo ay natuto ng “pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis” (Sa Mga Hebreo 5:8). Kusang-loob Niyang pinagdusahan ang matinding hirap ng Pagbabayad-sala. Ang Espiritu Santo ay nagtitiis nang matagal upang hikayatin, balaan, at gabayan tayo, para lang balewalain, hindi maunawaan, o makalimutan kung minsan.

Bahagi ng Plano

Ang mahirap ay bahagi ng plano ng ebanghelyo. Ang isa sa mga layunin ng buhay na ito ay ang masubukan tayo (tingnan sa Abraham 3:25). Kakauti lamang ang nagdusa nang higit na di-nararapat kaysa sa mga tao ni Alma. Tumakas sila mula sa masamang si Haring Noe, para lamang maging alipin sa mga Lamanita! Sa mga pagsubok na iyon tinuruan sila ng Panginoon na pinahihirapan Niya ang Kanyang mga tao at sinusubok ang “kanilang pagtitiyaga at kanilang pananampalataya” (Mosias 23:21).

Sa napakahihirap na araw sa Liberty Jail, tinuruan ng Panginoon si Joseph Smith na “[magtiis] na mabuti” (D at T 121:8) at pinangakuan na kung gagawin niya ito, “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

Nagsumamo si Pangulong Thomas S. Monson na, “Nawa’y piliin natin palagi ang tama na mas mahirap gawin sa halip na ang mali na mas madaling gawin.”2 Tungkol sa ating mga templo, sinabi niya na “walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapala [sa templo].”3

Sa mundo ng kalikasan, ang paghihirap ay bahagi ng takbo ng buhay. Mahirap para sa isang sisiw na lumabas sa matigas na balat ng itlog. Ngunit kapag pinadali ito ng iba, hindi magkakaroon ng lakas ang sisiw para mabuhay. Sa gayon ding paraan, ang hirap na naranasan ng isang paruparo na makalabas ng cocoon ang nagpapalakas dito para mabuhay.

Sa mga halimbawang ito, nakikita natin na ang paghihirap ay hindi nagbabago! Lahat tayo ay may mga hamon. Ang nagbabago ay ang ating pagharap sa mahirap.

May panahon na ang ilang tao sa Aklat ni Mormon ay nakaranas ng “malulupit na pag-uusig” at “labis na pagdurusa” (Helaman 3:34). Paano nila hinarap ang mga ito? “Sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan” (Helaman 3:35). Isa pang halimbawa ang nangyari pagkaraan ng maraming taon ng digmaan: “Dahil sa labis na katagalan ng digmaan na namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita ay marami ang naging matitigas, … at marami ang napalambot dahil sa kanilang paghihirap, kung kaya nga’t sila ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos” (Alma 62:41).

Tayo ang nagpapasiya kung paano natin haharapin ang mahirap.

Mag-ingat sa Madadali

Bago ang tungkuling ito, financial consultant ako sa Houston, Texas. Malaking bahagi ng trabaho ko ang makisalamuha sa mga milyonaryong may sariling mga negosyo. Halos lahat sila ay nagkaroon ng matatagumpay na negosyo mula sa wala dahil sa kasipagan. Ang pinakamalungkot para sa akin ay ang marinig sa ilan sa kanila na gusto nilang padaliin ang buhay para sa kanilang mga anak. Ayaw nilang mahirapan ang kanilang mga anak na katulad nila. Sa madaling salita, ipagkakait nila sa kanilang mga anak ang mismong dahilan ng kanilang tagumpay.

Sa kabilang dako, may kilala kaming pamilya na gumawa ng ibang paraan. Ang mga magulang ay nahikayat ng karanasan ni J. C. Penney nang sabihin dito ng kanyang ama nang mag-walong taong gulang siya na bahala na siyang tustusan ang sarili niya. Gumawa sila ng sarili nilang bersyon: nang makatapos ng high school ang anak nila, sila na ang tumustos sa sarili nila—para magpatuloy sa pag-aaral (kolehiyo, graduate school, atbp.) at para matustusan ang kanilang pangangailangang pinansyal (talagang naging self-reliant) (tingnan sa D at T 83:4). Ang masaya, matalinong hinarap ito ng mga bata. Lahat sila’y nakatapos ng kolehiyo, at ang ilan ay nakatapos din ng graduate school—lahat sa kanilang sariling pagsisikap. Hindi madali, pero nagawa nila iyon. Nagawa nila iyon dahil sa kasipagan at pananampalataya.

Pananampalatayang Magtiwala sa Kanya

Ang tanong na “Nagtitiwala ba tayo sa Kanya? ay mas lilinaw kung sasabihing, “May pananampalataya ba tayong magtiwala sa Kanya?”

May pananampalataya ba tayong magtiwala sa Kanyang mga pangako tungkol sa ikapu na ang 90 porsiyento ng ating kita na dinagdagan ng tulong ng Panginoon ay mas makakabuti sa atin kaysa 100 porsiyento ng ating taunang kita na tayo lang mag-isa?

Sapat ba ang ating pananampalataya para magtiwala na dadalawin Niya tayo sa ating mga paghihirap (tingnan sa Mosias 24:14), na kakalabanin Niya ang mga kumakalaban sa atin (tingnan sa Isaias 49:25; 2 Nephi 6:17), at ilalaan Niya ang ating mga paghihirap para sa ating kapakinabangan? (tingnan sa 2 Nephi 2:2).

Magiging sapat ba ang ating pananampalataya para sundin ang Kanyang mga utos upang mapagpala Niya tayo kapwa sa temporal at sa espirituwal? At patuloy ba tayong magiging tapat hanggang wakas para tanggapin Niya tayo sa Kanyang kinaroroonan? (tingnan sa Mosias 2:41).

Mga kapatid, maaari tayong manampalataya para magtiwala sa Kanya! Hangad Niya ang pinakamabuti para sa atin (tingnan sa Moises 1:39). Diringgin Niya ang ating mga dalangin (tingnan sa D at T 112:10). Tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako (tingnan sa D at T 1:38). May kapangyarihan Siyang tuparin ang mga pangakong iyon (tingnan sa Alma 37:16). Alam Niya ang lahat ng bagay! At ang pinakamahalaga, alam Niya ang pinakamabuti (tingnan sa Isaias 55:8–9).

Isang Mapanganib na Mundo

Ang ating mundo ngayon ay mahirap. Nariyan ang laganap na kasamaan, katiwalian sa bawat bansa, terorismo kahit sa mga ligtas na lugar, pagbagsak ng ekonomiya, kawalan ng trabaho, sakit, mga kalamidad, mga digmaang-sibil, malulupit na lider, at iba pa. Ano ang dapat nating gawin? Tatakas ba tayo o lalaban? Ano ang tama? Alinman ang piliin ay maaaring mapanganib. Mapanganib para kay George Washington at sa kanyang hukbo na lumaban gayundin para sa ating mga ninunong pioneer na tumakas. Mapanganib para kay Nelson Mandela na makibaka para sa kalayaan. Sinabi nga, na para manaig ang kasamaan, kailangan lang na walang gawin ang mabubuting tao.4

Huwag Matakot!

Anuman ang ating gagawin, hindi tayo dapat magdesisyon o kumilos nang dahil sa takot. Tunay ngang “hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan” (II Kay Timoteo 1:7). (Naisip ba ninyo na ang ideyang “huwag matakot” ay binigyang-diin sa buong banal na kasulatan?) Itinuro na sa akin ng Panginoon na ang panghihina ng loob at takot ay mga kasangkapan ng kaaway. Ang sagot ng Panginoon sa mahihirap na panahon ay sumulong nang may pananampalataya.

Ano ang Mahirap?

Bawat isa sa atin ay maaaring may ibang opinyon kung ano ang mahirap. Itinuturing ng ilan na mahirap magbayad ng ikapu kapag gipit sila sa pera. Kung minsa’y nahihirapang umasa ang mga lider na magbayad ng ikapu ang mahihirap. Maaaring mahirap para sa ilan sa atin na sumulong nang may pananampalataya na mag-asawa o magpamilya. May mga nahihirapang “malugod sa [kung ano ang] iniukol sa [kanila] ng Panginoon” (Alma 29:3). Maaaring mahirap makuntento sa kasalukuyan nating tungkulin (tingnan sa Alma 29:6). Maaaring napakahirap ng disiplina sa Simbahan, subalit sa ilan, ito ay simula ng tunay na proseso ng pagsisisi.

Anuman ang isyu, ang mahirap ay maaaring mabuti para sa mga susulong nang may pananampalataya at magtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang plano.

Ang Aking Patotoo

Mga kapatid, nagpapatotoo ako na ang mga lider na nakaupo sa aking likuran ay tinawag ng Diyos. Hangad nilang maglingkod nang maayos sa Panginoon at maitatag ang ebanghelyo sa ating puso. Mahal ko sila at sinusuportahan.

Mahal ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Namamangha ako na lubos ang pagmamahal Niya para sa Ama at sa atin para maging ating Tagapagligtas at Manunubos; kaya sa paggawa nito ay kinailangan Niyang magdusa na naging sanhi upang Siya’y “manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at espiritu” (D at T 19:18). Subalit sa harap ng kakila-kilabot na sitwasyong ito at dahil kailangan ito, matatag Niyang sinabi sa Ama, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Nagagalak ako sa salita ng mga anghel: “Siya’y wala rito: sapagka’t siya’y nagbangon” (Mateo 28:6).

Ang Kanyang halimbawa talaga “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Sa pagtulad lamang sa halimbawang iyon tayo magkakaroon ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23). Kapag sinusunod ko ang Kanyang halimbawa at ipinamumuhay ang Kanyang mga turo, nalalaman ko sa sarili ko na ang bawat isa sa Kanyang “mahahalaga at napakadakilang pangako” (II Ni Pedro 1:4) ay totoo.

Ang pinakadakila kong hangarin ay manindigang kasama ni Mormon bilang tunay na disipulo ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 5:13) at balang-araw ay marinig mula sa Kanyang mga labi, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na [tagapaglingkod]” (Mateo 25:21). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lectures on Faith (1985), 69.

  2. Thomas S. Monson, “Mga Pagpili,” Liahona, Mayo 2016, 86.

  3. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 92.

  4. Tingnan as John Stuart Mill, Inaugural Address: Delivered to the University of St. Andrews, Peb. 1, 1867 (1867), 36.