Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30: “Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”


“Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30: ‘Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Larawan
tinutulungan ni Jesus ang isang babae

He Will Lead Thee by the Hand [Aakayin Ka Niya sa Kamay], ni Sandra Rast

Pebrero 24–Marso 1

2 Nephi 26–30

“Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”

Bago mo simulan ang pagpaplano ng mga aktibidad sa pag-aaral para sa mga bata sa iyong klase, pag-aralan ang 2 Nephi 26–30. Aanyayahan nito ang Espiritu para gabayan ka sa iyong paghahanda.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Itaas ang isang kopya ng Aklat ni Mormon, at ipaliwanag na nakita ni Nephi na magiging mahalaga ang Aklat ni Mormon sa ating panahon. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Aklat ni Mormon sa taong ito.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

2 Nephi 26:33

Nais ni Jesucristo lumapit ang lahat sa Kanya.

Si Nephi ay nagpatotoo na minamahal ng Tagapagligtas ang lahat ng tao, maging sino man sila, at inaanyayahan niya silang lahat na “makibahagi sa kanyang kabutihan.”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng mga larawan ng mga taong mula sa iba’t ibang grupong etniko at kultura (maaari mong mahanap ang ilan sa mga magasin ng Simbahan). Hilingin sa mga bata na ilarawan ang ilan sa mga detalye na nakikita nila sa larawan. Buksan ang mga banal na kasulatan sa 2 Nephi 26:33 at basahin ang, “Inaanyayahan [ni Jesucristo] silang lahat na lumapit sa kanya.” Ulitin ang mga katagang ito sa mga bata habang itinuturo mo ang bawat larawan. Pagkatapos ay ituro ang bawat bata at sabihing, “Inaanyayahan ka ni Jesus na lumapit sa Kanya.” Ano ang magagawa natin upang lumapit sa Tagapagligtas?

  • Kumanta ng isang awitin kasama ng mga bata na tungkol sa pagmamahal sa lahat ng tao, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79 ). Ituro ang mga salita o parirala sa awitin na sa pakiramdam mo ay lalong makapagpapaliwanag ng mensahe ng 2 Nephi 26:33.

2 Nephi 28:2; 30:6

Ang Aklat ni Mormon ay isang pagpapala.

Isipin kung paano mo tutulungan ang mga bata sa iyong klase na madamang ang Aklat ni Mormon ay “pagpapala … sa kanila mula sa kamay ng Diyos” (2 Nephi 30:6).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang isang Aklat ni Mormon na nakabalot bilang isang regalo, at sabihin sa kanila na may isang bagay na mahalaga sa loob. Ipahawak sa kanila ang regalo, at bigyan sila ng mga clue para tulungan silang mahulaan kung ano ito; halimbawa, ito ay isang bagay na ibinigay sa atin ng Panginoon, ito ay tumutulong sa atin na maniwala kay Jesucristo, at marami pang iba. Basahin mula sa 2 Nephi 30:6 ang: “Pagpapala ito sa kanila mula sa kamay ng Diyos.” Ipabukas ang regalo sa mga bata, at pagkatapos ay ipaliwanag na dapat nating buklatin ang Aklat ni Mormon at basahin ito upang matanggap ang mga pagpapalang nilalaman nito.

  • Basahin ang 2 Nephi 28:2 sa mga bata. Ipaliwanag na nakita ni Nephi na ang Aklat ni Mormon ay magiging “labis na mahalaga” sa atin, na nangangahulugan na tutulungan at pagpapalain tayo nito. Sabihin sa mga bata kung bakit ang Aklat ni Mormon ay labis na mahalaga sa iyo. Ibahagi ang iyong mga paboritong talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang sa kanila. Magpakita ng ilang larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para bigyan sila ng mga ideya.

2 Nephi 28:30

Unti-unti akong tinuturuan ng Ama sa Langit.

Marahil ay makapag-iisip ka ng isang object lesson o aktibidad na tutulong sa mga bata na makita ang kahulugan ng matuto nang “taludtod sa taludtod.” Ang mga mungkahi sa ibaba ay maaaring magpasimula sa ilang ideya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na bumuo ng isang simpleng puzzle o gumawa ng isang bagay gamit ang blocks. Ibigay sa kanila ang isang piraso ng puzzle o isang block nang paisa-isa, at habang bumubuo sila, ipaliwanag na ito ang paraan ng pagtuturo sa atin ng Ama sa Langit—isang katotohanan sa bawat pagkakataon. Ano ang mangyayari kung susubukan nating pagsamahin nang isang iglap ang lahat ng mga piraso?

  • Turuan ang mga bata ng isang kasanayan na may sinusunod na hakbang, tulad ng pagtatali ng laso o pagguhit ng larawan. Basahin ang 2 Nephi 28:30: “Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, … kaunti rito at kaunti roon.” Bakit paunti-unti ang pagtuturo sa atin ng Diyos?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

2 Nephi 26:23–28, 33

Nais ni Jesucristo na lumapit ang lahat sa Kanya.

Tulungan ang mga bata na madama na ang paanyaya na lumapit kay Cristo ay iniukol sa kanila at sa lahat ng tao.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Kausapin ang mga bata tungkol sa mga pagkakataon na inanyayahan nila ang mga kaibigan o kapamilya na pumunta sa isang espesyal na kaganapan, tulad ng isang pagdiriwang ng kaarawan. Ano ang ginawa nila para mahikayat na pumunta ang mga tao? Basahin sa mga bata ang 2 Nephi 26:23–28, 33, at tulungan silang makita kung ano ang inaanyayahan tayong gawin ng Panginoon. Hilingin sa mga bata na lumikha ng isang card o sulat na nag-aanyaya sa isang tao na lumapit kay Jesucristo. Hikayatin silang gamitin ang isang taludtod mula sa mga talatang ito sa kanilang paanyaya (kung kinakailangan, isulat ang ilang taludtod sa pisara bilang tulong).

  • Basahing kasama ng mga bata ang 2 Nephi 26:33, at tulungan silang gumawa ng isang listahan ng mga inaanyayahan na “makibahagi sa [kabutihan ng Panginoon]” ayon sa talatang ito. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang “mga di binyagan” ay ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos.) Sabihin sa kanila na magdagdag ng sarili nilang mga pangalan sa listahan. Paano tayo nakikibahagi sa kabutihan ng Panginoon?

  • Kausapin ang mga bata nang bahagya kung paano nagkakaiba-iba ang mga bata sa buong mundo, at magpatotoo na silang lahat ay minamahal ng Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 26:24, 33). Anyayahan ang mga bata na gumuhit ng isang larawan ni Jesus na kasama ang maraming iba’t ibang bata.

2 Nephi 28:27–30

Inihahayag ng Ama sa Langit ang katotohanan nang “taludtod sa taludtod.”

Si Nephi ay nagbabala laban sa saloobin na hindi na natin kailangan ng anumang karagdagang katotohanan mula sa Diyos. Tulungan ang mga bata na makita na ang pag-aaral ng ebanghelyo ay isang dahan-dahan at habambuhay na gawain.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pumili ng isang parirala mula sa 2 Nephi 28:30, at hilingin sa isang bata na isulat ang unang salita sa pisara. Pagkatapos ay hilingin sa isa pang bata na isulat ang kasunod na salita, at ipagpatuloy ito hanggang sa ang buong parirala ay naisulat. Paano nahahalintulad ang aktibidad na ito sa paraan ng pagbibigay sa atin ng Diyos ng katotohanan?

  • Tulungan ang mga bata na basahin at unawain ang 2 Nephi 28:27–30, na inaalam ang mga sagot sa isang tanong na tulad nito: Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga taong naniniwala na sapat na ang nalalaman nilang katotohanan at hindi na nila kailangan pa ng karagdagan nito? Hilingin sa kanila na magmungkahi ng mga paraan na maipapakita natin sa Panginoon na gusto nating makatanggap ng karagdagang katotohanan mula sa Kanya.

2 Nephi 29:7–11

Ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay nagtutulungan sa isa’t isa.

Dahil mayroon na tayong Biblia, may mga taong naniniwala na ang Aklat ni Mormon ay hindi na kailangan. Ang mga talatang ito ay makatutulong sa mga bata na maunawaan, at maipaliwanag sa iba, kung bakit tayo nagpapasalamat para sa dalawang aklat ng mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang isang bata ng kopya ng Aklat ni Mormon at ang isa pa ng kopya ng Biblia. Itanong sa kanila kung paano nagkakatulad ang mga aklat na ito at kung paano sila nagkakaiba. Ipakita sa mga bata ang isang mapa ng mundo, at tulungan silang itugma ang bawat aklat sa bahagi ng daigdig kung saan ito nagmula. Basahin at talakayin ang 2 Nephi 29:8. Bakit tayo binigyan ng Diyos ng dalawang “patotoo” o aklat ng mga banal na kasulatan na nagtuturo sa atin tungkol sa Kanya?

  • Hilingin sa mga bata na isipin na kunwari ay may isang kaibigan na nagsabi sa kanila na, “Hindi ko kailangang basahin ang Aklat ni Mormon. Nabasa ko na ang Biblia.” Sama-samang basahin ang 2 Nephi 29:7–11, na ipinapaliwanag ang mga parirala at konsepto kung kinakailangan. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na magbahagi ng mga ideya kung ano ang masasabi nila sa kanilang kaibigan.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ipaliwanag sa kanilang mga pamilya kung paano nagtutulungan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon upang magpatotoo kay Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa mga tao, hindi sa mga lesson. Ang mga ideya sa outline na ito ay pawang mga mungkahi lamang. Huwag mag-atubiling iakma ang mga ito sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga batang tinuturuan mo.

Print