Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon: Pinapatnubayan Niya Ako na Gumawa Alinsunod sa Kanyang Kalooban


“Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon: Pinapatnubayan Niya Ako na Gumawa Alinsunod sa Kanyang Kalooban,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
si Enos noong bata pa kasama ang kanyang amang si Jacob, at kanyang ina

Jacob and Enos, ni Scott Snow

Marso 23–29

EnosMga Salita ni Mormon

Pinapatnubayan Niya Ako na Gumawa Alinsunod sa Kanyang Kalooban

Habang binabasa mo ang Enos hanggang Mga Salita ni Mormon, hanapin ang mga mensaheng magiging mahalaga sa iyo o sa pamilya mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nagpunta si Enos sa gubat upang mangaso, ngunit nanatili siya roon para manalangin nang “buong araw … at nang dumating ang gabi” (Enos 1:3–4). Dahil talagang gutom ang kanyang kaluluwa na mapatawad sa kanyang mga kasalanan, handang magdasal nang matagal si Enos hangga’t kailangan at “[ma]kipagtunggali” pa sa harapan ng Diyos (Enos 1:2). Iyan ang taimtim na panalangin: di-gaanong hinihiling ang anumang gusto natin kundi taimtim na nagsisikap na makipagniig sa Diyos at iayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban. Kapag nananalangin ka sa ganitong paraan, kapag ang iyong tinig ay “nakarating sa kalangitan,” natutuklasan mo tulad ni Enos na naririnig ka ng Diyos, at talagang nagmamalasakit Siya sa iyo, sa mga mahal mo sa buhay, at maging sa iyong mga kaaway (tingnan sa Enos 1:4–17). Sa mga sandaling iyon, maipapaalam ng Diyos ang Kanyang kalooban sa iyo, at magiging mas handa ka at mas may kakayahang gawin ang Kanyang kalooban dahil kaisa ka Niya. Tulad ni Mormon, maaaring “hindi [mo] nalalaman ang lahat ng bagay; subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay … [at] pinapatnubayan niya [kayo] na gumawa alinsunod sa kanyang kalooban” (Mga Salita ni Mormon 1:7).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Enos 1:1–3

Ang mga salita ng isang magulang ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang impluwensya.

Ano ang mga mensahe sa mga talatang ito para sa mga magulang at sa mga anak?

Enos 1:4–27

Masasagot ang ating taos-pusong mga dalangin.

Ang karanasan ni Enos sa panalangin ay isa sa mga di-malilimutan sa banal na kasulatan. Maaaring di-gaanong madula ang mga karanasan mo, ngunit hindi ito kailangang maging di-gaanong makabuluhan. Ang mga karanasan ni Enos ay maaaring maghayag ng mga paraan para mapagbuti ang iyong mga dalangin. Narito ang ilang tanong na pagninilayan:

  • Anong mga salita ang naglalarawan sa mga pagsisikap ni Enos nang siya ay manalangin?

  • Ano ang unang ipinagdasal ni Enos? (tingnan sa Enos 1:4). Ano ang matututuhan mo mula sa tugon ni Enos matapos siyang makatanggap ng sagot? (tingnan sa Enos 1:5–7).

  • Paano kumilos si Enos ayon sa mga sagot na natanggap niya?

  • Ano ang matututuhan mo mula kay Enos kung paano magkaroon ng “matatag” na pananampalataya sa Panginoon? (Enos 1:11).

JaromOmni

Pagpapalain ako ng Panginoon kapag sinusunod ko ang mga kautusan.

Ang isa sa mga pangako ng Diyos na pinakamadalas ulitin sa Aklat ni Mormon ay na kung susundin ng mga Nephita ang mga kautusan, uunlad sila (tingnan sa 2 Nephi 1:20; Jarom 1:9–12; Omni 1:6). Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay nagpapakita ng ilang paraan na natupad ang pangakong ito. Ano ang natututuhan mo mula sa mga salaysay na ito na makakatulong sa iyo na “umunlad sa lupain”?

Omni 1:14, 21

Sino ang mga tao ni Zarahemla?

Matapos lisanin ng mga Nephita ang lupain ng Nephi, natuklasan nila ang isang malaking grupo ng mga tao na naninirahan sa isang lugar na tinatawag na Zarahemla. Ang mga tao ni Zarahemla ay mga inapo ng isang grupo ng mga Israelita na umalis ng Jerusalem, tulad ng pamilya ni Lehi, at inakay ng Diyos patungo sa lupang pangako. Kabilang sa grupong iyon si Mulek, isa sa mga anak ni Zedekias, ang hari ng Juda na nabihag ng mga taga-Babilonia noong mga 587 BC (tingnan sa Jeremias 52:1–11; Mosias 25:2; Helaman 8:21).

Nang makarating sa lupang pangako ang mga tao ni Zarahemla, nakakilala nila si Coriantumer (tingnan sa Omni 1:21), ang huling Jaredita na alam nilang nakaligtas, na ang kuwento ay isinalaysay sa aklat ni Eter.

Mga Salita ni Mormon

Ano ang Mga Salita ni Mormon?

Ang Mga Salita ni Mormon ay nagsisilbing koneksyon sa pagitan ng dalawang set ng mga lamina na bahagi ng Aklat ni Mormon. Dito nagbibigay ng paliwanag si Mormon tungkol sa dalawang talaang ito, at itinuturo ng kanyang mga salita ang isang mahalagang mensahe tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon, kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang Kanyang pamamahala.

Habang isinusulat ni Nephi ang talaan ng kanyang mga tao, inutusan siya ng Diyos na gumawa ng dalawang set ng mga lamina, na tinatawag na maliliit na lamina at malalaking lamina ni Nephi. Hindi alam ni Nephi kung bakit siya inutusang gumawa ng dalawang set ng mga lamina, ngunit nagtiwala siya na ang Panginoon ay may “isang matalinong layunin … , na kung anong layunin ay hindi ko alam” (1 Nephi 9:5; tingnan din sa “Maikling Paliwanag Tungkol sa Ang Aklat ni Mormon”).

Makalipas ang daan-daang taon, habang pinaiikli ni Mormon ang malalaking lamina ni Nephi, natuklasan niya ang maliliit na lamina. Saklaw ng maliliit na lamina ang marami sa magkakaparehong pangyayaring inilarawan sa malalaking lamina na pinaikli na ni Mormon, ngunit mas nakatuon ang maliliit na lamina sa mga espirituwal na bagay at sa paglilingkod at mga turo ng mga propeta. Binigyang-inspirasyon ng Diyos si Mormon na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang talaan bilang karagdagan sa malalaking lamina. Tulad ni Nephi, hindi naunawaan ni Mormon ang layunin ng Diyos sa pagkakaroon ng dalawang set na ito ng mga lamina, ngunit nagtiwala siya na ito ay “para sa isang matalinong layunin” (Mga Salita ni Mormon 1:7).

Ngayon ay alam na natin kung ano ang layunin ng Diyos noon. Noong 1828, matapos isalin ni Joseph Smith ang bahaging pinaikli ni Mormon sa malalaking lamina ni Nephi (116 na pahina ng manuskrito), naiwala ni Martin Harris ang mga pahinang iyon. Inutusan ng Diyos si Joseph na huwag nang ulitin ang pagsasalin ng bahaging ito dahil babaguhin ng masasamang tao ang mga salita at tatangkaing siraan si Joseph (tingnan sa D at T 10, heading ng bahagi; D at T 10:14–19, 30–45). Salamat at nakinita ito ng Diyos at inilaan ang maliliit na lamina, na sumaklaw sa kasaysayan na mismong nawala na kasama ng 116 na mga pahina. Ang maliliit na lamina ang bumubuo sa mga aklat na nauuna sa Mga Salita ni Mormon, at ang pagpapaikli ni Mormon sa malalaking lamina ay nagsisimula sa Mga Salita ni Mormon.

Larawan
tinitipon ni Mormon ang mga laminang ginto

Mormon Compiling the Plates, ni Jorge Cocco

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Enos 1:1–17

Maaaring tingnan ng pamilya mo ang isang larawan ni Enos na nagdarasal at hanapin sa Enos 1:1–17 ang mga pariralang maaaring ipamagat sa larawan. Maaari mo ring hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magdrowing ng mga larawan ng karanasan ni Enos. Ano ang matututuhan natin kay Enos tungkol sa paghingi ng tawad?

Jarom 1:12

Paano “inihayag [sa atin] ang plano ng kaligtasan” sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon?

Omni 1:12–22

Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng salita ng Diyos sa ating buhay?

Ang mga Salita ni Mormon 1:3–9

Paano tayo mapagpapala ng pag-iingat ng personal na talaan at talaan ng pamilya? Paano natin mas maitutuon kay Cristo ang ating mga talaan?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtipon nang madalas. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Huwag kailanman palagpasin ang pagkakataong tipunin ang mga anak para pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo. Ang gayong mga sandali ay napakabihira kumpara sa mga pagsisikap ng kaaway” (“The Power of Teaching Doctrine,” Ensign, Mayo 1999, 74).

Larawan
nagdarasal si Enos

Enos Praying, ni Robert T. Barrett

Print