“Enero 6–12. 1 Nephi 1–7: ‘Hahayo Ako at Gagawin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Enero 6–12. 1 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Enero 6–12
1 Nephi 1–7
“Hahayo Ako at Gagawin”
Itinala ni Nephi ang “mga bagay ng Diyos” (1 Nephi 6:3). Habang pinag-aaralan mo ang talaan ni Nephi, bigyang-pansin ang mga bagay ng Diyos na makikita mo, lalo na ang mga impresyong nagmumula sa Espiritu.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa salaysay tungkol sa isang tunay na pamilya na dumaranas ng tunay na mga pakikibaka. Nangyari ito noong 600 BC, ngunit may mga bagay tungkol sa salaysay na ito na maaaring pamilyar sa pandinig ng mga pamilya ngayon. Ang pamilyang ito ay nabuhay sa isang mundo na pasama nang pasama, ngunit nangako ang Panginoon sa kanila na kung susunod sila sa Kanya, aakayin Niya sila tungo sa kaligtasan. Habang daan nagkaroon sila ng magagandang sandali at masasamang sandali; dumanas sila ng mga dakilang pagpapala at himala, ngunit nagkaroon din sila ng mga pagtatalo at alitan. Bihirang magkaroon sa banal na kasulatan ng gayon kahabang salaysay tungkol sa isang pamilyang nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo: isang ama na nahihirapang mapalakas ang pananampalataya ng kanyang pamilya, mga anak na lalaki na nagdedesisyon kung maniniwala sila sa kanya, isang inang nangangamba para sa kaligtasan ng kanyang mga anak, at magkakapatid na lalaki na nagseselosan at nagtatalo—at kung minsan ay nagpapatawad sa isa’t isa. Sa kabuuan, may tunay na kapangyarihan sa pagsunod sa mga halimbawa ng pananampalataya—sa kabila ng kanilang mga kakulangan—na ipinamalas ng pamilyang ito.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Malaki ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan.
Ang unang anim na kabanata ng Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming reperensya sa mga banal na aklat, mga sagradong talaan, at salita ng Panginoon. Habang binabasa mo ang 1 Nephi 1–6, ano ang natututuhan mo kung bakit ang salita ng Diyos ay “napakahalaga”? (1 Nephi 5:21). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa mga banal na kasulatan? Ano ang nakikita mo na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na mas masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan?
Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo.
Tapat sa layuning nakasaad sa pahina ng pamagat nito—na hikayatin ang lahat na si Jesus ang Cristo—ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa kagila-gilalas na pangitain ni Lehi tungkol sa Tagapagligtas. Ano ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa nakita ni Lehi? Ano ang ilan sa mga “dakila at kagila-gilalas” na gawain ng Tagapagligtas sa iyong buhay? (1 Nephi 1:14).
Kapag hinanap at pinagtiwalaan ko ang Panginoon, mapapalambot Niya ang puso ko.
Bagama’t sina Laman, Lemuel, at Nephi ay nangagsilaki sa iisang pamilya at magkakatulad ang mga karanasan, may kaunting pagkakaiba sa paraan ng pagtugon nila sa banal na patnubay na natanggap ng kanilang ama sa kabanatang ito. Habang binabasa mo ang 1 Nephi 2, tingnan kung matutukoy mo kung bakit lumambot ang puso ni Nephi samantalang ang puso ng kanyang mga kapatid ay hindi. Maaari mo ring isipin ang sarili mong mga tugon sa patnubay ng Panginoon, sa pamamagitan man ng Espiritu Santo o ng Kanyang propeta. Kailan mo nadama na pinalambot ng Panginoon ang iyong puso para mas maluwag mong tanggapin ng Kanyang patnubay at payo?
Maghahanda ng paraan ang Diyos para maisagawa ko ang Kanyang kalooban.
Nang utusan ng Panginoon si Lehi at ang kanyang pamilya na kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, hindi Siya nagbigay ng partikular na mga tagubilin kung paano isakatuparan ang utos na ito. Kadalasan ay totoo ito sa iba pang mga kautusan o personal na paghahayag na natatanggap natin mula sa Diyos, at maaari nitong iparamdam sa atin na ang ipinagagawa Niya ay “isang mahirap na bagay” (1 Nephi 3:5). Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa tugon ni Nephi sa utos ng Panginoon, na nasa 1 Nephi 3:7, 15–16? Mayroon bang anumang bagay na naghihikayat sa iyo na “humayo at gumawa”?
Habang pinag-aaralan mo ang 1 Nephi 1–7, humanap ng mga paraan na naghanda ng daan ang Diyos para kay Lehi at sa kanyang pamilya. Paano Niya nagawa ito para sa iyo?
Tingnan din sa Mga Kawikaan 3:5–6; 1 Nephi 17:3; “Obedience,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org; Book of Mormon Videos collection sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.
Ang pag-alaala sa mga gawa ng Diyos ay makapagbibigay sa akin ng pananampalataya na sundin ang Kanyang mga utos.
Kapag parang gusto nina Laman at Lemuel na bumulung-bulong, karaniwan ay nasa malapit sina Nephi at Lehi para palakasin ang kanilang loob at payuhan sila. Kapag parang gusto mong bumulung-bulong, makapagbibigay ng mahalagang payo at pananaw ang pagbasa sa mga salita nina Nephi at Lehi. Paano sinubukan nina Nephi at Lehi na tulungan ang mga miyembro ng kanilang pamilya na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? (tingnan sa 1 Nephi 4:1–3; 5:1–8; 7:6–21). Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang mga halimbawa na makakatulong sa iyo sa susunod na matukso kang bumulung-bulong o magrebelde?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
1 Nephi 1–7
Sa buong 1 Nephi 1–7, maaari mong hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na pansinin ang mga pag-uugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya nina Lehi at Saria. Ano ang matututuhan natin mula sa mga ugnayang ito na makakatulong sa ating pamilya?
1 Nephi 2:20
Ang mga alituntunin sa 1 Nephi 2:20 ay paulit-ulit na binabanggit sa Aklat ni Mormon. Paano ito maipamumuhay ng mga miyembro ng iyong pamilya habang sama-sama ninyong pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon ngayong taon? Marahil ay maaari kayong sama-samang gumawa ng poster na nagtatampok sa pangako ng Panginoon na nasa talatang ito at idispley ito sa inyong tahanan. Maaari itong magsilbing paalala na talakayin paminsan-minsan kung paano ninyo nakita na pinaunlad ng Panginoon ang inyong pamilya kapag nasunod ninyo ang Kanyang mga kautusan. Isiping itala ang mga karanasang ito sa poster.
1 Nephi 2:11–13; 3:5–7
Marahil ay makikinabang ang pamilya mo sa pagpansin sa kaibhan sa pagitan ng tugon nina Laman at Lemuel sa mga utos ng Panginoon at sa tugon ni Nephi. Ano ang matututuhan natin mula sa 1 Nephi 2:11–13; 3:5–7 tungkol sa pagbulung-bulong? Anong mga pagpapala ang dumarating kapag nananampalataya tayo?
1 Nephi 3:19–20; 5:10–22; 6
Ang mga talatang ito ay maaaring maghikayat sa pamilya mo na mag-ingat ng isang talaan ng mahahalagang pangyayari at karanasan sa inyong buhay. Maaari siguro kayong magsimula ng isang family journal, tulad sa mga talaang iningatan nina Nephi at Lehi tungkol sa mga karanasan ng kanilang pamilya. Ano ang maaari ninyong isama sa inyong family record?
1 Nephi 7:19–21
Ano ang hinahangaan natin sa halimbawa ni Nephi sa mga talatang ito? Paano pinagpapala ang ating pamilya kapag “tahasan [nating] pinatatawad” ang isa’t isa?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.