“Enero 20–26. 1 Nephi 11–15: ‘Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Enero 20–26. 1 Nephi 11–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Enero 20–26
1 Nephi 11–15
“Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos”
Basahin ang 1 Nephi 11–15 na iniisip ang mga batang tinuturuan mo, at isulat ang anumang impresyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng larawan ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang naaalala nila na natutuhan nila tungkol sa pangitaing ito noong nakaraang linggo. Itanong sa kanila kung may bago silang natutuhan mula noon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo sa lupa dahil mahal Niya ako.
Nakita ni Nephi ang buhay at ministeryo ni Jesucristo sa isang pangitain. Pag-isipang mabuti kung ano ang maaaring matutuhan ng mga bata sa iyong klase tungkol sa Tagapagligtas na mula sa 1 Nephi 11.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang bawat bata ng larawan na nagpapakita ng isa sa mga pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas na binanggit sa 1 Nephi 11:20, 24, 27, 31, at 33 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 30, 35, 39, 42, 57). Habang binabasa mo ang mga talatang ito, hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang larawan kapag tumutugma rito ang naririnig nilang talata.
-
Sabihin sa mga bata ang tungkol sa ilang bagay na nabatid ni Nephi na gagawin ni Jesucristo habang Siya ay narito sa mundo (tingnan sa 1 Nephi 11:16–33), at magpakita sa kanila ng larawan ng ilan sa mga pangyayaring ito (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 41, 46, 47, 49, 56, 57, 58, 59). Ibahagi kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa iyo. Ipakita ang mga larawan upang tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi natin ang pag-ibig ng Diyos (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 109, 110, 115).
Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng mahahalagang katotohanan.
Bakit ka nagpapasalamat para sa Aklat ni Mormon? Isipin kung paano mo maibabahagi sa mga bata ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng isang larawan sa pisara, at anyayahan ang mga bata na baguhin o alisin ang mga bahagi ng larawan para maging iba ang hitsura nito. Tulungan silang maunawaan na, tulad ng larawang ito, may ilang bagay sa Biblia na binago at inalis sa paglipas ng panahon. Basahin ang mga bahagi ng 1 Nephi 13:40 na nagtuturo kung paano na ang Aklat ni Mormon (na tinatawag ni Nephi na “mga huling talaang ito”) ay tumutulong sa atin na maunawaan ang “malilinaw at mahahalagang bagay” na nawala sa Biblia.
-
Itago sa paligid ng silid ang mga larawan na nagpapakita ng mga katotohanan ng ebanghelyo na nilinaw sa Aklat ni Mormon, tulad ng binyag, sakramento, at pagkabuhay na muli. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga larawang ito. Ipaliwanag na ibinalik ng Aklat ni Mormon ang mga nawalang katotohanan ng ebanghelyo.
Ang salita ng Diyos ay nagbibigay sa akin ng lakas.
Paano mo magagamit ang imahe ng gabay na bakal upang maturuan ang mga bata tungkol sa lakas, seguridad, at kapangyarihan ng salita ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng larawan ng panaginip ni Lehi, gaya ng makikita sa outline noong nakaraang linggo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang gabay na bakal sa larawan, at tulungan silang maunawaan kung paano tayo mapoprotektahan ng pagkapit sa salita ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 15:23–24). Bigyan ang mga bata ng isang bagay na parang katulad ng gabay na bakal na maaari nilang hawakan, tulad ng isang tubo o patpat, habang binabasa mo ang talata 24. Saan natin makikita ang salita ng Diyos? Ano ang magagawa natin upang maging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang salita ng Diyos?
-
Tulungan ang mga bata na kulayan at tapusin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Paano tayo “mahigpit na kakapit” sa salita ng Diyos? (1 Nephi 15:24).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo sa lupa dahil mahal Niya ako.
Si Nephi ay nagkaroon ng pangitain kung saan nasaksihan niya ang plano ng Ama sa Langit para sa atin, at si Jesucristo ang sentro ng pangitaing iyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na itugma ang mga talata mula sa 1 Nephi 11:16–33 sa mga larawan na nagpapakita ng mga inilalarawan ng mga talatang ito (tulad ng 1 Nephi 11:20, 24, 27, 29, 31, 33; tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 30, 35, 38, 39, 42, 57). Ano ang natutuhan ng mga bata tungkol kay Cristo mula sa mga talata at mga larawan?
-
Itanong sa mga bata kung bakit mahalaga si Jesucristo para sa kanila. Kumanta ng isang awitin tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21), at itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo ng awit na ito tungkol kay Jesus. Sabihin sa mga bata na maglaan ng oras sa buong linggo para isipin si Jesucristo at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa klase sa susunod na linggo.
Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng mahahalagang katotohanan.
Ano ang nalalaman ng mga bata tungkol sa Apostasiya o Pagtalikod sa Katotohanan? Paano mo sila matutulungan na maunawaan ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa pagpapanumbalik ng mga katotohanan ng ebanghelyo na nawala noong panahon ng Apostasiya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang 1 Nephi 13:26–29, at anyayahan ang mga bata na hanapin kung ano ang nangyayari kapag wala sa mga tao ang “malinaw at pinakamahalaga” na mga katotohanan ng ebanghelyo. Paano ibinalik ng Panginoon ang mga nawalang katotohanan? (tingnan sa mga talata 35–36, 40). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga patotoo sa mga katotohanan na kanilang natutuhan mula sa Aklat ni Mormon, o ibahagi ang sarili mong patotoo.
-
Bakit nakatutulong na magkaroon ng mahigit sa isang saksi? Gumuhit ng isang tuldok sa pisara, at sulatan ito ng Biblia, at anyayahan ang bawat bata na gumuhit ng iba’t ibang tuwid na linya na dumadaan sa tuldok upang ilarawan na ang mga turo sa Biblia ay maaring bigyang-kahulugan sa maraming paraan kapag mag-isa lamang ang Biblia. Burahin ang mga linya, at gumuhit ng pangalawang tuldok na may pangalang Aklat ni Mormon. Anyayahan ang isang bata na gumuhit ng isang tuwid na linya na daraan sa dalawang tuldok upang ipakita na isa lamang ang paraan upang bigyang-kahulugan ang ebanghelyo kapag magkasamang ginamit ang Biblia at Aklat ni Mormon.
-
Tulungan ang mga bata na makabisado ang ikawalong saligan ng pananampalataya.
Ang salita ng Diyos ay nagbibigay sa akin ng lakas para malabanan ang tukso.
Paano mo matutulungan ang mga batang iyong tinuturuan na mapalakas ang kanilang patotoo sa mga banal na kasulatan? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa ang 1 Nephi 15:23–25, at gamitin ang aktibidad sa ibaba upang maging karagdagan sa sarili mong mga ideya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ibuod ang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8; 11). Sino ang humadlang sa mga tao upang marating ang puno? Ano ang nakatulong sa kanila na marating ito? Anyayahan ang mga bata na basahin ang 1 Nephi 15:23–25. Paano nakatulong ang gabay na bakal sa mga tao para malampasan ang abu-abong kadiliman? Paano nakatutulong sa atin ang pagbabasa ng salita ng Diyos para malabanan ang tukso at kadiliman ngayon?
-
Kumpletuhin ninyo ng mga bata ang pahina ng aktibidad. Habang ginagawa nila ito, hilingin sa kanila na magbahagi ng tungkol sa ilan sa mga tukso na kinakaharap ng mga bata. Paano nila maaalala na kumapit sa gabay na bakal bawat araw? Kantahin ang “Ang Bakal na Gabay” (Mga Himno, blg. 174) bilang bahagi ng aktibidad na ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ipakita sa kanilang mga pamilya ang “mga gabay na bakal” na ginawa mula sa mga pahina ng aktibidad at ibahagi kung paano sila makakahawak sa gabay na bakal sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan.