Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 9–15. Jacob 1–4: “Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo”


“Marso 9–15. Jacob 1–4: ‘Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 9–15. Jacob 1–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

babaeng nakaluhod sa paanan ni Jesus

Forgiven, ni Greg K. Olsen

Marso 9–15

Jacob 1–4

Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo

Kapag nagtatala ka ng mga espirituwal na impresyon, ipinapakita mo na gusto mong turuan ka ng Espiritu Santo. Habang binabasa mo ang Jacob 1–4, isiping isulat ang iyong mga ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Itinuring ng mga Nephita si Nephi bilang “dakilang tagapagtanggol” nila (Jacob 1:10). Naipagtanggol niya sila laban sa mga pagsalakay ng kanilang mga kaaway, at nabalaan niya sila tungkol sa mga espirituwal na panganib. Ngayon ay wala na siya, at ang tungkulin na espirituwal na akayin ang mga Nephita ay napunta kay Jacob, na naitalaga ni Nephi na maging saserdote at guro ng mga tao (tingnan sa Jacob 1:18). Sa pamamagitan ng inspirasyon, nahiwatigan ni Jacob na kailangang turuan ang kanyang mga tao nang may “matalim na pananalita,” dahil “nagsisimula [silang] maging makasalanan” (Jacob 2:7, 5). Ang mga kasalanang ito ay katulad din ng pinaghihirapan ng mga tao na paglabanan sa ngayon: pagmamahal sa kayamanan at seksuwal na imoralidad. Subalit kahit nadama ni Jacob na kailangan niyang tuligsain ang kasamaang ito, naunawaan din niya ang damdamin ng mga biktima nito, na ang mga puso ay “nasugatan nang malalim” (Jacob 2:35). Pinatotohanan ni Jacob na ang paghihilom para sa dalawang grupong ito—ang makasalanan at ang espirituwal na nasugatan—ay nagmumula sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang mensahe ni Jacob, tulad ng mensahe ni Nephi na nauna sa kanya, ay isang panawagan na “makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Jacob 4:11).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Jacob 1:6–8, 15–19; 2:1–11

Nais ng Panginoon na gampanan kong mabuti ang aking tungkulin.

Para kay Jacob, ang pagtuturo ng salita ng Diyos ay higit pa sa isang atas mula sa kanyang kapatid—ito ay isang “tungkulin mula sa Panginoon,” kaya masigasig niyang “tinupad ang [kanyang] tungkulin” (Jacob 1:17, 19). Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ginagampanan natin ang ating mga tungkulin “habang masigasig tayong naglilingkod, habang nagtuturo tayo nang may pananampalataya at patotoo, habang nagpapasigla at nagpapalakas at nagpapatatag tayo ng pananalig sa kabutihan sa buhay ng mga taong naaantig natin” (“Magnify Your Calling,” Ensign, Mayo 1989, 47). Pag-isipan ang sarili mong “[mga] tungkulin mula sa Panginoon” habang binabasa mo ang Jacob 1:6–8, 15–19 at 2:1–11. Bakit naglingkod si Jacob nang buong katapatan? Ano ang hinihikayat ng kanyang halimbawa na gawin mo para magampanang mabuti ang iyong mga tungkulin sa Simbahan at mga responsibilidad sa tahanan?

Jacob 2:23–3:12

Nalulugod ang Panginoon sa kalinisang-puri.

May mga bunga ang kasalanan para sa mga tao at lipunan. Sa pagsasalita tungkol sa seksuwal na kasalanan, nagbabala si Jacob tungkol sa dalawang uri ng mga bunga. Kapag binasa mo ang Jacob 2:31–35 at 3:10, humanap ng mga paraan na naapektuhan ng imoralidad ang mga Nephita bilang isang lahi at bilang mga indibiduwal. Paano katulad ng mga bunga ng imoralidad na nakikita mo sa mundo ngayon ang mga paraang ito? Ano ang nakikita mo sa mga salita ni Jacob na maaaring makatulong sa iyo na ituro sa isang mahal sa buhay ang kahalagahan ng kalinisang-puri? Paano ka napagpala ng mga pagsisikap mong maging malinis ang puri?

Pansinin na binanggit din ni Jacob ang kagawiang magkaroon ng mahigit sa isang asawa. Ano ang nakikita mo sa Jacob 2:23–30 na nagpapaunawa sa iyo kung bakit inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao, sa mga limitadong sitwasyon, na mag-asawa ng marami? Ano ang damdamin Niya tungkol sa mga taong gumagawa nito nang walang pahintulot Niya?

Jacob 4

Maaari akong makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Nakiusap si Jacob sa kanyang mga tao na “makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Jacob 4:11). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin nito? Makakatulong kayang tingnan ang kahulugan ng magkasundo sa diksyunaryo? Marahil ay makakahanap ka ng mga salita o parirala sa kabanatang ito na nagmumungkahi sa iyo kung paano ka makakalapit kay Cristo para makipagkasundo sa Diyos. Halimbawa, itinuro ni Jacob na ang batas ni Moises ay ibinigay upang ituon ang mga tao kay Jesucristo (tingnan sa Jacob 4:5). Ano ang nailaan ng Diyos para ituon ka kay Cristo? Paano mo ginagamit ang mga bagay na ito para mas mapalapit ka sa Diyos?

Tingnan din sa 2 Nephi 10:24.

Jacob 4:8–18

Maiiwasan ko ang espirituwal na pagkabulag sa pamamagitan ng pagtutuon sa Tagapagligtas.

Nang hangarin ni Jacob na ibaling ang kanyang mga tao nang mas lubusan sa Panginoon, binalaan niya sila na huwag maging espirituwal na bulag at huwag hamakin ang “mga salita ng kalinawan” ng ebanghelyo (tingnan sa Jacob 4:13–14). Nagbabala si Elder Quentin L. Cook tungkol sa ganitong mga problema sa ating panahon: “Sa ngayon ay may pagkahilig ang ilan sa atin na ‘tumingin nang lampas sa tanda’ sa halip na panatilihin ang patotoo sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Nagagawa natin ito kapag ating pinapalitan ng mga pilosopiya ng mga tao ang mga katotohanan sa ebanghelyo, nagiging panatiko sa mga ilang punto sa ebanghelyo, … o pagturing sa mga patakaran nang higit sa doktrina. Ang pag-iwas sa mga ugaling ito ay makakatulong sa atin na maiwasan ang mga pagkabulag sa teolohiya at pagkatisod na binabanggit ni Jacob” (“Pagtingin nang Lampas sa Tanda,” Liahona, Mar. 2003, 22).

Ayon sa Jacob 4:8–18, ano ang magagawa natin para makatuon sa Tagapagligtas at maiwasan ang espirituwal na pagkabulag?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Jacob 1:6–8, 15–19; 2:1–11; 4:18

Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nagpapakita ng pagmamahal na nadama ni Jacob sa mga pinamunuan niya? Ano ang nagawa ng mga pinuno ng ating Simbahan para ipadama sa atin ang kanilang “paghahangad at pag-aalala para sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa”? (Jacob 2:3). Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga paraan na masusuportahan natin ang mga pinuno ng ating Simbahan. Maaari kayong magplanong gawin ang isang bagay bilang pamilya para sa mga lokal na lider ng Simbahan, tulad ng paggawa ng maiikling sulat para pasalamatan sila sa kanilang paglilingkod o pag-alaala sa kanila at sa kanilang mga pamilya sa inyong mga panalangin.

Jacob 2:8

Paano pinaghihilom ng salita ng Diyos ang “sugatang kaluluwa”?

Jacob 2:12–21

Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano natin dapat ituring ang materyal na kayamanan? Ano ang ginagawa natin para tulungan ang ibang nangangailangan ng ating tulong?

Jacob 3:1–2

Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “pusong dalisay” at “umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip”?

Jacob 4:4–11

Ang isang paraan para maipaunawa sa pamilya mo ang ibig sabihin ng maging “matatag” sa kanilang pananampalataya ay maghanap ng malaking puno na malapit sa inyo at sabihin sa mga miyembro ng pamilya na ugain ang bawat sanga. Pagkatapos ay pasubukan sa kanila na ugain ang katawan ng puno. Bakit mas mahirap ugain ang katawan ng puno? Ano ang matututuhan natin sa mga turo ni Jacob kung paano magkaroon ng “matatag” na pananampalataya?

malaking puno sa isang parke

Tulad ng katawan ng isang puno, ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay maaaring maging “matatag.”

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Makinig sa Espiritu. Sa pag-aaral mo, bigyang-pansin ang mga naiisip at nadarama mo (tingnan sa D at T 8:2–3), kahit parang wala itong kaugnayan sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon mismo ang mga bagay na nais ipaalam at ipagawa ng Diyos sa iyo.

nagsusulat si Jacob sa mga laminang ginto

I Will Send Their Words Forth (Jacob the Teacher), ni Elspeth Caitlin Young