2010–2019
Papatnubayan Sila ng Munting Bata
Abril 2012


Papatnubayan Sila ng Munting Bata

Dapat maunawaan ng mga mag-asawa na ang kanilang unang tungkulin—kung saan hindi sila kailanman mare-release—ay sa isa’t isa at pagkatapos ay sa kanilang mga anak.

Maraming taon na ang nakalilipas, isang gabing malamig sa istasyon ng tren sa Japan ay narinig ko ang pagtuktok sa bintana ng aking tulugan. Doo’y nakatayo ang isang batang lalaking giniginaw suot ang sira-sirang kamiseta at may nakataling nanlilimahid na basahan sa kanyang namamagang panga. Puno ng galis ang kanyang ulo. May hawak siyang makalawang na lata at kutsara, na simbolo ng pulubing ulila. Habang hirap kong binubuksan ang pinto para bigyan siya ng pera, umandar na ang tren.

Hindi ko kailanman malilimutan ang nagugutom na musmos na naiwang nakatayo sa lamig, hawak ang basyong lata. At hindi ko malilimutan na wala akong nagawa habang dahan-dahang papalayo ang tren at naiwan siyang nakatayo sa platform.

Makalipas ang ilang taon sa Cusco, na isang mataas na lungsod sa Andes ng Peru, kami ni Elder A. Theodore Tuttle ay nagdaos ng sacrament meeting sa mahaba, makitid na silid na nakaharap sa kalye. Gabi na noon, at habang nagsasalita si Elder Tuttle, isang batang lalaki, marahil mga anim na taong gulang, ang lumitaw sa may pintuan. Ang tanging suot niya ay sira-sirang kamiseta na hanggang tuhod niya.

Sa aming kaliwa ay may maliit na mesa na may plato ng tinapay para sa sacrament. Nakita nitong nagugutom na pulubi ang tinapay at dahan-dahang lumapit dito. Halos nasa mesa na siya nang makita siya ng isang babaing nakaupo sa gilid ng upuan. Naitaboy niya ang bata sa kadiliman ng gabi sa pamamagitan ng isang galaw ng kanyang ulo. Nakaramdam ako ng awa.

Bumalik ang bata kalaunan. Dahan-dahan niyang ginaygay ang dingding, na sumusulyap sa tinapay at sa akin. Nang nasa punto na siyang makikita siyang muli ng babae, iniunat ko ang aking mga kamay, at nagtatakbo siya papunta sa akin. Kinandong ko siya.

Pagkatapos, parang puno ng simbolo, iniupo ko siya sa silya ni Elder Tuttle. Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, nalungkot akong makitang tumakbo paalis ang gutom na batang lalaki sa dilim ng gabi.

Pagkauwi ko, ikinuwento ko kay Pangulong Spencer W. Kimball ang aking karanasan. Labis siyang naantig at sinabi niya sa akin, “Kinandong mo ang isang bansa.” At hindi lang niya minsang sinabi sa akin, “Higit na makahulugan ang karanasang iyon kaysa nalalaman mo.”

Sa halos 100 beses na pagbisita ko sa mga bansa ng Latin America, hinanap ko ang batang iyon sa mukha ng mga tao. Ngayon ay alam ko na ang ibig sabihin noon ni Pangulong Kimball.

May isa pa akong nakitang giniginaw na batang lalaki sa mga lansangan ng Salt Lake City. Malalim na ang gabi noon isang gabi ng taglamig. Lilisanin na namin ang Pamaskong hapunan sa isang hotel. Sa kalye ay may anim o walong maiingay na batang lalaki na paparating. Silang lahat ay dapat na nasa bahay na at hindi nakalantad sa lamig.

Isang bata ang walang pangginaw. Panay ang talon niya para mawala ang ginaw. Naglaho siya sa isang kanto, walang dudang patungo sa isang maliit at hamak na apartment at higaan na walang sapat na kumot para mainitan siya.

Sa gabi, kapag nagkukumot na ako, nagdarasal ako para sa mga taong walang mainit na kamang mahigaan.

Nadestino ako noon sa Osaka, Japan, nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig. Nawasak ang lungsod, at ang mga kalye ay puno ng mga bato, labi, at mga butas na sanhi ng bomba. Bagamat tinamaan ng bomba ang halos lahat ng mga puno, may ilan sa mga ito na nakatayo pa rin at sira na ang mga sanga at puno at may ilang dahon na umusbong.

Isang maliit na batang babae na nakasuot ng lumang dekolor na kimono ang abalang nagtitipon ng mga dilaw na dahon ng sycamore at ginagawa itong isang pumpon. Tila walang alam ang batang ito sa pinsalang nakapalibot sa kanya habang namumulot siya sa mga labi para dagdagan ang mga dahon na napulot niya. Nakita niya ang nag-iisang kagandahan na naiwan sa kanyang daigdig. Marahil masasabi kong siya ay isang magandang bahagi ng kanyang mundo. Kahit paano, kapag naiisip ko siya ay nadaragdagan ang aking pananampalataya. Makikita sa bata ang pag-asa.

Itinuro ni Mormon na ang “maliliit na bata ay buhay kay Cristo”1 at hindi kailangang magsisi.

Sa paglipat ng siglo, may dalawang misyonerong naglingkod sa kabundukan ng katimugang Estados Unidos. Isang araw, mula sa tuktok ng isang burol, nakakita sila ng mga taong nagtitipon sa kapatagan sa ibaba. Madalang magkaroon ng maraming matuturuan ang mga misyonero, kaya’t bumaba sila sa kapatagan.

Nalunod ang isang batang lalaki, at idaraos ang libing. Ipinasundo ng kanyang mga magulang ang ministro upang “basbasan” ang kanilang anak. Nanatili sa likuran ang mga misyonero samantalang hinaharap ng palakad-lakad na ministro ang nagdadalamhating ama at ina at sinimulan ang kanyang sermon. Kung umasa ang mga magulang na makatanggap ng pag-alo mula sa lalaking ito na nakaabito, masisiphayo sila.

Pinagalitan niya ang mga magulang sa hindi pagpapabinyag sa bata. Ipinagpaliban nila ito sa kung anong dahilan, at ngayon ay huli na ang lahat. Tuwiran niyang sinabi sa kanila na ang kanilang anak ay napunta sa impiyerno. Sila ang may kasalanan. Sila ang sisisihin sa kanyang walang katapusang kaparusahan.

Nang matapos ang sermon at natabunan na ang puntod, nilapitan ng mga elder ang nagdadalamhating mga magulang. “Kami po ay mga lingkod ng Panginoon,” ang sabi nila sa ina, “at naparito kami para maghatid ng mensahe sa inyo.” Habang nakikinig ang humihikbing mga magulang, binasa ng dalawang elder ang mga paghahayag at nagpatotoo tungkol sa panunumbalik ng mga susi para sa ikatutubos kapwa ng mga buhay at patay.

Naawa ako sa mangangaral na iyon. Ginagawa niya ang lahat batay sa taglay niyang liwanag at kaalaman. Ngunit dapat ay higit pa roon ang kaya niyang ialok. Nariyan ang kabuuan ng ebanghelyo.

Ang mga elder ay nagsilbing mga taga-alo, mga guro, mga lingkod ng Panginoon, mga awtorisadong ministro ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang mga batang ito na nabanggit ko ay kumakatawan sa lahat ng mga anak ng ating Ama sa Langit. “Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon: at … maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon.”2

Ang paglikha ng buhay ay malaking responsibilidad ng mag-asawa. Hamon ng mortalidad ang maging karapat-dapat at responsableng magulang. Ang lalaki ni ang babae ay hindi maaaring magkaanak nang mag-isa. Nilayon na magkaroon ang mga bata ng dalawang magulang—kapwa ama at ina. Walang ibang huwaran o proseso ang maaaring maging kapalit nito.

Isang babae noon ang umiiyak na nagsabi sa akin na noong estudyante pa siya sa kolehiyo ay nakagawa siya at ang kanyang nobyo ng malaking pagkakamali. May kinausap ang nobyo na maglalaglag sa sanggol. Dumating ang panahon na nakatapos sila ng pag-aaral at ikinasal sila at nagkaroon ng iba pang mga anak. Sinabi niya sa akin kung gaano ang kanyang paghihirap kapag tinitingnan ang kanyang pamilya, ang magaganda niyang mga anak, at makinita sa kanyang isipan ang dapat sanang kalagyan ng isang batang iyon na ipinalaglag.

Kung nauunawaan at ipinamumuhay ng mag-asawang ito ang Pagbabayad-sala, malalaman nila na ang mga karanasang iyon at ang hapding dulot nito ay maaaring mapawi. Walang sakit o pait na tatagal habampanahon. Hindi madali, ngunit ang buhay ay hindi nilayong maging madali o patas. Ang pagsisisi at ang pag-asang dulot ng kapatawaran ay palaging sulit na pagsikapang kamtin.

Isa pang mag-asawa na bata pa ang umiiyak na nagsabi sa akin na kagagaling lamang nila sa isang doktor na nagsabing hindi sila maaaring magkaroon ng sariling mga anak. Labis silang nalungkot sa balita. Nagulat sila nang sabihin ko na kung tutuusin ay napakapalad nila. Nagtaka sila kung bakit ko nasabi iyon. Sinabi kong mas maganda ang kanilang kalagayan kaysa ibang mga mag-asawa na kayang maging mga magulang ngunit tinanggihan at buong kasakimang iniwasan ang responsibilidad na iyon.

Sinabi ko sa kanilang, “Kahit paano gusto ninyong magkaanak, at ang hangaring iyan ay makabubuti sa inyo sa inyong buhay sa lupa at sa kabila, dahil magdudulot ito ng espirituwal at emosyonal na katatagan. Sa huli, mas maigi ito para sa inyo dahil nais ninyong magkaanak pero hindi kayo magkaroon ng mga ito, kumpara sa mga taong kayang magkaanak ngunit ayaw nilang magkaroon ng mga anak.”

Ang iba ay hindi pa rin nagpapakasal at dahil dito’y wala pa silang anak. Ang ilan, dahil sa mga kalagayan na hindi nila kayang kontrolin, ay nagpapalaki ng mga anak bilang nag-iisang magulang. Ang mga ito ay pansamantalang kalagayan. Doon sa kawalang-hanggan—hindi palaging sa mortalidad—ang mabubuting hangarin at pangarap ay matutupad.

“Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.”3

Ang mahalagang mithiin ng lahat ng aktibidad sa Simbahan ay na ang isang lalaki at ang kanyang asawa at kanilang mga anak ay maging maligaya sa tahanan, protektado ng mga alituntunin at batas ng ebanghelyo, ligtas na ibinuklod sa mga tipan ng walang hanggang priesthood. Dapat maunawaan ng mga mag-asawa na ang kanilang unang tungkulin—kung saan hindi sila kailanman mare-release—ay sa isa’t isa at pagkatapos ay sa kanilang mga anak.

Isa sa mga pinakamagandang tuklas ng pagiging magulang ay ang higit nating natututuhan kung ano ang talagang mahalaga mula sa ating mga anak kaysa natutuhan natin mula sa ating mga magulang. Nakikilala natin ang katotohanan sa propesiya ni Isaias na “papatnubayan sila ng munting bata.”4

Sa Jerusalem, “[Pinalapit ni Jesus] sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,

“At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

“Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.”5

“Sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka’t sa mga ganito ang kaharian ng langit.

“At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.”6

Mababasa natin sa Aklat ni Mormon ang pagbisita ni Jesucristo sa Bagong Daigdig. Pinagaling at binasbasan Niya ang mga tao at inutusan na dalhin ang kanilang maliliit na bata sa Kanya.

Itinala ni Mormon, “Inilapit nila ang kanilang maliliit na anak at inilapag sa lupa na nakapalibot sa kanya, at si Jesus ay tumayo sa gitna; at ang maraming tao ay nagbigay-daan hanggang sa ang lahat ay madala sa kanya.”7

Pagkatapos ay inutusan Niya ang mga tao na lumuhod. Habang nakapalibot sa Kanya ang mga bata, ang Tagapagligtas ay lumuhod at nag-alay ng panalangin sa ating Ama sa Langit. Pagkatapos ng panalangin, tumangis ang Tagapagligtas, “at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.

“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis.”8

Nauunawaan ko ang nadama ng Tagapagligtas sa mga bata. Napakaraming matututuhan sa pagsunod sa Kanyang halimbawa ng pananalangin para sa, pagbabasbas, at pagtuturo sa “mga musmos na iyon.”9

Ako ay pang-10 sa 11 magkakapatid. Batay sa nalalaman ko, ang tatay ni ang nanay ko ay hindi nagkaroon ng mataas na katungkulan sa Simbahan.

Ang aming mga magulang ay tapat na naglingkod sa kanilang pinakamahalagang tungkulin—bilang mga magulang. Pinamunuan ng aming ama ang aming tahanan sa kabutihan, hindi sa pamamagitan ng galit o takot. At ang mabisang halimbawa ng aming ama ay nagampanang mabuti sa pamamagitan ng magiliw na payo ng aming ina. Ang ebanghelyo ay malakas na impluwensya sa buhay ng bawat isa sa amin sa pamilya Packer at sa kasunod na henerasyon at sa mga sumunod pa, ayon sa aming namasdan.

Sana ay masabing kasingbuti ako ng aking ama. Bago ko marinig ang mga salitang “mabuting gawa” mula sa aking Ama sa Langit, sana ay marinig ko muna ito mula sa aking ama sa lupa.

Maraming beses akong naguluhan kung bakit dapat akong tawaging Apostol at pagkatapos ay bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa kahit na nagmula ako sa isang tahanan kung saan ang ama ay masasabing hindi gaanong aktibo. Hindi lamang ako ang miyembro ng Labindalawa na ganyan ang karanasan.

Sa huli, nakikita at nauunawaan ko na marahil dahil sa kalagayang iyon kung kaya’t ako’y tinawag. At nauunawaan ko kung bakit sa lahat ng ginagawa natin sa Simbahan ay kailangang ituro natin ang daan bilang mga lider, para ang mga magulang at mga anak ay magkasama-sama bilang isang pamilya. Dapat maging maingat ang mga lider ng priesthood at gawing pampamilya ang Simbahan.

Napakaraming bagay tungkol sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo na hindi masusukat ng bagay na nabibilang o nailalagay sa talaan ng dumadalo. Abala tayo sa mga pagtatayo ng gusali at badyet at programa at mga pamamaraan. Sa paggawa nito, posibleng makaligtaan ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Madalas may lumalapit sa akin at nagsasabing, “President Packer, hindi po ba maganda kung … ?”

Karaniwan ay pinatitigil ko sila at sinasabing hindi, dahil baka ang maging kasunod ay isang bagong aktibidad o programa na magiging pabigat sa panahon at pananalapi ng pamilya.

Ang oras ng pamilya ay sagradong oras at dapat mapangalagaan at igalang. Hinihikayat namin ang ating mga miyembro na magpakita ng katapatan sa kanilang mga pamilya.

Noong bagong kasal pa lang kami, nagpasiya kaming mag-asawa na tanggapin ang mga anak na ibibigay sa amin kaakibat ang responsibilidad na may kaugnayan sa kanilang pagsilang at paglaki. Dumating ang oras na bumuo na sila ng kani-kanilang pamilya.

Dalawang beses sa aming pagsasama, nang isilang ang dalawa sa aming mga anak na lalaki, may doktor na nagsabi sa aming, “Sa palagay ko hindi mabubuhay nang matagal ang anak ninyong ito.”

Sa kapwa pagkakataon ay sinabi naming ibibigay namin ang aming buhay mabuhay lamang ang aming munting anak. Sa gayong pag-aalok, napag-isip namin na ganito rin ang pagmamahal na nadarama ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin. Napakakahanga-hangang isipin.

Ngayon sa dapit-hapon ng aming buhay, nauunawaan namin ni Sister Packer at may patotoo kami na ang mga pamilya ay magkakasama-sama magpakailanman. Habang sinusunod natin ang mga tipan at ipinamumuhay ang ebanghelyo nang lubusan, tayo ay poprotektahan at babasbasan. Sa aming mga anak at mga apo at ngayon mga apo-sa-tuhod, dalangin namin na ang aming lumalaking pamilya ay magkaroon ng gayunding katapatan sa mahal na mga musmos na iyon.

Mga ama at ina, sa susunod na kakalungin ninyo ang isang bagong silang na sanggol, mas mauunawaan ninyo ang mga hiwaga at mga layunin ng buhay. Mas mauunawaan ninyo kung bakit ganito ngayon ang Simbahan at kung bakit ang pamilya ang pangunahing organisasyon sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Nagpapatotoo ako na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo, na ang plano ng pagtubos, na tinatawag na plano ng kaligayahan, ay isang plano para sa mga pamilya. Dalangin ko na nawa’y pagpalain ang mga pamilya ng Simbahan, ang mga magulang at mga anak, na ang gawaing ito ay sumulong gaya ng balak ng Ama. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.