Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30: “Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”


“Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30: ‘Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
tinutulungan ni Jesus ang isang babae

He Will Lead Thee by the Hand, ni Sandra Rast

Pebrero 24–Marso 1

2 Nephi 26–30

“Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”

Sabi ng Panginoon, “Inuutusan ko ang lahat … na kanilang isulat ang mga salitang aking sasabihin sa kanila” (2 Nephi 29:11). Sa pamamagitan ng Espiritu, mangungusap sa iyo ang Panginoon habang pinag-aaralan mo ang Kanyang salita. Itala ang natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Magpopropesiya ako sa inyo hinggil sa mga huling araw,” pagsulat ni Nephi (2 Nephi 26:14). Sa madaling salita, sumusulat siya noon tungkol sa ating panahon. At walang dahilan upang mag-alala tungkol sa kanyang nakita: mga taong tinatanggihan ang kapangyarihan at mga himala ng Diyos, laganap na inggitan at alitan, paggapos ng diyablo sa mga tao gamit ang matitibay na lubid. Ngunit bukod sa “mga gawain ng kadiliman” sa mga huling araw (2 Nephi 26:10, 22) na pinamumunuan ng kaaway, binanggit din ni Nephi ang “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” na pinamumunuan ng Panginoon mismo (2 Nephi 27:26). At ang nasa sentro ng gawaing iyon ay isang aklat—isang aklat na nangungusap mula sa alabok, na inilalantad ang mga kasinungalingan ni Satanas, at tinitipon ang mabubuti na tulad sa isang bantayog. Ang aklat na iyon ay ang Aklat ni Mormon, ang kagila-gilalas na gawain ay ang gawain ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw, at ang kamangha-mangha ay na inaanyayahan Niya tayong lahat, sa kabila ng ating mga kahinaan, na makibahagi.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

2 Nephi 26:20–33

Inaanyayahan ni Jesucristo ang lahat na lumapit sa Kanya.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Ama sa Langit ay mas “walang hangganan ang awa at mga pagpapala, kaysa makakaya nating paniwalaan o tanggapin” (The Joseph Smith Papers,History, 1838–1856, volume D-1,” p. 4 [addenda], josephsmithpapers.org). Basahin ang nakinita ni Nephi sa 2 Nephi 26:20–22 at ang itinuro niya tungkol sa Tagapagligtas sa mga talata 23–33, at ikumpara ito sa pahayag ni Joseph Smith. Ano ang matututuhan mo tungkol sa walang-hanggang awa ng Panginoon? Ano ang magagawa mo bilang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo para maging mas katulad ni Cristo sa paraan ng pakikitungo mo sa mga anak ng Diyos?

Tingnan din sa 3 Nephi 18:30–32.

2 Nephi 26–27

Ano ang aklat na binabanggit sa mga kabanatang ito?

Ang propesiya ni Nephi sa 2 Nephi 26–27, na humango nang husto sa mas naunang propesiya ni Isaias (tingnan sa Isaias 29), ay nagbabadya sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Inilalarawan sa propesiyang ito ang mga sumusunod:

Bukod sa Isaias, ang iba pang mga propeta sa Biblia ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, kahit hindi nila ito binabanggit sa pangalan. Halimbawa, binabanggit sa Ezekiel 37:15–20 ang isang “tungkod ni Jose,” na maaaring tumutukoy sa talaan ng mga Nephita, na mga inapo ni Jose. Ang talaang ito ay magiging kaisa ng “tungkod ni Juda,” ibig sabihin ay ang Biblia.

Ang iba pang mga halimbawa ay matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ni Mormon” (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

2 Nephi 28

Hangad ni Satanas na manlinlang.

Marami sa mga kasinungalingan at taktika ni Satanas ang inilantad sa mga paglalarawan ni Nephi sa mga huling araw sa 2 Nephi 28. Tingnan kung makikita mo ang mga ito (halimbawa, tingnan sa mga talata 6, 8, 21–23, 29). Bakit mo kailangang malaman ang tungkol sa mga kasinungalingan ni Satanas? Ano ang gagawin mo kapag sinisikap ng kaaway na linlangin ka?

2 Nephi 28:27–3129

Ang Diyos ay patuloy na naghahayag para gabayan ang Kanyang mga anak.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw biniyayaan tayo ng kasaganaan ng salita ng Diyos, kaya ang mga babala ni Nephi ay maaaring umangkop sa atin: hindi natin dapat madama na “sapat na ang kaalaman [natin]!” Habang binabasa mo ang mga babala sa 2 Nephi 28 at 29, pagnilayan ang mga tanong na tulad nito:

  • Ano ang nais ng Panginoon na madama at itugon ko sa Kanyang salita?

  • Bakit “nagagalit” ang mga tao kung minsan tungkol sa pagtanggap ng iba pang katotohanan mula sa Diyos? (2 Nephi 28:28). Ganito ba ang nadarama ko? Kung gayon, paano ako magiging mas handang tumanggap ng katotohanan?

  • Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang salita ng Diyos? Paano ko maipapakita sa Kanya na nais kong matanggap ang iba pa Niyang salita?

Tingnan din sa Alma 12:10–11; 3 Nephi 26:6–10.

2 Nephi 29–30

Inihanda ng Diyos ang Aklat ni Mormon para sa ating panahon.

Nalaman ni Nephi sa pamamagitan ng paghahayag, bago pa man naisulat nang buo ang Aklat ni Mormon, na darating ang araw na ito ay “magiging labis na mahalaga sa mga anak ng tao” (2 Nephi 28:2). Bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon sa iyo? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo ang 2 Nephi 29–30. Ano ang ilan sa “kagila-gilalas” na mga bagay na isinasakatuparan ng Diyos sa mundo at sa buhay mo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

2 Nephi 26:12–13

Itinuro ni Nephi na ipinapakita ni Jesucristo ang Kanyang Sarili sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Anong mga karanasan ang maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa kung kailan napalakas ng Espiritu Santo ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

2 Nephi 26:22; 28:19–22

Masisiyahan siguro ang pamilya mo sa isang object lesson na inilalarawan ang itinuturo sa 2 Nephi 26:22 tungkol sa diyablo. Habang nagbabasa ka tungkol sa mga taktika ni Satanas sa 2 Nephi 28:19–22, maaari kang mag-ikid ng kaunting sinulid sa mga pulso ng isang tao para kumatawan sa “de-ilong lubid.” Paano katulad ng de-ilong lubid ang mga tukso ni Satanas? Paano ito magiging isang matibay na lubid? Paano natin mararamdaman ang mga kasinungalingan ni Satanas?

Larawan
nakapulupot na kapirasong pisi

Ikinumpara ni Nephi ang mga tukso ng diyablo sa “de-ilong lubid.”

2 Nephi 27:20–21

Ano kaya ang ibig sabihin ng Panginoon kapag sinasabi Niyang, “May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain”? Paano nakakaimpluwensya ang katotohanang ito sa paraan ng paglilingkod natin sa Kanyang Simbahan?

2 Nephi 28:30–31

May maiisip ba ang pamilya mo na isang bagay, tulad ng paghahayag mula sa Diyos, na pinakamainam na matanggap nang paunti-unti? Bakit inihahayag ng Diyos sa atin ang katotohanan nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” sa halip na gawin ito nang minsanan?

2 Nephi 29:7–9

Ano ang layon ng Panginoon na patunayan o ipakita sa Aklat ni Mormon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magbahagi ng mga ideya. Ang pagtalakay ng natututuhan mo sa iba ay magpapalakas sa sarili mong pang-unawa. Matapos basahin ang 2 Nephi 29:6–14, maaari kang mahikayat na ipaliwanag sa isang kaibigan kung bakit kailangan natin ang Aklat ni Mormon.

Larawan
nagsusulat si Nephi sa mga laminang ginto

Nakapropesiya sa mga isinulat ni Nephi ang “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” na mangyayari sa mga huling araw (2 Nephi 27:26).

Print