“Disyembre 30–Enero 5. Pambungad na mga pahina ng Aklat ni Mormon: ‘Isa Pang Tipan ni Jesucristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Disyembre 30–Enero 5. Pambungad na mga pahina ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Disyembre 30–Enero 5
Pambungad na mga pahina ng Aklat ni Mormon
“Isa Pang Tipan ni Jesucristo”
Ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon ay mapagyayaman kung magsisimula ka sa pagbasa sa mga pahinang nauuna sa 1 Nephi. Ano ang nakikita mo na nagpapalakas sa iyong patotoo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Bago ka pa makarating sa 1 Nephi kabanata 1, malinaw na ang Aklat ni Mormon ay hindi karaniwang aklat. Ang pambungad na mga pahina nito ay naglalarawan ng isang kasaysayang walang katulad—kabilang na ang mga pagbisita ng mga anghel, isang sinaunang talaan na nakabaon nang maraming siglo sa gilid ng isang burol, at isang di-kilalang magsasaka na nagsasalin ng talaan sa kapangyarihan ng Diyos. Ang Aklat ni Mormon ay hindi lamang isang kasaysayan ng sinaunang sibilisasyon ng Amerika. Naroon ang “kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo” (pambungad sa Aklat ni Mormon), at ang Diyos mismo ang gumabay sa paglabas nito—kung paano ito isinulat, iningatan, at ginawang posible na mapasaatin sa ating panahon. Ngayong taon, habang iyong binabasa ang Aklat ni Mormon, ipinagdarasal ito, at ipinamumuhay ang mga turo nito, maaanyayahan mo ang kapangyarihan nito sa buhay mo, at maaaring masabi mo, tulad ng Tatlong Saksi sa kanilang patotoo, “Ito ay kamangha-mangha sa [aking] mga mata.”
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon
Mapapalakas ng Aklat ni Mormon ang aking pananampalataya kay Jesucristo.
Ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon ay hindi lamang basta isang pamagat. Bukod sa iba pang bagay, nakalista rito ang ilang layunin ng sagradong talaang ito. Hanapin ang mga layuning ito, at pagkatapos habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon ngayong taon, pansinin ang mga talata na sa pakiramdam mo ay nagsasakatuparan ng mga layuning ito. Halimbawa, anong mga talata ang nakakakumbinsi sa iyo “na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan”?
Ang Aklat ni Mormon ay “ibinubuod ang plano ng kaligtasan.”
Ang plano ng kaligtasan ay ang plano ng Ama sa Langit na tulungan ang Kanyang mga anak na madakila, tulad Niya, at madama ang kagalakang nadarama Niya (tingnan sa 2 Nephi 2:25–26). Ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang planong ito, at bawat doktrina, ordenansa, tipan, at kautusang naibigay ng Diyos ay para maisakatuparan ang plano.
Kung nais mong maunawaan ang plano ng kaligtasan, wala nang mababasang mas magandang aklat kaysa sa Aklat ni Mormon. Tumutukoy ito sa plano ng Diyos—na gumagamit ng iba’t ibang pangalan—nang mahigit 20 beses. Sa pag-aaral mo sa taong ito, pansinin kung kailan binabanggit o tinutukoy ang plano ng Diyos at kung ano ang sinasabi sa Aklat ni Mormon tungkol dito.
Narito ang isang aktibidad para makapagsimula ka. Basahin ang sumusunod na mga talata, at ilista ang iba’t ibang tawag sa plano ng Diyos: 2 Nephi 9:13; 11:5; at Alma 12:32–34; 24:14; 41: 2; 42:15–16. Ano ang ipahihiwatig sa iyo ng bawat isa sa mga tawag na ito tungkol sa plano ng Ama?
“Ang Patotoo ng Tatlong Saksi”; “Ang Patotoo ng Walong Saksi”
Maaari akong maging saksi ng Aklat ni Mormon.
Mapapatotohanan sa iyo ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo, kahit hindi mo pa nakikita ang mga laminang ginto na tulad ng pagkakita ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi. Paano pinalalakas ng kanilang patotoo ang iyong patotoo? Paano mo “[maibibigay] ang [iyong] pangalan sa sanlibutan, upang patunayan sa sanlibutan” ang nalalaman mo tungkol sa Aklat ni Mormon? (“Ang Patotoo ng Walong Saksi”).
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith”
Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang himala.
Kung may magtanong sa iyo kung saan nanggaling ang Aklat ni Mormon, ano ang sasabihin mo? Paano mo ilalarawan ang kapangyarihan ng Panginoon sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon? Paano inilarawan ni Joseph Smith ang paglabas ng Aklat ni Mormon.
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith”
Paano isinalin ang Aklat ni Mormon?
Ang Aklat ni Mormon ay isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.” Hindi natin alam ang maraming detalye tungkol sa mahimalang proseso ng pagsasalin, ngunit alam natin na si Joseph Smith ay isang tagakita, na may tulong ng mga kasangkapang inihanda ng Diyos: dalawang malilinaw na bato na tinatawag na Urim at Tummim at isa pang bato na tinatawag na bato ng tagakita. Nakita ni Joseph sa mga batong ito ang interpretasyon sa Ingles ng mga titik na nakasulat sa mga lamina, at binasa niya nang malakas ang salin habang itinatala ito ng isang eskriba o tagasulat. Bawat isa sa mga eskriba ni Joseph ay nagpatotoo na ang kapangyarihan ng Diyos ay namalas sa pagsasalin ng sagradong aklat na ito.
Tingnan sa “Book of Mormon Translation” (Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon
Marahil ay maaaring simulan ng pamilya mo na ilista ang mga talata mula sa Aklat ni Mormon na nagpatatag sa inyong pananampalataya “na si Jesus ang Cristo” at dagdagan ito sa buong taon. Maaaring magandang pagkakataon din ito para makapagplano ang pamilya para sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon: Kailan at saan kayo magtitipon para magbasa? Paano makikilahok ang bawat miyembro ng pamilya? Para sa karagdagang tulong, tingnan sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya” sa simula ng resource na ito.
Pambungad sa Aklat ni Mormon
Ang saligang bato ay isang hugis-sinsel na bato sa tuktok ng isang arko na nagpapahigpit sa kapit ng iba pang mga bato. Para maipaunawa sa pamilya mo kung paano naging “saligang bato ng ating relihiyon” ang Aklat ni Mormon, maaari kayong bumuo o magdrowing ng isang arko na may isang saligang bato sa tuktok. Ano ang nangyayari kapag inaalis ang saligang bato? Ano ang mangyayari kung wala sa atin ang Aklat ni Mormon? Paano natin magagawang saligang bato ng ating pananampalataya kay Jesucristo ang Aklat ni Mormon?
“Ang Patotoo ng Tatlong Saksi”; “Ang Patotoo ng Walong Saksi”
Maaaring isulat ng mga miyembro ng pamilya mo ang sarili nilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, isulat ang kanilang pangalan doon, at isipin kung paano maibabahagi sa iba ang kanilang patotoo.
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith”
Sa salaysay ni Joseph Smith, anong katibayan ang nakikita natin na may kinalaman ang Diyos sa paglabas ng Aklat ni Mormon?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.