Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25: “Nagagalak Tayo kay Cristo”


“Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25: ‘Nagagalak Tayo kay Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Larawan
nagsusulat si Isaias sa mga nakabalumbon na papel

Pebrero 17–23

2 Nephi 11–25

“Nagagalak Tayo kay Cristo”

Nagsisimula ang iyong paghahanda sa pagtuturo sa pagbasa ng 2 Nephi 11–25. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyaya ng Magbahagi

Sandaling rebyuhin sa mga bata ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala noong nakaraang linggo. Kung ibinahagi nila sa kanilang pamilya ang natutuhan nila, hikayatin silang magbahagi ng tungkol dito.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

2 Nephi 12:2–3

Ang templo ang bahay ng Panginoon.

Ang propesiya ni Isaias tungkol sa “bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon” ay maaaring maging isang pagkakataon para turuan ang mga bata ng tungkol sa templo at tulungan silang kapanabikan ang pagpunta roon balang-araw.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipahawak sa isang bata ang larawan ng isang templo (tingnan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kuwento. Basahin ang 2 Nephi 12:3, at ipaliwanag na sa talatang ito, ipinropesiya ng propetang nagngangalang Isaias na magkakaroon ng mga templo sa mga huling araw. Muling basahin ang talata, at bigyang-diin na kapag nagpupunta tayo sa templo, “tuturuan [tayo ng Panginoon] ng kanyang mga daan” at tutulungan tayong “[lumakad] sa kanyang mga landas.”

  • Gumawa ng isang landas sa sahig, at sa dulo ng landas, maglagay ng isang larawan ng templo na mayroong takip sa ibabaw nito. Palakarin ang mga bata sa landas, at habang ginagawa nila ito, tulungan silang ulitin ang parirala na “lumakad sa kanyang mga landas.” Kapag narating ng mga bata ang dulo ng landas, ipaalis sa kanila ang nakatakip sa larawan. Ano ang ibig sabihin ng lumakad sa mga landas ng Diyos?

  • Umawit kasama ng mga bata ng isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Tulungan silang maghanap ng mga salita at parirala sa awitin na nagtuturo kung ano ang templo at ano ang ginagawa natin doon.

2 Nephi 19:6; 25:26

“Nagagalak tayo kay Cristo.”

Sina Nephi at Isaias ay mayroong patotoo tungkol sa Tagapagligtas, at ang kanilang mga patotoo ay nagbigay sa kanila ng kagalakan. Tulungan ang mga bata na makita na ikaw ay “nagagalak kay Cristo.”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na hawakan ang isang larawan ng pagsilang ni Jesucristo (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 30), at tulungan ang mga bata na hanapin ang sanggol na si Jesus sa larawan. Basahin ang 2 Nephi 19:6 at hilingin sa mga bata na ituro si Jesus kapag narinig nila ang mga salitang bata at anak na lalaki. Ipaliwanag na alam ng propetang si Isaias, na nagsulat ng mga salita sa 2 Nephi 19:6, ang tungkol sa pagsilang ni Jesus daan-daang taon bago ito nangyari.

  • Magkuwento ng tungkol sa pagbibigay-kagalakan ni Jesucristo sa iba. Talakayin ang tungkol sa masasayang sandali sa kuwento. Basahin ang 2 Nephi 25:26 at ibahagi kung bakit ikaw ay “nagagalak kay Cristo.” Hilingin sa mga bata na magbahagi kung paano nakapagdudulot ng kagalakan si Jesus sa kanila.

2 Nephi 21:6–922

Ang Milenyo ay magiging panahon ng kapayapaan at kagalakan.

Matapos ang Kanyang Ikalawang Pagparito, si Jesucristo ay mananahang kasama ng Kanyang mga tao sa isang panahon ng kapayapaan na tinatawag na Milenyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng mga hayop na nabanggit sa 2 Nephi 21:6–7, at hilingin sa mga bata na ibigay ang pangalan ng mga hayop. Ipaliwanag na ang mga hayop na ito ay karaniwang magkakaaway, ngunit itinuro ni Isaias na matapos ang muling pagparito ni Jesucristo, magkakaroon ng panahon ng kapayapaan, na tinatawag na Milenyo, kung kailan hindi sasaktan ng mga hayop ang isa’t isa. Paano natin magagaya ang halimbawa ng mga hayop na ito sa paraan ng pakikitungo natin sa isa’t isa? Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga hayop na ito na nagsasama nang payapa.

  • Basahin ang 2 Nephi 22:5, at hilingin sa mga bata na tulungan kang humanap ng isang awitin na naglalarawan ng “mga dakilang bagay” na ginawa ng Panginoon. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17) o “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48). Sama-samang kantahin ang awitin. Ipaliwanag na sa Milenyo, malalaman ng lahat ang tungkol sa mga “dakilang bagay” na ginawa ng Panginoon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

2 Nephi 12:2–3

Ang templo ang bahay ng Panginoon.

Paano mo magagamit ang mga talatang ito para tulungan ang mga bata na asamin ang araw na makadadalo sila sa templo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang templo (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipabasa sa isang bata ang 2 Nephi 12:2–3, at anyayahan ang ibang bata na pakinggan ang mga dahilan kung bakit sinabi ni Isaias na kailangan natin ang mga templo. Maaari mong ipaliwanag na tinawag ni Isaias ang templo na “ang bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon.” Bakit magandang simbolo ng templo ang isang bundok?

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na pumupunta sa isang templo. Kung maaari, hilingin sa isang kabataang lalaki o kabataang babae sa ward na sabihin sa mga bata kung ano ang pakiramdam ng magsagawa ng mga binyag para sa mga patay sa loob ng templo. Ang mga kabataang ito o ang iba pa sa ward ay maaaring magturo sa mga bata kung paano hanapin ang pangalan ng kanilang mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo.

2 Nephi 15:20

Nagsisikap si Satanas na lituhin ako tungkol sa mabuti at masama.

Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan, tulad ng ipinropesiya ni Isaias, ay tinatawag ng mga tao ang mga masama na mabuti at ang mabuti na masama. Paano mo matutulungan ang mga bata na matukoy ang ganitong mga panlilinlang?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang bagay na mapait o maasim, gaya ng atsara o lemon, na nasa loob ng wrapper o balot ng kendi. Basahin nang sabay-sabay ang 2 Nephi 15:20, at ipaliwanag na sinisikap ni Satanas na gawing mukhang mabuti ang masama. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na ginagawa ito ni Satanas. Paano natin makikilala ang kanyang mga panlilinlang?

  • Bakit binabago ni Satanas ang anyo ng kasalanan?

2 Nephi 17:14; 19:6; 25:23–26

“Nagagalak tayo kay Cristo.”

Kailangang malaman ng mga bata na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay puno ng kagalakan. Paano mo sila matutulungan na “[magalak] kay Cristo”?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga pangalan ni Jesucristo sa 2 Nephi 17:14 at 19:6. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang “Emmanuel” ay isa sa mga pangalang ito, at ang ibig sabihin nito ay “sumasa atin ang Diyos.” Ano ang itinuturo sa atin ng bawat isa sa mga pangalan na ito tungkol sa Kanya?

  • Maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa pisara, at basahin nang sabay-sabay ang 2 Nephi 25:26. Bakit si Nephi ay labis na nagsalita at nagsulat tungkol kay Jesucristo? Pasulatin sa pisara ang bawat isa sa mga bata, sa tabi ng larawan ni Jesus, ng isang bagay tungkol sa Tagapagligtas na nagdudulot sa kanila ng kagalakan.

  • Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang taong gusto nilang “hikayatin … na maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:23). Paano natin maipahahayag sa iba ang galak na hatid ng Tagapagligtas sa ating buhay? Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na sumulat o magdula-dulaan ng ilang bagay na maaari nilang gawin upang matulungan ang taong naisip nila na maniwala kay Jesucristo.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila upang ipakita sa kanilang mga pamilya na sila ay “nagagalak kay Cristo.”

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hayaan ang mga bata na maging malikhain. “Kapag nagtuturo ka sa mga bata, hayaan mo silang bumuo, magdrowing, magkulay, magsulat, at lumikha. Ang mga bagay na ito ay higit pa sa masasayang aktibidad—mahalaga ang mga ito sa pagkatuto” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).

Print