“Marso 2–8. 2 Nephi 31–33: ‘Ito ang Daan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 2–8. 2 Nephi 31–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Marso 2–8
2 Nephi 31–33
“Ito ang Daan”
Ang outline na ito ay nagmumungkahi ng mga alituntunin na maaaring makabuluhan sa iyo sa 2 Nephi 31–33. Ngunit ang pinakamahahalagang bagay na matututuhan mo sa iyong pag-aaral ay magmumula sa mga bulong ng Espiritu. Hangarin ang patnubay na ito, at itala ang mga paramdam na dumarating.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa huling nakatalang mga salita ni Nephi, makikita natin ang pahayag na ito: “Iniutos ng Panginoon sa akin, at kinakailangan kong sumunod” (2 Nephi 33:15). Tila akmang buod ito ng buhay ni Nephi. Hinangad niya ang kalooban ng Panginoon at buong tapang na nagsumikap na sundin ito—kahit pa malagay sa panganib ang kanyang buhay para kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, gumawa siya ng barko at tumawid ng dagat, o tapat niyang itinuro ang doktrina ni Cristo nang malinaw at mabisa. Nakahihikayat magsalita si Nephi tungkol sa pangangailangan na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo,” sa pagsunod sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20, 18), dahil iyan ang landas na sinunod niya. Nalaman niya mula sa karanasan na ang landas na ito, bagama’t mahirap kung minsan, ay masaya rin, at na “walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 31:21).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Si Cristo at ang Kanyang doktrina ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan.
Kung kailangan mong ibuod ang landas tungo sa buhay na walang hanggan sa iilang salita lamang, ano ang sasabihin mo? Ginawa ito ni Nephi, sa kanyang likas na kapayakan at kasimplihan, sa ganitong paraan: pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Pagkatapos mong pag-aralan ang mga turo ni Nephi sa 2 Nephi 31–32, isipin kung paano mo ipaliliwanag ang mga ito sa isang tao sa sarili mong mga salita. Pag-isipan kung paano ka napagpala ng pamumuhay ayon sa mga turong ito. Maaari mong isipin ang mga turo ni Nephi sa 2 Nephi 31:18–20 at suriin ang sarili mong mga pagsisikap na “magpatuloy sa paglakad” sa landas ng ebanghelyo.
Tingnan din sa 3 Nephi 11:32–39; 27:13–22; D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 86–90; Brian K. Ashton, “Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 106–9.
Ipinakita ni Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagsunod noong Siya ay bininyagan.
Kung kahapon ka man nabinyagan o 80 taon na ang nakararaan, isang mahalagang sandali iyon—pumasok ka sa isang panghabambuhay na tipan na susundin mo si Jesucristo. Pag-isipan ang binyag mo habang nagbabasa ka tungkol sa binyag ng Tagapagligtas sa 2 Nephi 31:4–13. Bakit bininyagan ang Tagapagligtas? Paano kahalintulad ng mga dahilan kaya ka nagpabinyag ang mga dahilan kaya Siya nagpabinyag? Ano ang ginagawa mo ngayon para patuloy na masunod ang halimbawa ng pagiging masunurin ng Tagapagligtas?
Ang ordenansa ng sakramento ay isang lingguhang pagkakataon para muli kang mangako na tapat mong susundin si Jesucristo. Sa susunod na makibahagi ka ng sakramento, isiping basahin ang 2 Nephi 31:13 at pagnilayan ang iyong matibay na hangaring “sundin ang Anak, nang may buong layunin ng puso” at ang kahandaan mong “taglayin sa [iyong] sarili ang pangalan ni Cristo.”
Ipapakita sa akin ng Espiritu Santo ang dapat kong gawin.
Kung binyag at kumpirmasyon “ang pasukang [ating] dapat pasukin” papunta sa makipot at makitid na landas (2 Nephi 31:17), ano ang gagawin natin kapag tumatahak na tayo sa landas? Iyan ang pinag-isipan ng mga tao ni Nephi (tingnan sa 2 Nephi 32:1). Ano ang mga isinagot ni Nephi sa 2 Nephi 31:19–20 at sa kabanata 32? Anong mga sagot ang nakikita mo para sa iyong sarili?
Tingnan din sa David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 94–97.
Hinihikayat ng Aklat ni Mormon ang lahat na maniwala kay Cristo.
Sa 2 Nephi 33, nang matapos ni Nephi ang kanyang mga isinulat, ipinaliwanag niya kung bakit nga ba siya nagsusulat. Anong mga dahilan ang nakikita mo sa kabanatang ito? Pag-isipan ang nabasa mo hanggang ngayon sa 1 Nephi at 2 Nephi at mga itinala mo. Paano naisakatuparan ng mga kuwento at turo ang mga layunin ni Nephi para sa iyo? Halimbawa, paano ka nahikayat ng mga ito na “maniwala [kay Jesucristo], at magtiis hanggang wakas”? (talata 4). Isiping itala o ibahagi ang mga karanasang ito sa isang kapamilya o kaibigan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
2 Nephi 31:5–13
May mga miyembro ba ng pamilya na naghahandang mabinyagan, o may nabinyagan na ba kamakailan? Marahil ay maaari nilang ibahagi kung bakit sila nagpasiyang magpabinyag. Ayon sa mga turo ni Nephi, ano ang ilang dahilan kung bakit dapat tayong mabinyagan? Ano ang ilang pagpapalang natatanggap natin kapag nabinyagan tayo?
2 Nephi 31:17–21
Paano mo maipauunawa sa pamilya mo ang analohiya ni Nephi tungkol sa “makipot at makitid na landas”? (2 Nephi 31:18). Halimbawa, maaari kayong magtulungang idrowing ang isang landas na inilarawan ni Nephi sa 2 Nephi 31:17–21, at sulatan ito ng mga bagay na kailangan nating gawin para makapasok sa landas at patuloy na tumahak dito. Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na magpatuloy sa landas?
2 Nephi 31:20
Kung nais mong mas maipaunawa sa pamilya mo kung paano tayo nagtitiis hanggang wakas, makakatulong ang pakahulugan sa pahina 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo; gayon din ang mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw” (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 56–58).
2 Nephi 32:8–9
Para maipaunawa sa mga miyembro ng pamilya na maaari tayong “laging manalangin,” maaari kang gumawa ng listahan ng mga sitwasyon kung saan maaari tayong manalangin (o magdrowing ng mga larawang kakatawan sa mga ito). Pagkatapos ay maaaring kumanta ang pamilya mo ng isang awiting nagtuturo tungkol sa panalangin, tulad ng “Naisip Bang Manalangin?” (Mga Himno, blg. 82), na pinapalitan ng mga salitang nasa listahan nila ang ilan sa mga titik ng awitin. Paano tayo binibiyayaan ng Panginoon kapag nagdarasal tayo palagi?
2 Nephi 33:1–2
Ano ang maaaring umakay sa mga tao na “[patigasin] ang kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu”? Paano natin matitiyak na ang Espiritu Santo ay may “puwang sa [atin]”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.