Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22: “Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”


“Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22: ‘Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Nakatingin sa Liahona ni Lehi

Lehi and the Liahona [Si Lehi at ang Liahona], ni Joseph Brickey

Enero 27–Pebrero 2

1 Nephi 16–22

“Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”

Ang nagbibigay-inspirasyong kuwento sa 1 Nephi 16–22 ay nagtuturo ng mga katotohanan na magpapala sa mga bata sa iyong klase. Basahin ang mga kabanatang ito at itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga salita, o magpakita ng mga larawan ng mga ito: Liahona, pana, at bangka. Anyayahan ang tatlong bata na pumili ng isa sa mga salita o larawan at ibahagi ang bahagi ng kuwento ni Nephi na nagtatampok ng bagay na ito. Magbigay ng tulong kung kinakailangan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

1 Nephi 16:10, 28–29; 18:8–13, 20–22

Magagabayan at mapapatnubayan ako ng Panginoon.

Ituro sa mga bata na kahit na nahaharap sila sa mahihirap na hamon, magagabayan sila ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 16:29).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang kompas, mapa, o iba pang bagay na tumutulong sa atin na makita ang ating landas, at ipaliwanag kung paano gamitin ang mga kasangkapang ito. Ihambing ang mga kasangkapang ito sa Liahona habang ibinubuod mo ang kuwento sa 1 Nephi 16:10, 28–29 at 18:9–13, 20–22. Ipaliwanag na kapag hindi sumusunod ang pamilya ni Lehi, ang Liahona ay hindi gumagana (tingnan din sa 1 Nephi 18:9–12, 20–22). Ano ang tumutulong sa atin ngayon upang makita ang ating landas pabalik sa Ama sa Langit?

  • Magdala ng isang kahon na naglalaman ng ilang mga clue na naglalarawan ng isang lugar sa loob o sa paligid ng gusali ng simbahan. Gamitin ang kahon at ang mga clue para katawanin ang Liahona, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na maghalinhinan sa pagpili ng mga clue at paghula kung anong lokasyon ito. Pagkatapos ay sama-samang maglakbay patungo sa nasabing lokasyon. Ipaliwanag na kapag tayo ay nagpapakita ng pananampalataya at sumusunod sa patnubay na ibinigay sa atin ng Panginoon, tutulungan Niya tayong makabalik sa Kanya (tingnan sa Alma 37:38–42). Paano tayo ginagabayan ng Ama sa Langit sa ating paglalakbay pabalik sa Kanya?

1 Nephi 16:14–32

Makapagbibigay ako ng mabuting halimbawa sa aking pamilya.

Ang pakikipag-ugnayan ni Nephi sa kanyang pamilya sa panahon ng kagipitan ay makatutulong sa mga bata na makita na kahit na sila ay mga bata, maaari silang maging halimbawa sa kanilang pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Atasan ang bawat bata na gumuhit ng isang larawan ng isang tao o bagay na mula sa kuwento ng pagkabali ng busog ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 16:14 – 32), tulad ni Nephi, isang busog, o ang Liahona. Pagkatapos ay gamitin ang mga larawan upang isalaysay ang kuwento sa klase, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na maghalinhinan sa pagkukuwento rin nito. Paano tayo magiging katulad ni Nephi kapag ang ating pamilya ay dumaraan sa panahon ng kagipitan?

  • Anyayahan ang mga bata sa gumupit ng isang bilog na papel at gumuhit ang isang malungkot na mukha sa isang panig at ng isang masayang mukha sa kabila. Habang isinasalaysay mo ang kuwento ng pagkabali ng busog ni Nephi, anyayahan sila na gamitin ang mga mukha upang ipakita kung ano ang nadama ng pamilya ni Nephi sa iba’t ibang bahagi ng kuwento. Paano nakatulong si Nephi na pasayahin ang kanyang pamilya? Ano ang magagawa natin para pasayahin ang ating pamilya?

1 Nephi 17:7–19; 18:1–4

Matutulungan ako ng Ama sa Langit na gawin ang mahihirap na bagay.

Tulad ni Nephi, ang mga batang tinuturuan mo ay natututong gawin ang mga bagay na mukhang mahirap gawin. Ang karanasan ni Nephi ay makatutulong sa kanila na malaman na tutulungan sila ng Ama sa Langit kapag sila ay humingi.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isalaysay sa mga bata ang kuwento nang inutusan si Nephi na gumawa ng isang barko, gamit ang 1 Nephi 17:7–19 at 18:1–4. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 7: Paggawa ng Isang Barko” (Mga Kuwento sa Ang Aklat ni Mormon, 21–22) o ang kaugnay na video sa Book of Mormon Videos collection sa ChurchofJesusChrist.org. Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay makapagpapatibay sa alituntunin na tinulungan ng Ama sa Langit si Nephi, at tutulungan Niya tayo.

    2:52
  • Sama-samang kantahin ang pangalawang talata ng “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awit Pambata, 64–65). Ano ang nakatulong kay Nephi na magkaroon ng lakas-ng-loob nang laitin siya ng kanyang mga kapatid dahil sa kanyang pagsisikap na bumuo ng barko?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

1 Nephi 16:10, 28–29; 17:13–15; 18:8–13, 20–22

Kapag sinusunod ko ang mga kautusan, ginagabayan ako ng Panginoon.

Gamitin ang salaysay tungkol sa pagiging gabay ng Liahona sa pamilya ni Lehi upang ipakita sa mga bata kung paano sila gagabayan ng Diyos kapag sinisikap nilang sundin ang Kanyang kalooban.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pumili ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga talata para basahin na kasama ng mga bata: 1 Nephi 16:10, 28–29; 17:13–15; at 18:8–13, 20–22. Hilingin sa kanila na alamin kung ano ang dapat nating gawin para makakuha ng patnubay at direksyon mula sa Diyos at pag-usapan ang natututuhan nila.

  • Matapos rebyuhin ang mga kuwento sa 1 Nephi 16–18, interbyuhin ang ilang bata na para bang nakasama sila ng pamilya ni Lehi sa paglalakbay. Maaari mong itanong ang katulad nito: Bakit ipinagpasalamat mo ang pagkakaroon ng Liahona? Ano ang kailangan mong gawin para gumana ang Liahona? (tingnan sa 1 Nephi 16:28–29). Anyayahan ang klase na talakayin ang mga bagay na ibinigay ng Panginoon para gabayan tayo sa ating panahon.

  • Hilingin sa mga bata na isipin kung paano nila magagamit ang kuwento tungkol sa Liahona para tulungan ang isang kaibigan na kailangang gumawa ng isang mahalagang desisyon. Imungkahi na bilang karagdagan sa 1 Nephi 16:10, 26–31 at 18:9–22, maaari rin nilang basahin ang Alma 37:38–44. Ibahagi ang isang karanasan kung saan tinulungan ka ng Ama sa Langit sa isang mahirap na panahon, o anyayahan ang mga bata na magbahagi ng ganitong karanasan. Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang Kanyang tulong?

1 Nephi 16:14–39; 18:1–5

Ang aking pag-uugali at mga pasiya ay maaaring magkaroon ng mabuting impluwensya sa aking pamilya.

Ang pananampalataya ni Nephi ay naging isang malaking pagpapala sa kanyang pamilya nang harapin nila ang mga pagsubok. Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa kanyang halimbawa?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan na nagpapakita ng kuwento tungkol sa pagkabali ng busog ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 16:14–39). Rebyuhin ang kuwento sa kanila, kung kinakailangan. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga drowing, tulungan silang matukoy ang mga paraan kung saan pinagpala ng pagiging mapanalig ni Nephi ang kanyang pamilya. Anyayahan ang mga bata na isipin ang mga hamong kinakaharap nila o ng kanilang pamilya. Ano ang magagawa nila para matularan ang halimbawa ni Nephi?

  • Sama-samang basahin ang ilang talata mula sa 1 Nephi 16:21–32. Talakayin ang ilang mga layunin na maaaring mayroon ang mga pamilya ng mga bata, tulad ng pagkakaroon ng regular na family home evening o panalangin ng pamilya. Paano makatutulong ang mga bata upang makamit ng kanilang mga pamilya ang mga mithiing ito? Sabihin sa kanila na magplano ng isang bagay para matulungan ang kanilang pamilya na maabot ang kanilang mga mithiin sa linggong ito.

1 Nephi 19:22–24

Maihahalintulad ko ang mga banal na kasulatan sa aking buhay.

Tulungan ang mga bata na makita na ang mga tala sa mga banal na kasulatan ay higit pa sa mga kuwento—naglalaman ang mga ito ng mga alituntunin na magpapala sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa nang malakas sa isang bata ang 1 Nephi 19:22–24, at itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “ihalintulad [sa ating sarili] ang lahat ng mga banal na kasulatan.” Tulungan silang tuklasin kung paano inihalintulad ni Nephi ang isang salaysay sa banal na kasulatan sa kanyang karanasan sa pagkuha sa mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 4:1–4; tingnan din sa Exodo 14). Paano nakatulong kay Nephi at sa kanyang mga kapatid ang pag-alaala sa kuwentong ito?

  • Pagbalik-aralan ang ilan sa mga kuwento na natutuhan ng mga bata tungkol kay Lehi at sa kanyang pamilya sa 1 Nephi, at anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga kuwentong ito. Tulungan silang mag-isip ng mga sitwasyon sa kanilang buhay na maaaring katulad ng mga kuwentong ito. Halimbawa, ang pag-uutos ng Panginoon kay Nephi na gumawa ng isang barko ay maaaring magpaalala sa kanila ng mga pagkakataon nang kailangan nilang gawin ang isang bagay na mahirap at humingi sila ng tulong sa Panginoon.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang kuwento mula sa 1 Nephi 16–22 at ibahagi sa kanilang pamilya kung paano nila “maihahalintulad” ang kuwentong iyon sa kanilang buhay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga kuwento. Ang mga kuwento ay makakatulong sa mga bata na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ipinapakita ng mga ito kung paano ipinamuhay ng iba ang mga alituntuning iyon.