Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5: “Kami ay Namuhay nang Maligaya”


“Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5: ‘Kami ay Namuhay nang Maligaya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Paglisan nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden

Adam and Eve, ni Douglas Fryer

Pebrero 3–9

2 Nephi 1–5

“Kami ay Namuhay nang Maligaya”

Ang mga banal na kasulatan ay lumilikha ng pagkakataong tumanggap ng personal na paghahayag. Habang binabasa mo ang 2 Nephi 1–5, maaari mong malaman na may partikular na bagay ang Panginoon na nais Niyang ituro sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kung alam mo na mamamatay ka na, ano ang mga huling mensahe na gugustuhin mong ibahagi sa mga taong pinakamamahal mo? Nang madama ng propetang si Lehi na malapit na siyang mamatay, tinipon niya ang kanyang mga anak sa huling pagkakataon para magpropesiya at magbahagi ng itinangi niyang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga taong itinangi niya. Itinuro niya ang kalayaan, pagsunod, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo, at kagalakan. Hindi lahat ng kanyang mga anak ay tinanggap ang kanyang huling patotoo, ngunit nakita ng mga tumanggap—pati na ng milyun-milyong nagbabasa nito ngayon—sa kanyang patotoo ang mga alituntunin ng pamumuhay “nang maligaya” (2 Nephi 5:27).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

2 Nephi 2

Malaya akong piliin ang buhay na walang-hanggan.

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Layon ng Diyos na dapat kumilos ang Kanyang mga anak ayon sa kalayaang moral na ibinigay Niya sa kanila. … Kanyang plano at kalooban na tayo mismo ang gumawa ng desisyon sa ating buhay” (“Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili,” Ensign o Liahona, Nob. 2014,17). Sa kanyang mga turo tungkol sa kalayaan, tinukoy ni Lehi ang mahahalagang kundisyon na nagbibigay-daan sa kalayaan at nagbibigay-kakayahan sa atin na maabot ang ating banal na potensyal, kabilang na ang mga sumusunod:

  1. Kaalaman tungkol sa mabuti at masama (2 Nephi 2:5)

  2. Batas na ibinigay sa sangkatauhan (2 Nephi 2:5)

  3. Magkasalungat at nakakaakit na mga pagpili (2 Nephi 2:11)

  4. Kapangyarihang kumilos (2 Nephi 2:16)

Habang binabasa mo ang 2 Nephi 2, ano ang natututuhan mo tungkol sa bawat isa sa mga kundisyong ito ng kalayaan at sa kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa? Ano ang mangyayari sa ating kalayaan kung wala ang isa o mahigit pa sa mga kundisyong ito? Ano pa ang natututuhan mo tungkol sa kalayaan mula sa mga salita ni Lehi?

2 Nephi 2:22–29

Ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mahahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

3:8

Isang malagim na pangyayari ang tingin ng maraming tao sa Pagkahulog nina Adan at Eva. Gayunman, inihahayag ng mga turo ni Lehi tungkol sa Pagkahulog kung bakit ito mahalagang bahagi ng plano ng Ama para sa ating walang-hanggang pag-unlad. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, hanapin kung bakit kinailangang mangyari ang Pagkahulog para tayo—na mga anak ng Ama sa Langit—ay umunlad. Paano tayo tinubos ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas mula sa Pagkahulog?

Tingnan din sa Moises 5:9–12; 6:51–62; “Fall of Adam and Eve,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org.

2 Nephi 3:6–24

Si Joseph Smith ay inorden noon pa man na ipanumbalik ang ebanghelyo.

Ang huling bahagi ng 2 Nephi 3 ay naglalaman ng isang propesiyang ibinigay ni Jose ng Egipto na magkakaroon ng isang tagakita na kapangalan niya (tingnan sa mga talata 14–15)—Joseph Smith. Marami rin itong masasabi tungkol sa misyon ni Joseph Smith. Ano ang sinasabi sa mga talata 6–24 na gagawin ni Joseph Smith, na isang “piling tagakita,” upang pagpalain ang mga tao ng Diyos? Paano naging “malaki ang kahalagahan” sa iyo ng gawain ni Joseph Smith?

Ang isang mahalagang bahagi ng misyon ni Joseph Smith ay ang ilabas ang mga isinulat ng mga binhi ni Jose, na nasa Aklat ni Mormon. Ano ang natututuhan mo mula sa kabanatang ito tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon?

Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

si propetang Joseph Smith

Prophet of the Lord, ni David Lindsley

2 Nephi 4:15–35

Maaari akong bumaling sa Diyos sa aking kahinaan.

Kamamatay lang ng ama ni Nephi. Responsibilidad na niya ngayong pamunuan ang kanyang pamilya. Pakiramdam niya ay napapaligiran siya ng tukso at pinanghinaan-ng-loob dahil sa kanyang mga kasalanan. Kahit naiiba ang sitwasyon mo kay Nephi, maaari kang makaugnay sa ilan sa kanyang mga iniisip at nadarama na nakatala sa 2 Nephi 4:15–35. Ano ang nakatulong kay Nephi sa kanyang mga paghihirap? Paano makakatulong ang tugon ni Nephi sa kanyang mga hamon sa pagharap mo sa mga pakikibaka sa buhay?

2 Nephi 5

Ang kaligayahan ay matatagpuan sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Paano mo bibigyang-kahulugan ang kaligayahan? Isinulat ni Nephi na ang kanyang mga tao ay namuhay “nang maligaya” (2 Nephi 5:27). Maaari mong hanapin ang mga pagpiling ginawa ni Nephi at ng kanyang mga tao na humantong sa kaligayahan—mga paraan na sinuportahan nila ang isa’t isa at ang kanilang pamilya, ang pinahalagahan nila sa kanilang komunidad, at marami pang iba. Ano ang natututuhan mo na makakatulong sa iyo na magkaroon ng maligayang buhay, gaya ng mga tao ni Nephi?

2 Nephi 5:20–21

Ano ang sumpa na sumapit sa mga Lamanita?

Noong panahon ni Nephi ang sumpa ng mga Lamanita ay na sila ay “itatakwil mula sa harapan [ng Panginoon] … dahil sa kanilang kasamaan” (2 Nephi 5:20–21). Ibig sabihin nito ang Espiritu ng Panginoon ay inalis sa kanilang buhay. Nang kalaunan ay tinanggap ng mga Lamanita ang ebanghelyo ni Jesucristo, “ang sumpa ng Diyos ay hindi na sila sinundan pa” (Alma 23:18).

Nakasaad din sa Aklat ni Mormon na ang tanda ng maitim na balat ay dumating sa mga Lamanita matapos humiwalay sa kanila ang mga Nephita. Ang katangian at anyo ng tanda na ito ay hindi lubusang nauunawaan. Noong una dahil sa tanda ay nakilala ang mga Lamanita mula sa mga Nephita. Kalaunan, nang kapwa ang mga Nephita at Lamanita ay dumanas ng mga panahon ng kasamaan at kabutihan, ang tanda ay hindi na naging indikasyon ng katayuan ng mga Lamanita sa harapan ng Diyos.

Pinagtitibay ng mga propeta sa ating panahon na ang maitim na balat ay hindi tanda ng hindi pagkagusto o sumpa ng langit. Niyayakap ng Simbahan ang turo ni Nephi na ang Panginoon ay “wala[ng] tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” (2 Nephi 26:33). Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Binigyang-diin ng Panginoon ang Kanyang mahalagang doktrina ng pantay na pagkakataon para sa Kanyang mga anak. … Ang mga pagkakaiba sa kultura, wika, kasarian, lahi, at nasyonalidad ay nawawalan ng kabuluhan sa pagpasok ng mga Banal sa daan ng tipan at sa paglapit sa ating pinakamamahal na Manunubos” (“President Nelson Remarks at Worldwide Priesthood Celebration” [Hunyo 1, 2018], newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

Tingnan din sa “Till We All Come in the Unity of the Faith” (video, ChurchofJesusChrist.org).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, tutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

2 Nephi 1:13–25

Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pinakadakilang hangarin ng isang mabuting magulang para sa kanyang mga anak?

2 Nephi 3:6

Sama-samang basahin ang “Tagakita” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Paano naging isang tagakita si Joseph Smith? Bakit nagpapasalamat tayo sa nagawa ni Joseph Smith? (tingnan sa 2 Nephi 3:6–24).

2 Nephi 4:20–25

Habang sama-sama ninyong binabasa ang 2 Nephi 4:20–25, tumigil pagkatapos ng bawat talata, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi kung kailan nila naranasan o nadama ang inilalarawan ni Nephi. Ano ang nagawa ng Diyos para sa ating pamilya?

2 Nephi 5

3:1

Ano ang ilan sa mga paraan na namumuhay ang pamilya mo “nang maligaya”? Habang binabasa ng pamilya mo ang 2 Nephi 5, maaari ninyong talakayin ang mga bagay na mahalaga sa mga Nephita: pamilya (talata 6), mga kautusan (talata 10), ang mga banal na kasulatan (talata 12), edukasyon (talata 15), mga templo (talata 16), trabaho (talata 17), at mga tungkulin ng Simbahan (talata 26). Ang isang paraan para magawa ito ay hanapin ang mga bagay na kumakatawan sa ilan sa mga bagay na ito at pag-usapan kung paano natin ipinapakita na pinahahalagahan natin, tulad ng mga Nephita, ang mga bagay na ito.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging mapagmasid. Kung nagtutuon ka ng pansin sa nangyayari sa buhay ng iyong mga anak, makakahanap ka ng magagandang pagkakataong magturo. Maaari ring maging mga sandali ng pagtuturo ang mga puna o tanong ng iyong mga anak. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16.)

pamilya ni Lehi na nakaluhod sa dalampasigan

Lehi and His People Arrive in the New World, ni Clark Kelley Price