Ang Doktrina ni Cristo
Sa Simbahan ngayon, gaya noong una, ang pagtatatag ng doktrina ni Cristo o pagwawasto sa paglihis sa doktrina ay ginagawa sa pamamagitan ng banal na paghahayag.
Lubos naming pinasasalamatan at minamahal sina Sister Beck, Sister Allred, at Sister Thompson, at ang Relief Society board.
Nakita natin nitong huli ang pagkakaroon ng interes ng mga tao sa mga pinaniniwalaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tinatanggap natin ito dahil ang pangunahing layunin ng Simbahan ay ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang Kanyang doktrina, sa buong mundo (tingnan sa Mateo 28:19–20; D at T 112:28). Ngunit dapat nating tanggapin na nagkaroon at mayroon pa ring ilang kalituhan tungkol sa ating dokrina at kung paano ito naitatag. Iyan ang paksang nais kong talakayin ngayon.
Itinuro ng Tagapagligtas ang Kanyang doktrina sa kalagitnaan ng panahon, at lubos na nahirapan ang Kanyang mga Apostol na pangalagaan ito laban sa pagdagsa ng maling tradisyon at pilosopiya. Ang mga Sulat sa Bagong Tipan ay nagbabanggit ng maraming pangyayari na nagpapakita na nagsisimula na ang matindi at malawakang apostasiya noong panahon ng pangangasiwa ng mga Apostol.1
Ang sumunod na mga siglo ay manaka-nakang nabigyang-liwanag ng ebanghelyo hanggang, noong ika-19 na siglo, sumilay ang maningning na liwanag ng Panunumbalik sa mundo, at ang ebanghelyo ni Cristo, na buo at kumpleto, ay muling napasalupa. Ang maluwalhating araw na ito ay nagsimula nang, sa “isang haligi ng liwanag na … higit pa sa liwanag ng araw” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16), bumisita ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo sa binatilyong si Joseph Smith at pasimulan ang pagbuhos ng paghahayag na lakip ang banal na kapangyarihan at awtoridad.
Sa mga paghahayag na ito sa mga huling araw ay makikita ang matatawag nating pangunahing doktrina ng Simbahan ni Jesucristo na muling itinatag dito sa mundo. Ipinaliwanag mismo ni Jesus ang doktrinang iyon sa mga salitang ito na nakatala sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo:
“At ito ang aking doktrina, at ito ang doktrinang ibinigay ng Ama sa akin; at ako ay nagpapatotoo sa Ama, at ang Ama ay nagpapatotoo sa akin, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa akin; at ako ay nagpapatotoo na inuutusan ng Ama ang lahat ng tao, saan man, na magsisi at maniwala sa akin.
“At sinuman ang maniniwala sa akin, at mabinyagan, siya rin ay maliligtas; at sila yaong magmamana ng kaharian ng Diyos.
“At sinuman ang hindi maniniwala sa akin, at hindi mabinyagan, ay mapapahamak.
“… At sinuman ang naniniwala sa akin ay naniniwala rin sa Ama; at sa kanya ang Ama ay magpapatotoo ng tungkol sa akin, sapagkat kanya siyang dadalawin ng apoy at ng Espiritu Santo. …
“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang aking doktrina, at sinuman ang magtatayo sa ibabaw nito ay nagtatayo sa ibabaw ng aking bato, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila” (3 Nephi 11:32–35, 39).
Ito ang ating mensahe, ang batong ating kinatatayuan, ang pundasyon ng lahat sa Simbahan. Tulad ng lahat ng nagmumula sa Diyos, ang doktrinang ito ay dalisay, malinaw, madaling maunawaan—kahit ng isang bata. Malugod naming inaanyayahan ang lahat na tanggapin ito.
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, “naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Ibig sabihin kahit na marami pa tayong hindi alam o nauunawaan, ang mga katotohanan at doktrinang natanggap natin ay dumating at patuloy na darating sa pamamagitan ng banal na paghahayag. Sa ilang kaugalian sa relihiyon, sinasabi ng mga iskolar nila na ang kanilang awtoridad na magturo ay kapantay ng pamunuan ng relihiyon, at ang mga bagay ukol sa doktrina ay maaaring maging tagisan ng kanilang mga opinyon. Ang ilan ay nakasalig sa malalaking konsehong nagtataguyod ng pagkakaisa ng mga Kristiyano at sa kanilang mga turo. Ang iba naman ay nakatuong mabuti sa pagsisikap ng mga iskolar, pagkaraang mamatay ang mga apostol, na pag-aralan ang paraan ng interpretasyon ng Biblia at paggawa ng interpretasyon nito. Pinahahalagahan natin ang karunungan na nagpapaigi sa pang-unawa, ngunit sa Simbahan ngayon, tulad noon, ang pagbuo ng doktrina ni Cristo o pagwawasto ng mga paglihis sa doktrina ay inihahayag ng langit sa mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng karapatan bilang apostol.2
Noong 1954, si Pangulong J. Reuben Clark Jr., na tagapayo noon sa Unang Panguluhan, ay nagpaliwanag kung paano ipinalalaganap ang doktrina sa Simbahan at ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Pangulo ng Simbahan. Sa pagsasalita tungkol sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi niya: “Dapat [nating tandaan] na ang ilan sa mga General Authority ay nabigyan ng natatanging tungkulin; maytaglay silang espesyal na kaloob; sila ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na kaloob na may kaugnayan sa kanilang pagtuturo sa mga tao. Sila ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan. Ang ibang mga General Authority ay hindi nabibigyan ng ganitong espesyal na espirituwal na kaloob at awtoridad sa kanilang pagtuturo; sila ay may kaukulang limitasyon, at ang limitasyon ng kanilang kapangyarihan at awtoridad sa pagtuturo ay angkop sa iba pang mga pinuno at miyembro ng Simbahan, sapagkat wala ni isa sa kanila ang espirituwal na pinagkalooban na gaya ng propeta, tagakita, at tagapaghayag. Bukod pa rito, gaya ng kasasaad lamang, ang Pangulo ng Simbahan ay may higit at natatanging espirituwal na kaloob hinggil sa bagay na ito, sapagkat siya ang Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag para sa buong Simbahan.”3
Paano inihahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang kalooban at doktrina sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? Maaari Siyang magsugo o Siya mismo ang mangusap. Maaaring Siya mismo ang magsalita o sa pamamagitan ng tinig ng Banal na Espiritu—isang pakikipag-ugnayan ng Espiritu sa espiritu na maipararating sa salita o sa damdamin na nagpaparating ng pang-unawang hindi kayang ipaliwanag (tingnan sa 1 Nephi 17:45; D at T 9:8). Maaari Siyang mangusap sa bawat isa sa Kanyang mga lingkod o sa lupon ng Kanyang mga lingkod (tingnan sa 3 Nephi 27:1–8).
Babanggit ako ng dalawang salaysay mula sa Bagong Tipan. Ang una ay isang paghahayag na ibinigay sa pinuno ng Simbahan. Sa unang bahagi ng aklat ng Mga Gawa, makikita natin na ang mga Apostol ni Cristo ay sa mga Judio lamang nangangaral ng ebanghelyo, na sinusunod ang huwaran ng ministeryo ni Jesus (tingnan sa Mateo 15:24), ngunit ngayon, ayon sa takdang oras ng Panginoon, dumating na ang panahon para baguhin ito. Sa Joppe, nanaginip si Pedro na nakakita siya ng iba’t ibang klase ng hayop sa “isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok” (Mga Gawa 10:11) na ibinaba sa lupa mula sa langit at inutusan siyang “magpatay, at kumain” (Mga Gawa 10:13). Nag-atubili si Pedro dahil ang ilan sa mga hayop ay “marumi” ayon sa batas ni Moises, at hindi kailanman nilabag ni Pedro ang kautusang huwag kainin ang mga iyon. Gayunman, sinabi ng tinig kay Pedro sa kanyang panaginip, “Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi” (Mga Gawa 10:15).
Naging malinaw ang kahulugan ng panaginip nang hindi pa natatagalan pagkatapos niyon, dumating sa tirahan ni Pedro ang ilang lalaking isinugo ng Romanong senturion na si Cornelio at hiniling nila na pumunta siya sa kanilang pinuno para turuan ito. Natipon ni Cornelio ang malaking grupo ng mga kamag-anak at kaibigan, at nang makitang sabik silang naghihintay na matanggap ang kanyang mensahe, sinabi ni Pedro:
“Ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao’y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal. …
“… Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao:
“Kundi sa bawa’t bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya” (Mga Gawa 10:28, 34–35; tingnan din sa mga talata 17–24).
“Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita.
“At silang [mga kasama ni Pedro] ay nangamanghang lahat … sapagka’t ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo.
“… Nang magkagayo’y sumagot si Pedro,
“Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?” (Mga Gawa 10:44–47).
Sa karanasang ito at paghahayag kay Pedro, binago ng Panginoon ang kaugalian sa Simbahan at higit na ipinaunawa ang doktrina sa Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng paghahayag. Kaya nga ang pangangaral ng ebanghelyo ay lumaganap sa buong sangkatauhan.
Sa bandang huli sa aklat na Mga Gawa, makikita natin ang tila kaugnay na paglalarawan, na sa pagkakataong ito ay nagpapakita kung paano maaaring dumating sa isang kapulungan ang paghahayag hinggil sa doktrina. Nagkaroon ng pagtatalo kung ang pagpapatuling kailangan sa ilalim ng batas ni Moises ay dapat ituring na isang kautusan sa ebanghelyo at Simbahan ni Cristo (tingnan sa Mga Gawa 15:1, 5). “At nangagkatipon ang mga apostol at ang mga [elder] upang pagusapan ang bagay na ito” (Mga Gawa 15:6). Ang ating tala tungkol sa kapulungang ito ay hindi kumpleto, ngunit sinabi sa atin na pagkaraan ng “maraming pagtatalo” (Mga Gawa 15:7), tumindig si Pedro, ang senior na Apostol, at ipinahayag ang bagay na pinagtibay sa kanya ng Banal na Espiritu. Ipinaalala niya sa kapulungan na nang simulang ipangaral ang ebanghelyo sa hindi tuling mga Gentil sa bahay ni Cornelio, natanggap nila ang Espiritu Santo na tulad ng mga binyagang tuling Judio. Sabi niya, ang Diyos ay “hindi nagtatangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso.
“Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala?
“Datapuwa’t naniniwala tayo na tayo’y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila” (Mga Gawa 15:9–11; tingnan din sa talata 8).
Matapos magsalita sina Pablo, Bernabe, at marahil ay ang iba pa para suportahan ang sinabi ni Pedro, isinusog ni Santiago na ipatupad ang desisyon sa isang liham sa Simbahan, at “[nagkaisa]” ang kapulungan (Mga Gawa 15:25; tingnan din sa mga talata 12–23). Sa liham na nagsasaad ng kanilang desisyon, sinabi ng mga Apostol, “Minagaling ng Espiritu Santo, at namin” (Mga Gawa 15:28), o sa madaling salita, ang desisyong ito ay dumating sa pamamagitan ng banal na paghahayag ng Banal na Espiritu.
Ang mga huwarang ito ay sinusunod ngayon sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ang Pangulo ng Simbahan ay maaaring maglahad o magbigay-kahulugan sa mga doktrina batay sa paghahayag sa kanya (tingnan, halimbawa ang D at T 138). Ang paliwanag ukol sa doktrina ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng magkasamang kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan, halimbawa ang, Opisyal na Pahayag 2). Palaging nababanggit sa pinag-uusapan sa kapulungan ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga lider ng Simbahan, at mga dating ginagawa. Ngunit sa huli, tulad sa Simbahan sa Bagong Tipan, ang adhikain ay hindi lamang ang magkaisa ang mga miyembro ng kapulungan kundi ang magtamo ng paghahayag mula sa Diyos. Ito ay prosesong kinapapalooban kapwa ng katwiran at pananampalataya na makamit ang kagustuhan at kalooban ng Panginoon.4
Dapat ding alalahanin na hindi lahat ng pahayag ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang isang pahayag ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o maybisa sa buong Simbahan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ang propeta [ay] isang propeta lamang kapag kumikilos siya bilang gayon.”5 Si Pangulong Clark, na nabanggit kanina, ay nagsabing:
“Sa puntong ito isang simpleng kuwento ang isinalaysay sa akin ng tatay ko noong bata pa ako, hindi ko alam kung sa anong awtoridad, ngunit inilalarawan nito ang puntong iyon. Ikinuwento niya na noong nagkakagulo ang mga tao sa pagdating ng [Johnston] Army, si Brother Brigham ay nangangaral sa mga tao isang umaga sa pulong na nagpapahayag ng matinding pagtutol sa paparating na hukbo, at paglaban at pagtaboy sa mga ito pabalik. Sa pulong sa hapon siya ay tumindig at sinabing si Brigham Young ang nagsalita kaninang umaga, ngunit ang Panginoon naman ang magsasalita ngayon. At ibinigay niya ang isang mensahe, na ang mensahe ay kabaligtaran ng sinabi noong umaga. …
“… Malalaman ng Simbahan sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu Santo sa mga miyembro kung ang mga kapatid ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo’ sa paglalahad ng kanilang pananaw; at sa tamang panahon ang kaalamang iyon ay ipamamalas.”6
Pinagtibay ni Propetang Joseph Smith ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas sa ating doktrina sa isang mahalagang pahayag: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”7 Nagpatotoo si Joseph Smith na si Jesus ay buhay, “sapagkat siya ay [kanyang] nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama” (D at T 76:23; tingnan din sa talata 22). Sumasamo ako sa lahat ng nakikinig o bumabasa sa mensaheng ito na hangarin sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang patotoo ring iyon ukol sa banal na pagkatao, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Tanggapin ang Kanyang doktrina sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagkatapos ay habambuhay ninyong sundin ang mga batas at tipan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sa pagsapit ng pagdiriwang natin ng Paskua, ipinahahayag ko ang aking patotoo na si Jesus ng Nazaret ang Anak ng Diyos, ang mismong Mesiyas na ipinropesiya noong unang panahon. Siya ang Cristo, na nagdusa sa Getsemani, namatay sa krus, inilibing, at tunay na nagbangong muli sa ikatlong araw. Siya ang nabuhay na mag-uling Panginoon, na sa pamamagitan Niya tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli at lahat ng magnanais ay matutubos at dadakilain sa Kanyang kaharian sa langit. Ito ang ating doktrina, na nagpapatunay sa lahat ng naunang mga tipan ni Jesucristo at sinariwa sa ating panahon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.