“Marso 2–8. 2 Nephi 31–33: ‘Ito ang Daan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 2–8. 2 Nephi 31–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Marso 2–8
2 Nephi 31–33
“Ito ang Daan”
Simulan ang iyong paghahanda sa pagbasa ng 2 Nephi 31–33. Hangarin ang patnubay ng Espiritu para sa kung ano ang ituturo sa mga bata. Ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Dahil nagturo si Nephi tungkol sa binyag ni Cristo, hilingin sa mga bata na magbahagi ng natutuhan nila tungkol sa binyag. Maaari rin nilang ibahagi ang naiisip at nadarama nila tungkol sa kanilang sariling binyag o sa binyag ng mga kaibigan o kapamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Itinuro sa akin ni Jesucristo kung paano makabalik sa Ama sa Langit.
Itinuro ni Nephi na ang pagsunod sa halimbawa at mga turo ng Tagapagligtas ang tanging paraan upang “maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 31:21).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Idispley ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya habang ibinubuod mo ang salaysay tungkol sa binyag ni Jesus (tingnan sa 2 Nephi 31:4–13). Ipaliwanag na ang binyag ay isang hakbang sa landas pabalik sa piling ng Ama sa Langit. Anyayahan ang isang taong nabinyagan kamakailan na ikuwento sa mga bata kung ano ang nadarama niya tungkol sa binyag.
-
Ipaliwanag na tinuruan tayo ni Jesucristo kung ano ang kailangan nating gawin para makabalik sa Kanya pagkatapos nating mamatay. Magdrowing ng isang landas sa pisara, at maglagay ng larawan ni Cristo sa dulo nito. Bigyan ang mga bata ng mga larawang kumakatawan sa bahagi ng doktrina ni Cristo (pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas). Tulungan silang ilagay ang mga larawan sa landas.
-
Tulungan ang mga batang matutuhan ang ikaapat na saligan ng pananampalataya. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa isa sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng “Pananalig,” “Sa Aking Pagkabinyag,” o “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51, 53, 82–83).
Magagawa kong magpakabusog sa mga salita ni Cristo.
Paano makatutulong ang iyong mga karanasan sa “[pagpapakabusog] sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32:3) para maipaunawa sa mga bata ang mga katagang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na banggitin ang ilan sa kanilang mga paboritong pagkain, at anyayahan sila na iarte kung paano sila nagpapakabusog sa mga ito. Basahin ang 2 Nephi 32:3, at hilingin sa mga bata na pakinggan ang sinasabi ni Nephi kung saan tayo dapat nagpapakabusog. Ano ang ibig sabihin ng magpakabusog sa mga banal na kasulatan? Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay isang lugar kung saan maaari tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo.
-
Isulat sa pisara ang mga salitang Diyos at Panginoon. Anyayahan ang mga bata na buklatin ang isang pahina sa banal na kasulatan at hanapin ang mga salitang ito. Tulungan sila kung kinakailangan. Magpatotoo na kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan, tayo ay matututo ng tungkol sa Diyos.
Nais ng Ama sa Langit na palagi akong manalangin.
Ang mga talatang ito ay makahihikayat sa mga bata na gawing bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang panalangin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung kailan sila nagdarasal. Nagdarasal ba sila sa umaga? sa gabi? bago kumain? Tulungan ang mga bata na umisip ng mga kilos na nagpapakita kung kailan tayo maaaring manalangin, tulad ng kapag tayo ay gumigising, natutulog, at kumakain—o sa anumang oras. Basahin sa kanila ang una o hanggang sa pangalawang linya mula sa 2 Nephi 32:9, at bigyang-diin ang mga katagang “laging manalangin.”
-
Itanong sa mga bata kung paano magdasal. Ano ang ginagawa nila sa kanilang ulo, mga kamay, at iba pa? Anong uri ng mga bagay ang sinasabi nila? Hilingin sa kanila na isipin na kunwari ay hindi mo alam kung paano manalangin, at tuturuan ka nila kung paano. Bakit nais ng Ama sa Langit na manalangin tayo?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Itinuro sa akin ni Jesucristo kung paano makabalik sa Ama sa Langit.
Maaari tayong makabalik sa Diyos pagkatapos ng buhay na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa doktrina ni Cristo: pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa binyag ng Tagapagligtas. Ilagay sa pisara ang sumusunod na mga salita na hindi tama ang pagkakasunud-sunod: Pinatotohanan ni Jesus sa Ama na magiging masunurin Siya sa Kanya. Anyayahan ang mga bata na basahin ang 2 Nephi 31:7 sa klase at ayusin ang mga salita sa tamang pagkakasunud-sunod.
-
Itanong sa mga bata kung ano ang kanilang sasabihin sa isang taong naghahandang mabinyagan, at tulungan silang tipunin ang kanilang payo sa mga simpleng kard na maibibigay nila sa isang tao. Paano natin patuloy na masusunod ang halimbawa ni Jesus matapos tayong binyagan?
-
Ipaliwanag na ang doktrina ni Cristo ay kinapapalooban ng mga bagay na itinuro ni Jesucristo na kailangan nating gawin upang makabalik sa Ama sa Langit. Isulat sa iba’t ibang papel ang pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas, at ikalat ang mga ito sa paligid ng silid. Basahin sa mga bata ang 2 Nephi 31:11–19, at anyayahan ang mga bata na magsalitan sa paglukso mula sa isang papel patungo sa isa pang papel kapag naririnig nila ang mga alituntuning nabanggit. Tulungan silang mag-isip ng naging karanasan nila sa bawat alituntunin.
Magagawa kong magpakabusog sa mga salita ni Cristo.
Bakit kailangang maunawaan ng mga bata ang kahalagahan ng pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magkunwari na nagpapakabusog. Anong pagkain ang gusto nilang naroon? Ano ang unang kakainin nila? Pagkatapos ay anyayahan silang isipin kung ano ang maaaring kahulugan ng pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan habang binabasa mo ang 2 Nephi 32:3. Bakit ginamit ni Nephi ang salitang magpakabusog upang turuan tayo kung paano natin dapat pag-aralan ang salita ng Diyos? Bakit hindi dapat na basta basahin lang ang sinabi niya? Ano ang ibig sabihin ng magpakabusog sa mga banal na kasulatan? Ibahagi sa mga bata ang mga pagpapalang natanggap mo dahil sa pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan.
-
Kumpletuhin ang pahina ng aktibidad kasama ng mga bata, at anyayahan silang magtakda ng mithiin na gawin ang isang bagay para magpakabusog sa mga banal na kasulatan sa linggong ito.
Nais ng Ama sa Langit na palagi akong manalangin.
Tinutukso tayo ng kalaban na huwag manalangin. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na labanan ang tuksong ito at “laging manalangin” (2 Nephi 32:9).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng isang parirala tungkol sa panalangin mula sa 2 Nephi 32:8–9, isulat ito sa pisara, at takpan ng papel ang bawat salita. Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagtatanggal ng isang papel hanggang sa mahulaan nila kung ano ang parirala.
-
Basahin ang 2 Nephi 32:8–9, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang natututuhan nila tungkol sa panalangin mula sa mga talatang ito. Ano ang ibig sabihin ng “laging manalangin”? (talata 9). Paano natin ito magagawa?
-
Ano ang maaaring maging dahilan para hindi magustuhan ng isang tao na manalangin? Magbahagi ng isang karanasan nang nanalangin ka kahit na parang ayaw mong manalangin. Ano ang nadama mo pagkatapos? Anyayahan ang isang bata na basahin ang ikalawang kalahati ng 2 Nephi 32:8, at bigyan ang mga bata ng oras para pagnilayan ito. Bakit ayaw ni Satanas na manalangin tayo? Paano natin mapaaalalahanan ang ating sarili na magdasal kahit na parang ayaw natin?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na maghanap ng isang tao—isang kaibigan, kapatid, o kapamilya—na maaari nilang turuan kung paano manalangin.