“Marso 16–22. Jacob 5–7: ‘Ang Panginoon ay Kasama Natin sa Paggawa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 16–22. Jacob 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
March 16–22
Jacob 5–7
Ang Panginoon ay Kasama Natin sa Paggawa
Pag-aralan, pagnilayan, at ipagdasal na malaman kung paano mo pinakamainam na maituturo sa mga bata ang mga katotohanang matatagpuan sa Jacob 5–7. Itala ang anumang impresyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Upang simulan ang isang talakayan tungkol sa mga mensahe na nasa Jacob 5–7, anyayahan ang mga bata na magsalita tungkol sa mga bagay sa kanilang buhay na tumutulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Paano natin ipinapakita ang ating pagmamahal sa iba?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pinaglilingkuran ng mga Missionary ang mga Anak ng Ama sa Langit.
Pag-isipang mabuti kung paano mo maibabahagi ang talinghaga ng puno ng olibo sa paraan na mauunawaan ng mga bata.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng isang puno, o maglakad-lakad sa labas upang tingnan ang isang puno, at balik-aralan ang mga pangunahing punto ng talinghaga ng puno ng olibo sa Jacob 5. Halimbawa: ang Panginoon ng olibohan (na maaaring sumasagisag kay Jesus) ay nagtrabaho nang husto upang pangalagaan ang kanyang mga punong olibo (na maaaring kumatawan sa mga tao sa mundo) dahil nagmamalasakit Siya nang husto sa kanila. Tumawag Siya ng mga manggagawa (na maaaring sumasagisag sa mga missionary) upang makatulong sa pangangalaga ng mga puno. Pumili ng isa o dalawang talata mula sa Jacob 5 na babasahin mo sa mga bata (tulad ng mga talata 71–72).
-
Itanong sa mga bata kung may kakilala sila na isang tao na naglingkod sa misyon, o magbahagi tungkol sa isang taong kilala mo. Tulungan ang mga bata na hanapin sa isang mapa ang mga lugar kung saan naglingkod ang mga missionary na iyon. Ipaliwanag na inihahalintulad ni Jacob ang mundo sa isang grupo ng mga puno ng olibo. Ang mga puno ay tulad ng mga tao sa mundo, at ang pangangalaga sa mga punong iyon ay tulad ng ginagawa ng mga missionary para sa mga anak ng Diyos. Ano ang ginagawa ng mga missionary para pagpalain ang mga anak ng Ama sa Langit? Sabay-sabay na maghanap ng ilang kasagutan sa mga tanong na ito sa isang awiting tulad ng “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” (Aklat ng mga Awit Pambata, 94–95). Paano tayo magiging tulad ng mga missionary?
Mahal ako ng aking Ama sa Langit.
Paano mo maituturo sa klase mo na minamahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak at iniuunat ang Kanyang “bisig ng awa” sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na yakapin ang kanilang mga sarili. Ano ang nararamdaman natin kapag niyayakap tayo ng isang taong mahal natin? Basahin ang Jacob 6:5 sa mga bata, at ipaliwanag na ang mga katagang “[ang Diyos ay na]ngungunyapit sa inyo” at “ang kanyang bisig ng awa ay nakaunat sa inyo” ay nagtuturo na mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang makabalik tayo sa Kanya balang araw.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-ibig, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43). Anyayahan ang mga bata na magbanggit ng mga bagay na tumutulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.
Mapaninindigan ko ang alam kong totoo.
Si Jacob ay isang napakagandang halimbawa ng isang tao na natulungan ng kanyang matibay na patotoo upang ipagtanggol ang katotohanan sa harap ng oposisyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isalaysay ang kuwento tungkol kina Jacob at Serem (Jacob 7:1–23) sa paraang mauunawaan ng mga bata. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 10: Si Jacob at si Serem” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 27–29, o ang kaugnay na video sa ChurchofJesusChrist.org). Pagkatapos ay muling isalaysay ang kuwento, ngunit sa pagkakataong ito ay pahintulutan ang mga bata na tumulong na punan ang mga detalye. Itanong sa kanila kung ano ang natututuhan nila mula kay Jacob. Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa?
-
Anyayahan ang mga bata na kantahin ang isang awit tungkol sa pagpili ng tama, tulad ng “Maglakas-loob, Tama’y Gawin” o “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 80, 81). Anyayahan silang tumayo kapag kinanta nila ang salitang tulad ng tama o gawin.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Nagmamalasakit ang Panginoon sa Kanyang mga tao.
Ibinahagi ni Jacob ang talinghaga ng mga punong olibo para tulungan ang Kanyang mga tao na lumapit kay Cristo. Ganito rin ang magagawa nito sa mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin at ipaliwanag sa mga bata ang mahahalagang talatang nagbubuod sa talinghaga ng mga punong olibo, gaya ng Jacob 5:3–4, 28–29, 47, at 70–72, at anyayahan ang mga bata na idrowing ang mga inilalarawan sa mga talatang ito. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa nadarama ng Panginoon para sa Kanyang mga tao? Hilingin sa mga bata na magkunwaring inaalagaan ang isang punong olibo habang ibinubuod mo ang mga talata 61–71 (maaari silang umarte na naghuhukay, nagdidilig, at iba pa). Anyayahan ang ilang bata na basahin ang Jacob 5:11, 41, 47, at 72, upang hanapin ang mga bagay na nagpapakita kung gaano kalaki ang pagmamalasakit ng Panginoon ng olibohan (si Jesucristo) sa mga puno. Ano ang ginagawa ng Tagapagligtas upang ipakita na nagmamalasakit Siya sa atin?
-
Ilista ang ilan sa mga simbolo sa Jacob 5 sa pisara, tulad ng ubasan, ang panginoon ng ubasan, ang tagapagsilbi, at ang mga punong olibo. Pagkatapos ay gumawa ng isa pang listahan, na hindi magkakasunud-sunod, ng mga bagay na maaaring isinasagisag ng mga simbolong ito, tulad ng daigdig, ang Tagapagligtas, mga lider ng Simbahan o mga missionary, at mga tao ng Diyos. Basahin nang sabay-sabay ang talatang ito mula sa Jacob 5 na bumabanggit sa mga simbolong ito, at tulungan ang mga bata na gumuhit ng mga linya sa pisara na nag-uugnay sa mga simbolo sa posibleng kahulugan ng mga ito (tingnan, halimbawa, sa mga talata 3–4, 28–29, 47, 70–72).
Mahal ako ng Ama sa Langit at patatawarin Niya ako kapag ako ay nagsisisi.
Mahalagang ipaunawa sa mga batang tinuturuan mo na mahal sila ng Diyos at lagi Niya silang patatawarin kapag sila ay taos-pusong nagsisisi.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumawa ng isang tsart sa pisara na may dalawang hanay, na may nakasulat na Ama sa Langit at Tayo. Sama-samang basahin ang Jacob 6:4–5, at hilingin sa kalahati ng klase na hanapin ang mga parirala na tumutukoy sa Diyos at sa isa pang kalahati na alamin ang mga parirala na tungkol sa atin. Itala ang mga natutuklasan nila sa tamang hanay. Tulungan silang bigyang kahulugan ang mga salitang hindi nila nauunawaan.
-
Ibahagi ang kuwento ni Elder Allen D. Haynie tungkol sa pagdurumi sa isang hukay ng putik sa kanyang mensaheng “Alalahanin Kung Kanino Tayo Nagtitiwala” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 121–22). Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa kailangan nating gawin para maligtas sa kaharian ng Diyos? Ano pa ang matututuhan natin mula sa Jacob 6:4–5?
Mapaninindigan ko ang alam kong totoo.
Paano mo mahihikayat ang mga bata na manindigan sa katotohanan, tulad ng ginawa ni Jacob?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na isadula ang pag-uusap nina Jacob at Serem, gamit ang Jacob 7:1–23 bilang gabay. Hilingin sa mga bata na magbahagi tungkol sa kanilang mga paboritong bahagi ng kuwento. Paano pinanindigan ni Jacob ang alam niyang tama? Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang pinanindigan nila ang tama, o ibahagi ang sarili mong karanasan.
-
Anyayahan ang mga bata na kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpili ng tama, tulad ng “Maglakas-loob, Tama’y Gawin” o “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 80, 81). Hatiin sila sa mga grupo, at anyayahan silang lumikha ng isang nakapagbibigay-inspirasyon na baner o poster na kumakatawan sa isang bagay na pinaninindigan o pinaniniwalaan nila.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang paraan na maaari nilang matulungan ang kanilang pamilya na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas—halimbawa, sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang natutuhan nila tungkol sa kung paano nagmalasakit ang Panginoon ng olibohan sa kanyang mga puno ng olibo.