“Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon: Kumikilos Siya sa Pamamagitan Ko Upang Maisagawa ang Kanyang Kalooban,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon, “ Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Marso 23–29
Enos–Mga Salita ni Mormon
Kumikilos Siya sa Pamamagitan Ko Upang Maisagawa ang Kanyang Kalooban
Ang Enos, Jarom, Omni, at Mga Salita ni Mormon ay maiikling aklat na may maraming mahahalagang aral para sa mga batang tinuturuan mo. Hanapin ang mga aral na ito, at pakaisipin ang mga paraan na matutulungan mo ang mga bata na matutuhan ang mga ito. Maaaring makatulong ang mga ideya sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Tulungan ang mga bata na maalala ang natutuhan nila mula sa lesson noong nakaraang linggo. Ibinahagi ba nila ang kanilang natutuhan sa kanilang pamilya o sa iba?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong makipag-usap sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.
Itinuturo ng karanasan ni Enos ang ilang katotohanan tungkol sa panalangin. Paano mo hihikayatin ang mga bata na sundin ang halimbawa ni Enos sa kanilang pagdarasal?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ni Enos; tingnan halimbawa ang outline sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Mga Indibiduwal at Pamilya o gamitin ang larawang Nananalangin si Enos (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 72). Hilingin sa mga bata na sabihin kung ano ang nangyayari sa larawan, at pagkatapos ay ibahagi ang karanasan ni Enos sa kanila. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 11: Si Enos” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 30–31, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org).
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga bagay na gusto nilang sabihin tungkol sa kanilang mga magulang. Ipaliwanag na ang pagdarasal sa Ama sa Langit ang paraan upang Siya ay makausap nila. Habang binabasa mo ang Enos 1:1–4 sa mga bata, anyayahan silang magkunwari na si Enos sa pamamagitan ng pag-arte na sila ay nangangaso, lumuluhod para manalangin, at marami pang iba. Ipaliwanag na dininig ng Ama sa Langit ang panalangin ni Enos at pinatawad ang kanyang mga kasalanan.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7). Anyayahan ang mga bata na itaas ang kanilang kamay sa tuwing maririnig nila ang salitang “dalangin” o isa pang inulit na salita. Magpatotoo tungkol sa bisa ng panalangin sa iyong buhay.
Mapagpapala ko ang iba kapag nakikinig ako sa Espiritu Santo.
Noong tinitipon niya ang Aklat ni Mormon, nakatanggap ng pahiwatig si Mormon na isama ang maliliit na lamina ni Nephi. Hindi niya alam kung bakit kailangan ang maliliit na lamina, ngunit pinagpapala tayo ngayon dahil sinunod niya ang paramdam na ito. Ang halimbawang ito ay makahihikayat sa mga bata na sundin ang Espiritu.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga kuwento na natutuhan na nila mula sa Aklat ni Mormon sa taong ito (ang mga larawan mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Mga Indibiduwal at Pamilya o ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay maaaring makatulong sa kanila na makaalala). Ipaliwanag na mayroon tayo ng mga kuwentong ito sa Aklat ni Mormon dahil nakinig si Mormon nang sabihin sa kanya ng Espiritu Santo na isama ang mga ito. Bakit nais ng Ama sa Langit na mapasaatin ang mga kuwentong ito?
-
Magbahagi ng isang kuwento mula sa mga magasin ng Simbahan o mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa isang tao na sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Maaari mong ibahagi ang isa sa iyong mga sariling karanasan. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng paglalarawan ng kuwento. Paano pinagpala ang mga tao sa kuwentong ito dahil sa sinunod nila ang Espiritu Santo?
-
Hilingin sa isang miyembro ng ward na bumisita sa klase at magbahagi ng isang karanasan nang sinunod niya ang isang pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Paano pinagpala ang iba dahil sa kanyang ginawa? Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na tulungan at pagpalain natin ang iba, kaya isinusugo niya ang Espiritu Santo upang gabayan tayo.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Marahan at Banayad na Tinig,” (Liahona, Abril 2006). Kantahin ito nang maraming beses sa iba’t ibang paraan, tulad ng mabilis, mabagal, o pabulong. Kapag umawit ka nang pabulong, buklatin ang Mga Salita ni Mormon 1:7, at ipaliwanag na inilarawan ni Mormon ang Espiritu Santo bilang isang bulong.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin ko.
Maaaring madaling gawing karaniwan o kaswal na gawain ang ating mga panalangin. Ang karanasan ni Enos ay isang paalala na ang pagtanggap ng mga sagot sa ating mga panalangin kung minsan ay nangangailangan ng isang “pakikipagtunggali” at “mahabang pagpupunyagi” (Enos 1:2, 11).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at isipin na kunwari ay nakikipag-usap sila sa Ama sa Langit nang harapan. Ano ang gusto nilang pag-usapan nila at ng Ama sa Langit? Anyayahan ang mga bata na isipin na nakikipag-usap sila nang harapan sa Ama sa Langit tuwing nagdarasal sila.
-
Anyayahan ang mga bata na magtulungan bilang magkakapares at basahin ang Enos 1:1–5. Hilingin sa kanila na saliksikin sa mga talatang ito ang isang salita o parirala na naglalarawan sa mga panalangin ni Enos at pagkatapos ay ibahagi sa klase ang nahanap nila. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito tungkol kay Enos at sa kanyang karanasan? Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng anumang bagay na hinangaan nila tungkol sa panalangin ni Enos. Magbahagi ng isang karanasan nang “nagutom” ang iyong kaluluwa at “nagsumamo” ka sa Panginoon (Enos 1:4). Hayaan ang mga bata na isipin ang isang bagay na magagawa nila para maging mas makabuluhan ang kanilang mga panalangin.
-
Hilingin sa mga bata na maglista ng ilang bagay na madalas nilang ipinagdarasal, sa pisara o sa pahina ng aktibidad ng linggong ito. Pagkatapos ay anyayahan silang saliksikin ang Enos 1:2, 9, 13–14, at 16 para sa mga bagay na ipinagdasal ni Enos, at idagdag ang mga bagay na iyon sa listahan. Talakayin kung paano masusunod ng mga bata ang halimbawa ni Enos sa kanilang mga panalangin; halimbawa, maaari kang magsalita tungkol sa dahilan kung bakit si Enos ay handang manalangin para sa mga Lamanita—na mga kaaway nila—at anyayahan ang mga bata na manalangin sa linggong ito para sa isang tao na hindi naging mabuti sa kanila.
Mapagpapala ko ang iba kapag nakikinig ako sa Espiritu Santo.
Alam ng Panginoon na mawawala ang unang 116 na naisalin na mga pahina ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 10; Mga Banal, tomo 1, kabanata 5). Upang mapalitan ang pagkawalang ito, binigyang-inspirasyon Niya si Mormon sa pamamagitan ng Espiritu na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa Aklat ni Mormon. Paano mo mahihikayat ang mga bata na tularan ang halimbawa ni Mormon at makinig sa Espiritu?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magsalitan sa pagbabasa ng mga talata mula sa Mga Salita ni Mormon 1:3–8 nang paisa-isa, at pagkatapos ay tulungan silang ibuod ang natututuhan nila mula sa bawat talata. Ipaliwanag na sinunod ni Mormon ang Espiritu sa pamamagitan ng pagsasama ng maliliit na lamina ni Nephi (na nasa atin ngayon bilang 1 Nephi hanggang Omni) sa Aklat ni Mormon. Ano ang natatanggap nating mga pagpapala dahil nakinig si Mormon sa Espiritu? Paano kaya magiging iba ang Aklat ni Mormon kung hindi siya nakinig? Magbahagi ng karanasan kung saan nagpahiwatig sa iyo ang Espiritu Santo na gawin ang isang bagay na nagpala sa isang tao. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nila na maaaring katulad nito.
-
Anyayahan ang isang bata na basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:7 at ang isa pa na basahin ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo? Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga panahong nadama nila ang mga panghihikayat mula sa Espiritu Santo. Gamitin ang Moroni 7:12 para ipaliwanag na kung may pumasok na mabuting ideya o kaisipan at nahihikayat tayong gawin ang mabubuting bagay, ito ay nagmumula sa Ama sa Langit. Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga pahiwatig na gumawa ng mabuti at sundin ang mga ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na hilingin sa kanilang mga kapamilya na magbahagi ng mga karanasan nila na may kinalaman sa panalangin o sa Espiritu Santo.