Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 9–15. Jacob 1–4: “Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo”


“Marso 9–15. Jacob 1–4: ‘Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 9–15. Jacob 1–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

babaeng nakaluhod sa paanan ni Jesus

Forgiven [Pinatawad Na], ni Greg K. Olsen

Marso 9–15

Jacob 1–4

Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo

Habang binabasa mo ang Jacob 1–4, pagnilayan kung aling mga alituntunin mula sa mga kabanatang ito ang pinakamahalaga na matutuhan ng mga bata. Maghangad ng espirituwal na patnubay para malaman kung paano pinakamainam na maituturo ang mga alituntuning ito, at itala ang iyong mga impresyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila o ng kanilang pamilya sa linggong ito upang matuto mula sa Jacob 1–4. Maaari mo ring hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na naaalala nila mula sa lesson noong nakaraang linggo. Ano ang mga maaari mong itanong sa kanila para tulungan silang makaalala?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Jacob 1:6–8, 18; 2:1–11

Ang Diyos ay tumatawag ng mga lider ng Simbahan na makakatulong sa akin na sundin si Jesucristo.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na sila ay pagpapalain sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng mga lider ng Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gumawa ng mga simpleng puppet na kakatawan kina Jacob at Jose, mga nakababatang kapatid ni Nephi, na mga lider noon ng Simbahan. Magbahagi ng ilang talata mula sa Jacob 1 at 2 upang maipaliwanag ang mga dapat gawin kung tinawag na maging mga pinuno ng Simbahan. Halimbawa, hinihikayat tayo ng mga lider na “maniwala kay Cristo” (Jacob 1:8), inaanyayahan tayo na magsisi (tingnan sa Jacob 2:5–6, 9–10), at “[ipinahahayag] ang salita ng Diyos” (Jacob 2:2, 11). Ipagamit sa mga bata ang mga puppet upang magkunwari na ginagawa ang ilan sa mga bagay na ito.

  • Anyayahan ang mga bata na banggitin ang pangalan ng ilan sa mga lider ng Simbahan na kilala nila, tulad ng mga lider sa Primary, mga miyembro ng bishopric, at mga propeta at apostol. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na pinagpapala tayo ng mga lider na ito.

dalawang lalaki na nagkakamayan sa ibabaw ng isang mesa

Tinutulungan tayo ng ating mga lider sa Simbahan na sundin si Jesucristo.

Jacob 2:12–14, 17–21

Makatutulong ako sa ibang nangangailangan sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila.

Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo na dumarating ang mga pagpapala kapag nagbabahagi sila sa mga nangangailangan? Paano mo sila matutulungan na malaman na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na tumulong sila sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na ang ilan sa mga tao sa panahon ni Jacob ay napakayaman, ngunit hindi nila gustong ibahagi kung ano ang mayroon sila sa mga taong mahihirap. Basahin ang Jacob 2:17–19 upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang mga turo ni Jacob sa mga tao ito. Sa paggawa mo nito, bigyan ang mga bata ng mga larawan o bagay na mahahawakan nila na nauugnay sa mga salita o parirala sa mga talatang ito.

  • Anyayahan ang mga bata na isadula ang mga paraan na maibabahagi nila kung ano ang mayroon sila sa isang taong nangangailangan. Magpatotoo na tayo ay pinagpapala kapag nagbabahagi tayo sa iba.

  • Magdala ng isang bagay sa klase na maibabahagi mo sa mga bata. Ibigay ang ilan sa mga ito sa bawat bata, at ipaliwanag na ikaw ay nagbabahagi. Itanong sa kanila kung ano ang nadama nila nang magbahagi ka sa kanila. Ano ang nararamdaman nila kapag nagbabahagi sila sa iba? Tulungan silang mag-isip ng isang bagay na maibabahagi nila upang tulungan ang isang tao na maging masaya.

Jacob 4:6

Mapalalakas ko ang aking pananampalataya kay Jesucristo.

Nang si Jacob ay namuhay nang matwid sa kabila ng mga kasamaan sa kanyang paligid, ang kanyang pananampalataya ay naging napakalakas kaya ito ay hindi na matitinag. Pagnilayan kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya na hindi matitinag.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na ginagawa nila upang gawing mas malakas ang kanilang mga katawan. Ano ang magagawa natin para mas palakasin ang ating pananampalataya? Buklatin ang mga banal na kasulatan sa Jacob 4:6, at tulungan ang mga bata na matuklasan kung ano ang ginawa ni Jacob at ng kanyang mga tao para gawing “matatag” ang kanilang pananampalataya.

  • Kantahin ang “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132) na kasama ang mga bata. Sa isang panig ng pisara, magdrowing ng isang bahay na itinayo sa buhangin. Sa kabilang panig ng pisara, magdrowing ng isang bahay na itinayo sa ibabaw ng bato. Kung maaari, magdala ng buhangin at bato sa klase. Alin ang mas madaling kalugin o ilipat? Alin sa buhangin o bato ang gusto nating maging katulad ng ating pananampalataya?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Jacob 1:6–8, 18; 2:1–6, 11

Ang Diyos ay tumatawag ng mga lider ng Simbahan na makakatulong sa akin na sundin si Jesucristo.

Ang mga batang tinuturuan mo ay pagpapalain kapag sila ay nagtitiwala at sumusunod sa payo ng mga lider ng Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahing kasama ng mga bata ang Jacob 1:6–8 at 2:1–6, 11, habang tinutulungan silang maghanap ng mga pariralang naglalarawan kung paano pinamumunuan ng mga lingkod ng Diyos ang Simbahan. Sabihin sa kanila na isulat ang mga katagang ito sa mga piraso ng papel at pagkatapos ay idispley ang mga piraso ng papel sa pisara. Bakit tumatawag ang Diyos ng mga lider ng Simbahan na gagabay sa atin? Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga karanasan sa pag-aaral o sa pagtanggap ng patnubay mula sa mga lider ng Simbahan o guro at ang mga pagpapalang natanggap nila.

  • Hilingin sa mga bata na magdrowing ng larawan ng isang lider sa Simbahan na nakikilala nila, at pahulaan sa ibang miyembro ng klase ang iginuhit nila. Ano ang ginagawa ng mga lider na ito para tulungan tayong sundin si Jesucristo? Anyayahan ang mga bata na sumulat ng maiikling liham sa mga lider ng Simbahan upang pasalamatan sila sa kanilang paglilingkod.

  • Anyayahan ang isang lokal na lider ng Simbahan na sabihin sa mga bata kung ano ang ginagawa niya para magampanan ang kanyang tungkulin. Hilingin sa mga bata na banggitin ang ilang bagay na magagawa nila upang masang-ayunan ang kanilang mga lider.

Jacob 2:12–14, 17–21

Makatutulong ako na mapasaya ang ibang tao sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila.

Handa ang tunay na mga tagasunod ni Jesucristo na ibahagi sa iba kung ano ang mayroon sila. Hikayatin ang mga bata na maghatid ng kagalakan sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na maraming tao sa panahon ni Jacob ang naging mapagmataas at masungit dahil minahal nila ang kayamanan (tingnan sa Jacob 2:12–14, 17–21). Anyayahan ang ilang bata na basahin nang malakas ang Jacob 2:17–19, at tulungan silang maunawaan ang anumang mahihirap na salita. Ano ang dapat nating hangarin bago tayo maghangad ng kayamanan? Ano ang dapat nating pagsikapang gawin sa anumang yaman na natatanggap natin?

  • Basahin ang Jacob 2:17 sa mga bata. Anong mga pagpapala ang naibahagi na sa atin ng Ama sa Langit? Bakit nais Niya na magbahagi tayo sa isa’t isa? Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa mga pagkakataon na nagbahagi sila ng isang bagay sa ibang tao, kabilang ang nadama nila at kung ano ang nadama ng taong binahaginan nila.

Jacob 4:4–13, 17

Mapalalakas ko ang aking pananampalataya kay Jesucristo.

Ang pananampalataya ni Jacob ay naging hindi natitinag nang saliksikin niya ang mga salita ng mga propeta at nang matanggap niya ang sarili niyang patotoo (tingnan sa Jacob 4:6). Paano mo matutulungan ang mga bata na magnais na magkaroon ng pananampalataya na hindi matitinag?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na nagiging malakas at matatag sa paglipas ng panahon, tulad ng isang malaking puno. Paano nahahalintulad ang pananampalataya sa mga bagay na naisip nila? Anong mga kataga sa Jacob 4:6, 10–11 ang naglalarawan sa mga magagawa natin upang gawing hindi natitinag ang ating pananampalataya? Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang listahan sa pisara tungkol sa mga paraan na makapagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

  • Ibahagi ang analohiya ni Elder Neil L. Andersen tungkol sa mga punong lumalaki sa mahanging kapaligiran, sa kanyang mensahe na “Mga Espirituwal na Buhawi” (Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18–21), o ipakita ang video na “Spiritual Whirlwinds” (ChurchofJesusChrist.org). Bakit mahalaga na maging hindi natitinag at malakas na tulad ng katawan ng isang puno ang ating pananampalataya? Ano ang isinasagisag ng mga buhawi? Ano ang magagawa natin para makabuo ng hindi natitinag na pananampalataya? Tulungan ang mga bata na umisip ng iba pang analohiya na nagtuturo tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya na hindi natitinag.

    2:24
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na maibabahagi nila sa kanilang pamilya—kabilang na ang pagbabahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon. Bigyan sila ng pagkakataon sa mga susunod na aralin na magsalita tungkol sa kanilang ibinahagi.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hikayatin ang pagpipitagan. Ipaunawa sa mga bata na ang isang mahalagang aspeto ng pagpipitagan ay ang pag-iisip tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mong ipaalala sa mga bata na maging mapitagan sa pamamagitan ng pagkanta nang mahina o paghimig ng isang awitin o pagdidispley ng larawan ni Jesus.