“Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5: ‘Kami ay Namuhay nang Maligaya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Pebrero 3–9
2 Nephi 1–5
“Kami ay Namuhay nang Maligaya”
Tinuruan ni Lehi ang kanyang mga anak ayon sa kanilang mga indibiduwal na pangangailangan at kalagayan. Sundan ang kanyang halimbawa habang ikaw ay naghahandang magturo sa mga bata sa iyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Pagkatapos ipaliwanag na itinuro ni Lehi sa kanyang pamilya ang tungkol sa kalayaan nating gumawa ng sariling pagpapasiya, anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga naranasan nila sa pagpili ng tama. Ano ang nadama nila matapos nilang gawin ang pagpiling iyon? Paano nila maaalala na piliin ang tama sa hinaharap?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ako ay pinagpapala kapag ako ay sumusunod.
Ang alituntuning itinuro sa talatang ito—ang pagsunod ay nagdudulot ng mga pagpapala—ay makikita sa buong Aklat ni Mormon. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na makita ito sa kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na tulungan kang bigyang kahulugan ang katagang mga kautusan at gumawa ng listahan ng mga utos. Basahin ang 2 Nephi 1:20, at bigyang-diin na tayo ay “uunlad,” o pagpapalain, kung susunod tayo sa mga kautusan. Ano ang nadarama natin kapag sinusunod natin ang mga kautusang ito?
-
Ipakita sa mga bata ang mga bagay na nagbibigay ng proteksyon, tulad ng mga sapatos, sombrero, at guwantes. Bigyan sila ng pagkakataon na isuot ang mga ito. Paano tayo napoprotektahan ng mga bagay na ito? Sabihin sa kanila na mapoprotektahan tayo ng mga utos ng Ama sa Langit sa espirituwal na panganib. Magbahagi ng isang karanasan nang ikaw ay naprotektahan nang dahil sa pagsunod sa mga kautusan.
Binigyan ako ng Diyos ng kalayaang pumili.
Dahil sa kanilang mga pagpili, kinailangang lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden. Paano mo maituturo sa mga bata na ang pagpili nina Adan at Eva ay nagtutulot sa atin na gamitin ang ating kalayaan na piliin ang Ama sa Langit ngayon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng larawan ng isang malayang tao at larawan ng isang bihag na tao (marahil isang taong nasa kulungan), at anyayahan ang mga bata na ituro ang tamang larawan kapag binasa mo ang salitang malaya at pagkabihag sa 2 Nephi 2:27 . Bigyang-diin ang mga katagang “malayang makapipili,” at hilingin sa bawat bata na ulitin ito.
-
Rebyuhin sa mga bata ang kuwento nina Eva at Adan (tingnan sa 2 Nephi 2:17–19; tingnan din sa “Kabanata 3: Sina Adan at Eba,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 15–18, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org) at ang pagpili na ginawa nila sa Halamanan ng Eden. Tulungan ang mga bata na ilista ang ilang pagpili na ginagawa nila sa araw-araw. Magpatotoo na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang kalayaang pumili ng mabuti o masama, at anyayahan ang mga bata sa tumalun-talon o pumalakpak para ipagdiwang ang pagiging malayang pumili.
-
Maglaro ng isang laro na kung saan ay sasabihin mo ang isang salita (tulad ng maliwanag) at sasabihin naman ng mga bata ang kabaligtaran nito (madilim). Ulitin ang aktibidad na ito nang ilang beses. Upang matulungan ang mga bata na maunawaan kung paano nakakatulong ang pagkakaroon ng kasalungat sa paggawa natin ng mga pasiya, basahin ang unang kalahati ng 2 Nephi 2:11 at 2 Nephi 2:16. Magkuwento sa mga bata tungkol sa isang batang natuksong gumawa ng maling pagpili. Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang kabaligtaran ng pagpiling iyon, at anyayahan silang isadula ito. Magpatotoo na pinagpapala tayo ng Ama sa Langit kapag pinipili natin ang tama.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpili, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” o “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41, 82–83), at itanong sa mga bata kung ano ang natutuhan nila tungkol sa paggawa ng mga pagpili mula sa awit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ako ay pinagpapala kapag ako ay sumusunod.
Kapag ang mga bata ay nananampalataya na pagpapalain sila ng Diyos sa pagsunod sa mga kautusan—kahit na ang mga pagpapalang iyon ay hindi dumarating kaagad—mas madali para sa kanila na piliin ang tama.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na pagbalik-aralan ang ilan sa mga pagpiling ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapatid. Para sa ilang halimbawa, tingnan sa 1 Nephi 2:11–16; 3:5–7; at 18:9–11. Anyayahan sila na sabay-sabay na basahin ang 2 Nephi 1:20 at ibahagi kung ano sa tingin nila ang dahilan kung bakit ibinigay ni Lehi ang mensaheng ito sa kanyang mga anak.
-
Isulat ang mga parirala mula sa 2 Nephi 1:20 sa mga piraso ng papel, at talakayin kung ano ang ibig sabihin ng mga kataga. Anyayahan ang mga bata na ilagay ang mga piraso ng papel sa pisara sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga ito sa talata. Upang mailarawan ang pagkakaiba ng pag-unlad at pagkahiwalay, magpakita sa mga bata ng isang malusog na halaman at isang dahon o sanga na pinutol mula sa halaman. Ano ang kaibhan ng dahong nasa halaman sa pinitas na dahon? Paano tayo nagiging katulad ng dahon na nasa halaman kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos? Anyayahan ang mga bata na isulat sa isang journal ang mga paraan na pinagpapala sila ng Diyos kapag pinipili nila ang tama.
Binigyan ako ng Diyos ng kalayaang pumili.
Iniligtas tayo ni Jesucristo mula sa kamatayang pisikal at kamatayang espirituwal (pagkawalay sa Diyos dahil sa kasalanan) sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli. Upang muling makapiling ang Ama sa Langit, dapat nating patuloy na gamitin ang ating kalayaan upang patuloy na magsisi at magsikap na mamuhay nang matwid.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itaas ang isang larawan nina Adan at Eva (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 4), at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa nangyari kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden. Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa 2 Nephi 2:22–27. Ipaliwanag na dahil sa pagpili nina Adan at Eva, mapalad tayong pumarito sa lupa at gamitin ang ating kalayaan sa pagpili nang mabuti at magsisi sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo kapag gumagawa tayo ng mga maling pasiya o pagpili.
-
Isulat sa pisara ang mga salita sa 2 Nephi 2:27. Tulungan ang mga bata na maisaulo ang talata sa pamamagitan ng pag-uulit nito at paghahalinhinan sa pagbubura ng mga salita sa tuwing uulitin nila ito. Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang buhay kung walang mga pagpili. Bakit ipinagpapasalamat nila ang pagkakaroon ng kalayaang pumili?
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang karanasan nang piliin nila ang tama. Ano ang nadama nila matapos nilang gawin ang pagpiling iyon? Ano ang magagawa natin para matulungan ang ating sarili na piliin ang tama kapag natutukso tayong gumawa ng mali? Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpili, tulad ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145), at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang natutuhan nila mula sa awitin.
Si Joseph Smith ay isang “piling tagakita.”
Sa 2 Nephi 3, tinukoy ni Lehi ang isang propesiyang tungkol kay Propetang Joseph Smith. Maaari mong gawin itong pagkakataon para ituro sa mga bata ang tungkol sa kanyang misyon sa mga huling araw.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang 2 Nephi 3:6–24 upang humanap ng mga clue kung sinong propeta ang pinatutungkulan nito. Ilista sa pisara ang mga clue. Bakit tinawag na isang “piling tagakita” si Joseph Smith? Ano ang ginawa ni Joseph Smith na may “malaki ang kahalagahan sa [kanyang mga kapatid]”? (talata 7).
-
Kumanta ng isang himno tungkol kay Joseph Smith, tulad ng “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21), o manood ng isang video na nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng kanyang misyon, tulad ng mga matatagpuan sa history.ChurchofJesusChrist.org/article/joseph-smith-video-downloads. Itanong sa mga bata kung bakit sila nagpapasalamat kay Propetang Joseph Smith.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na pansinin ang mga pagkakataon na kailangan nilang magpasiya o gumawa ng mga pagpili sa linggong ito. Anyayahan sila na maghandang ibahagi sa susunod na linggo ang tungkol sa mga pagpiling ginawa nila at ang mga resulta ng kanilang pagpili.