2010–2019
Magkaroon ng Mithiing Kumilos
Abril 2012


Magkaroon ng Mithiing Kumilos

Kung gusto nating umunlad sa halip na mapasama, dapat makita natin ang ating sarili kung paano tayo nakikita ng Tagapagligtas.

Tulad ng lahat ng mabubuting magulang, gusto ng mga magulang ko na magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. Hindi miyembro ang aking ama, at dahil sa kakaibang sitwasyon noon, ipinasiya ng aking mga magulang na lisanin naming magkakapatid ang tahanan namin sa American Samoa, sa South Pacific, at magtungo sa Estados Unidos para mag-aral.

Ang desisyong mawalay sa amin ay mahirap sa mga magulang ko, lalo na kay Inay. Alam nila na mahihirapan kami dahil maiiba ang aming kapaligiran. Gayunpaman, itinuloy nila ang plano nang may pananampalataya at determinasyon.

Dahil lumaking Banal sa mga Huling Araw, alam ng aking ina ang mga alituntunin ng pag-aayuno at pagdarasal, at parehong naramdaman ng aking mga magulang na kailangan nila ng pagpapala ng langit para matulungan ang kanilang mga anak. Sa hangaring iyon, nagsimula silang magtakda ng isang araw sa isang linggo para ipag-ayuno at ipagdasal kami. Mithiin nilang ihanda ang kanilang mga anak para sa isang magandang kinabukasan. Dahil sa mithiing ito, kumilos sila at may pananampalatayang hinangad ang mga pagpapala ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagdarasal, nakadama sila ng katiyakan, kapanatagan, at kapayapaan na magiging maayos ang lahat.

Sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, paano tayo nagkakaroon ng pang-unawang kailangan para magawa ang mga bagay na mas maglalapit sa atin sa Tagapagligtas? Sa pagbanggit sa pang-unawa, itinuro ng aklat ng Mga Kawikaan ang katotohanang ito: “Kung saan walang pangitain [pang-unawa], ang bayan ay sumasama” (Mga Kawikaan 29:18). Kung gusto nating umunlad sa halip na mapasama, dapat makita natin ang ating sarili kung paano tayo nakikita ng Tagapagligtas.

Higit pa ang nakita ng Tagapagligtas sa mga hamak na mangingisdang iyon na Kanyang pinasunod sa Kanya kaysa sa nakita nila sa kanilang sarili noon; nakita Niya ang maaaring maging kahinatnan nila. Nakita Niya ang kanilang kabutihan at potensyal, at tinawag Niya sila. Wala pa silang gaanong karanasan noong una, ngunit nang sumunod sila, nakita nila ang Kanyang halimbawa, naantig ng Kanyang mga turo, at naging Kanyang mga disipulo. May isang pagkakataong lumayo sa Kanya ang ilan sa Kanyang mga disipulo dahil ang mga bagay na narinig nila ay mahirap para sa kanilang gawin. Nababatid na maaaring umalis din ang iba, itinanong ni Jesus sa Labindalawa, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” (Juan 6:67). Nakita sa sagot ni Pedro kung paano siya nagbago at kung paano niya naunawaan kung sino ang Tagapagligtas. “Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang mga may salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68), ang sagot niya.

Sa pagkaunawang iyon, nagawa ng matatapat na disipulong ito ang mahihirap na bagay habang naglalakbay sila para ipangaral ang ebanghelyo at itatag ang Simbahan nang lumisan ang Tagapagligtas. Sa huli, ilan sa kanila ang nagbuwis ng buhay para sa kanilang patotoo.

May iba pang halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga taong nakaunawa sa ebanghelyo at pagkatapos ay kumilos dahil sa pag-unawang iyan. Nakaunawa si Alma nang marinig niya si Abinadi na matapang na nagtuturo at nagpapatotoo sa harap ni Haring Noe. Tumalima si Alma sa mga itinuro ni Abinadi at itinuro ang mga bagay na natutuhan niya, at bininyagan ang maraming naniniwala sa kanyang mga salita (tingnan sa Mosias 17:1–4; 18:1–16). Habang inuusig ang mga naunang Banal, si Apostol Pablo ay nagbalik-loob habang patungo sa Damasco at dahil dito ay nagturo at nagpatotoo tungkol kay Cristo (tingnan sa Mga Gawa 9:1–6, 20–22, 29).

Sa ating panahon maraming kabataang lalaki, kababaihan, at mga mag-asawang may-edad na ang tumugon sa panawagan ng propeta ng Diyos na magmisyon. May pananampalataya at tapang na nilisan nila ang kanilang tahanan at lahat ng nakasanayan dahil naniniwala sila sa magandang magagawa nila bilang mga misyonero. Nang tumalima sa kanilang mithiing maglingkod, napagpala nila ang buhay ng marami at, dahil doon, ay nabago ang sarili nilang buhay. Sa huling pangkalahatang kumperensya, pinasalamatan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson sa paglilingkod natin sa isa’t isa at ipinaalala sa atin ang ating responsibilidad na maging mga kamay ng Diyos sa pagpapala ng Kanyang mga anak dito sa lupa (tingnan sa “Sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2011, 108). Nakaaantig ang pagsunod sa atas na ito nang kumilos ang mga miyembro ng Simbahan dahil sa mithiin niyang ito.

Dahil alam Niya na kakailanganin natin ang tulong, ito ang sinabi ng Tagapagligtas bago Siya lumisan, “Hindi ko kayo iiwang magisa” (Juan 14:18). Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo, “Ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26). Ito rin ang Espiritu Santo na magpapalakas at maghihikayat sa ating gawin ang mga bagay na itinuturo ng ating Tagapagligtas at ng ating mga makabagong propeta at apostol.

Habang ipinamumuhay natin ang mga turo ng ating mga lider, lumalalim ang ating pang-unawa sa nakikinita ng Diyos sa atin. Sa buong kumperensyang ito nakatanggap tayo ng magagandang payo mula sa mga propeta at apostol. Pag-aralan ang kanilang mga turo at pagbulay-bulayin ang mga ito sa inyong mga puso habang hinahangad ang Banal na Espiritu Santo para tulungan kayong maunawaan ang mga turong ito sa inyong buhay. Taglay ang pang-unawang iyan, sundin nang may pananampalataya ang kanilang payo.

Saliksikin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan na may layuning maliwanagan at malaman pa ang kanilang mensahe sa inyo. Pagbulay-bulayin ang mga ito sa inyong puso at hayaang bigyang-inspirasyon kayo nito. Pagkatapos ay sundin ang natanggap na inspirasyon.

Tulad ng natututuhan natin bilang isang pamilya, nahihikayat tayong kumilos kapag nag-aayuno at nagdarasal tayo. Binanggit ni Alma ang pag-aayuno at pagdarasal bilang mga paraan na makatatanggap ng katiyakan nang sabihin niyang “Ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili” (Alma 5:46). Malalaman din natin kung paano harapin ang mga hamon sa ating buhay sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagdarasal.

Nakararanas tayo ng mahihirap na bagay sa ating buhay na kung minsan ay nakababawas ng ating pang-unawa at pananampalatayang gawin ang mga dapat gawin. Lubha tayong nagiging abala kaya nahihirapan tayo at wala nang magawang anuman. Bagama’t tayo ay magkakaiba, mapagkumbaba kong iminumungkahing ibatay natin ang ating mithiin sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo. Ano ang nakita Niya kina Pedro, Santiago, at Juan at sa iba pang Apostol na naghikayat sa Kanya na anyayahan silang sumunod sa Kanya? Tulad ng nakita Niya sa kanila, nakikitaan din tayo ng Tagapagligtas ng malaking potensyal. Kakailanganin natin ng pananampalataya at tapang na taglay ng mga unang Apostol para magtuon tayong muli sa mga bagay na pinakamahalaga na magdudulot ng walang hanggang kaligayahan at galak.

Kapag pinag-aralan natin ang buhay ng Tagapagligtas at Kanyang mga turo, makikita natin Siyang nagtuturo, nagdarasal, nagbibigay ng inspirasyon, at nagpapagaling sa mga tao. Kapag tinularan natin Siya at ginawa ang mga bagay na nakikita nating ginagawa Niya, nakikinita na natin ang ating kahihinatnan. Bibiyayaan kayo ng inspirasyong gumawa pa ng tama sa tulong ng Espiritu Santo. Magkakaroon ng pagbabago, at maiaayos ninyo ang inyong buhay na magdudulot ng pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya. Noong siya ay nagministeryo sa mga Nephita, itinanong ng Tagapagligtas, “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” Sumagot Siya, “Maging katulad ko” (3 Nephi 27:27). Kailangan natin ang Kanyang tulong para maging katulad Niya, at ipinakita Niya sa atin ang paraan: “Kaya nga, humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan; sapagkat siya na humihingi ay tumatanggap; at siya na kumakatok ay pagbubuksan” (3 Nephi 27:29).

Alam ko na kapag nakikinita natin ang ating sarili tulad ng nakikita sa atin ng Tagapagligtas, at kapag kumilos tayo ayon dito, pagpapalain ang ating buhay sa paraang hindi natin inaasahan. Dahil sa mithiin ng aking mga magulang, hindi lamang napagpala ang aking buhay ng mga natamo kong edukasyon, nagbigay rin ito sa akin ng pagkakataong matagpuan at matanggap ang ebanghelyo. At ang mas mahalaga, natutuhan ko ang kahalagahan ng mababait at matatapat na magulang. Sa madaling salita, nabago ang aking buhay magpakailanman.

Tulad ng aking mga magulang na nahikayat ng kanilang mithiin na ipag-ayuno at ipagdasal ang kapakanan ng kanilang mga anak at tulad ng mga naunang Apostol na nahikayat ng kanilang nakinita at sumunod sa Tagapagligtas, mauunawaan din natin ang mithiing iyon at bibigyang inspirasyon at tutulungan tayo nito na kumilos. Mga kapatid, tayo ay mga taong kilalang may mga mithiin at pananampalataya at tapang na kumilos. Tingnan ninyo kung saan tayo nagsimula at ang mga pagpapalang natanggap na natin! Maniwalang ipauunawa Niya ang inyong mithiin at bibigyan kayo ng tapang na kumilos.

Ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang hangaring makabalik tayo sa Kanya. Upang magawa iyan, dapat may pananampalataya tayong kumilos—sundin Siya at maging tulad Niya. Sa iba’t ibang pagkakataon sa ating buhay, iniaabot Niya ang Kanyang kamay at inaanyayahan tayo:

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:29–30).

Tulad ng nakita ng Tagapagligtas na malaking potensyal ng Kanyang mga disipulo noong una, nakikita rin Niya ito sa atin. Tingnan natin ang ating sarili kung paano tayo nakikita ng Tagapagligtas. Dalangin ko na mapasaatin ang pang-unawang iyan nang may pananampalataya at tapang na kumilos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.