Ang Pagsisisi ay Palaging Positibo
Sa sandaling tahakin natin ang landas ng pagsisisi, inaanyayahan natin ang mapantubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay.
Ilang taon na ang nakalipas, dumalo si Pangulong Gordon B. Hinckley sa isang laro ng college football. Naroon siya para ibalita na ang stadium ay ipapangalan sa matagal na at minamahal na coach ng team na magreretiro na. Gustung-gusto ng team na ipanalo ang laro bilang parangal sa kanilang coach. Inanyayahan si Pangulong Hinckley na bisitahin ang locker room at magbahagi ng mga salitang nakahihikayat. Nabigyang-inspirasyon ng kanyang sinabi, naglaro ang team noong araw na iyon at nagwagi, at tinapos ang season na iyon nang may winning record.
Ngayon, gusto kong magsalita sa mga taong maaaring nag-aalala na hindi sila nagwawagi sa buhay. Ang totoo, siyempre pa, tayong “lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”1 Bagama’t may mga panahon na walang pagkatalo sa isports, walang ganito sa buhay. Ngunit nagpapatotoo ako na isinagawa ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang isang ganap na Pagbabayad-sala at ibinigay sa atin ang pagsisisi—ang ating landas pabalik sa ganap na kaliwanagan ng pag-asa at panalong buhay.
Ang Pagsisisi ay Naghahatid ng Kaligayahan
Kadalasan iniisip natin na ang pagsisisi ay isang bagay na miserable at nakalulungkot. Ngunit ang plano ng Diyos ay ang plano ng kaligtasan, hindi ang plano ng kalungkutan! Ang pagsisisi ay nakasisigla at nakadadakila. Kasalanan ang nagdudulot ng kalungkutan.2 Ang pagsisisi ang ating landas para makatakas! Gaya ng ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson: “Kung walang pagsisisi, walang tunay na pagsulong o pag-unlad sa buhay. … Sa pamamagitan lamang ng pagsisisi natin nakakamtan ang biyaya ng pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang kaligtasan. Inaakay tayo [ng pagsisisi] patungo sa kalayaan, pagkakaroon ng tiwala, at kapayapaan.”3 Ang mensahe ko sa lahat—lalo na sa kabataan—ang pagsisisi ay palaging positibo.
Kapag pinag-uusapan natin ang pagsisisi, hindi lang ito tungkol sa pagpapabuti sa sarili. Higit pa riyan ang tunay na pagsisisi—ito ay inspirado ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihang patawarin ang ating mga kasalanan. Gaya ng itinuro sa atin ni Elder Dale G. Renlund, “Kung wala ang Manunubos, … ang pagsisisi ay nagiging kahabag-habag na pagbabago na lamang ng ugali.”4 Maaari nating sikaping baguhin ang ating ugali nang tayo lang, ngunit maaaring alisin ng Tagapagligtas ang ating mga mantsa at pagaanin ang ating mga pasanin, upang matahak natin ang landas ng pagkamasunurin nang may tiwala at lakas. Ang kagalakan ng pagsisisi ay higit pa sa kagalakan ng disenteng pamumuhay. Ito’y ang kagalakan ng pagpapatawad, ng pagiging malinis muli, at ng mas paglapit sa Diyos. Sa sandaling maranasan mo na ang kagalakang iyon, walang mas mababa pa rito na magbibigay ng kasiyahan.
Ang tunay na pagsisisi ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon na gawing pangako ang ating pagsunod—isang tipan, na nagsisimula sa binyag at pinapanibago bawat linggo sa Hapunan ng Panginoon, ang sakramento. Doon ay natatanggap natin ang pangako na “sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu,”5 taglay ang lahat ng galak at kapayapaang nagmumula sa Kanyang pagpatnubay. Ito ang bunga ng pagsisisi, at ito ang dahilan kaya puno ng kagalakan ang pagsisisi!
Kailangan ng Pagtitiyaga sa Pagsisisi
Gustung-gusto ko ang talinghaga ng alibughang anak.6 May mahalagang bagay tungkol sa malaking pagbabago nang “makapag-isip” ang alibughang anak. Habang nakaupo sa kulungan ng mga baboy, naiisip na sana “mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy,” natanto niya na hindi lamang niya sinayang ang pamana ng kanyang ama kundi maging ang kanyang buhay. Sa pananalig na baka tanggapin siyang muli ng kanyang ama—kung hindi man bilang anak kahit bilang alila lang—nagpasiya siyang talikuran ang kanyang rebeldeng nakaraan at umuwi.
Madalas kong maisip ang mahabang paglalakad ng anak pauwi. May mga pagkakataon kaya na nag-atubili siya at nag-isip na, “Paano kaya ang magiging pagtanggap sa akin ng aking ama?” Marahil lumakad pa siya nang paatras papunta sa mga baboy. Isipin na lang kung paano naiba ang kuwento kung sumuko siya. Ngunit dahil sa pananampalataya ay patuloy siyang kumilos, at sa pananampalataya ang kanyang ama ay patuloy na nagmasid at matiyagang naghintay, hanggang sa huli:
“Datapuwa’t samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, ay siya’y hinagkan.
“At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo.
“Datapuwa’t sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa: …
“Sapagka’t patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya’y nawala, at nasumpungan.”
Ang Pagsisisi ay para sa Lahat
Mga kapatid, tayong lahat ay mga alibugha. Tayong lahat ay kailangang “makapag-isip”—karaniwan ay mahigit sa isang beses—at piliin ang landas pauwi. Ito ay pagpiling ginagawa natin araw-araw, sa habambuhay.
Madalas nating iniuugnay ang pagsisisi sa mabibigat na kasalanan na kailangan ng “malaking pagbabago.”7 Ngunit ang pagsisisi ay para sa lahat—sa mga nasa “ipinagbabawal na landas at [nawawala]”8 gayundin sa mga taong “[napasa]makipot at makitid na landas” at ngayon ay kailangang “magpatuloy sa paglakad.”9 Ang pagsisisi ay kapwa naglalagay sa atin sa tamang landas at pinananatili tayo sa tamang landas. Ito ay para sa mga nagsisimula pa lang maniwala, sa mga naniniwala na, at sa mga kailangang maniwalang muli. Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar: “Malinaw na nauunawaan ng marami sa atin na ang Pagbabayad-sala ay para sa mga makasalanan. Gayuman, hindi ako gaanong nakatitiyak na alam at nauunawaan natin na ang Pagbabayad-sala ay para rin sa mga banal—para sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na masunurin, karapat-dapat, at … nagsisikap na maging mas mabuti.”10
Kamakailan ay binisita ko ang isang missionary training center nang dumating ang grupo ng mga bagong missionary. Naantig ako habang minamasdan ko sila at napapansin ang liwanag sa kanilang mga mata. Tila masaya at maligaya at masigla sila. At naisip ko: “Sila ay nagkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi. Ito ang dahilan kaya sila ay puno ng galak at pag-asa.”
Sa palagay ko hindi ibig sabihin niyan na nakagawa silang lahat ng mabibigat na kasalanan noon, kundi iniisip ko na alam nila kung paano magsisi; natutuhan nila na ang pagsisisi ay positibo; at handa at sabik silang ibahagi ang masayang mensaheng ito sa mundo.
Ito ang nangyayari kapag nadarama natin ang kagalakan sa pagsisisi. Isipin ang halimbawa ni Enos. May sandali rin na siya ay “nakapag-isip,” at nang ang kanyang “pagkakasala ay napalis,” kaagad na bumaling ang kanyang puso sa kapakanan ng iba. Ginugol ni Enos ang kanyang buhay na nag-aanyaya sa lahat ng tao na magsisi at “nagsaya sa mga iyon nang higit sa anupaman sa daigdig.”11 Iyan ang ginagawa ng pagsisisi; ibinabaling nito ang ating puso sa ating kapwa, dahil alam nating ang kagalakang nadarama natin ay para sa lahat.
Ang Pagsisisi ay Habambuhay na Mithiin
May kaibigan ako na lumaki sa isang pamilyang LDS na di-gaanong aktibo. Nang magbinata siya, siya rin ay “nakapag-isip” at nagpasiyang maghanda para sa misyon.
Siya ay naging mahusay na missionary. Sa huling araw niya bago siya umuwi, ininterbyu siya ng mission president at hiniling na magbigay ng kanyang patotoo. Ginawa niya ito, at matapos ang pagyakap na may kasabay na pagluha, sinabi ng president na, “Elder, maaari mong malimutan o itatwa ang lahat ng pinatotohanan mo sa loob lamang ng ilang buwan kung hindi mo itutuloy ang mga bagay na bumuo mismo ng iyong patotoo.”
Kalaunan ay sinabi ng kaibigan ko na nagdarasal siya at nagbabasa ng banal na kasulatan araw-araw simula nang umuwi siya mula sa misyon. Ang palaging “napangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” ang nagpanatili sa kanya sa “tamang landas.”12
Kayo na mga naghahanda para sa full-time mission at kayong mga pabalik na, pakinggan ito! Hindi sapat ang magkaroon ng patotoo; kailangang ingatan ninyo at patatagin ito. Tulad ng alam ng bawat missionary, kung titigil ka sa pagpadyak sa bisikleta, ito ay tutumba, at kung ititigil mo ang pagpapakain sa iyong patotoo, ito ay hihina. Ang tuntunin ding ito ay akma sa pagsisisi—ito ay habambuhay na mithiin, hindi minsanang karanasan lamang.
Sa lahat ng naghahangad ng kapatawaran—kabataan, mga young single adult, mga magulang, lolo at lola, at oo, kahit mga lolo at lola-sa-tuhod—inaanyayahan ko kayong umuwi. Ngayon ang oras para magsimula. Huwag ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.13
At, kapag nagawa na ninyo ang desisyon na iyan, patuloy na sundan ang landas. Ang ating Ama ay naghihintay, sabik na tanggapin kayo. Nakaunat ang Kanyang mga bisig “sa buong maghapon” para sa inyo.14 Ang gantimpala sa pagsisikap ay sulit.
Alalahanin ang mga salitang ito mula kay Nephi: “Kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”15
Kung minsan tila mahaba ang paglalakbay—kunsabagay, ito ang paglalakbay tungo sa buhay na walang-hanggan. Ngunit maaari itong maging masayang paglalakbay kung gagawin natin ito nang may pananampalataya kay Jesucristo at pag-asa sa Kanyang Pagbabayad-sala. Pinatototohanan ko na sa sandaling tahakin natin ang landas ng pagsisisi, inaanyayahan natin ang mapantubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay. Ang kapangyarihang iyon ang magpapatatag sa ating mga paa, magpapalawak ng ating pang-unawa, at magpapatindi sa ating determinasyon na patuloy na sumulong, sa paisa-isang hakbang, hanggang sa maluwalhating araw na babalik tayo sa ating tahanan sa langit at marinig ang ating Ama sa Langit na magsasabi sa ating, “Mabuting gawa.”16 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.