“Enero 6–12. 1 Nephi 1–7: ‘Hahayo Ako at Gagawin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Enero 6–12. 1 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Enero 6–12
1 Nephi 1–7
“Hahayo Ako at Gagawin”
Habang binabasa mo ang 1 Nephi 1–7, isipin ang mga talata, karanasan, katanungan, at iba pang resources na inspirado kang gamitin sa pagtuturo sa mga bata. Ang mga aktibidad na nasa outline na ito ay maaaring iangkop para sa mas matatanda o mas nakababatang mga bata.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring narinig o nabasa na ng ilan sa mga bata sa iyong klase ang mga karanasan ng pamilya ni Nephi sa 1 Nephi 1–7. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang nalalaman. Kung ang mga bata ay walang gaanong nalalaman tungkol sa mga karanasan ni Nephi, bigyan sila ng pagkakataon sa katapusan ng aralin na ibahagi ang natutuhan nila.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata
Kailangan ko ng sariling patotoo.
Pinaniwalaan ni Nephi ang mga salita ng kanyang ama dahil ninais niyang malaman ito sa kanyang sarili at siya ay nanalangin sa Panginoon. Tulungan ang mga bata na matuto mula sa kanyang halimbawa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng isang kahong may takip na may larawan ng Tagapagligtas sa loob, at bigyan ang bawat bata ng pagkakataon na malaman sa kanyang sarili kung ano ang nasa loob ng kahon. Sabihin sa mga bata na nais ni Nephi na magkaroon ng sariling patotoo na inutusan ng Panginoon ang kanyang pamilya na lisanin ang Jerusalem. Hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ni Nephi upang magkaroon ng sarili niyang patotoo habang binabasa mo ang 1 Nephi 2:16. Magpatotoo na kung paanong kailangan ng bawat isa sa atin na buksan ang kahon upang malaman kung ano ang nasa loob nito, kailangan din nating lahat na hilingin sa Diyos na magkaroon tayo ng sariling patotoo.
-
Magdala ng mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga bagay na maaaring naisin ng mga bata na magkaroon ng patotoo, tulad ng larawan ni Jesucristo, ang Aklat ni Mormon, o isang larawan ng buhay na propeta. Sabihin sa mga bata na pumili ng isang larawan o bagay at magpatotoo tungkol sa mga bagay na iyon sa klase.
Tutulungan ako ng Diyos na sundin ang Kanyang mga kautusan.
Paano mo magagamit ang mga salaysay na ito para matulungan ang mga bata na maunawaan na tinutulungan tayo ng Diyos na sundin ang Kanyang mga kautusan, kahit na tila mahirap sundin ang mga ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Nephi 2:2–4 sa mga bata, at magpakita ng ilang larawan ng mga bagay na maaaring dinala ng pamilya ni Lehi sa ilang, tulad ng isang tolda, mga kumot, at mga busog at palaso. Hilingin sa kanila na isipin kung ano kaya ang mararamdaman nila kung kailangan nilang lisanin ang kanilang mga tahanan at magtungo sa ilang. Ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon para masunod natin Siya ngayon?
-
Tulungan ang mga bata na kulayan at gupitin ang mga larawang papel sa pahina ng gawain sa linggong ito; pagkatapos ay hilingin sa kanila na gamitin ang mga larawang papel para ibuod ang mga salaysay tungkol sa pagkuha ni Nephi at ng kanyang mga kapatid sa mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4). Ang awit na “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awit Pambata, 64–65) at ang “Kabanata 4: Ang mga Laminang Tanso” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 8–12; tingnan din ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org) ay maaaring makatulong sa iyo na isalaysay ang kuwentong ito.
-
Gamitin ang mga larawan 103–15 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para matulungan ang mga bata ay mag-isip ng mga bagay na iniutos ng Panginoon na gawin natin. Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin Siya? Tulungan sila na lagyan ng dekorasyon ang mga tsapa o badge na may nakasulat na Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon (1 Nephi 3:7). Sama-samang bigkasin ang pangungusap nang ilang beses.
Ang mga banal na kasulatan ay isang malaking kayamanan.
Paano ka makatutulong na bigyang-inspirasyon ang mga bata na pahalagahan ang mga banal na kasulatan, o ang salita ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang isang bagay (o larawan ng isang bagay) na napakahalaga sa iyo. Pag-usapan kung paano mo tinatrato at inaalagaan ito. Ipaliwanag na sa pamilya ni Lehi, ang mga banal na kasulatan ay napakahalaga, gaya ng isang kayamanan.
-
Anyayahan ang mga bata na tulungan kang ikuwento o isadula ang ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapatid para kunin ang mga laminang tanso: naglakbay sila nang malayo, isinuko ang kanilang mga ginto at pilak, at nagtago sa isang kuweba upang iligtas ang kanilang buhay. Basahin ang 1 Nephi 5:21. Bakit napakahalaga sa pamilya ni Lehi ang mga banal na kasulatan? Paano natin maituturing na tulad ng isang yaman ang mga banal na kasulatan?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong magkaroon ng sariling patotoo.
Ano ang natutuhan mo mula sa halimbawa ni Nephi tungkol sa pagkakaroon ng sarili mong patotoo? Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa kanyang halimbawa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na saliksikin ang 1 Nephi 2:16, 19 upang matuklasan kung paano natamo ni Nephi ang kanyang patotoo tungkol sa mga salita ng kanyang ama. Anyayahan sila na isulat ang mga kilos ni Nephi sa mga bloke o iba pang bagay at pagkatapos ay bumuo ng isang bagay gamit ang mga ito na kumakatawan sa kung paano nakakatulong ang mga bagay na ito upang tayo ay magkaroon ng patotoo.
-
Sabihin sa mga bata kung paano mo natamo ang iyong patotoo sa ebanghelyo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nila na tulad nito, at hikayatin sila na sundin ang halimbawa ni Nephi para patuloy na patatagin ang kanilang mga patotoo. Paano tayo matutulungan ng pagkakaroon ng sarili nating patotoo?
Makatutugon ako nang may pananampalataya sa mga utos ng Panginoon.
Ang pagkakaroon ng ugaling katulad ni Nephi ay makatutulong sa mga bata kapag hinihiling ng Panginoon sa kanila na isagawa ang isang bagay na tila mahirap gawin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ipabasa sa isang grupo ang tugon nina Laman at Lemuel kay Lehi (tingnan sa 1 Nephi 3:2–5) at sa isa pang grupo ang tugon ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 3:2–4, 7). Anyayahan ang isang bata na magkunwaring si Lehi at hilingin sa ibang mga bata na magkunwaring pabalik sila sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso. Anyayahan ang bawat grupo na tumugon sa sarili nilang mga salita na para bang sila ang mga taong binabasa nila. Ano ang ilang bagay na ipinagagawa sa atin ng Diyos? Paano tayo magiging katulad ni Nephi?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Ang Katapangan ni Nephi” o “Sundin ang mga Kautusan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 64–65, 68–69), at hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga katagang nagtuturo kung paano tayo dapat tumugon sa Panginoon.
Gagabayan ako ng Espiritu Santo kung nanaisin kong gawin ang kalooban ng Panginoon.
Sinunod ni Nephi ang Espiritu, “nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin” (1 Nephi 4:6). Paano mo matutulungan ang mga bata na tinuturuan mo na hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na isadula ang kuwento nang subukang kunin ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4). Ipabasa sa isang bata ang 1 Nephi 4:6, at hilingin sa klase na pakinggan kung ano ang ginawa ni Nephi na nagtulot sa kanila na magtagumpay.
-
Ibahagi sa mga bata ang ilang halimbawa ng mga bagay na gustong ipagawa sa kanila ng Diyos, tulad ng kaibiganin ang isang tao sa paaralan na tila nalulungkot, patawarin ang isang kapatid, o sabihin ang katotohanan matapos magkamali. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano makatutulong sa kanila ang Espiritu Santo sa gayong mga sitwasyon. Paano natin maaanyayahan ang Espiritu Santo na tulungan tayong sundin ang Diyos?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga karanasan sa kanilang mga pamilya nang pinagpala sila dahil sa pagsunod sa mga kautusan. Hikayatin silang hilingin sa kanilang mga kapamilya na magbahagi ng katulad na mga karanasan.