Talagang Mahal Niya Tayo
Dahil sa huwaran ng pamilya na nagmula sa langit, mas ganap nating nauunawaan kung paano tayo minamahal ng Ama sa Langit nang pantay-pantay at lubusan.
Gustung-gusto kong makasama ang mga full-time missionary. Puspos sila ng pananampalataya, pag-asa, at tunay na pag-ibig sa kapwa-tao. Ang kanilang karanasan sa misyon ay parang isang buong buhay na naganap sa loob ng 18 hanggang 24 na buwan. Dumating sila sa misyon na parang mga espirituwal na sanggol na sabik matuto, at umuuwi sila na husto na ang isipan, handang lupigin ang anuman at lahat ng hamong nakakaharap nila. Mahal ko rin ang matatapat na senior missionary, na puno ng tiyaga, karunungan, at panatag na katiyakan. Hatid nila ay kaloob na katatagan at pagmamahal sa masisiglang misyonerong nakapaligid sa kanila. Kapag nagkasama ang mga misyonero at senior couple, sila ay makapangyarihan, malakas na puwersa sa kabutihan, na may matinding epekto sa kanilang buhay at sa mga taong naaantig sa kanilang paglilingkod.
Kamakailan ay pinakinggan ko ang dalawa sa magigiting na misyonerong ito habang ikinukuwento ang kanilang mga karanasan at pagsisikap. Sa sandaling iyon ng pagmumuni ay inisip nila ang mga taong pinuntahan nila sa araw na iyon, na ang ilan ay mas madaling tumugon kaysa sa iba. Habang pinag-iisipan ang mga sitwasyon, itinanong nila, “Paano natin matutulungang magkaroon ng hangarin ang bawat tao na makaalam pa tungkol sa Ama sa Langit? Paano natin sila tutulungang madama ang Kanyang Espiritu? Paano natin sila tutulungang malaman na mahal natin sila?”
Para kong nakinita ang dalawang binatang ito tatlo o apat na taon pagkatapos nilang magmisyon. Nakinita ko na natagpuan nila ang kanilang makakasama nang walang hanggan at naglilingkod sila sa elders quorum o nagtuturo sa isang grupo ng mga binatilyo. Ang mga tanong na itinatanong nila para sa kanilang mga investigator ngayon, ay siya ring mga tanong na itinatanong nila para sa mga miyembro ng kanilang korum o sa mga binatilyong pinaaaruga sa kanila. Nakita ko kung paano nagsisilbing huwaran ang kanilang karanasan sa misyon sa pangangalaga sa iba habang sila ay nabubuhay. Sa pagbabalik ng hukbong ito ng mga matwid na disipulo mula sa kanilang misyon sa mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, nagiging malaking tulong sila sa pagtatatag ng Simbahan.
Maaaring pinagninilayan din ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Lehi ang mga itinanong ng mga misyonerong ito nang pakinggan niya ang tugon ng kanyang mga anak sa patnubay at pangitaing ibinigay sa kanya: “At sa gayon sina Laman at Lemuel, na mga nakatatanda, ay bumulung-bulong laban sa kanilang ama. At sila ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila” (1 Nephi 2:12).
Marahil ay nadama na nating lahat ang kabiguang nadama ni Lehi sa dalawang panganay niyang anak. Sa pagharap natin sa batang napalayo sa katotohanan, sa investigator na ayaw pang tanggapin ang ebanghelyo, o sa magiging elder na ayaw kumilos, nasasaktan ang ating puso na tulad ni Lehi at itinatanong natin, paano ko sila matutulungang madama at mapakinggan ang Espiritu upang hindi sila makilahok sa mga makamundong gambala? Dalawang talata sa banal na kasulatan ang namukod-tangi sa isipan ko na makakatulong na malagpasan natin ang mga gambalang ito at madama natin ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos.
Binuksan ni Nephi ang pintuan ng pagkatuto sa pamamagitan ng kanyang sariling karanasan: “Ako, si Nephi, … ay may matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw Niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama; anupa’t ako ay hindi naghimagsik laban sa kanya na tulad ng aking mga kapatid” (1 Nephi 2:16).
Ang pagpukaw sa hangaring makaalam ay nagbibigay sa atin ng espirituwal na kakayahang marinig ang tinig ng langit. Ang maghanap ng paraan na mapukaw at mapalago ang hangaring iyon ang mithiin at responsibilidad ng bawat isa sa atin—mga misyonero, magulang, guro, lider, at miyembro. Kapag nadama nating namumuo ang hangaring iyon sa ating puso, handa na tayong makinabang sa matututuhan natin mula sa ikalawang talatang nais kong banggitin.
Noong Hunyo ng 1831, nang tawagin ang mga lider ng Simbahan noong araw, sinabihan si Joseph Smith na “si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot [na] nililinlang ang mga bansa.” Upang mapaglabanan ang nakagagambalang impluwensyang ito, sinabi ng Panginoon na bibigyan Niya tayo ng “isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi [tayo] malinlang” (D at T 52:14).
Ang mga huwaran ay mga paggagayahan, mga gabay, paulit-ulit na mga hakbang, o mga landas na sinusundan ng isang tao para manatiling nakaayon sa layunin ng Diyos. Kung susundin natin ang mga ito, mananatili tayong mapagpakumbaba, nakamasid, at mahihiwatigan natin ang tinig ng Banal na Espiritu mula sa mga tinig na gumagambala at umaakay sa atin palayo. Pagkatapos ay itinuro sa atin ng Panginoon, “Siya na nanginginig sa ilalim ng aking kapangyarihan ay gagawing malakas, at magdadala ng bunga ng papuri at karunungan, alinsunod sa mga paghahayag at katotohanan na aking ibinigay sa inyo” (D at T 52:17).
Ang pagpapala ng abang panalangin, na inialay nang may tunay na layunin, ay nagtutulot sa Banal na Espiritu na antigin ang ating puso at tinutulungan tayong maalala ang batid na natin bago pa tayo isinilang sa mortal na buhay na ito. Kapag malinaw nating naunawaan ang plano ng ating Ama sa Langit para sa atin, sinisimulan nating tanggapin ang responsibilidad nating tulungan ang iba na matutuhan at maunawaan ang Kanyang plano. Malapit na kaugnay ng pagtulong sa iba na makaalala ang paraan ng ating pamumuhay at pagsunod sa ebanghelyo. Kapag talagang ipinamuhay natin ang ebanghelyo ayon sa huwarang itinuro ng Panginoong Jesucristo, nag-iibayo ang kakayahan nating tulungan ang iba. Ang sumusunod na karanasan ay isang halimbawa kung paano mapagsisikapan ang alituntuning ito.
Dalawang batang misyonero ang kumatok sa isang pinto, na umaasang makahanap ng isang taong tatanggap sa kanilang mensahe. Bumukas ang pinto, at isang malaking lalaki ang bumati sa kanila nang padabog: “Di ba sabi ko huwag na kayong kakatok ulit sa pinto ko. Binalaan ko na kayo na kung bumalik pa kayo, may mangyayaring hindi ninyo magugustuhan. Kaya lubayan na ninyo ako.” Mabilis nitong isinara ang pinto.
Habang papalayo ang mga elder, inakbayan ng nakatatanda at mas bihasang misyonero ang nakababatang misyonero para aluin at palakasin ang loob nito. Hindi nila alam na nakamasid sa kanila ang lalaki sa bintana upang matiyak na naunawaan nila ang sinabi niya. Lubos niyang inasahan na makikita niya silang magtatawanan at magbibiruan tungkol sa walang-galang niyang tugon sa tangka nilang pagdalaw. Gayunman, nang makita niya ang kabaitan ng dalawang misyonero sa isa’t isa, biglang lumambot ang puso niya. Muli niyang binuksan ang pinto at pinabalik ang mga misyonero at ipinabahagi ang kanilang mensahe sa kanya.
Kapag nagpailalim tayo sa kalooban ng Diyos at sinundan natin ang Kanyang halimbawa, madarama natin ang Kanyang Espiritu. Itinuro ng Tagapagligtas, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:35). Ang alituntuning ito ng pagmamahal sa isa’t isa at pagkakaroon ng kakayahang magtuon kay Cristo sa ating pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos ay mahalaga sa pagiging mga disipulo ni Cristo at mga tagapagturo ng Kanyang ebanghelyo.
Ang pagpukaw sa hangaring ito ay inihahanda tayong hanapin ang ipinangakong mga huwaran. Ang paghahanap sa mga huwaran ay umaakay sa atin sa doktrina ni Cristo na itinuro ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta. Isang huwaran ng doktrinang ito ang magtiis hanggang wakas: “At pagpalain sila na mga maghahangad na maitatag ang aking Sion sa araw na yaon, sapagkat mapapasakanila ang kaloob at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo; at kung sila ay makapagtitiis hanggang wakas sila ay dadakilain sa huling araw, at maliligtas sa walang hanggang kaharian ng Kordero” (1 Nephi 13:37).
Ano ang sukdulang paraan para matamasa natin ang kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo? Ito ay ang kapangyarihang dumarating sa pagiging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Ito ay ang ating pagmamahal sa Kanya at sa ating kapwa-tao. Ang Tagapagligtas ang nagpaliwanag sa huwaran ng pagmamahal nang ituro Niya sa atin, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34).
Pinagtibay ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang alituntuning ito nang sabihin niyang: “Ang ibigin ang Panginoon ay hindi lamang isang payo; hindi lamang ito paghahangad ng kabutihan ng iba. Ito ay isang kautusan. … Pagmamahal sa Diyos ang ugat ng lahat ng kabanalan, kabutihan, katatagan, at katapatang gawin ang tama” (“Words of the Living Prophet,” Liahona, Dis. 1996, 8).
Nakasaad sa plano ng Ama ang huwaran ng pagsasamahan sa pamilya upang tulungan tayong matutuhan, maipamuhay, at maunawaan ang kapangyarihan ng pagmamahal. Noong araw na mabuo ang sarili kong pamilya, nagtungo kami ng mahal kong si Ann sa templo at pumasok kami sa tipan ng kasal. Akala ko mahal na mahal ko na siya noong araw na iyon, ngunit nakita ko pa lang pala ang kahulugan ng pagmamahal. Nang isa-isang magdatingan ang mga anak at apo sa buhay namin, lumawak ang aming pagmamahal sa bawat isa sa kanila nang pantay-pantay at lubusan. Tila walang hangganan ang lumalagong kakayahang magmahal.
Ang damdamin ng pagmamahal mula sa ating Ama sa Langit ay parang humahatak na puwersa mula sa langit. Kapag inalis natin ang mga gambalang humihila sa atin na maging makamundo at ginamit natin ang ating kalayaang hanapin Siya, binubuksan natin ang ating puso sa isang selestiyal na puwersang humahatak sa atin palapit sa Kanya. Inilarawan ni Nephi ang tindi ng hatak nito na “hanggang sa madaig ang [kanyang] laman” (2 Nephi 4:21). Ang kapangyarihang ito ng pagmamahal ang sanhi ng pag-awit ni Alma ng “awit ng mapagtubos na pag-ibig” (Alma 5:26; tingnan din sa talata 9). Inantig nito si Mormon kaya niya tayo pinayuhang “manalangin … nang buong lakas ng [ating] puso” upang mapuspos tayo ng Kanyang pag-ibig (Moroni 7:48).
Ang makabago at sinaunang banal na kasulatan ay kapwa puno ng mga paalala ng walang-hanggang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Tiwala ako na palaging nakaunat ang mga bisig ng ating Ama sa Langit, laging handang yakapin ang bawat isa sa atin at sabihin sa bawat isa sa tahimik at nanunuot na tinig na, “Mahal kita.”
Dahil sa huwaran ng pamilya na nagmula sa langit, mas ganap nating nauunawaan kung paano tayo minamahal ng Ama sa Langit nang pantay-pantay at lubusan. Pinatototohanan ko na ito ay totoo. Kilala at mahal tayo ng Diyos. Inilarawan Niya sa atin ang Kanyang banal na lugar at tumawag siya ng mga propeta at apostol upang ituro ang mga alituntunin at huwarang magbabalik sa atin sa Kanya. Kapag sinikap nating pukawin sa ating sarili at sa iba ang hangaring makaalam at ipinamuhay natin ang mga huwarang natutuklasan natin, mapapalapit tayo sa Kanya. Pinatototohanan ko na si Jesus ang mismong Anak ng Diyos, ang ating Huwaran, ang ating pinakamamahal na Manunubos, at sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.