2010–2019
Makamtan ang Tiwala ng Panginoon at ng Inyong Pamilya
Oktubre 2017


2:3

Makamtan ang Tiwala ng Panginoon at ng Inyong Pamilya

Ang mga taong may “katapatan ng puso” ay mga taong mapagkakatiwalaan—sapagkat ang tiwala ay nakasalig sa katapatan o integridad.

Mga kapatid, marahil ay wala nang mas dakilang papuri ang matatanggap natin mula sa Panginoon kaysa sa malaman na nagtitiwala Siya sa atin na maging karapat-dapat na mga maytaglay ng priesthood at mabubuting asawa at ama.

Isang bagay ang tiyak: ang makamtan ang tiwala ng Panginoon ay isang pagpapala na dumarating dahil pinagsikapan natin ito nang lubos. Ang tiwala ay isang pagpapalang nakabatay sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Ang natamong tiwala ng Panginoon ay bunga ng pagiging tapat sa mga tipan na ating ginawa sa mga tubig ng binyag at sa banal na templo. Kapag tinutupad natin ang ating mga pangako sa Panginoon, nadaragdagan ang Kanyang tiwala sa atin.

Gusto ko ang sinauna at makabagong mga banal na kasulatan na gumamit ng pariralang “katapatan ng puso” kapag inilalarawan ang katangian ng isang mabuting tao.1 Ang katapatan o integridad o ang kawalan ng integridad ay isang pangunahing bahagi ng katangian ng isang tao. Ang mga taong may “katapatan ng puso” ay mga taong mapagkakatiwalaan—sapagkat ang tiwala ay nakasalig sa katapatan o integridad.

Ang kahulugan ng pagiging isang taong may integridad ay dalisay at mabuti ang inyong mga hangarin, gayundin ang inyong mga kilos sa lahat ng aspeto ng inyong buhay, sa harap man ng maraming tao at sa pribado ninyong buhay. Sa bawat pagpapasiya natin, maaaring nagiging mas nararapat tayo sa tiwala ng Diyos o nababawasan ang Kanyang tiwala sa atin. Marahil ang alituntuning ito ay mas malinaw na naipapakita sa itinalaga sa ating mga banal na responsibilidad bilang mga asawa at ama.

Bilang mga asawa at ama, nakatanggap tayo ng banal na utos mula sa mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag sa pahayag na “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang pagpapahayag na ito ay nagtuturo sa atin na (1) “ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan,” (2) ang mga ama “ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay,” at (3) ang mga ama ang may responsibilidad na protektahan ang kanilang mag-anak.2

Upang makamtan natin ang tiwala ng Diyos, kakailanganin nating matupad ang itinalagang tatlong banal na responsibilidad na ito sa ating mga pamilya ayon sa paraan ng Panginoon. Katulad ng nakasaaad pa sa paghahayag tungkol sa pamilya, ang paraan ng Panginoon ay ang gawin ang mga responsibilidad na ito kasama ang ating mga asawa “bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”3 Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay hindi tayo susulong sa anumang mahalagang pagpapasiya hinggil sa tatlong responsibilidad na ito nang walang ganap na pakikiisa sa ating mga asawa.

Ang unang hakbang sa ating pagsisikap na makamtan ang tiwala ng Panginoon ay ang magtiwala sa Kanya. Ipinakita ni propetang Nephi ang ganitong uri ng katapatan nang nanalangin siya: “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman. Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman.”4 Si Nephi ay lubos na tapat sa paggawa ng kalooban ng Panginoon. Bukod pa sa pagsasabi na kanyang “gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon,” hindi natinag si Nephi sa kanyang tapat na pangakong isagawa ang kanyang mga tungkulin, na ipinakita sa pahayag na ito: “Yamang ang Panginoon ay buhay, at habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin.”5

Dahil unang nagtiwala si Nephi sa Diyos, nagtiwala nang malaki ang Diyos kay Nephi. Pinagpala siya ng Panginoon ng maraming pagbubuhos ng Espiritu na nagbigay ng mga pagpapala sa kanyang buhay, sa buhay ng kanyang pamilya, at sa buhay ng kanyang mga tao. Dahil namuno si Nephi sa pagmamahal at kabutihan at naglaan at pinrotektahan ang kanyang pamilya at mga tao, isinulat niya, “Kami ay namuhay nang maligaya.”6

Upang mailahad ang pananaw ng isang babae tungkol sa paksang ito, hiniling ko sa aking dalawang may-asawang anak na babae na tulungan ako. Tinanong ko kung maaari silang magbigay ng isa o dalawang pangungusap tungkol sa kung paano nila naunawaan ang kahalagahan ng tiwala at ang epekto nito sa pagsasama nila ng kanilang asawa at sa kanilang pamilya. Narito ang sinabi nina Lara Harris at Christina Hansen.

Una, si Lara: “Isa sa mga bagay na pinakamahalaga sa akin ay ang alam ko na habang ginagawa ng aking asawa ang mga kailangan niyang gawin sa araw-araw, gumagawa siya ng mga pagpapasiya na nagpapakita ng respeto at pagmamahal sa akin. Kapag mapagkakatiwalaan namin ang isa’t isa sa ganitong paraan, nagdudulot ito ng kapayapaan sa aming tahanan, kung saan masaya naming mapapalaki ang aming pamilya nang magkasama.”

Ngayon ang mga sinabi naman ni Christina: “Ang pagkakaroon ng tiwala sa isang tao ay katulad ng pagkakaroon ng pananampalataya sa isang tao. Kung wala ang tiwala at pananampalatayang iyan, magkakaroon ng takot at pagdududa. Para sa akin, isa sa mga pinakamalaking biyaya na dulot ng pagtitiwala sa aking asawa ay kapayapaan—kapayapaan ng isipan sapagkat nalalaman ko na ginagawa niya talaga ang sinabi niyang gagawin niya. Ang tiwala ay nagdudulot ng kapayapaan, pagmamahal, at ng isang kapaligiran kung saan mapalalago ang pagmamahal na iyan.”

Hindi nabasa nina Lara at Christina ang isinulat ng isa’t isa. Nasisiyahan ako na pareho nilang kinilala na ang pagkakaroon ng kapayapaan sa tahanan ay tuwirang dulot ng pagkakaroon ng isang asawang mapagkakatiwalaan nila. Katulad ng inilarawan ng mga halimbawa ng aking mga anak na babae, ang alituntunin ng pagtitiwala ay napakahalaga sa pagbuo ng isang tahanang nakasentro kay Cristo.

Naranasan ko rin ang ganoong kulturang nakasentro kay Cristo sa paglaki sa isang tahanan kung saan iginalang ng aking ama ang kanyang priesthood at nakamtan ang tiwala ng kanyang buong pamilya dahil sa “katapatan ng kanyang puso.”7 Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang isang karanasan mula sa aking kabataan na naglalarawan sa habambuhay at mabuting epekto sa kanyang pamilya ng isang ama na nauunawaan at ipinamumuhay ang mga alituntunin ng tiwala na nakasalig sa integridad.

Noong napakabata ko pa, nagtayo ang aking ama ng isang kumpanya na eksperto sa factory automation. Ang negosyong ito ay nagdisenyo, gumawa, at nag-install ng mga automated production line sa buong mundo.

Noong nasa middle school ako, gusto ng aking ama na matuto ako kung paano magtrabaho. Gusto rin niyang matutuhan ko ang lahat ng aspeto ng negosyo. Kabilang sa una kong trabaho ang panatilihing malinis ang lugar at mga painting area ng pasilidad na hindi nakikita ng publiko.

Noong pumasok ako sa high school, na-promote ako na magtrabaho sa pabrika. Nagsimula akong matuto kung paano magbasa ng mga blueprint at magpatakbo ng malalaking steel fabrication machinery. Nang makatapos ng high school, nag-aral ako sa unibersidad at pagkatapos ay nagmisyon. Pagkauwi ko galing ng misyon, bumalik ako agad sa pagtatrabaho. Kailangan kong kumita para sa mga gastusin sa eskuwela sa susunod na taon.

Isang araw pagkatapos ng aking misyon, nagtatrabaho ako sa pabrika nang papuntahin ako ng aking ama sa kanyang opisina at tinanong kung nais kong sumama sa kanya sa isang business trip sa Los Angeles. Ito ang unang pagkakataon na inanyayahan ako ng aking ama na samahan siya sa isang business trip. Ang totoo ay ipakikilala niya ako sa mga tao upang tumulong na katawanin ang kumpanya.

Bago kami umalis, inihanda niya ako sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ilang detalye tungkol sa aming potensyal na bagong kliyente. Una, ang kliyente ay isang multinasyonal na korporasyon. Ikalawa, ina-upgrade nila ang kanilang mga production line sa buong daigdig gamit ang pinakabagong teknolohiya sa automation. Ikatlo, hindi pa kailanman nakapag-suplay sa kanila ang aming kumpanya ng engineering services o teknolohiya. At pinakahuli, ang kanilang pinakamataas na corporate officer na namamahala sa purchasing ang nagpatawag ng miting na ito upang rebyuhin ang aming bid sa isang bagong proyekto. Ang miting na ito ay maaaring magbigay sa amin ng isang bago at mahalagang pagkakataon para sa aming kumpanya.

Pagkarating sa Los Angeles, kami ni Itay ay nagpunta na sa hotel na pagdarausan ng miting. Ang unang gagawin ay talakayin at suriin ang mga detalye ng engineering design ng proyekto. Ang sumunod na aytem ay patungkol sa mga detalye ng operasyon, kabilang ang logistics at mga delivery date. Ang pinakahuling agenda ay nakatuon sa presyo, mga tuntunin, at mga kondisyon. Dito sa mga bagay na ito talagang mapapaisip ka.

Ipinaliwanag sa amin ng corporate officer na ang iminungkahi naming presyo ang pinakamababa sa lahat ng mga isinumiteng bid sa proyekto. Pagkatapos, sinabi niya sa amin ang presyo ng pangalawang-pinakamababang bid. Pagkatapos ay itinanong niya sa amin kung nais naming bawiin ang aming proposal at muling isumite ito. Sinabi niya na ang aming bagong presyo ay dapat mas mababa nang kaunti sa susunod na mas mataas na bid. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na hahatiin namin ang bagong dagdag na presyo nang 50–50 sa kanya. Pinangatwiranan niya ito sa pagsasabing makikinabang ang lahat. Makikinabang ang aming kumpanya sapagkat maaari kaming kumita nang lubhang mas malaking pera kaysa sa orihinal na bid na ibinigay namin. Makikinabang ang kumpanya niya sapagkat makikipagnegosyo pa rin sila sa pinakamababang bidder. At, siyempre, makikinabang siya dahil may porsiyento siya sapagkat siya ang gumawa ng kasunduang ito.

Pagkatapos ay binigyan niya kami ng isang post office box number kung saan namin maaaring ipadala ang perang hinihiling niya. Pagkatapos ng lahat ng ito, tumingin siya sa aking ama at nagtanong, “Ano, may kasunduan na ba tayo?” Laking gulat ko nang tumayo ang aking ama, kinamayan siya, at sinabihan siya na babalikan namin siya.

Matapos lisanin ang miting, sumakay kami sa inupahang kotse, at bumaling sa akin ang ama ko at itinanong, “Ano sa tingin mo ang dapat nating gawin?”

Sumagot ako sa kanya sa pagsasabing sa tingin ko ay hindi namin dapat tanggapin ang kanyang alok.

Pagkatapos ay itinanong ng aking ama, “Hindi mo ba naisip na may responsibilidad tayo sa lahat ng ating mga empleyado na panatilihing may sapat na backlog na trabaho?”

Habang pinag-iisipan ko ang tanong na ito at bago ako nakasagot, sinagot niya ang sarili niyang tanong. Sabi niya, “Makinig ka, Rick, kapag tumanggap ka ng suhol o ikinompromiso mo ang iyong integridad, napakahirap nang maibalik pa ito. Huwag mong gagawin ito, kahit isang beses lang.”

Ang katotohanang ibinabahagi ko ang karanasang ito ay nangangahulugan na hindi ko kailanman nalimutan kung ano ang itinuro sa akin ng aking ama sa unang business trip na iyon na kasama siya. Ibinabahagi ko ang karanasang ito upang ilarawan ang walang hanggang impluwensya natin bilang mga ama. Maaari ninyong isipin ang malaking tiwala ko sa aking ama dahil sa integridad ng kanyang puso. Ipinamuhay niya ang mga alituntunin ding iyon sa kanyang pribadong buhay kasama ang aking ina, kanyang mga anak, at lahat ng mga nakahalubilo niya.

Mga kapatid, dalangin ko ngayong gabi na magtiwala muna tayong lahat sa Panginoon, tulad ng ipinakita ni Nephi, at pagkatapos, sa pamamagitan ng integridad ng ating puso ay makakamtan natin ang tiwala ng Panginoon, pati na rin ang tiwala ng ating asawa at mga anak. Kapag naunawaan at naipamuhay natin ang banal na alituntuning ito ng tiwala na nakasalig sa integridad, magiging tapat tayo sa ating mga sagradong tipan. Magiging matagumpay rin tayo sa pangungulo sa ating pamilya nang may pagmamahal at kabutihan, paglalaan ng mga pangangailangan sa buhay, at pagprotekta sa ating pamilya mula sa mga kasamaan ng mundo. Ang mga katotohanang ito ay mapagpakumbaba kong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.