Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25: “Nagagalak Tayo kay Cristo”


“Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25: ‘Nagagalak Tayo kay Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

nagsusulat si Isaias sa mga scroll

Pebrero 17–23

2 Nephi 11–25

“Nagagalak Tayo kay Cristo”

Itinuro ni Nephi na ang mga salita ni Isaias ay “malinaw … sa lahat ng yaong puspos ng diwa ng propesiya” (2 Nephi 25:4). Habang nagbabasa ka, hangarin ang diwa ng propesiya sa pamamagitan ng espirituwal na paghahanda sa iyong sarili, pakikinig sa Espiritu, at pagtatala ng mga impresyon mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Hindi madaling umukit sa mga laminang metal, at limitado ang espasyo sa maliliit na lamina ni Nephi. Kaya bakit magpapakapagod si Nephi na kopyahin ang marami sa mga isinulat ni Isaias sa kanyang talaan? Ginawa niya ito “upang kung sinuman … ang makababasa ng mga salitang ito ay magkaroon ng sigla sa kanilang mga puso at magsaya” (2 Nephi 11:8). Sa isang banda, ang paanyayang basahin ang mga isinulat ni Isaias ay isang paanyayang magsaya. Maaari kang malugod, tulad ni Nephi, sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagtitipon ng Israel, pagdating ng Mesiyas, at kapayapaan sa milenyo na ipinangako sa matutuwid. Maaari kang magalak na kahit sa araw ng “kaligaligan, at kadiliman,” ikaw ay “nakakita ng dakilang liwanag” (2 Nephi 18:22; 19:2). Maaari kang magalak na ikaw ay “iigib ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan” (2 Nephi 22:3). Sa madaling salita, maaari kang “magalak kay Cristo” (2 Nephi 25:26).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

2 Nephi 11–25

Paano ko mas mauunawaan ang mga turo ni Isaias?

Kinilala ni Nephi na, “hindi malinaw [sa ilan] ang mga salita ni Isaias” (2 Nephi 25:4). Tiyak na totoo ito para sa mga taong hindi pamilyar sa sinaunang kultura at heograpiya ng mga Judio tulad ni Nephi noon (tingnan sa 2 Nephi 25:6). Ngunit pinayuhan din tayo ni Nephi para tulungan tayong makakita ng kabuluhan sa mga isinulat ni Isaias:

“[Ihalintulad] ang kanyang mga salita sa” iyong sarili (2 Nephi 11:2).Maraming posibleng kahulugan at aplikasyon ang marami sa mga turo ni Isaias. Halimbawa, ang kanyang mga isinulat tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel ay maaaring maghikayat sa iyo na isipin ang pangangailangan mong “matipon” pabalik sa Tagapagligtas.

Hangaring “[ma]puspos ng diwa ng propesiya” (2 Nephi 25:4).Ang pinakamainam na paraan para maunawaan ang mga propesiya ni Isaias ay ang maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu. Manalangin para sa espirituwal na patnubay. Maaaring hindi mo maunawaan ang lahat nang sabay-sabay, ngunit matutulungan ka ng Espiritu na malaman ang kailangan mong malaman para sa buhay mo ngayon.

Maaari ding makatulong sa iyo ang pagsangguni sa mga tulong sa pag-aaral na nasa mga banal na kasulatan, kabilang na ang mga footnote, mga heading ng mga kabanata, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at iba pa.

2 Nephi 11:2–8; 25:19–29

“Ang tamang landas ay maniwala kay Cristo.”

Kapwa pinasimulan at tinapos ni Nephi ang kanyang pagsipi kay Isaias sa pagpapahayag ng kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 11:2–8; 25:19–29). Ano ang napapansin mo sa kanyang patotoo? Sa pag-aaral mo sa linggong ito, isipin ang mga hangarin ni Nephi na “hikayatin ang [kanyang] mga anak … na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” (2 Nephi 25:23), at pansinin ang mga talatang humihikayat sa iyo na maniwala at sumunod kay Jesucristo.

Maaaring makatulong na tandaan na marami sa mga turo ni Isaias tungkol sa Tagapagligtas ang ipinararating sa pamamagitan ng mga simbolo. Halimbawa, maaari mong makita ang Tagapagligtas sa mga simbolo tulad ng panginoon ng isang ubasan (tingnan sa 2 Nephi 15:1–7), isang bato (tingnan sa 2 Nephi 18:14), at liwanag (tingnan sa 2 Nephi 19:2). Anong iba pang mga simbolo ni Jesucristo ang nakikita mo sa mga kabanatang ito? Ano ang itinuturo ng mga simbolong ito sa iyo tungkol sa Kanya?

2 Nephi 12–13

Ang mga palalo at makamundo ay payuyukuin.

Nakinita ni Nephi na kapalaluan ang magiging dahilan ng pagbagsak ng kanyang mga tao (tingnan sa 1 Nephi 12:19). Kaya hindi nakakagulat na ibabahagi ni Nephi sa kanyang mga tao ang paulit-ulit na mga babala ni Isaias laban sa kapalaluan. Sa mga kabanata 12 at 13, hanapin ang mga salitang ginamit ni Isaias upang ilarawan ang pagiging palalo, tulad ng matatayog at mapagmataas. Pagkatapos ay maaari mong subuking sabihin ang mga babalang ito sa sarili mong mga salita, na para bang sumusulat ka sa sarili mo ng isang mensahe para magbabala tungkol sa kapalaluan.

Tingnan din sa “Kabanata 18: Mag-ingat sa Kapalaluan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 269–80).

2 Nephi 12:2–5; 21:9–12; 22; 24:1–3

Sa Milenyo, magtatamasa ng kapayapaan ang mga tao ng Diyos.

Maaaring makatulong na ilagay ang sarili mo sa lugar ni Nephi at ng kanyang mga tao. Kunwari’y tumakas ka mula sa Jerusalem bago ito winasak (tingnan sa 2 Nephi 25:10), at ngayo’y bahagi ka na ng pagkalat ng Israel. Ano kaya ang pakiramdam kung mabasa mo ang mga turo ni Isaias tungkol sa pagtitipon ng Israel sa hinaharap at sa isang mapayapang Milenyo? Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay natawag na tumulong na tipunin ang mga tao ng Diyos sa mga huling araw bilang paghahanda sa paghahari ni Cristo sa milenyo. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, pagnilayan kung paano ka tumutulong na matupad ang mga propesiyang inilalarawan ng mga ito. Ano ang nahihikayat kang gawin para tumulong na matipon ang mga tao ng Diyos?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

2 Nephi 12:1–3

Kung nakapunta ka na sa templo—“ang bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon”—maaari mong ibahagi sa pamilya mo kung paano ka natutulungan ng mga tipan sa templo na “[lumakad] sa mga landas [ng Panginoon].” Kung hindi ka pa nakapunta sa templo, ang sama-samang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring maghikayat ng isang talakayan kung paano kayo makapaghahanda para sa mga pagpapala ng templo.

2 Nephi 15:18–23

Makapag-iisip ba ang pamilya mo ng mga makabagong halimbawa ng masasamang ideya na inilalarawan ng mga talatang ito? Paano natin maiiwasang malinlang ng mga maling ideya tungkol sa mabuti at masama?

2 Nephi 21

Kung kailangan ng pamilya mo ng tulong na maunawaan ang kabanatang ito (na tumutugma sa Isaias 11), maaari kang makakita ng mga kabatiran sa Doktrina at mga Tipan 113:1–6, kung saan sinasagot ni Propetang Joseph Smith ang ilang tanong tungkol sa Isaias 11. Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?

2 Nephi 21:9

Ano ang ilang partikular na bagay na magagawa natin para makatulong na punuin ang mundo ng “kaalaman sa Panginoon”?

2 Nephi 25:23–26

Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng pamilya mo na “[magalak] kay Cristo”? Maaari mo siguro silang anyayahang sumulat sa maliliit na papel tungkol sa Tagapagligtas na nagpapagalak sa kanila. Pagkatapos, sa mga oras ng family home evening o pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, maaaring basahin ng isa sa inyo ang nakasulat sa isang maliit na papel. Maaaring magdagdag ang mga miyembro ng pamilya ng sinulatang maliliit na papel sa buong taon.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang mga pattern. Sa mga banal na kasulatan makikita natin ang mga pattern kung paano kumikilos ang Panginoon. Halimbawa, sa 2 Nephi 11–25, maaari mong makita ang mga pattern na nagpapakita kung paano nagbababala at nagpapatawad ang Panginoon.

Panama City Panama Temple

Panama City Panama Temple. “[A]ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, … at magsisiparoon ang lahat ng bansa” (2 Nephi 12:2).