“Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10: ‘O Kay Dakila ng Plano ng Ating Diyos!’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Pebrero 10–16
2 Nephi 6–10
“O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!”
Habang binabasa mo ang 2 Nephi 6–10, humingi ng patnubay mula sa Espiritu tungkol sa iyong ituturo. Ang outline na ito at ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay maaaring makapagbigay-inspirasyon sa karagdagang mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hikayatin ang mga bata na magsalitan sa pagbabahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala habang pinag-aaralan ang 2 Nephi 6–10 nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata
Inililigtas ako ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan.
Paano mo magagamit ang 2 Nephi 9:7–13 at 20–23 para tulungan ang mga bata na maunawaan na inililigtas ni Jesucristo ang lahat ng tao mula sa kamatayan at ginagawang posible para sa atin na magsisi mula sa kasalanan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa isang tao na nahulog sa isang hukay na napakalalim na hindi niya kayang makaahon mula rito. Isang lalaki ang dumaan at iniahon ang taong ito mula sa hukay. Maaari kang gumuhit ng larawan ng kuwentong ito sa pisara o isadula ito kasama ng mga bata. Ipaliwanag na ang hukay na ito ay tulad ng kamatayan at ang lalaking tumulong sa taong ito ay tulad ni Jesucristo, na nagligtas sa lahat ng tao mula sa kamatayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng kaloob na pagkabuhay na mag-uli. Sabihin sa mga bata na ang tao ring ito ay nahulog sa isa pang hukay. Sa pagkakataong ito, binigyan ng sumaklolo ang taong ito ng hagdan na aakyatan mula sa hukay. Ipaliwanag na ang hukay na ito ay tulad ng kasalanan at ang hagdan ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nagtutulot sa atin na magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. Basahin ang 2 Nephi 9:22–23, at magbigay ng iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-ibig ni Jesucristo, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43). Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na tumutulong sa kanila na malaman na mahal sila ng Tagapagligtas.
“Ang aking puso ay nalulugod sa kabutihan.”
Paano mo mahihikayat ang mga batang tinuturuan mo na “[malugod] sa kabutihan,” o masayang sundin ang Panginoon? (2 Nephi 9:49).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 2 Nephi 9:49 sa mga bata, at tulungan silang mahanap at maunawaan kung ano ang sinabi ni Jacob na kinalulugdan niya at kinapopootan. Magbahagi ng mga sitwasyon kung saan ang isang bata ay gumagawa ng isang mabuti o masamang pagpili, at anyayahan ang mga bata na tumayo kapag ang pinili ay nagdudulot ng kaligayahan at umupo kapag ang pinili ay nagbubunga ng kalungkutan. Bakit nagbibigay sa atin ng kagalakan ang pagpili ng tama? Kailan ka nakadama ng kasiyahan dahil tama ang pinili mo?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa kagalakan na nagmumula sa pagsunod, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108), at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang nakapagpapasaya sa atin. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na maghalinhinan sa pagkukunwaring sila ay isang magulang na nag-uutos sa iba pang mga bata na gawin ang isang bagay. Pagsanayin ang ibang bata na sumunod nang masaya.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Laging tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako.
Ang pag-unawa na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako ay makatutulong sa mga bata na patatagin ang kanilang pananampalataya sa Kanya at ang kanilang tiwala sa pagsunod sa Kanyang mga utos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na pag-usapan ang tungkol sa ilang mga pangakong ginawa nila, tulad ng ipinangako nila sa isang kaibigan o mga tipang ginawa nila sa binyag. Bakit mahirap kung minsan na tuparin ang ating mga pangako? Bakit mahalaga na tuparin ang ating mga pangako? Basahin ang sumusunod na pangungusap: “Tutuparin ng Panginoong Diyos ang kanyang mga tipan na kanyang ginawa sa kanyang mga anak” (2 Nephi 6:12). Magbahagi ng isang halimbawa kung paano tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, kahit na ang mga pagpapala ay hindi dumating kaagad.
-
Magdispley ng larawan ni Jesus sa tabi ng larawan ng isang bata. Basahin ang 2 Nephi 7:1, at ipaliwanag na kapag ang mga tao ng Diyos ay huminto sa pagsunod sa Kanyang ebanghelyo, ito ay katulad ng “[pakikipag]hiwalay” sa Kanya. Ilayo ang larawan ng bata mula sa larawan ni Jesus upang ipakita na kapag hindi natin tinutupad ang ating mga tipan, tulad ng mga tipan sa binyag, inihihiwalay natin ang ating sarili mula sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. (Para marebyu ang mga tipan sa binyag, tingnan sa D at T 20:37.) Paano tayo tinutulutan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na muling maging mas malapit sa Kanya? Habang tinatalakay ninyo ito, anyayahan ang mga bata na muling paglapitin ang mga larawan.
Inililigtas ako ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan.
Paano mo magagamit ang 2 Nephi 9:10–23 para tulungan ang mga bata na malaman na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na tulungan kang magdrowing ng isang landas sa pisara, at anyayahan silang magdagdag ang ilang balakid o hadlang sa landas. Basahin nang sabay-sabay ang 2 Nephi 9:10, at anyayahan ang mga bata na sulatan ang mga balakid sa landas ng mga salita mula sa talatang ito na naglalarawan sa mga balakid na nakahahadlang sa pagbalik natin sa Diyos. Pagkatapos ay pag-usapan kung paano nadaig ni Jesucristo ang mga balakid na ito para sa atin (tingnan sa 2 Nephi 9:21–23), at habang ginagawa ito, anyayahan ang mga bata na burahin ang mga balakid.
-
Magpakita ng isang larawan nina Adan at Eva. Ipaliwanag na noong kinain nina Adan at Eva ang bunga na sinabi ng Diyos sa kanila na huwag kainin sa Halamanan ng Eden, sila ay nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa mundo. Magdispley ng larawan ni Jesucristo. Para tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano dinaig ni Jesus ang kasalanan at kamatayan, isalaysay ang kuwento tungkol sa tao na nahulog sa isang hukay, na matatagpuan sa ilalim ng “Mas Nakababatang mga Bata” sa outline na ito. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na gumuhit ng mga larawan ng kuwentong ito o isadula ito. Basahin ang 2 Nephi 9:21–23, at magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Tulungan ang bawat bata na humanap ng isang awitin tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa himnaryo o Aklat ng mga Awit Pambata (makatutulong ang mga indeks sa mga aklat na ito). Anyayahan ang mga bata na humanap at magbahagi ng mga parirala mula sa awitin na naglalarawan sa ginawa ni Jesus para sa atin. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang kanilang naiisip at nadarama tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, o ibahagi ang iyong patotoo.
Ako ay pagpapalain kapag sinusunod ko ang payo ng Diyos.
Tulungan ang mga bata na bumuo ng isang matatag na pundasyon ng pagtitiwala sa Diyos upang habang nadaragdagan ang kanilang kaalaman at kakayahan, patuloy silang aasa sa Kanya at susunod sa Kanyang mga payo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa iyo ng tungkol sa isang bagay na marami silang nalalaman, tulad ng isang paboritong aklat o libangan. Ipabasa sa isang bata ang 2 Nephi 9:20, at magpatotoo na “nalalaman [ng Diyos ang] lahat ng bagay.” Bakit mahalagang maunawaan natin na nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay?
-
Hilingin sa mga bata na magkunwari na narinig nila ang isang kaibigan na nagsasabi na ang mga utos o turo ng Simbahan ay kahangalan. Ano ang sasabihin nila sa kanilang kaibigan? Bakit mahalagang magtiwala sa payo ng Diyos kahit na hindi natin lubusang nauunawaan ito? Hikayatin ang mga bata na humanap ng tulong sa 2 Nephi 9:20, 28–29, at 42–43 para sa pagninilay at pagtalakay sa mga tanong na ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang paraan para maituro sa kanilang pamilya ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Halimbawa, magagamit nila ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ipaliwanag kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang kasalanan at kamatayan.