Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10: “O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!”


“Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10: ‘O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
nagdarasal si Jesus sa Getsemani

Not My Will, But Thine, Be Done, ni Harry Anderson

Pebrero 10–16

2 Nephi 6–10

“O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!”

Habang binabasa mo ang 2 Nephi 6–10, pagnilayan kung ano ang sinisikap na ituro ng Panginoon sa iyo. Habang tinutukoy mo ang mga katotohanang ito, itala ang mga ito at isipin nang may panalangin kung paano ka kikilos ayon sa natututuhan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Hindi kukulangin sa 40 taon na mula nang lisanin ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem. Sila ay nasa isang kakaibang bagong lupain, na napakalayo sa Jerusalem at sa iba pang pinagtipanang mga tao ng Diyos. Namatay na si Lehi, at nagsisimula na sa kanyang mga inapo ang alitan na tatagal nang isang siglo sa pagitan ng mga Nephita—na “[naniwala] sa mga babala at paghahayag ng Diyos”—at ng mga Lamanita, na hindi naniwala rito (2 Nephi 5:6). Sa ganitong sitwasyon, ninais ni Jacob, na nakababatang kapatid ni Nephi at ngayon ay naorden na bilang guro sa mga Nephita, na malaman ng mga pinagtipanang tao na hindi sila kailanman kalilimutan ng Diyos, kaya hindi nila Siya dapat kalimutan. Ito ay isang mensaheng tiyak na kailangan natin sa ating sariling mundo, kung saan hinahamak ang mga tipan at tinatanggihan ang mga paghahayag. “Atin siyang alalahanin, … sapagkat hindi tayo itatakwil. … Dakila ang mga pangako ng Panginoon,” sabi niya (2 Nephi 10:20–21). Sa mga pangakong iyon, wala nang hihigit pa sa pangako ng “walang hanggang pagbabayad-sala” na daraig sa kamatayan at impiyerno (2 Nephi 9:7). “Samakatwid,” pagtatapos ni Jacob, “magalak sa inyong mga puso”! (2 Nephi 10:23).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

2 Nephi 6–8

Ang Panginoon ay maawain sa Kanyang mga tao at tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.

Para maipaunawa sa kanyang mga tao na sila ay bahagi ng sambahayan ni Israel at maaaring magtiwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako, sinipi ni Jacob ang propesiya ni Isaias, na nakatala sa 2 Nephi 6–8. Inilarawan ni Isaias ang pagkalat ng Israel at ang ipinangako ng Tagapagligtas na pagtitipon at pagtubos sa Kanyang mga tao. Habang nagbabasa ka, pagnilayan ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod:

  • Ano ang natututuhan ko tungkol sa nakatutubos na pagmamahal ng Tagapagligtas para sa akin?

  • Anong pag-aliw ang alok ng Tagapagligtas sa mga taong naghahanap sa Kanya?

  • Ano ang magagawa ko upang mas tapat na “maghintay” para sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinangakong mga pagpapala?

2 Nephi 9:1–26

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, iniligtas ni Jesucristo ang lahat ng tao mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan.

Anong mga salita o larawan ang gagamitin mo upang masabi sa isang tao ang malaking pangangailangan natin na sagipin tayo ng isang Manunubos mula sa kamatayan at kasalanan? Ginamit ni Jacob ang mga salitang “kakila-kilabot” at “halimaw.” Ano ang itinuro ni Jacob tungkol sa “yaong halimaw, na kamatayan at impiyerno” at ang “makawala” na naihanda ng Diyos para sa atin? (2 Nephi 9:10). Habang binabasa mo ang 2 Nephi 9:1–26, isiping markahan ng isang kulay ang mangyayari sa atin kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkatapos, gamit ang isa pang kulay, maaari mong markahan kung ano ang matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Anong mga katotohanan ang nakikita mo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na dahilan para purihin mo ang “karunungan ng Diyos, ang kanyang awa at biyaya”? (2 Nephi 9:8).

2 Nephi 9:27–54

Maaari akong lumapit kay Cristo at tumanggap ng mga dakilang pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Naparito si Jesucristo “sa daigdig upang kanyang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig” (2 Nephi 9:21; idinagdag ang italics). Sa madaling salita, kailangan tayong maging handang tanggapin ang nakapagliligtas na mga pagpapala na Kanyang iniaalok. Matapos ilarawan ang dakilang plano ng pagtubos, nagbigay si Jacob ng mahahalagang babala at paanyaya, na matatagpuan sa 2 Nephi 9:27–54, para tulungan tayong matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Isiping itala ang mga ito sa isang tsart na tulad nito:

Mga Babala

Mga Paanyaya

Mga Babala

Mga Paanyaya

Mga Babala

Mga Paanyaya

Ano ang nadarama mong ipinahihiwatig ng Espiritu na gawin mo bilang tugon sa mga babala at paanyayang ito?

2 Nephi 10:20, 23–25

Dahil sa sakripisyo ni Jesucristo, maaari akong “magalak” sa puso ko.

Ang mensahe ni Jacob ay masaya. “Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito,” sabi niya, “upang kayo ay magsaya, at itaas ang inyong mga ulo magpakailanman” (2 Nephi 9:3). Habang binabasa mo ang 2 Nephi 10:20, 23–25, ano ang nakikita mo na nagbibigay sa iyo ng pag-asa? Ano pa ang iba mong nakita sa 2 Nephi 9–10 na nagbigay sa iyo ng pag-asa? Ano ang gagawin mo upang maalala ang mga bagay na ito kapag pinanghihinaan ka ng loob?

Tingnan din sa Juan 16:33.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

2 Nephi 8:3–7

Kapag binasa ninyo ang 2 Nephi 8:3, maaari kang magpakita ng mga larawan ng isang disyerto at isang halamanan. Paano ginagawang halamanan ng Panginoon ang mga disyerto sa ating buhay? Sa mga talata 4–7, ano ang ipinapayo ng Panginoon na gawin natin upang matanggap ang kagalakang nakalarawan sa talata 3?

2 Nephi 8:24–25

Paano tayo mapapalakas ng nakapanghihikayat na mga salita ni Isaias sa mga tao ng Sion sa mga pagsisikap nating maging mas matatapat na disipulo ni Jesucristo? Paano nakatulad ng nais ng Diyos na gawin natin sa espirituwal ang paggising at pagbibihis?

2 Nephi 9:1–26

Ano ang magagawa ng pamilya mo para mas maunawaan ang kahalagahan ng “walang hanggang Pagbabayad-sala” ni Jesucristo? (talata 7). Marahil ay maaari nilang tingnan o isipin ang mga bagay na tila walang hanggan sa dami—mga damo sa bukid, mga butil ng buhangin sa dalampasigan, o mga bituin sa kalangitan. Paano naging walang hanggan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Anong mga parirala sa 2 Nephi 9 ang nagpapalalim sa ating pasasalamat sa ginawa ng Tagapagligtas para sa atin?

2 Nephi 9:27–44

Marahil ay maaaring saliksikin ng pamilya mo isang araw ng linggong ito ang 2 Nephi 9:27–38, na naghahanap ng mga babala (na pinangungunahan ng “sa aba”). Alin sa mga ito ang tila lalong mahalagang talakayin ng pamilya mo? Sa ibang araw, maaari mong saliksikin ang 2 Nephi 9:39–44, na hinahanap ang sinabi ni Jacob na alalahanin ng kanyang mga tao.

2 Nephi 9:28–29, 50–51

Ano ang ilang halimbawa ng “kahambugan, at mga kahinaan, at kahangalan ng mga tao”? (talata 28). Ano ang magagawa natin para mas mapahalagahan ang mga bagay ng Diyos at di-gaanong pahalagahan ang mga bagay ng mundo?

2 Nephi 9:45

Maaaring masiyahan ang pamilya mo sa paggawa ng tanikalang papel at pagkatapos ay maghalinhinan sa pagsusuot nito at pagwagwag dito. Paano nakatulad ng mga tanikala ang mga kasalanan? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na iwagwag ang mga ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-ukol ng oras upang madaling lapitan. “Ang ilan sa pinakamagagandang sandali para makapagturo ay nagsisimula sa isang tanong o problema na nasa puso ng isang miyembro ng [pamilya]. … Ipaalam sa mga miyembro ng pamilya sa mga salita at gawa na sabik kang marinig sila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16).

Larawan
pinagagaling ni Jesus ang mga tao

Ililigtas ng Tagapagligtas ang lahat ng anak ng Diyos “kung sila ay makikinig sa kanyang tinig” (2 Nephi 9:21). He Healed Many of Diverse Diseases, ni J. Kirk Richards

Print